"People leave, but memories remain. The mind forgets, but the heart remembers. Time fleets, but my love for him does not waver."
Araw ng Sabado. Napag- desisyunan ko na umuwi muna sa Sangay. Dahil na rin sa homesickness, nagpasama nga ako sa kaibigan kong si Denisse.
Habang kumakain kami ng hapunan sa bahay, isang malaking balita ang nalaman ko mula kay Drake.
*flashback*
"Kuya, sakto. May biglaang reunion ata sila sa family house nila. Nandyan silang lahat eh," ito ang sabi ni Drake na biglang nagpahinto sa pagkain ko.
Napakunot ang noo ko.
"Silang lahat. Pati mga pinsan ni Denisse?" pang- uusisa ko.
"Opo. At kung gusto mong tanungin, nandyan din si kuya Nat," saad ni Drake.
*end of flashback*
Nang narinig ko ang balitang ito mula kay Drake ay tila may nabuhay sa aking pagkatao. Isang pakiramdam na matagal ko nang kinalimutan. Isang pangalang matagal ko nang ibinaon sa limot. Subalit bakit sa tuwing pinipilit natin ang ating isipan na kalimutan ang isang tao, pilit naman itong pinapaalala sa atin ng ating puso?
Hindi ko mawari kung ano ang aking nararamdaman noong sandaling nalaman ko na nandito sa Sangay si Nathan. Bumilis ang aking pagsubo sa pagkain na tila bigla akong ginanahan. Ilang taon ko ring hinintay na muli siyang makausap. At ito na iyon.
Pagkatapos kong kumain ay tumayo na ako at umalis sa harap ng hapagkainan. Binuksan ko ang aking cellphone at binuksan ang chathead namin ni Denisse.
"Denisse?"
Ito ang paunang tanong ko sa kaibigang parang kanina lang ay pinagseselosan ko kay Philip. Nakita kong on line siya sa kaya naman hindi ako mapakali sa kakahintay sa kanyang reply.
Nakatutok ako sa aking cellphone at umaasang magrereply siya agad.
"Bakit, Kob?" reply niya.
Hindi na ako nagsayang ng oras at nag- reply ako kaagad sa kanya.
"May reunion kayo?"
Hays! Bakit ba hindi ko diretsong maitanong sa kanya ang nais kong tanungin? Nandyan ba si Nathan? Oh diba. Ang dali lang naman?
"True! Nagulat ako sa biglaang reunion. Kanina pa pala tumatawag si mama sa isang number ko eh nasa isang phone ko 'yun. Hehe," sabi ni Denisse.
Totoo nga. May reunion sila. At kung may reunion man ang family nila, baka totoo ngang nandito sa bayan namin si Nathan!
Kumalma ka, Kob.
Kalma.
"Ah? Ganun ba? Nandyan kayong lahat? Si Nathan, nandyan din?"
...
Hindi ko na tinanggal pa ang aking paningin sa chat namin ni Denisse.
Si Denisse ay pinsang buo ni Nathan. Yug nanay Klarisse ay kapatid ng tatay ni Nat. Alam ni Denisse ang kwento namin ni Nat. Saksi siya noong mga High School pa lamang kami. Tuwing tumatakas si Nat noon para pumunta sa tambayan naming burol ay pinagtatakpan siya ni Denisse para hindi siya mapagalitan. Nakakatawa pa nga dahil noong mga bata pa kami ay naglaro pa kami ng kasal- kasalan. Kaming dalawa ni Nat ang kinasal sa laro naming ito.
...
Ang tagal namang mag- reply ni Denisse! Ilang minuto pa akong naghintay at lalong nainis nang makita kong:
"Active 2 minutes ago"
Hays! Nakakainis naman! Hindi na ba naalala ni Denisse ang kahapon naming nagdaan ni Nat? Nandun siya noon. Alam niyang gusto ko na si Nat noon pa man at supportive naman siya noon.
Pagkatapos ng ilang oras kong paghihintay sa reply ni Denisse, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Isang mahimbing na tulog na may nabuhay na pag- asa dahil makikita ko nang muli si Nat.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay alas- 5 na ng umaga. Mabilis kong hinanap kung nasaan ang aking cellphone upang i- check kung nag- reply na ba si Denisse. At sa kasamaang palad, hindi pa. Ano na bang nangyari sa babaeng ito?
Tumayo na ako at pumunta sa banyo upang maligo. Pagkatapos maligo ay umalis ako sa bahay at naglakad papunta sa isang pamilyar na lugar, sa aming pangalawang tahananan kung saan sumibol ang pag- iibigan ng isang lalaki at isang bakla.
May kalayuan din ang burol na aking pupuntahan at habang naglalakad ako ay unti- unti ko nang nasisilayan ang pag-sikat ng araw. Tumingala ako sa sumisikat na haring araw at bigla na lamang napangiti. Katulad ng pagsikat ng araw, lumubog man ang aming pag- iibigan ni Nat ay kusa rin itong sisikat muli. At ngayong araw, malay ko ba, baka ito na ang araw na magpapatunay dito.
Dahan- dahan akong naglalakad patungong tambayan namin ni Nat. Matagal na rin nang huli ko itong binisita. Nang maakyat ko ang tuktok ng burol ay sinalubong ako ng malamig na simoy ng hangin na tila bang miss na miss ako. Sa harap ko ay nakatayo ang isang magiting na puno ng Narra na saksi sa pag- iibigan namin ni Nat. Humakbang ako papalapit dito at hinawakan ang nakaukit na pangalan namin ni Nat sa katawan nito.
"KobNat"
Ilang taon na ang lumipas. Ilang bagyo na ang dumaan. Pero ang puno ng Narra na ito ay nananatiling nakatayo at matatag. Ang malalim na pagkaka-ukit sa pangalang KobNat ay tanda ng malalim kong pag- ibig kay Nat.
Umupo ako sa ilalim ng puno ng Narra at pinagmamasdan ang mga punong nasa ibaba ng burol. Madilim pa nang pumunta ako rito pero ngayon ay maliwanag na rin ang paligid. Ngunit habang lumiliwanag ang paligid ay siya namang pagdilim at paglabo ng aking pakiramdam kay Phil na karelasyon ko ngayon.
Tulala ako at hindi alam kung tama ba ang nararamdaman ko. Pati ako ay naguguluhan sa aking sarili. Nitong nakaraang linggo, naging territorial ako kay Phil. Ni ayaw kong magkita sila ni Denisse. Pero nang marinig kong nagbalik na rito sa Sangay si Nat ay tila nabaliw akong muli.
Oo. Nalilito ako. Kasabay ng paghampas ng hangin sa aking katawan ay ang paghampas din ng katotohanan sa akin.
Bakit ganito ang nararamdan ko? Tama bang ninanais kong makitang muli si Nat kahit na mayroon na akong Phil? Tama lang bang gusto kong mayakap muli si Nat kahit na yakap-yakap ako ni Phil? Nagi- guilty ako pero hindi ko alam kung paano pigilin ang aking sarili gayong puso ko na mismo ang nag-utos sa aking mga paa na pumunta sa tambayanan namin ni Nat.
Dati, akala ko ay magulo na nang dumating muli si Denisse sa buhay namin ni Phil. Pero ngayon, tila mas gumulo dahil alam kong buhay nga si Nat at nandito siya.
Sumandal ako sa puno ng Narra at parang tangang nagtanong dito.
"Mali bang bumalik ako dito?"
Ilang segundo lamang ang lumipas nang may narinig akong yabag ng mga sapatos. At... biglang may sumagot. Boses ng isang lalaki. Boses na matagal ko nang hindi naririnig ngunit markadong markado sa aking pandinig.
"Mali dahil?"
Ito ang tanong ng lalaking umupo sa aking tabi. Hindi ako nakaimik at tila akong yelong unti- unting natutunaw sa tabi ng taong tatlong taon kong hindi nakita.
Tumingin ako sa lalaking nasa tabi ko ngayon upang tiyakin na siya nga. At siya nga!
Si Nat.
Sa puntong ito ay gusto kong sampalin ako ng hangin at tadyakan ng Narra upang masigurong hindi ako nananaginip.
Tinitigan ko siya. Hindi ako makapaniwalang katabi ko na siya ngayon. Mas mature na siya sa itsura niya ngayon dahil na rin sa maninipis niyang bigote. Mapula pa rin ang kanyang labi at mapupungay ang kanyang mga mata. Bagamat marami na rin ang nagbago sa kanyang pisikal na anyo, nais kong maniwala na siya pa rin si Nat na minahal ko dati. Siya pa rin ang lalaking kasama kong nag- ukit ng aming mga pangalan sa puno ng Acasia.
Habang tinititigan ko siya nilabanan niya ako sa titig niyang dahilan ng panghihina ko tuwing nakikita ko siya noon pa man. Pero sa pagkakataong ito, nanumbalik ang sakit na nadama ko tatlong taon na ang nakalipas. Nanumbalik ang ala- ala noong umiiyak ako sa gitna ng kalsada at hinuhugasan ng ulan ang aking mga luha habang pinagmamasdan ang paglisan niya nang walang paalam. Sa maraming mga katungan na mayroon ako ngayon, bigla na lamang gumulong ang luha ko sa aking pisngi.
Nang nakita niyang naluha ako, kumunot ang kanyang noo at nag- wika.
"Kob, okay ka lang?"