PAGHINTO ng motor sa tapat ng malaking gate ng ancestral house ay tila wala pa sa sarili si Allyson. Nanatili siyang nakakapit sa beywang ni Dark ng ilang segundo bago niya napagtanto na nakatigil na pala sila. Dali-dali siyang bumitaw at bumaba, pilit na inaayos ang sarili kahit na ang totoo ay naghuhumiyaw ang kaba sa kanyang dibdib.
“O, baka gusto mo nang iuwi 'yang helmet? Remembrance sa unang date?” pang-aasar ni Dark habang tinatanggal ang sariling helmet. Bahagyang gulo ang buhok nito, bagay na nagpadagdag sa mapanirang-puring kaguwapuhan ng lalaki.
“Saksak mo sa baga mo ’tong helmet mo!” asik niya sabay abot nito nang mabilis. “At huwag mong tawaging ‘date’ ‘yon. Ocular visit ’yon, hindi date.”
Tumawa lang si Dark, ’yung tawang hanggang mata na tila ba alam na alam ang epekto niya sa dalaga. “Ocular visit pero muntik nang mabangasan dahil sa pakwan. Sige na, pumasok ka na sa loob. Mag-ingat ka sa mga hagdan, baka doon ka naman mahulog at wala ako para saluhin ka.”
Inirapan siya ni Allyson at dire-diretsong naglakad papasok sa gate nang hindi lumilingon. Pero pagkasara ng pinto, napasandal siya rito at napahawak sa kanyang puso. “Bakit ba ang bilis mo pa ring tumibok? Nakakainis ka,” bulong niya sa sarili.
“Señorita Allyson! Salamat sa Diyos at nakauwi na kayo!”
Halos mapatalon si Allyson sa gulat nang sumulpot si Manang Mirna mula sa sala, may hawak na pamunas at bakas ang matinding kuryosidad sa mukha.
“Manang naman, bakit po ba kayo nanggugulat?”
“Eh sa excited ho ako! Nakita ko kayong bumaba sa motor ni Sir Dark. O, kumusta ho? Saan kayo galing? Nag-date ba kayo?” sunod-sunod na tanong ng matanda habang sinusundan siya patungo sa kusina.
“Hindi kami nag-date, Manang. Sinamahan ko lang siyang bisitahin ’yung kaibigan niya sa farm,” pagdadahilan ni Allyson habang nagsasalin ng malamig na tubig.
“Sa farm? Doon ba kay Marco? Naku, napakabait na bata n’un si Marco. Mayaman, may pinag-aralan, at talagang masipag. Bagay na bagay kayo!” masayang wika ni Manang Mirna. Pero biglang nagbago ang timpla ng mukha nito at lumiit ang mga mata. “Pero bakit parang hindi kayo masaya? May nangyari ba?”
Umiwas ng tingin si Allyson. “Wala po. Okay naman si Marco. Masyado lang pong mainit sa labas.”
“Sus, kilala ko kayo, Señorita. Noong bata pa kayo, kahit tirik ang araw ayaw ninyong pumasok ng bahay kapag naglalaro. Iba ang tingin ninyo ngayon eh. Para kayong lito na ewan,” pangungulit pa ni manang. “At si Sir Dark... bakit parang ang aga ninyong bumalik? Hindi ba kayo nag-meryenda man lang doon?”
“Epal po kasi ’yung Dark na ’yon, Manang. Isipin n’yo, iwan ba naman ako sa gitna ng bukid? Tapos kung anu-ano pang sinasabi. Napakapilyo, napakayabang!”
Napangiti nang makahulugan si Manang Mirna. Ipinatong nito ang mga kamay sa balikat ni Allyson. “Alam n’yo, Señorita, sa tagal ko nang naninilbihan dito, nakita ko na kung paano paano lumaki lahat nang kalalakihan dito. At iyang si Sir Dark? Huwag kayong masyadong mainis sa kaniya.”
“Bakit naman po, Manang?”
Bahagyang lumapit si Manang Mirna na tila may ibubulong na sekreto. “Ngayon ko lang ho naalala nang malinaw... iyang si Sir Dark, siya ang bunsong apo ng mga Aragon. Sila ang may-ari ng pinakamalaking hacienda rito sa San Vicente bago pa man ito nahati-hati. Kilalang pamilya ’yan dito, at kahit ganiyan ang hitsura n’yan na parang laging galing sa bukid, laking Maynila rin ’yan at may sariling pinatatakbong negosyo.”
Napatitig si Allyson sa kaniyang baso. Aragon? Kaya pala ganoon na lamang ang kumpyansa ng lalaking iyon. Pero bakit tila mas pinipili nitong maglagi rito at mang-inis ng mga babaeng gaya niya kaysa magsuot ng suit at maupo sa opisina?
“Kahit ho pilyo ’yan, mabuting tao ang batang iyan. At sa pagkakaalam ko, mailap ’yan sa mga babae. Kaya nakapagtatakang kayo ang palaging kinukulit,” dagdag ni manang habang nakangiti nang makahulugan.
“Pero tandaan n’yo ho ito, Señorita, minsan ang hinahanap natin, hindi doon sa mga taong mukhang perpekto na wari mo’y hindi gagawa nang masama. Minsan, nandoon sa mga taong laging sumisira ng araw mo pero sila naman ang dahilan kung bakit nakukumpleto ito.”
Hindi nakasagot si Allyson. Iniwan siya ni manang sa kusina para ituloy ang gawaing bahay, pero ang mga salita nito ay tila dumikit sa kanyang isipan.
Umakyat siya sa kanyang silid at humarap sa salamin. Tiningnan niya ang kanyang sarili—may kaunting dumi sa damit, bahagyang namumula ang balat dahil sa araw, at magulo ang buhok. Pero sa likod ng mga iyon, may ningning sa kanyang mga mata na ngayon niya lang nakita.
Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinitigan ang inbox niya. Walang bagong message mula kay "Dee Eyy."
“Bakit ko ba hinihintay na mag-chat siya?” asik niya sa sarili sabay bato ng cellphone sa kama.
Nagpasya siyang maligo para mahugasan ang pagod at ang "amoy ni Dark" na tila nananatili pa rin sa kanyang sistema. Pero habang nasa ilalim siya ng shower, hindi niya mapigilang mapahawak sa kanyang mga labi. Naalala niya ang halik sa kamalig, ang yakap ni Dark sa bukid, at ang paraan ng pagtingin nito sa kanya na tila ba siya ang pinakamahalagang bagay sa mundo—kahit na lagi itong walang matinong ginagawa.
Sa kabila ng inis at pagod, may bahagi ng puso ni Allyson ang hindi makapaghintay na sumapit ang susunod na umaga. Isang pakiramdam na parang gusto na niyang madaliin ang oras upang makasama na naman si Dark.