Ang Salarin by pariahrei

1788 Words
“Tagu- taguan, maliwanag ang buwan...” Mabilis ngunit maingat na tumakbo si Philip sa taniman ng mais upang doon magtago. Tag-ani na ng mais nang mga panahon na iyon, kaya naman ay nakasisiguro siyang hindi siya basta-basta mahahanap ng mga kalaro.  Itinukod niya ang kanyang dalawang kamay sa lupa at prenteng naghintay sa makakahanap sa kanya. Kabilugan ng buwan ng gabing iyon, kaya naman ay maliwanag ang paligid. Bilog na naman ang buwan… napabuntong hininga siya nang umukilkil sa kanyang isipan ang ala-alang pilit niyang kinakalimutan. “Nanay, Tatay…gusto ko tinapay,” pakanta-kanta pa ang kanyang nakakababatang kapatid na si Pamela habang naglalakad sila sa pauwi sa kanilang bahay. Katatapos pa lamang nilang makipaglaro sa mga kaedad nilang bata na ang agwat ng bahay ay talaga namang malayo.  Kinakailangan pa nilang tuntunin at malagpasan ang malawak na taniman ng mais na nasa gitna ng kaparangan. Sa mga normal na pagkakataon ay hindi sila pinapayagan ng kanilang mga magulang na magpagabi sa pakikipaglaro. Ngunit, iba ng gabing iyon dahil maliwanag naman ang buwan. “Pamela, hindi ka pa ba nagsasawa sa pagkanta mo ng laro natin kanina?” tanong ng nakakatandang kapatid na si Philip. Umiling naman ang paslit. “Ang ganda kaya ng laro natin, Kuya. Kung hindi lang masyadong gabi na, gusto ko pang maglaro.” Napailing iling siya. “Pero papagalitan tayo nina Nanay kapag masyado tayong nagpagabi diba?” “Oo. Pero alam ko naman na mahal ako nina Nanay, eh.”  Ipinilig niya ang ulo upang mawaglit ang kanyang iniisip. Lumabas na rin siya sa pinagtataguan nang mapansin na lahat ng kanyang mga kalaro ay nahanap na ng taya. “Uy, Philip. Saan ka nagtago? Hindi ka namin mahanap, ah!” Si Juanito, ang isa niyang kababata. Ngunit sa halip na sagutin ito ay nagkibit balikat lamang sya. “Nawalan na akong gana,” saad niya at saka naglakad palayo. Umuwi siya sa kanilang bahay at dumiretso sa kaniyang kuwarto. Tanaw na tanaw niya mula sa kinatatayuan ang malawak na taniman ng mais. Malapit sa taniman niyon ang isang mahabang ilog. Labing isang taon na rin ang nakalilipas nang mangyari ang insidenteng iyon. Ngunit hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanyang isipan. “Nanay, Tatay. Si Pamela. Si Pamela.” Hindi magkakandauga ang batang si Philip sa pagpanhik sa kanilang bahay habang nagsisigaw. “Ano bang nagyari sayo, Philip? At saka nasaan si Pamela? Bakit hindi mo siya kasama?” usisa ni Aling Erna. “Nay, si Pamela po. Kinuha sa kamaisan," bakas ang takot at gulat sa mata niya. “Ano? Anong kinuha?” Si Mang Nestor ang nagsalita. “Si Pamela po. Naglalakad lang kami pauwi nang bigla na lang may humablot sa kanya. Nanay, tulungan po natin siya.” Mabilis na lumabas ang mag-asawa at pinuntahan ang lugar na sinasabi ni Philip. Ngunit sa kasamaang-palad ay wala silang naabutan maliban sa damit ng batang si Pamela na may bahid ng dugo. Napamalita sa buong lugar ang pangyayari at muling nabuhay ang usap-usapan tungkol sa mga misteryosong nilalang na dumadalaw sa kanilang lugar tuwing bilog ang buwan. Ayon sa sabi-sabi, itim ang kabuoang itsura ng nilalang na iyon. May nakakatakot na itsura at talaga naman na ika’y babangungutin kapag nakaharap mo ito. Kinukuha ng misteryosong nilalang na iyon ang mga batang kanilang natitipuhan. “Philip, sasama ka ba? Pupunta kami sa sementeryo,” boses iyon ng kanyang tiyahin. “Hindi ka man lang ba magsisindi ng kandila sa mga magulang at kapatid mo?” Oo nga pala, nandito ulit siya sa probinsya dahil araw ng mga patay.  Namatay ang kanyang ina dahil sa labis na pagdadalamhati kay Pamela. Habang ama niya naman ay inatake sa puso.  At lihim siyang na-iingit sa ideyang iyon. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiyahin na kalaunan ay dinala sya sa Maynila. Naging abala siya sa pag aaral nitong mga nakaraang taon kaya naman ngayon lang siya nakauwi. “Nanay, Tatay,” tahimik na pagkausap niya sa puntod ng mga magulang. “Siguro masaya na kayo dahil kasama niyo na si Pamela. Alam ko naman na hanggang sa kabilang buhay ay si Pamela pa rin ang mas mahal niyo. Pero, wala akong nadama kahit kaunting konsensya sa ginawa ko.” Gumuhit sa kanyang mga labi ang misteryosong ngiti. “Hindi bale, nandyan naman si Tita na pumalit sa puwesto niyo. Mas mabuti sya, mahal na mahal niya ako. At higit sa lahat wala akong kaagaw.” Ipinikit niya ang mga mata nang makadama siya ng antok. Alas-dose na nang gabi, at kinabukasan ay uuwi na sila sa Maynila. Nagsisismula na siyang makatulog nang may marinig siyang kaluskos mula sa kung saan. Hinayaan niya iyon ng una, ngunit muli iyon naulit.  “Nanay, Tatay, gusto ko tinapay.” Tuluyang nagising ang kanyang diwa nang marinig ang pamilyar na linya ng kantang iyon. Pati na rin ang boses. No, this can’t be. “Ate, Kuya. Gusto ko kape.” Napabalikwas siya sa pagkakahiga at inilibot ang paningin sa paligid. Malapit lang ang tinig na iyon. Muli niyang narinig ang boses, Dinala siya ng kanyang mga paa sa veranda ng kanyang kuwarto. At tila napako siya sa kanyang kinatatayuan nang matanaw niya ang batang babae na naglalakad sa gitna ng taniman. Tumingin ito sa gawi niya at nagtama ang kanilang mga mata. Nilamon siya ng takot nang mapagsino ang batang iyon. Pamilyar na pamilyar sa kanya ang itsura nito kahit pa puno ng dugo ang buong katawan nito, gula-gulanit ang damit at basang basa. Si Pamela. Ngumisi ito sa kanya at ganon na lamang ang kilabot na kanyang nadama nang tinuro siya nito. Awtomatikong napaatras ang kanyang mga paa sabay takbo sa kanyang kama at nagtalukbong ng kumot. “Hindi! Hindi maaari. Patay na siya. Matagal na siyang patay,” paulit-ulit niyang pagkumbinsi sa sarili. Nakatulugan na niya ang pag-iisip ng ganon. Kinabukasan, napansin ni Tiya Esmeralda ang kanyang pagiging balisa. “Ayos ka lang ba Philip? Balisa ka yata?” tanong nito. Tango lang ang isinagot ng binatilyo ngunit halata dito na may malalim itong iniisip. “Kung masama ang pakiramdam mo, maari naman na ipagpaliban muna natin ang pag alis,” suhestiyon nito. “Hindi maari!” pasigaw na sagot niya na ikinabigla ng tiyahin. “Aalis tayo ngayon na at wala ng dahilan para manatili pa tayo dito.” “Ano bang nangyayari sa’yong bata ka? Bakit ka ba sumisigaw?”  Tila natauhan naman si Philip sa kanyang inasta. “Kailangan natin makaalis ngayon, Tiyang. Di ba… may trabaho ka pa? Saka...saka baka matrafic tayo kung hindi pa tayo uuwi ngayon?” “Oh, siya, siya. Pero kunin mo muna ang antique box ng lola mo. Nasa attic, madali mo lang makikita dahil nasa mesa iyon na nakalaan para lamang doon. Agad siyang sumunod sa ini-uutos nito para makaalis na sila. Gustong-gusto na niyang makalayo sa lugar na iyon at huwag ng bumalik pa. Isang malaking pagkakamali ang pagbalik niya sa lugar na ito. Lumikha ng ingay ang pinto ng attic nang buksan niya ito. Halatang matagal na ang panahon na nakalipas simula nang malinisan ito dahil puro agiw na ang nasa paligid. Agad niyang nakita ang pakay na antique box. Dinampot niya ito at naglakad palabas. Ngunit nang akmang malapit na siya sa pinto, ay siyang pagsara naman nito Kasunod niyon ay ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang balat. Napatalon siya sa gulat nang bigla na lamang sumulpot sa kanya ang babaeng nagpakita sa kanya kagabi.  “Kuya, bakit? Bakit mo ginawa iyon?” Lumuluha ang mga mata nito. “Umalis ka na. Hindi…Hindi kita kilala.” “Wala naman akong ginawa sayong masama, pero bakit mo ako nilunod sa ilog?” “Wala akong alam sa sinasabi mo, patay ka na. Wala ka dapat dito.” He was frustrated with the situation. No, she can’t be here. Nilalamon na siya ng takot ngunit pinapanatili pa rin niya ang katapangan sa kanyang mukha. Ang pagiging walang puso. Katulad noon, labing isang taon na ang nakalilipas. Ang kaninang maluha-luhang mata ni Pamela ay biglang bumagsik. Matalim siya nitong tiningnan at saka nagsalita. “Dahil ba mas mahal ako nina Nanay kaya mo ginawa iyon?” malalim ang boses na tanong nito. Iyon ang mga salitang tila pumitik sa pisi ng kanyang masamang katauhan. “Oo. Ikaw na lang lagi. Ikaw na lang palagi ang magaling sa ating dalawa. At ako palagi ang may kasalanan sa tuwing napapahamak ka. Ako palagi ang nakakatanggap ng hagupit ng sinturon at palo ng patpat sa tuwing hindi nila nagugustuhan ang ginagawa ko. Kahit pa kaunting-kaunting pagkakamali lang iyon.” Binato niya ang hawak-hawak na kahon sa pigura ng babae dahilan upang tuluyang mawala iyon.  “Ako lang. Ako lang dapat ang mahal nina Nanay. Ako lang.” Napaupo siya habang humahagulhol. Di naglaon ay gumuhit sa labi ni Philip ang malademonyo niyang ngisi. “Sinong mahal sa atin ni Nanay at Tatay? Ako kaya.”  Saka malakas na tumawa ito na parang wala sa sarili. “Ako kasi wala ka na. Wala na akong kaagaw.” “Pero mas mahal ako nina Nanay,” kontra ng batang si Philip sa sinabi ni Pamela. “Ako kaya. Paano ka nila mas magiging mahal kung inampon ka lang naman nila.” “Kahit na, love pa rin nila ako.” Umiling-iling si Pamela sabay belat sa kapatid. “Bleh! Ampon! Ampon! Di Love nina Nanay at Tatay. Ampon kasi.”   Sa murang edad ay nakaranas na si Philip ng pangbubully at sawang sawa na siya lagay na iyon. Bukod do’n ay pinagmamalupitan rin siya ng kanyang tunay na ina dahilan upang magkaroon siya ng sakit sa pag-iisip. Tumakas siya at nagpalaboy-laboy sa kalye, at doon siya nakuha ng mag-asawa. Biglang nagdilim ang kanyang paningin. Dinaklot niya ang buhok ni Pamela at kinaladkad sa gitna ng kamaisan. Sigaw ng sigaw si Pamela ngunit parang wala siyang naririnig. Ang nasa isip niya lamang ng mga oras na iyon ay mawala sa landas niya ang batang ito. Nakarating sila sa ilog. Ang likot-likot ni Pamela dahilan para mairita siya kaya inuntog niya ito sa bato. Dumugo buong mukha nito at hindi na gumalaw. Mabilis na itinapon ni Philip ang katawan ni Pamela sa ilog. Nang mga sandaling iyon ay rumragasa ang tubig sa ilog dahil kaka-ulan pa lamang ng malakas. Sa edad na labing isa, ay nakapatay na siya. Ito ang pangalawang beses niyang pagpatay. Una ay ang kanyang ina na hindi niya na natiis ang pagmamaltrato sa kanya. Sinaksak niya ito ng maraming beses at saka tumakas palayo. “Philip, pakisara nga ng bintana,” utos ng kanyang tiya sa kanya. Nakasakay na sila sa bus ng mga sandaling iyon.  Inabot niya ang lock ng bintana at itinaas iyon. Gabi na nang mga sandaling iyon. Tumigil ang bus sa madilim na kalsada.  ‘Paalam, hinding hindi na ako babalik dito. Mababaon na lamang sa hukay ang mga sekretong hindi dapat mabunyag,’ ani niya sa isip habang ang mga mata ay nakatuon sa mga ilaw na nasa di kalayuan. “Tiyang, pagdating natin—“ hindi na niya natuloy ang kanyang dapat sabihin nang malingunan niya ang kanyang tiyahin. Duguan ito katulad ng iba pang pasahero. “Magbabayad ka!” mabagsik na wika ng isang tinig. Si Pamela. -WAKAS-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD