Chapter 08

2076 Words
MAAGA pa lamang ay gising na si Allyson. Taliwas sa mga nagdaang araw na halos ayaw niyang bumangon dahil sa bigat ng iniisip na deadline ng kanyang Mamita, ngayon ay tila may kung anong enerhiya ang dumadaloy sa kanyang mga ugat. ​Mabilis siyang nagtungo sa kabilang panig ng kanyang silid kung saan nakalagay ang kanyang maleta. "Two weeks and four days," bulong niya sa sarili habang pabalik-balik ang tingin sa kalendaryo. "Marami pang oras para mahanap ang lalakeng papasa sa panlasa ni Mamita, at marami pang oras para burahin ang nakakaasar na ngisi ng Aragon na 'yon." ​Binuksan niya ang kanyang maleta at isa-isang tiningnan ang mga damit na dinala niya mula sa Maynila. Kung noong unang araw ay nagmukha siyang hamak na trabahador dahil sa suot niyang luma at maluwag na t-shirt, ngayon ay siniguro niyang magmumula siya sa isang fashion magazine. ​Napili niya ang isang puting eyelet sundress na hapit sa kanyang beywang at may kaunting disenyo sa laylayan. Simple lamang ito ngunit dahil sa hubog ng kanyang katawan ay lalong lumitaw ang ganda nito. Hinayaan niyang nakalugay ang kanyang mahabang buhok at nilagyan lamang ng kaunting waves sa dulo. ​"Tingnan natin kung hindi ka mapanganga, Dark Aragon," nakangising wika niya sa harap ng salamin. Naglagay siya ng kaunting lip tint at light makeup—sapat lang para magmukhang fresh at lalong lumitaw ang kanyang mga mata. Hindi rin niya kinalimutang mag-spray ng kanyang paboritong floral perfume na amoy tagsibol. ​Pagbaba niya sa kusina ay naabutan niya si Manang Mirna na naghahanda ng kape. Halos malaglag ang panga ng matanda nang makita siya. ​"Naku, Señorita! Saan po ang kasal? Napakaganda ninyo yata ngayon? Parang kailan lang ay halos ayaw ninyong magsuklay, ngayon ay tila may pinaghahandaan kayo," panunukso ng matanda. ​"Wala po, Manang. Gusto ko lang maging presentable. Alam niyo naman po, kailangan kong makahanap ng mapapangasawa bago matapos ang isang buwan," pagdadahilan niya, bagaman ramdam niya ang bahagyang pag-init ng kanyang mga pisngi. ​"Sus, presentable o may natitipuhan ka na, Señorita? Alam niyo ho, noong kabataan ko, ganyan din ang ginagawa ko sa asawa kong si Ruben kapag gusto kong makuha ang atensyon niya." ​"Manang naman! Wala pa ho akong natitipuhan," tanggi niya sabay kuha ng isang pirasong tinapay. ​Eksaktong alas-otso ng umaga, narinig niya ang pamilyar na busina ng motor sa labas ng gate. Huminga muna siya ng malalim at pinasadahan muli ng tingin ang kanyang sarili sa screen ng cellphone bago tuluyang lumabas. ​Nadatnan niya si Dark na nakasandal sa motor nito. Suot nito ang isang kupas na itim na t-shirt na bakat ang dibdib at isang faded na maong. Nakasukbit ang shades nito sa collar ng t-shirt. Nang bumukas ang gate at lumabas si Allyson, kitang-kita niya ang panandaliang paghinto ng paghinga ng binata. Mula sa kanyang suot na sandals hanggang sa dulo ng kanyang buhok ay pinasadahan siya nito ng tingin. ​Nanatiling naka-awang ang labi ni Dark ng ilang segundo bago ito mabilis na nakabawi at nag-iwas ng tingin. ​"Ano? Tapos ka nang pasadahan ang aking taglay na kagandahan?" mataray na tanong ni Allyson habang lumalapit, ang bawat hakbang na may kasamang kumpyansa. ​"S-sus, hindi ka parin maganda sa paningin ko.” utal na sagot ni Dark, bagaman bahagyang namumula ang mga tenga nito. "Sabi ko magsuot ng damit na madudumihan, bakit parang pupunta ka sa binyag o debut sa suot mo?" ​"Hindi ko kasalanan kung gusto kong maging maganda ngayon. At saka, bakit ba? Takot ka bang masyadong ma-expose ang kagandahan ko?” hamon ni Allyson sabay taas ng kilay. ​Tumawa nang pilit si Dark at iniabot ang helmet sa kanya. "Kagandahan? Sa arte mong 'yan, baka maputikan lang 'yang suot mo ay umiyak ka na. At huwag kang pakasisiguro, ang idi-date mo ngayon ay ang pinaka-masungit na lalaki sa San Vicente. Siguraduhin mo lang na hindi ka mapapahiya sa suot mong 'yan." ​"Huwag mo akong itulad sa iyo. Akin na nga 'yang helmet!" ​Sumakay si Allyson sa likod ng motor. Dahil sa hapit na sundress, kailangan niyang umangkas nang pa-side—isang bagay na