Nang makarating sila KJ sa kanilang bahay ay agad silang sinalubong ng mga kapit-bahay nila. Mabuti na lamang at naroon si Tyrone at ang nanay niya upang sawayin ang kanilang mga tsismosang kapit-bahay. Mabilis silang pumasok sa loob ng bahay at agad na isinara ng ina ang pintuan at mga bintana.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko sa iyong bata ka e,” anang nanay niya matapos nitong maisara ang kanilang bintana.
“Kikay JR, sikat ka na!” nakangisi namang saad ng kaniyang kababata.
Nakatikim naman ito ng batok mula sa kaniyang ina na ikinatawa niya. Binelatan pa niya si Tyrone na kakamot-kamot ngayon ng ulo.
“O, hindi mo ba ipapakilala sa akin ang mamanugangin ko?” muling saad ng kaniyang ina.
“Nanay talaga!” sabi naman niya rito.
“O, e ‘di ba siya ang ama ng dinadala mong echas?” seryosong saad ng kaniyang nanay.
Hindi na niya napigilan ang kaniyang tawa kaya naman humalakhak siya nang malakas. Halos gumulong pa siya sa sahig katatawa dahil sa sinabing iyon ng kaniyang ina. Gayon din naman ang kaniyang kababatang si Tyrone na may pahampas-hampas pang nalalaman sa pader ng kanilang bahay.
“Huyyy! Tyrone baka naman magiba ang bahay namin sa paghampas mo riyan?” saway ng ina sa kababata.
“Nanay Kikay naman e! Legit talaga ang mga banat mo ‘nay!” sabi pa nito saka muling humalakhak.
“Ayan, ayan! Diyan kayo magaling na dalawa. Basta sa kalokohan first honor kayong dalawa!” anito sa kanila habang nakapamaywang.
Tumikhim naman siya saka nagsalita, “Game na kasi ‘nay!” sabi pa niya rito.
“Bakit naglalaro ba tayo? Hindi mo naman ako i-inform anak,” kunwa’y saad pa nito.
“Nay!” nakasimangot na niyang sabi sa kaniyang ina.
Ngumisi naman ito saka naupo sa kaniyang tabi. “Hijo, pasensiya ka na sa amin ha? Ganito lang talaga kami nitong mga anak ko. Bale ako nga pala ang biyenan mong hilaw. You can call me nanay Kikay or just plain nanay will do, ano?” pakilala pa nito kay Ron. Napahagikhik naman siya sa tabi nito. “O bakit ka tumatawa riyan?”
“Kasi ‘nay may pa-english ka pang nalalaman diyan, por que may ibang tao,” aniya rito.
Pinalo naman siya nito sa kaniyang hita. “Naku pagpasensiyahan mo na itong anak ko ha? Hindi kasi nakainom ng gamot e,” sabi pa nitong muli kay Ron.
“Okay lang po. Masasanay rin ho siguro ako sa kaniya,” sagot naman ni Ron sa kaniyang nanay.
“Naku, good luck sa iyo hijo. Ako nga’y namuti na lang lahat ng aking buhok, sa lahat ng parte ng katawan ko, dahil sa kasutilan ng batang ito. Kaya sana huwag mo nang ibabalik sa akin itong si Kaye ha?” pabirong sabi ng kaniyang ina.
Napangiwi naman si Ron sa sinabing iyon ng kaniyang ina kaya siya na ang nagsalita, bago pa kung anong kalokohan na naman ang masabi ng nanay niya.
“Naku, ‘wag kang masyadong nagpapaniwala rito sa nanay ko. Mapagbiro lang talaga ito.”
“Get your things para makaalis na tayo agad,” pabulong namang utos nito sa kaniya.
“Teka hijo, seryosong usapan, ano bang plano niyo nitong anak ko? Alam kong isang malaking palabas lang ang lahat ng ito. Pero siyempre gusto ko pa ring malaman ang mga bagay-bagay na magaganap sa pagitan niyo ni Kaye,” mahaba-habang saad ng kaniyang ina.
Umayos naman ng pagkakaupo si Ron saka tumingin sa kaniyang ina. “Ma’am...”
“Naku hijo, nanay na lang at hindi ako sanay ng mina-ma’am. Feeling ko kapag mina-ma’am ako ay gustong dumede nang tumatawag sa akin no’n. E alam mo naman tuyot na ang joga ko,” pabulong pangsaad nito kay Ron na muli nilang ikinatawa ni Tyrone.
“Kayong dalawa kanina pa kayo tawa nang tawa riyan. Mamaya isa sa inyo uutot na lang bigla!” sita pa nito sa kanilang magkaibigan.
“Ikaw naman kasi ‘nay e, kung ano-anong pinagsasasabi mo riyan kay Ron,” sagot naman niya rito. “Patapusin mo na kasi siya sa sinasabi niya,” sabi pa niya rito.
“Oo na. Sige hijo ituloy mo na ang sinasabi mo kanina. Basta walang ma’am, ma’am ha?” sabi pa nitong muli.
“Ahhh, iyon nga ho. Habang mainit pa ang issue tungkol sa amin ni KJ, gusto ko sanang sa condo ko muna siya titira kasama ako. After two months, babalik na rin ho sa normal ang lahat,” paliwanag nito sa kaniyang ina.
“Naku bakit naman two months lang anak? Sana hinabaan mo pa, gusto ko nga for life na e,” makulit na sabi pa ng kaniyang ina.
“Nay, grabe ka talaga sa akin, pero sige pa ituloy mo lang iyan,” nakangisi naman siyang saad dito.
