MAALINSANGAN ang sikat ng araw kinabukasan, ngunit mas mainit ang tensyong namamayani sa loob ng bakuran ng mga Morgan. Matapos ang madamdaming pagtatapat ni Dark sa glass house na napag-alaman niyang pagmamay-ari rin nito, inakala ni Allyson na magiging mas banayad na ang pakikitungo ng binata sa kaniya. Ngunit nagkamali siya.
"Hoy, Señorita! Balak mo bang titigan na lang 'yang pintuan ng Barn o tutulong ka sa pagbubuhat ng mga pakwan?"
Napapitlag si Allyson nang marinig ang baritono at tila nang-uuyam na boses ni Dark. Nakasandal ito sa kaniyang pick-up truck, suot ang pamilyar na kupas na t-shirt na hapit sa kaniyang dibdib. Nawala ang "gentleman" na Dark kagabi; bumalik ang mapang-asar na Aragon na kilala niya.
"Aragon, kung wala kang magawa sa buhay mo, huwag mo akong idamay! Kita mong nag-aayos ako ng listahan rito, 'di ba?" singhal ni Allyson habang winawagayway ang kaniyang clipboard.
Lumapit si Dark, ang bawat hakbang ay puno ng kumpyansa. Nang makarating sa tapat ni Allyson ay kinuha nito ang ballpen na ipit sa kaniyang tainga. "Listahan? O baka naman sinusulat mo pa rin ang pangalan ko sa papel mo habang kinikilig sa nangyari kagabi?"
Namula ang mga pisngi ni Allyson. "Kapal ng mukha mo! In your dreams!"
"Talaga? Bakit namumula ka?" tudyo ni Dark. Bigla itong yumuko, sapat na para maamoy ni Allyson ang pinaghalong bango ng sabon at araw mula sa binata. "Sabi ko sa'yo kagabi, manliligaw ako. At ang panliligaw sa San Vicente, nagsisimula sa pagtulong sa trabaho. Kaya halika na, baka mapanis 'yang ganda mo sa kakahintay sa wala."
Walang nagawa si Allyson kundi sumunod. Dinala siya ni Dark sa malawak na taniman sa likod ng ancestral house. Doon, kailangan nilang i-sort ang mga bagong aning pakwan.
"Dahan-dahan, Allyson. Hindi 'yan hollow blocks. Pakwan 'yan, parang puso ko... madaling mabasag kapag binitawan mo," seryosong sabi ni Dark habang iniabot ang isang malaking prutas.
Napatigil si Allyson at napatingin sa binata. Akala niya ay nagbibiro ito, pero ang mga mata ni Dark ay seryoso—bagaman may bakas ng pilyong ngiti sa gilid ng labi.
"Ang corny mo, Dark Aragon! San mo nakuha 'yang linyang 'yan? Sa balat ng bubblegum?" inis na sabi ni Allyson, pero hindi niya maitago ang munting ngiti sa kaniyang mga labi.
"Bakit? Hindi ba effective?" tumawa si Dark, isang tunog na tila musika sa pandinig ni Allyson. "O sige, ganito na lang. Kapag natapos natin 'to bago mag-tanghalian, ililibre kita ng halo-halo doon sa bayan. Yung maraming gatas, gaya ng gusto mo."
"Paano mo nalamang gusto ko ng maraming gatas?"
"Napansin ko noong unang linggo mo rito. Masyado kang mareklamo sa pagkain, pero kapag matamis, tumatahimik ka," sagot ni Dark habang hindi tinitigilan ang pagbubuhat. "Masusi akong mag-obserba, Ally. Lalo na kung ang ino-obserbahan ko ay ang babaeng balak kong pakasalan."
Muling natigilan si Allyson. Ang balik-bardagulan nila ay laging nauuwi sa mga banat na hindi niya alam kung paano sasabayan. Gusto niyang sumagot ng mataray, pero ang kaniyang puso ay tila nakikipag-karera sa bilis ng t***k.
"Huwag kang masyadong kampante, Aragon. Ika-apat na kandidato ka pa lang. Wala ka pang final score.." mataray na bawi ni Allyson sabay talikod, ngunit ang totoo ay ayaw lang niyang makita ni Dark ang abot-taingang ngiti niya.
"Kahit maging pang-isang daan pa ako, Ally... sisiguraduhin kong sa huli, ako lang ang matitira sa listahan mo," pabulong ngunit mariing sagot ni Dark na sapat na para marinig ng dalaga.
Ang matamis at maingay na asaran ng dalawa ay naputol nang biglang bumukas ang malaking gate ng mansyon. Isang makintab at bagong-bagong asul na SUV ang pumasok sa bakuran, naglikha ng alikabok na nagpatigil sa kanilang ginagawa.
Napakunot-noo si Dark. Alam niyang walang ganoong sasakyan sa San Vicente, dahil halos kabisado na niya ang mga sasakyan na ginagamit rito.
Mula sa loob ng sasakyan, bumaba ang isang lalakeng naka-shades, suot ang isang mamahaling polo shirt at tila laking-siyudad ang dating.
"Allyson!" sigaw ng lalake habang mabilis na lumalapit.
"Von?" gulat na sambit ni Allyson.
Si Von—ang kaniyang pinsan apo ng kapatid ng kaniyang Mamita. Sa paningin ng ibang tao, lalo na ng isang gaya ni Dark na hindi nakakaalam ng koneksyon nila, mukha silang magkasintahan dahil sa sobrang pagiging malapit. Agad na niyakap ni Von si Allyson at binuhat pa ito nang bahagya.
Napatingin si Allyson kay Dark. Nakita niya ang biglang pagbabago ng aura ng binata. Ang kaninang mapaglarong mga mata ay naging kasing-dilim ng gabi. Ang kaniyang mga kamao ay nakakuyom sa kaniyang gilid habang matalim na nakatingin sa lalakeng dumating.
Nanatiling nakatayo si Dark sa tabi ng pick-up truck, ang kaniyang mga mata ay tila naging matalim na punyal na nakatarak sa direksyon ni Von. Ang kaninang magaan at mapaglarong awra niya ay biglang napalitan ng isang seryosong awra.
"Ally! Sa wakas, nahanap din kita! Sabi ni Mamita, baka raw naging probinsyana ka na rito at nakalimutan mo na ang ganda ng Maynila," masayang wika ni Von, hindi binibitawan ang balikat ni Allyson matapos ang mahigpit na yakap.
"Von, anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka man lang nagpasabi?" gulat pa ring tanong ni Allyson, bagaman bakas ang tuwa sa kaniyang boses dahil sa muli nilang pagkikita.
Bago pa makasagot si Von, naramdaman ni Allyson ang paglapit ng isang mabigat na presensya sa kaniyang likuran. Ang pamilyar na amoy ay muling humalo sa hangin.
"Allyson," malamig na tawag ni Dark. Hindi ito tumitingin sa dalaga; ang kaniyang paningin ay pako sa mga kamay ni Von na nakahawak pa rin sa balikat ni Allyson. "Sino ito? At bakit parang kulang na lang ay iuwi ka na sa Maynila?"
Napaigtad si Allyson sa tono ng boses ni Dark. Lumingon siya at nakita ang pag-igting ng panga ng binata. Ang kaniyang mga kamao ay tila pumuputi na sa higpit ng pagkaka-kuyom.
"Ah, Dark, si—"
"Von Morgan," putol ni Von sabay lahad ng kamay kay Dark, ang kaniyang ngiti ay puno ng kumpyansa. "And you are? The driver? O baka naman isa sa mga tauhan ni Mamita rito?"
