Chapter 11

1452 Words
MAKALIPAS ang dalawang araw mula nang dumating si Von, tila naging kampante na si Allyson sa kaniyang nararamdaman. Ang selos na ipinakita ni Dark ay nagsilbing kumpirmasyon na hindi lang pang-aasar ang alam gawin nang nito bagkus ay talagang seryoso rin ito sa kanyang mga binitawang salita. Ngunit sa San Vicente, ang panahon ay kasing bilis magbago ng ihip ng hangin. ​Tanghaling tapat noon at nagyaya si Von na mamasyal sa bayan. "Ally, kailangan ko ng bagong charger, naiwan ko yata sa Maynila. Samahan mo muna ako sa town proper." hiling ng kaniyang pinsan habang kinakalikot ang kaniyang mamahaling sasakyan. ​"Sige, basta ililibre mo ako ng kape," sagot ni Allyson habang sumasakay sa passenger seat ng SUV ni Von. HABANG binabaybay ang kalsada patungo sa bayan, masaya silang nagkukuwentuhan tungkol sa mga ganap sa Maynila. Ngunit habang papalapit sila sa isang sikat na local restaurant na tinatawag na Casa del Vino, biglang bumagal ang takbo ng sasakyan ni Von. ​"Huy, Ally, hindi ba 'yon yung pick-up ni Dark?" untag ni Von sabay turo sa sasakyang nakaparada sa tapat ng restaurant. ​Sumikip ang dibdib ni Allyson nang makilala ang pamilyar na kulay at plaka ng truck. "Oo, sa kaniya 'yan. Bakit siya nandito?" ​"Baka kumakain. Gutom na rin ako, doon na rin tayo kumain." suhestiyon ni Von. ​Bago pa man makatutol si Allyson ay naiparada na ni Von ang sasakyan sa tapat mismo ng malaking bintana ng restaurant. Dahil gawa sa salamin ang dingding ng Casa del Vino, kitang-kita ang lahat ng nasa loob. At doon, tila huminto ang mundo ni Allyson. ​Sa dulo ng restaurant, malapit sa isang malaking paso ng halaman, nakaupo si Dark. Ngunit hindi siya nag-iisa. Katapat niya ang isang magandang babae na nakasuot ng floral na blusa. Mahaba ang buhok nito at may napakatamis na mga ngiti. ​Lalong nanikip ang lalamunan ni Allyson nang makitang humalakhak si Dark—isang tunog na madalas ay siya lang ang nakakarinig. At hindi lang iyon, nakita niyang dahan-dahang nag-angat ang kamay ni Dark sa ibabaw ng mesa para punasan ang mantsa ng sauce sa gilid ng labi nito. Ang paraan ng pagtingin ni Dark sa babae ay puno ng lambing, isang uri ng tingin na akala ni Allyson ay para sa kaniya lang inilaan ng binata. ​"Whoops," mahinang sambit ni Von habang nakatingin sa kaniyang pinsan. "Mukhang ekis na ang pang-apat sa listahan." ​Nanatiling nakatitig si Allyson sa loob. Nakita niyang muling nagtawanan ang dalawa, at sa pagkakataong ito, si Dark naman ang tila may ibinubulong na biro na nagpatawa nang husto sa babae. Ang bawat kislap ng mata ni Dark ay parang unti-unting pumupunit sa puso ni Allyson. ​"Von, sa kabilang kalsada na lang tayo.." pabulong na wika ni Allyson. Ang kaniyang boses ay bahagyang nangangatog. ​"Ally, baka naman pinsan din niya 'yan? O kaya kliyente niya sa negosyo?" pag-aalo ni Von, bagaman bakas ang pag-aalala sa kaniyang mga mata. ​"Sa tingin mo ba ganyan tumingin si Dark sa kliyente? At kung pinsan niya 'yan, dapat nabanggit na niya sa akin." ganti ni Allyson. Ang kaniyang puso na kanina ay punong-puno ng pag-asa ay tila unti-unting nadudurog sa bawat segundong nakikita niyang masaya si Dark sa piling ng iba. ​Hinigpitan ni Allyson ang hawak sa kaniyang seatbelt. Ang lahat ng matatamis na salita ni Dark noong gabing iyon sa glass house ay tila naging malabong bulong na lang sa kaniyang pandinig. ‘Hihintayin kita, Allyson. Kahit anong mangyari.’ ​"I think, you should ask him personally, Ally. Huwag kang magpadala sa emosyon mo." bulong niya sa sarili habang pilit na iniiwas ang tingin sa bintana. ​"Ally, gusto mo bang pasukin natin? Para malaman mo ang totoo?" hamon ni Von. ​"Huwag na. Wala naman kaming commitment, 'di ba? Sabi niya manliligaw siya, pero mukhang marami na pala kaming nililigawan niya." mapait na sagot ni Allyson. "Paandarin mo na ang sasakyan, Von. Umuwi na tayo." ​Habang papalayo ang SUV, muling sumulyap si Allyson sa side mirror. Nakita niyang sabay na tumayo si Dark at ang babae, at bago sila tuluyang nawala sa kaniyang paningin, nakita niyang inalalayan ni Dark ang babae sa beywang palabas ng pinto. ​Ang luha na kanina pa pinipigilan ni Allyson ay dahan-dahang pumatak, kasabay ng pakiramdam na parang dumudurog sa kanya. Sino ang babaeng iyon? “What kind of game are you playing this time, Dark Aragon?” Bulong na wika nito sa kanyang isipan. PAGKATAPOS ng eksenang iyon sa bayan, tila ba may namuong tensyon sa loob nang ancestral house. Hindi na muling binanggit ni Allyson ang nakita, ang kawalan niya nang gana sa lahat ay tila ramdam sa loob nang ancestral house. Samantalang matapos ang tagpong iyon, kinagabihan din ay nagmamadaling nag-impake si Von dahil sa isang emergency meeting sa kanyang kumpanya sa Maynila. ​"Ally, sigurado ka bang okay ka lang dito?" nag-aalalang tanong ni Von habang inilalagay ang maleta sa sasakyan. "Puwede kitang isama pabalik kung gusto mo." ​"Ayos lang ako, Von. Walang maiiwan dito sa ancestral house at saka may hinahabol pa akong deadline kay Mamita, 'di ba? Sige na, baka kailangan ka na talaga sa opisina. Mag-ingat ka sa pagmamaneho." pilit na ngiting sagot ni Allyson. ​Nang makaalis ang pinsan, naiwan si Allyson sa gitna ng katahimikan ng malawak na bakuran. Ang dating presensya ni Von na nagsisilbing buffer sa pagitan nila ni Dark ay nawala na. Ngayon, kailangan niyang harapin ang binata nang mag-isa—bitbit ang sakit na kaniyang nakita sa restaurant. EKSAKTONG alas-otso ng umaga kinabukasan, narinig niya ang pamilyar na busina ng motor sa labas ng gate. Huminga nang malalim si Allyson. Tumingin siya sa salamin at siniguradong wala siyang bakas ng puyat o lungkot. Nagsuot siya ng isang simpleng oversized shirt at maong shorts, hinayaan ang buhok na magulo, at lumabas nang walang anumang emosyon sa mukha. ​Nadatnan niya si Dark na nakasandal sa kaniyang motor, may bitbit na supot ng mainit na pandesal at isang bungkos ng mga sariwang bulaklak na pinitas yata sa gilid ng kalsada. ​"Good morning, Señorita," nakangising bati ni Dark. Ang kaniyang mga mata ay tila nagniningning, tila ba wala siyang ginawang anumang kalokohan kahapon. "Maaga akong gumising para ibili ka ng pandesal. May dala rin akong balita tungkol sa susunod nating—" ​Hindi siya tinapos ni Allyson. Nilagpasan niya ang binata at nagtungo sa gripo sa gilid ng hardin para magdilig ng mga halaman, na tila ba walang taong nakatayo sa kaniyang harapan. ​"Ally?" kunot-noong tawag ni Dark. Lumapit ito sa kaniya. "Huy, kinakausap kita. Bakit parang hindi mo ako nakikita?" ​"May naririnig ka bang langaw, Manang Mirna?" malakas na tanong ni Allyson sa matandang katulong na nagwawalis sa malayo. ​"Ha? Wala naman, Señorita," sagot ng matanda na halatang nagtataka sa kilos ng dalaga. ​Lalong kumunot ang noo ni Dark. Iniharang niya ang kaniyang sarili sa dinidiligan ni Allyson. "Ano bang problema? May nagawa ba ako?" ​Dahan-dahang ibinaba ni Allyson ang hose. Tiningnan niya si Dark mula ulo hanggang paa—isang tingin na puno ng panghuhusga at kawalan ng gana. "Aragon, kung wala kang ibang gagawin kundi mag-ingay rito, please lang, umalis ka na. Marami akong ginagawa at wala akong oras para sa mga walang kuwentang pang-aasar mo." ​Natigilan si Dark. Ang kaninang pilyong ngiti ay unti-unting naglaho. "Walang kuwenta? Akala ko ba okay na tayo pagkatapos nang nangyari sa glass house, Ally, ano ba talagang nangyayari?" ​"Nothing is happening, Dark." malamig na sagot ni Allyson. "Nag-e-enjoy lang ako sa katahimikan bago ka dumating. Kaya kung maaari, ibigay mo na sa akin 'yon." ​Sinubukan ni Dark na hawakan ang kaniyang braso. "Ally, makinig ka—" ​Mabilis na iniwas ni Allyson ang kaniyang balat mula sa hawak ng binata, tila ba napaso siya sa init nito. "Don't touch me. Sabi ko, busy ako. Iwan mo na lang 'yang pandesal mo kay Manang kung gusto mo talagang mamigay, pero huwag mo na akong abalahin." ​Tumalikod si Allyson at dire-diretsong pumasok sa loob ng bahay nang hindi man lang nililingon ang binata. Mula sa bintana ng kaniyang silid, nakita niya si Dark na nananatiling nakatayo sa gitna ng initan, hawak pa rin ang mga bulaklak at pandesal, halatang litung-lito at hindi alam ang gagawin. ​Ramdam ni Allyson ang muling pagsikip ng kaniyang dibdib, pero pinigilan niya ang kaniyang sarili. 'Hindi ako iiyak para sa isang lalaki', sa loob-loob niya. Kung kaya ni Dark na makipagtawanan sa ibang babae nang ganoon ka-sweet, kaya rin niyang ipadama rito na wala itong puwang sa buhay niya. ​’You can play the game, but I can play the game better, Aragon.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD