HINDI namalayan ni Delilah na nasa kaloob-looban na siya ng kagubatan. Nawili siya sa pangangabayo. Napakaganda kasi ng panahon at malamig sa kagubatan. Bumaba siya sa kabayo at itinali ito sa isang malaking puno.
May nakita siyang puno ng bayabas sa gubat habang naglalakad siya. Ito’y hitik sa bunga. Matagal na siyang hindi nakatitikim ng bayabas kaya naman natakam siya nang makita ang hinog na prutas.
Maingat niyang inakyat ang puno ng bayabas at pumitas ng hinog na bunga. Sa kasamaang palad, nabitawan niya ang pinitas na prutas.
Hindi niya itinuloy ang pamimitas ng prutas nang may pumukaw sa kanyang atensyon.
He's an Adonis! Pakiramdam niya'y nagwala ang kanyang puso nang makita ang lalaki.
Nagtago siya sa likod ng mga sanga ng puno ng bayabas, kung saan palihim niyang pinagmamasdan ang lalaki na tila nahihirapang maglakad. Ang malapad nitong dibdib at namumutok na mga masel sa braso ay tila sadyang nilikha ng isang bihasang iskultor. Patuloy niya itong pinagmasdan. Nasugatan siguro ang bukung-bukong dahil paika-ika sa paglalakad, naisip niya.
Hindi niya inaasahan na sa kanyang unang araw ng paglalakbay mag-isa, ang lalaking ito ang una niyang makikita sa kagubatan.
Napasinghap si Delilah nang makitang natisod ang lalaki, napaluhod. Dahil nasaktan, marahas itong umungol, dahilan para lumipad ang mga ibon.
Hindi nagdalawang-isip na bumaba siya mula sa puno at inilapat ang mga paa sa madamong lupa na ilang metro lang ang layo sa lalaki.
Naramdaman siguro ng lalaki ang presensya niya dahil nag-angat ito ng mukha, ang mga mata nito’y parang malalim na tubig sa karagatan ay nanlaki sa alarma. Pero saglit lang iyon, dahil lumambot agad ang mukha nito.
“Aren't you a lovely sight?”
Naramdaman niyang nagtayuan ang kanyang mga balahibo sa katawan nang magsalita ang lalaki. Bukod sa makisig na pangangatawan, may taglay din itong magandang tinig. Buong-buo at malagom. Lalaking-lalaki. ‘Yong boses na pang-romansa at mag-iinit ang sinumang babaeng makaririnig sa boses pa lang.
Lumunok ang dalaga upang alisin ang anumang nakaharang sa kanyang lalamunan, nakahanap ng lakas ng loob sa nakahalukipkip niyang mga braso. “Ako si Delilah De Luna,” pakilala niya sa sarili. “Kailangan mo ba ng tulong?”
Nakita niya ang pagkagulat sa mukha nito.
“Delilah.” Nilaro nito sa dila ang salita nang may sensual twist, na nagpasiklab ng init sa loob ng kanyang sikmura. “I am Beau.”
Napalunok si Delilah at humakbang pasulong. Hindi pa siya naging ganito kalapit sa isang estranghero. “Masakit ba ang paa mo?”
Tumango ito, saka bumangon nang napakagat-labi. Magiliw nitong itinaas ang isang paa at sinubukan na ipakita sa kanya.
“I can help you.” Humakbang muli ang dalaga, sa pagkakataong iyon ay palapit kay Beau, the scent of salt and something else—something wild–an earthy scent swirled around him—na kumikiliti sa kanyang ilong.
Nagtaas ng kilay si Beau, pero sumandal sa balikat niya. Ang bigat at lakas nito’y higit pa sa inaakala niya. Inalalayan niya itong lumakad nang papilay-pilay patungo sa puno ng bayabas.
“I thank you,” sabi ni Beau, pabagsak itong umupo sa lupa. Hinubad nito ang pang-itaas na saplot at ginamit pamunas sa pawisang mukha.
Inalis ni Delilah ang kanyang tingin mula sa matitigas na kurba ng dibdib ng lalaki, kung saan halos walang buhok na tumatakip sa balat. Nabighani siya. Nangangati ang kanyang mga daliri na hawakan ang malapad na likod nito.
Bigla siyang natigilan.
Ano ang ginagawa ng lalaking ito sa sakop ng kanilang asyenda?
“Ano’ng ginagawa mo sa aming lupain?” walang ngiting tanong niya. Pilit niyang tinatakpan ang kakaibang kiliti na biglang umusbong sa loob ng kanyang katawan.
“Lupain?” seryosong baling nito sa kanya. “I’m sorry. Hindi ko akalaing sakop pa pala ito ng asyenda ng mga De Luna.”
“Ngayong alam mo na’y puwede mo na bang sagutin ang tanong ko?”
Natigilan ito, waring nag-iisip nang isasagot. “Galing ako sa kabilang bayan. Nag-rent ako ng kabayo at ginamit ko sa pamamasyal. Biglang umalma ang kabayong sinasakyan ko nang may lumitaw na ahas sa paanan nito. Hindi ko alam kung saan ako dinala ng kabayo, dahil sa bilis, nabitiwan ko ang renda at nahulog ako sa damuhan.”
Napansin ng dalaga ang butil-butil na pawis sa noo ng lalaki. May iniinda itong masakit ngunit pilit itinatago. Lumuhod siya at sinuri ang paa nito. Nabahala siya nang makitang namumula at namamaga iyon.
Marahas itong napaungol nang sinubukan niyang hawakan ang bukong-bukong nito.
“Please be gentle, young lady. The pain is killing me!" mariin nitong sabi habang umuungol sa sakit. Hinigpitan din nito ang pagkakahawak sa T-shirt na hinubad.
Maaaring nagdulot ng ankle sprain ang pagkahulog nito. May sakit na nararamdaman dahil mas nagiging sensitibo ang nerves. Kapag pinisil ng daliri ang bahaging namamaga, lalo itong sumasakit, gayundin kapag ginagalaw ang paa.
“R-I-C-E.”
“Kanin?” Sumimangot ang mukha ni Beau sa sinabing ‘yon ng dalaga.
Nagpakawala ng buntong-hininga si Delilah. “Rest, ice, compression, at elevation ang pinakamabisang first aid kapag tayo ay natapilok,” paliwanag niya. “Kapag natapilok, litid ang napipinsala. Pero namamaga ang paa mo kaya kailangang madala ka sa emergency room para magkaroon ng mga paunang lunas, at saka paunang eksaminasyon tulad ng x-ray.”
“Bakit kailangan kong magpatingin sa doktor kung pwede naman gawin ang first aid?”
“Dapat tiyakin na walang mga buto ang apektado.” Tumayo siya. “Dito ka lang at kukunin ko ang dala kong kabayo. Dadalhin kita sa pinakamalapit na ospital sa kabilang bayan.”
“Kailangan ko pang hanapin ang kabayong ginamit ko.”
Nagtaas siya ng kilay at hinagod niya ito ng tingin. “Tignan mo ang iyong sarili,” sikmat niya rito. “Nahihirapan ka nang maglakad, gusto mo pang hanapin ang kabayo. Marami kaming tauhan sa asyenda, sila nang bahalang maghanap sa kabayo mo.”
Tumalikod si Delilah. Hindi na niya hinayaang magsalita ang lalaki. Bumalik siya sa malaking puno kung saan niya itinali si Hunter. Nanginginain ng damo ang kabayo nang makita niya ito.
Hinila ng dalaga ang kabayo at binalikan ang lalaki sa puno ng bayabas kung saan niya ito iniwan.
“Beau, kaya mo bang tumayo? Kailangang makasakay ka sa kabayo at nang madala na kita sa pagamutan.”
Umiling si Beau. Hindi na maipinta ang mukha. “Kumikirot ang bukung-bukong ko kapag ginagalaw ang paa ko.”
Ikinawing ng dalaga ang isang braso ng lalaki sa kanyang batok at inalalayang makatayo. Halos pakaladkad niya itong inakay papunta sa kabayo at tinulungang makasakay. Hirap na hirap siya dahil napakabigat ng lalaki. Malaking bulas ang pangangatawan nito.
Sumakay si Delilah sa kabayo sa bandang likuran ni Beau at pinatakbo ang kabayo palabas ng kagubatan.