Hindi tinanggap ni Dark ang kamay ni Von. Sa halip, humakbang siya papalapit, sapat na para magsukatan sila ng tingin ng estranghero. "Hindi mo kailangang malaman kung sino ako. Ang kailangan mo lang malaman ay masyadong malikot ang mga kamay mo sa pag-aari nang iba."
"Pag-aari?" tumawa si Von, isang tunog na lalong nagpaapoy sa selos ni Dark. "Allyson is not a property, Mister. Pero kung tatanungin mo ako kung sino siya sa buhay ko... let's just say she's the most important woman for me."
Halos makita ni Allyson ang usok na lumalabas sa ilong ni Dark. Bago pa man makasuntok ang binata—dahil ramdam niyang handa na itong sumabog—mabilis na sumingit si Allyson sa pagitan nilang dalawa. Itinulak niya nang bahagya ang dibdib ni Dark para lumayo ito nang kaunti.
"Dark! Stop it!" sigaw ni Allyson.
"Stop what, Allyson? Hinahayaan mo ang lalakeng ito na yakapin ka sa harap ko pagkatapos ng lahat ng sinabi ko sa'yo kagabi?" ang boses ni Dark ay puno ng pait at matinding selos na hindi na nito kayang itago. "Kung ito pala ang dahilan kung bakit hirap kang magdesisyon, sana sinabi mo agad. Hindi yung pinagmumukha mo akong tanga rito!"
"Ano bang pinagsasabi mo diyan? Aragon, makinig ka muna!" muling hinarangan ni Allyson ang daan ni Dark nang balakin nitong maglakad palayo. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ng binata na nagpatigil sa pag-aalboroto nito.
"Si Von... pinsan ko siya, Dark. Apo siya ni Lolo Ben, ang kapatid ng Mamita ko. Magpinsan kami!"
Tila nabuhusan ng malamig na tubig si Dark. Ang galit sa kaniyang mga mata ay napalitan ng matinding kalituhan, na kalaunan ay naging isang malaking hiya. Ang kaniyang mga balikat na kanina ay naninigas ay dahan-dahang lumaylay.
"P-pinsan?" utal na tanong ni Dark. Napatingin siya kay Von na ngayon ay nakangisi na at tila nage-enjoy sa eksena.
"Oo, pinsan! Kaya huwag kang mag-inarte diyan na akala mo ay inagawan ka nang candy" natatawang wika ni Allyson, bagaman ramdam niya ang kiliti sa puso dahil sa ipinakitang selos ng binata.
Dahan-dahang binitawan ni Allyson ang pisngi ni Dark, pero nanatiling malapit ang kanilang mga mukha. Namumula ang mga tenga ni Dark—isang bagay na bihirang makita ni Allyson.
"Bakit hindi mo sinabi agad?" pabulong na reklamo ni Dark, ang boses ay wala na ang talas, sa halip ay tila isang batang napahiya.
"Hindi mo ako pinagsalita, 'di ba? Inuna mo ang init ng ulo mo," bulong ni Allyson sabay kurot sa tagiliran ni Dark. "Seloso ka pala, Aragon."
"Hindi ako seloso. Naninigurado lang," depensa ni Dark, pero hindi na niya maalis ang tingin sa mga mata ni Allyson na tila nang-aasar.
Lumapit si Von at tinapik ang balikat ni Dark. "Relax, bro. Pinsan nga lang. Pero bilib ako sa'yo, ha? Ngayon ko lang nakitang ganito kapula ang mukha ni Allyson dahil sa isang lalake."
Bumalik ang pilyong ngiti ni Dark, kahit ramdam pa rin niya ang bahagyang hiya. Inakbayan niya nang bahagya si Allyson, isang senyales ng pag-angkin sa harap ng pinsan nito. "Kahit anong inspection pa ang gawin mo, Von... sigurado na ang sagot ng pinsan mo. Hinihintay ko lang na aminin niya."
"Kapal mo talaga!" saway ni Allyson, pero hindi na niya inalis ang pagkaka-akbay ni Dark.