“Lakas! Hooo!” sabat naman ni Tyrone na may dala ng inumin at miryenda. “Brad, magmiryenda ka muna bago ka matuyuan ng dugo sa mag-inang ito,” nakangising wika ni Tyrone kay Ron.
“Salamat,” matipid na sagot naman ni Ron sa kaniyang kababata.
“Nanay Kikay, pasensiya na po kayo at pati kayo ay nadadamay rito. Pero ipinapangako ko pong in two months maaayos na po namin ang gusot na ito,” magalang na saad ni Ron sa kaniyang ina.
“Nauunawaan ko hijo. Alam ko namang wala kang kasalanan dito, alam ko namang ang sutil kong anak ang may kagagawan ng lahat ng kaguluhang ito. Kaya naman ako ang dapat na humingi ng pasensiya sa iyo. Good luck talaga sa iyo anak, ngayon pa lang sinasabi ko nang habaan mo ang iyong pisi sa kaniya. Kulang kasi sa buwan iyang si Kaye no’ng isilang ko e.”
Akala pa naman niya ay seryoso na talaga ang kaniyang ina, iyon pala ay may paandar pa rin ito sa bandang dulo.
“Okay na ‘nay e, ayun na o!” Itinaas pa niya ang kaniyang kamay. “Tapos biglang may kakaibang banat ka na naman sa dulo ng dialogue mo e.” Napakamot pa siya sa kaniyang kilay matapos sabihin iyon sa kaniyang ina.
“Ahm, Ron, aayusin ko lang ang ilang mga gamit ko ha? Sana pagbalik ko hindi ka pa nasisiraan ng bait sa nanay ko,” nakangising paalam niya rito.
Tumango naman ito bilang tugon sa kaniya. Tinapik pa niya ang balikat nito saka siya tumayo at nagtungo sa silid nila ng kaniyang ina. Mabilis ang mga kilos niyang nag-empake ng kaniyang mga gamit. Nang matiyak niyang kumpleto na ang kaniyang mga gamit ay saka niya isinara ang kaniyang bag. Siya namang pasok ng kaniyang ina.
“Anak, magpapakabait ka roon ha? Ang gamot mo palagi mong iinumin, saka huwag kang uuwi ng walang laman iyang tiyan mo ha?” bilin ng kaniyang ina na ikinatawa naman niya.
“Nanay talaga. Babalik ako ng buong-buo ‘nay. Walang labis, walang kulang,” nakangiti niyang sambit sa kaniyang ina.
“Weeehhh? Talaga anak? Hindi ka magiging marupok sa kagaya ni Ron? Naku anak sa guwapo no’n, baka ikaw pa ang gumahasa sa kaniya. Kilala kita Kaye, ‘wag ako!” biro pa nito sa kaniya.
“Gusto mo ba ‘nay, ha?” ganting biro naman niya dito.
“Kurutin kita sa singit gusto mo?” Pinandilatan naman siya nito.
Sabi na nga ba niya e. Mapagbiro lang ang kaniyang ina, ngunit pagdating sa bagay na iyon ay talagang makakatikim siya rito ng hindi pa niya natitikman. Niyakap na niya ito at hinalikan sa pisngi ang kaniyang ina.
“Mother, promise magbe-behave po ako. Dalawang buwan lang naman e, saka kapag may time, dadalawin ko kayo rito ni Tyrone. Baka kasi mamaya inaalipusta mo na ang kaibigan ko,” nakangising saad niya rito. Kinurot naman siya nito sa kaniyang tagiliran na ikinahagikhik niya.
“Basta mag-iingat ka roon at magdarasal ka palagi. Sana maging maayos na agad ang lahat para makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay. Alam mo namang ayaw ko ng magulong buhay, kaya nga hindi ako pumasok sa showbiz e.” Natawa naman siya sa sinabing iyon ng kaniyang ina.
“Wow! Ganda ka girl?” aniya sa ina saka tiningnan ang mukha nito. Hinampas naman siya nito saka sila nagkatawanan.
“Naku halika na’t baka kung ano na ang pinagsasasabi ni Tyrone sa jowa mo. Baka mamaya ibinuko ka na niya kay Ron, ma-turn off agad sa iyo iyong batang iyon.” Lumabas na nga sila sa kanilang silid at nagtungo sa sala kung saan nila iniwan sina Ron at Tyrone.
“Basta brad, huwag mong masyadong pahihirapan si Kikay JR ha? Konti lang p’wede naman iyon, ‘wag lang labis,” narinig pa niyang bilin ni Tyrone rito.
“Ano namang kalokohan ang pinagsasasabi mo riyan Tyrone?” agad niyang tanong dito nang makalapit na sila ng kaniyang nanay sa mga ito.
“Wala naman,” nakangisi namang sagot nito nang lingunin siya nito.
“Wala raw,” hindi naniniwalang saad niya rito.
“Wala nga. Basta mag-iingat ka roon, kapag may problema, just call me and I’ll be there, right there!” taas-baba pa ang mga kilay na saad nito sa kaniya.
“Puro ka kalokohan. Sige na, ‘nay aalis na rin po kami para hindi kami gabihin,” paalam niya sa kaniyang ina.
Tumayo na rin si Ron saka nagpaalam na rin sa kaniyang ina. Mabuti na lang at nagsawa na yata ang mga kapit-bahay nila kaya paglabas nila ay wala na ang mga ito. Siya namang dating ni Monique kaya agad din silang nakaalis sa kanilang lugar.