hindi niya nakasanayan pero kailangan para hindi malukot ang suot. Dahil dito, mas naging dikit ang kanyang katawan sa likod ni Dark. ​Ramdam niya ang paninigas ng mga balikat ng binata nang humawak siya sa beywang nito para humanap ng balanse. ​"Kumapit kang mabuti, Señorita. Baka mahulog ka sa kaguwapuhan ko, mahirap na, baka sa akin ka pa magpakasal sa sobrang paghanga," hirit ni Dark bago pinaharurot ang motor. ​Hindi sumagot si Allyson, sa halip ay mas hinigpitan niya ang hawak sa beywang nito. Habang tinatahak nila ang daan patungo sa kung saan, ninanamnam niya ang hangin at ang kakaibang bango ni Dark na humahalo sa kaniyang perfume. MAKALIPAS ang halos bente minutos na biyahe sa ilalim ng asul na langit, huminto ang motor ni Dark sa tapat ng isang malawak na gate na gawa sa pinagsamang bakal at hardwood. Pagpasok nila sa loob, bumungad kay Allyson ang isang napakagandang rancho. Hindi ito katulad ng farm ni Marco na puno ng pakwan; ito ay isang malawak na damuhan na may mga bakod na puti, at sa malayo ay matatanaw ang mga kabayong malayang nagtatakbuhan. ​"Huwag mong sabihing ipapakilala mo na naman ako sa kabayo?" mataray na tanong ni Allyson habang tinatanggal ang helmet. Inayos niya ang kaniyang sundress na bahagyang nalukot sa biyahe. ​"Masyado ka namang judgmental, Ally. Hindi porke rancho ito, kabayo na ang idi-date mo," sagot ni Dark habang tinititigan ang mukha ng dalaga. Bahagyang nagtagal ang tingin nito sa kaniyang mga labi bago ito mabilis na nag-iwas. "Ipakikilala kita kay Lucas. He’s a veterinarian. Matalino, disente, at higit sa lahat, galing sa isang respetadong pamilya rito sa probinsya." ​"Veterinarian? So... hayop pa rin ang specialty niya?" ​"O-oo, ayaw mo ba? Iba’t ibang uri naman nang hayop hindi kabayo lang." banat ni Dark bago ito naunang maglakad patungo sa isang malaking stable. ​Habang naglalakad, ramdam ni Allyson ang lagkit ng tingin ng ilang mga tauhan sa rancho. Hindi niya masisi ang mga ito dahil ang kaniyang puting sundress ay tila nagliliwanag sa gitna ng berdeng paligid. Napansin din niya na bahagyang bumagal ang lakad ni Dark at tila sinasadya nitong humarang sa kaniyang gilid, na tila binabakuran siya mula sa mga tingin ng iba. ​Nang makarating sila sa loob ng stable, bumungad sa kanila ang isang lalaking naka-asul na polo shirt at maong. Mukha itong disente, may salamin sa mata, at may napaka-among mukha. ​"Lucas!" tawag ni Dark. ​Lumingon ang lalaki at agad na ngumiti. "Dark! Napadalaw ka. At sino itong kasama mong napakagandang binibini?" ​"Si Allyson," pakilala ni Dark, bagaman kapansin-pansin ang kawalan ng gana sa boses nito. "Allyson, si Lucas. Luke, si Allyson ang sinasabi ko sa'yo kagabi na gusto kong ipakilala sayo." ​"Kailangang makahanap ng asawa, kamo," bulong ni Allyson na sapat lang para marinig ni Dark. Siniko siya nang mahina ng binata sa tagiliran kaya napangiwi siya kahit hindi naman talaga masakit. ​"It's a pleasure to meet you, Allyson," magalang na wika ni Lucas sabay abot ng kaniyang kamay. ​Magiliw na tinanggap iyon ni Allyson. "Nice to meet you too, Lucas." ​"Maiwan ko muna kayo rito. May titignan lang ako doon sa kabilang paddock," ani Dark. Ngunit bago ito tuluyang umalis, muli nitong tiningnan si Allyson mula ulo hanggang paa. "Huwag kang masyadong malapit sa mga kabayo, Ally. Baka mapagkamalan kang asukal sa sobrang puti mo, makagat ka pa." ​"Alis na nga!" pagtataboy ni Allyson. ​Nang makaalis si Dark, nagsimulang maglibot sina Lucas at Allyson. Maayos kausap si Lucas—napaka-gentleman nito at halatang napaka-talino. Ikinukuwento nito ang kaniyang pag-aaral sa Maynila at kung bakit pinili niyang bumalik sa San Vicente para pagsilbihan ang mga hayop sa kanilang lugar. ​"Alam mo, Allyson, ang tagal ko nang kilala si Dark. Ngayon ko lang siya nakitang nagdala ng babae rito sa rancho namin para ipakilala sa akin." natatawang kuwento ni Lucas habang naglalakad sila sa gitna ng mga bakod. ​"Bakit? Wala ba siyang ibang dinadalang babae rito?" curious na tanong ni Allyson. ​"Actually, this is the first time. He’s very private. Kaya nga nagulat ako nang tumawag siya kagabi at itinanong kung pwede ka niyang isama rito. Sabi niya, kailangan mo raw ng 'matinong kausap' dahil baka mabaliw ka na sa kaniya." ​Napangiti si Allyson. Matinong kausap pala ha. ​Naupo sila sa isang lilim ng puno ng akasya. Naglabas si Lucas ng juice at ilang sandwich mula sa isang basket. Napaka-perpekto ng eksena. Mahangin, tahimik, at ang kausap niya ay ang tipo ng lalaki na tiyak na magugustuhan ni Mamita. Pero habang nagsasalita si Lucas tungkol sa operasyong ginawa niya sa isang baka noong nakaraang linggo, ang mga mata ni Allyson ay laging gumagala sa paligid. ​Hinahanap niya ang bulto ng isang lalakeng naka-itim na t-shirt. ​Natagpuan niya si Dark sa malayo, nakasandal sa isang bakod habang may kinakausap sa cellphone. Kitang-kita niya ang seryosong mukha nito. Paminsan-minsan ay sumusulyap si Dark sa gawi nila, at kapag nagtatama ang kanilang mga mata ay agad itong tumatalikod o nagkukunwaring may tinitignan sa malayo. ​"Allyson? Ayos ka lang ba?" untag ni Lucas. "Masyado bang boring ang kuwento ko?" ​"H-hindi! Sorry, Lucas. Naaliw lang ako sa view," pagsisinungaling niya. ​"Alam mo, kung gusto mong sumubok mangabayo, pwede kitang turuan. Safe naman ang mga kabayo ko rito," alok ni Lucas. ​"Naku, baka madumihan ang dress ko. Sayang naman," tanggi ni Allyson, bagaman sa loob-loob niya ay gusto niyang subukan para lang makita ang reaksyon ni Dark. ​"Huwag kang mag-alala, dahan-dahan lang tayo." ​Tumayo sila at lumapit sa isang kulay tsokolateng kabayo. Habang tinutulungan ni Lucas si Allyson na humawak sa renda, biglang sumulpot ang isang pamilyar na boses sa likuran nila. ​"Tsk. Sinasabi ko na nga ba. Sa suot mong 'yan, pangangabayo ang gagawin mo?" ani Dark na nakapamulsa na ngayon. "Luke, baka malaglag 'yan, mahina ang balance niyan sa motor, sa kabayo pa kaya?" ​"Kaya ko 'to, Dark! Huwag kang mag-alala, hindi ako tulad mo na mahilig manglaglag," ganti ni Allyson. ​Inalalayan siya ni Lucas na sumampa sa kabayo. Dahil sa kaniyang suot na dress, naging hamon ang pagsampa. Napansin ni Allyson ang pag-igting ng panga ni Dark nang hawakan ni Lucas ang kaniyang beywang para alalayan siya. ​"Dito ka na lang sa likod ko, Luke. Ako na lang ang hahawak sa tali," presintang wika ni Dark na biglang sumingit sa pagitan nila. ​"Akala ko ba may tinitignan ka sa kabilang paddock?" taas-kilay na tanong ni Allyson habang nasa itaas na siya ng kabayo. ​"Tapos na." tipid na sagot ni Dark sabay hila sa tali ng kabayo. "Luke, hiram muna kami ng kabayo ha? Iikutin ko lang 'tong 'Señoritang ito sa field para mahimasmasan." ​Naiwang nakatayo si Lucas na tila nagtataka, habang si Dark naman ay dahan-dahang hinihila ang kabayong kinalululanan ni Allyson patungo sa mas tahimik na bahagi ng rancho. ​"Anong problema mo, Aragon?" bulong ni Allyson. ​"Wala. Masyadong malikot ang kamay ni Lucas, baka nakakalimutan mong 'test' pa lang ito at ako ang judge," seryosong sagot ni Dark habang hindi tumitingin sa kaniya. ​"Judge? O nagseselos ka lang?" ​Huminto si Dark sa paglalakad at lumingon sa kaniya. Ang init ng sikat ng araw ay tumatama sa mukha nito, at sa unang pagkakataon, nakita ni Allyson ang isang emosyon sa mga mata ni Dark na hindi nito kayang itago sa likod ng isang asar o ngisi. ​"Sa tingin mo ba, magseselos ako sa isang beterinaryo?" tanong nito, ang boses ay mababa at puno ng hamon. ​"Bakit hindi? Matalino siya, gentleman, at... asawa material." ​Lalong lumapit si Dark sa kabayo, sapat na para mahawakan niya ang binti ni Allyson na nakalawit. Ang init ng palad nito ay tumagos sa kaniyang balat. ​"Tandaan mo ito, Allyson... hindi lahat ng gentleman ay kayang panindigan ang bawat pangakong bibitawan nila. At hindi lahat ng 'asawa material' ay kayang pasabugin ang puso mo sa isang tingin lang." ​Natahimik si Allyson. Ang hangin sa paligid ay tila tumigil sa pag-ihip. Sa gitna ng rancho, sa itaas ng kabayo, at sa ilalim ng mapanuring mga mata ni Dark, naramdaman ni Allyson na unti-unti nang natitibag ang pader na itinayo niya sa mahabang panahon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD