Chapter 01

1486 Words
NAPASABUNOT si Allyson sa kanyang buhok, tila hindi makapaniwala sa linyang binabasa sa screen ng kanyang cellphone. Galing iyon sa kanyang pinsang si Viel, at maikli lang ang mensahe pero sapat na para magpabilis ng t***k ng puso niya sa kaba. Kailangan niyang umuwi sa probinsya. Agad. Utos ng kanyang Mamita. ​“Ugh... hindi maaari.” anas niya sa sarili habang hinihilot ang sumasakit na sentido. ​Sa gitna ng tambak na trabaho at mga board meetings, ang huling bagay na kailangan niya ay ang biglaang bakasyon na hindi naman niya ginusto. Huminga siya nang malalim bago pinindot ang intercom sa kanyang mesa. ​“Come inside, Ara,” matipid at seryosong utos niya. ​Hindi pa lumilipas ang isang minuto ay nakarinig na siya ng marahang katok. Pumasok ang kanyang sekretarya na may bitbit na tablet at notebook, laging handa sa susunod na ipag-uutos ng boss. ​“Ara, kailangan kong umuwi ng San Vicente. Paki-clear nang schedule ko para sa susunod na dalawang linggo, simula bukas,” diretsahang saad ni Allyson, bagaman bakas ang pag-aalinlangan sa kanyang boses. ​Kumunot ang noo ni Ara. “Pero Ma’am, marami po tayong pending documents at contract reviews na kailangan ng pirma ninyo. Paano po ang mga iyon?” ​Isinandal ni Allyson ang kanyang likod sa swivel chair at pumikit. “Ipadala mo na lang sa email. Pipirmahan ko ang lahat ng iyon kapag nakarating na ako roon. Just... make it happen, Ara.” ​Walang nagawa ang sekretarya kundi ang tumango. Pagkaalis ni Ara, nanatiling nakatitig si Allyson sa labas ng kanyang bintana, pinagmamasdan ang nagtataasang gusali sa Makati. Ilang minuto pa siyang nagmuni-muni bago nagpasyang ligpitin ang gamit. Kung ang Mamita na ang nag-utos, kahit tambak siya ng trabaho ay kailangan niya itong sundin. ​KINABUKASAN matapos ang nakakapagod na limang oras na biyahe, sinalubong siya ng pamilyar na amoy ng sariwang hangin at mga puno ng San Vicente. Tumigil ang sasakyan sa harap ng isang malaki at matandang bahay na bato—ang kanilang ancestral house. ​“Maligayang pagdating, Señorita Ally!” bungad ni Manang Mirna, ang kasambahay na tila hindi man lang tumanda sa paningin ni Allyson. ​“Nasaan po si Lola, Manang?” tanong niya sabay abot ng kanyang kamay para magmano. ​“Nasa hardin niya sa likuran, nag-aasikaso ng mga tanim. Tuloy ka muna, hija, at nang makapagpahinga ka. Siguradong nangalay ka sa haba ng biyahe,” pag-aaya nito. ​Tahimik na humakbang si Allyson papasok. Bawat sulok ng bahay ay tila bumubulong ng mga alaala. Dito lumaki ang kanyang ama, at simula nang pumanaw ito, mas pinili ng kanyang lola na manatili rito kaysa sa magulong siyudad. Sabi nga nito, masyadong maikli ang buhay para hindi namnamin ang mga alaala ng mga mahal sa buhay na nauna na. ​“Manang Mirna, pasuyo na lang po ng luggage ko sa kwarto. Pupuntahan ko lang ho si Lola,” malambing niyang bilin bago tinunton ang daan patungong hardin. ​Huminga muna siya nang malalim, tila nag-iipon ng lakas bago humarap sa reyna ng tahanan. Nakita niya ang kanyang lola na nakatalikod, masigasig na nagdidilig ng kanyang mga paboritong orchids. ​“Mamita!” sigaw ni Allyson bago ito masuyong niyakap mula sa likod. ​“Naku, hija! Huwag kang yumakap at basa ako ng pawis!” natatawang saway ng matanda, pero mahigpit din nitong hinawakan ang mga kamay ng apo. ​“Miss na miss ko lang po kayo. Akala ko kung ano nang nangyari dahil bigla niyo akong pinapauwi,” sumbong ni Allyson habang nakasandal pa rin ang ulo sa balikat ng lola. ​Humarap sa kanya ang matanda at dinala siya sa isang malapit na upuang kahoy sa ilalim ng puno ng mangga. “Ang totoo niyan, apo... may mahalaga akong gustong sabihin sa iyo.” ​Kinabahan si Allyson sa tono ng boses nito. “Ano po iyon, Mamita?” ​“Alam mong tumatanda na ako. Ikaw lang ang nag-iisang anak ng ama mo, at ang tanging pangarap ko na lang bago ako mawala ay ang masiguro na nasa maayos ka talagang kalagayan.” ​“Mamita, I’m perfectly fine. Maganda ang takbo ng kumpanya, marami akong naipon—” ​“Alam ko iyon,” putol ng matanda. “Alam kong sagana ka sa materyal na bagay. Pero apo... wala pa bang nagpapatibok ng puso mo?” ​Napatigil si Allyson. Kung alam mo lang, Mamita. saisip niya. ​“Mamita, bata pa po ako para magmadali sa mga ganyang bagay. Marami pa akong gustong maabot,” palusot niya. ​“Heh! Bente-sais ka na pero kahit nobyo ay wala ka!” galit-galitang sagot ng matanda na nagpatawa na lang kay Allyson. ​“Wala po akong oras para doon, Mamita. Masyadong maraming trabaho sa opisina.” ​“Hindi masamang unahin ang sarili mo paminsan-minsan, apo.” ​Saktong dumating si Manang Mirna dala ang meryenda, tila sinadyang putulin ang tensyon. “Mukhang seryoso ang heart-to-heart talk ninyo ah,” biro ng kasambahay. ​“Mirna, ilang taon ka noong nag-isang dibdib kayo ni Ruben?” biglang tanong ng lola. ​“Dyesiotso lang po ako noon, Señora,” nakangiting sagot ni Manang. ​“O, nakita mo na? Dyesiotso lang si Mirna noong kinasal!” baling ng lola kay Allyson. ​“Mamita, iba naman po ang panahon nila noon kaysa sa amin ngayon,” katwiran ni Allyson habang kumukuha ng sandwich. ​Dito na nagbago ang timpla ng mukha ng kanyang lola. Naging seryoso ang mga mata nito. “Basta, sa lalong madaling panahon, gusto kong makilala ang mapapangasawa mo. At kung maaari, bilisan ninyong bigyan ako ng apo.” ​Halos mabilaukan si Allyson. “E-eh, paano po kung wala akong mahanap?” ​“Simple lang. I’ll take back all of your assets and donate them to charity. Lahat ng mana mo, mapupunta sa foundation.” ​“Mamita! Seryoso po ba kayo?” halos mapasigaw na si Allyson sa gulat. ​“Mukha ba akong nagbibiro, Allyson?” Isang malamig at seryosong tingin ang ibinigay ng matanda. Napangiwi si Allyson. Hindi niya lubos maisip kung saan siya hahanap ng asawa sa gitna ng kawalan. ​“I’ll give you a month.” ​“A-ahm... baka naman pwedeng kahit one year?” hirit pa niya, umaasang magbabago ang isip nito. Ngunit tinalikuran lang siya ng kanyang lola at bumalik sa pag-aasikaso ng mga halaman. ​“Mamita...” pagmamakaawa niya, pero tila wala nang naririnig ang matanda. ​Napahilamos na lang si Allyson sa kanyang mukha. Pumasok siya sa loob ng bahay na tila pasan ang daigdig. Sa sobrang pagod at stress, dumeretso siya sa kanyang silid at doon ay mabilis na nilamon ng antok. ​Pagmulat niya ng kanyang mga mata, dilim na ang bumungad sa kanya. Ang tanging liwanag ay ang mula sa buwan na tumatagos sa bintana. Bumangon siya, nag-ayos ng sarili sa banyo, at lumabas ng silid. ​“Señorita, gising na po pala kayo. Tamang-tama at handa na ang hapunan,” bati ni Manang Mirna nang makita siya. ​Tumango lang siya at naglakad patungong kusina. Naroon na ang kanyang Mamita, prenteng nakaupo habang naghihintay. ​“Apo, halika na at kumain na tayo,” malambing na tawag nito, na tila walang nangyaring ultimatum kanina. ​Habang kumakain, muling nagsalita ang matanda. “I already asked your cousin Von to take over the company for the time being.” ​“Ano po? Bakit?” muntik nang mabitawan ni Allyson ang kanyang kutsara. ​“Akala ko ba ay naintindihan mo ang usapan natin kanina? You need to focus on your mission.” ​“Mamita naman... seryoso po ba talaga kayo?” ​“Nasa iyo ang desisyon, apo. Kung kaya mong mawala ang lahat ng pinaghirapan mo, e 'di huwag kang mag-asawa,” nakangiting sagot nito, pero may diin sa bawat salita. ​“B-but—” ​“No more buts, Allyson.” ​Napayuko na lang si Allyson. Kilala niya ang kanyang lola—kapag may sinabi ito, itataga nito sa bato. ​“And by the way, hija, aalis ako ng bansa kasama ang aking mga amiga bukas. Dahil wala ka pa namang babalikan sa Manila, sa iyo ko muna ihahabilin itong ancestral house.” ​“Ano? Paano ako makakahanap ng mapapangasawa kung dito niyo lang ako iiwan sa probinsya?” maktol ni Allyson. ​“Wala namang problema roon. Malay mo, dito mo pala sa San Vicente makikilala ang lalaking para sa iyo,” nakangiting sagot ng lola bago uminom ng tubig. ​Hindi na sumagot si Allyson. Pinagtuunan na lang niya ang pagkain, pero ang isip niya ay naglalayag na sa kung saan-saan. ​Saan siya hahanap ng asawa sa loob ng tatlumpung araw? At sa lahat ng lugar, bakit dito pa sa tahimik at tila natutulog na bayan ng San Vicente?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD