HINDI nakatulog nang maayos si Allyson nang gabing iyon. Paulit-ulit na naglalaro sa isip niya ang huling sinabi ni Dark. “Na hindi mo na kailangang maghanap pa nang malayo.” Isang linyang napaka-cliché kung sa pelikula mapapanood, pero bakit pagdating sa lalaking iyon, tila may kalakip na ibang ibig-sabihin.
Alas-siyete pa lang ng umaga ay gising na siya. Sinunod niya ang utos nito—nagsuot siya ng lumang maong na pants at isang cotton shirt na kulay abo, tinali ang buhok sa isang maayos na ponytail, at naglagapok ng sunscreen sa buong katawan.
Eksaktong alas-otso, narinig niya ang ugong ng motor sa labas ng gate. Paglabas niya, bumungad sa kanya si Dark na nakasandal sa kanyang motor, may dala-dalang dalawang helmet.
“Handa ka na ba para sa unang ‘eligible bachelor’ ng San Vicente?” nakangising tanong nito habang pinapasadahan ng tingin ang ayos niya. “Mabuti naman at marunong kang sumunod sa instruction. Akala ko mag-ga-gown ka rito.”
“Dami mong daldal. Nasaan ba 'yong idi-date ko? Bakit kailangang sumama ako sa’yo?”
“Nasa site. Trabaho muna bago landi, Allyson. Iyon ang gusto ng mga lalaki rito,” sagot ni Dark sabay hagis ng helmet sa kanya. Muntik na itong hindi masalo ni Ally. “Suot mo na 'yan. At huwag kang masyadong malikot sa likod, baka mahulog ka, wala pa namang sasalo sa’yo kundi lupa.”
“Ang aga-aga, ang sama ng ugali mo!” asik niya, pero sumakay na rin siya sa likod ng motor.
Sa pagkakataong ito, hindi na siya nagdalawang-isip na humawak sa beywang ni Dark. Ramdam niya ang matitigas na muscle ng tiyan nito sa ilalim ng suot nitong manipis na t-shirt. Napansin niyang bahagyang nanigas si Dark sa pagkakahawak niya, pero agad din itong nakabawi at pinaandar na ang makina at humarurot.
Huminto sila sa isang malawak na bukirin na kasalukuyang tinitipon ang mga ani ng pakwan. Maraming trabahador ang abala, pero may isang lalaki roon na stand-out dahil sa tangkad nito at sa paraan ng pag-uutos sa mga tao.
“Siya si Marco,” bulong ni Dark habang tinatanggal ang helmet. “Civil engineer by profession pero mas piniling asikasuhin ang farm ng pamilya niya. Masipag, matalino, at higit sa lahat... hindi kasing-sungit ko.”
“At bakit kailangang dito ang date?” taas kilay na tanong ni Allyson habang pinapagpagan ang sarili.
“Bakit? Gusto mo bang sa tropa ni Vortex naman kita ipakilala?” Nangaasar na sabi ni Dark.
“H-heh! Sagutin mo na lang ako, bakit kailangan dito ang date?” Asik na tanong ulit nito sa binata.
“Dahil ang tunay na pagkilatis nang tao ay nakikita sa kung paano siya magtrabaho. Tara.”
Lumapit sila kay Marco. Agad namang ngumiti ang lalaki nang makita sila. Aminado si Allyson, gwapo ito sa malinis na paraan, kahit pa pawisan ito sa ilalim ng sikat ng araw.
“Marco, heto 'yong sinasabi ko sa’yong kaibigan ko. Si Allyson,” pakilala ni Dark. Lumingon ito kay Allyson na may halong pang-aasar sa mata. “Ally, maiwan ko muna kayo rito. Tutulong lang ako doon sa kabilang side.”
“Teka, Dark—”
Ngunit bago pa siya makahirit, tinalikuran na sila ni Dark. Naiwan si Allyson na medyo naiilang sa harap ni Marco.
“Pasensya ka na kay Dark, Miss Allyson. Medyo pilyo talaga 'yon pero mabait naman,” ani Marco habang inaabutan siya ng malamig na tubig.
Nagsimula silang maglakad-lakad. Maayos kausap si Marco. Marami itong alam tungkol sa agrikultura at kitang-kita ang passion nito sa ginagawa. Pero habang nagsasalita si Marco tungkol sa irrigation system, nahuhuli ni Allyson ang sarili niyang patingin-tingin sa malayo—doon sa gawi kung nasaan si Dark.
Nakita niya si Dark na nakikipagbiruan sa mga trabahador habang nagbubuhat ng malalaking pakwan. Bakat ang pawis sa likod nito, at sa bawat paggalaw nito, tila mas lalong nagiging masculine ang dating nito. Bakit ba mas nakakakuha ng atensyon niya ang lalaking pilyo at laging may kalokohan sa utak kaysa sa disente at matalinong inhinyero na nasa harap niya?
“Allyson? Are you okay?” untag ni Marco.
“Ah, yes! Sorry, Marco. Ano nga ulit 'yong sinasabi mo?”
“Sabi ko, baka gusto mong subukan? Pumitas tayo ng pakwan para maranasan mo.”
Dinala siya ni Marco sa gitna ng taniman. Tinuruan siya nito kung paano malalaman kung hinog na ang pakwan. Habang yumuyuko si Allyson para hawakan ang prutas, biglang sumulpot si Dark mula sa likuran nila.
“Hoy, baka maputol 'yang bewang mo, Señorita. Hindi ka sanay sa ganyan,” puna ni Dark na may bitbit ding pakwan.
“Kaya ko, Dark. Huwag ka ngang epal,” mataray na sagot niya. Pinilit ni Allyson na buhatin ang isang malaking pakwan, pero dahil sa bigat ay dumulas ito sa kamay niya, nawalan siya ng balanse.
Inasahan niyang babagsak siya sa lupa, pero mabilis siyang nasalo ni Dark. Ang isang kamay nito ay nasa bewang niya, at ang isa naman ay sumalo sa pakwan para hindi ito mabasag.
Sobrang lapit ng mga mukha nila. Naamoy ni Allyson ang halo ng pawis at init ng araw mula kay Dark—isang amoy na dapat ay mabaho para sa kanya, pero bakit tila nakakahilo ito sa ibang paraan?
“Sabi ko sa’yo, lupa ang sasalo sa’yo,” bulong ni Dark, ang boses ay mababa at tila may halong pambubuska. “Buti na lang, mas mabilis ako sa lupa.”
Dahan-dahan siyang pinatayo ni Dark pero hindi agad binibitawan ang bewang niya. Napatingin si Marco sa kanila, bakas ang pagtataka sa mga mata nito.
“Ayos ka lang ba, Allyson?” tanong ni Marco.
“O-oo. Salamat,” sagot niya, habang ang mata ay nananatiling nakapako kay Dark na ngayon ay nakangisi na naman.
“Marco, mukhang pagod na ang ‘date’ mo. Masyado kasing pang-high society 'tong si Allyson, hindi sanay sa putik,” ani Dark habang kinukuha ang pakwan mula sa kamay ni Allyson. “Ako na muna ang bahala rito. Sige na, balikan mo na 'yong mga tauhan mo doon.”
Nang makaalis si Marco, agad na hinarap ni Allyson si Dark.
“Ano bang problema mo? Date ko 'to, 'di ba? Bakit ka umeepal?”
“Tinulungan lang kita. Muntik nang mabasag ‘tong pakwan na hawak mo, mag-iinarte ka pa?”
“Aba’t yang pakwan pa talaga ang mas mahalaga kaysa, sakin?”
“Di mo sure!” Sagot nito sabay kindat sa kanya.
“Sinadya mo 'to, 'no? Sinadya mong dalhin ako rito para magmukha akong tanga sa harap ni Marco!”
Nilapag ni Dark ang pakwan at lumapit sa kanya, sapat na para maramdaman niya ang init na nanggagaling sa katawan nito. “Hindi. Dinala kita rito para makita mo kung anong klaseng buhay ang meron dito sa probinsya. Na ang asawa rito, hindi lang taga-pirma ng tseke. Taga-salo rin ng pakwan kapag nahuhulog nang asawa.”
Natahimik si Allyson. Tinitigan niya ang mga mata ni Dark. May kung anong seryosong emosyon doon na mabilis ding nawala nang kumurap ito.
“O, ano? Type mo ba si Marco? Pasado ba?” tanong ni Dark habang pinapagpagan ang kamay.
Huminga nang malalim si Allyson. “Mabait siya. Gwapo. Matino.”
“Pero?”
“Pero... parang may kulang.”
Tumawa nang mahina si Dark at tinalikuran siya para maglakad pabalik sa motor. “Unang araw pa lang naman. Marami pa tayong idi-date. Pero payong kaibigan lang, Allyson... huwag mong hanapin sa iba ang nararamdaman mo kapag ako ang kasama mo. Mahihirapan ka lang.”
“Ang kapal ng mukha mo, Dark! Wala akong nararamdaman sa’yo!” sigaw niya habang hinahabol ito.
“We’ll see, Señorita. We’ll see.”
Habang pabalik sila sa ancestral house, mas mahigpit ang hawak ni Allyson sa beywang ni Dark. Hindi niya alam kung dahil ba sa bilis ng takbo ng motor, o dahil sa takot siyang aminin sa sarili niya na tama ang lalaking ito—na sa bawat asaran at bardagulan nila, unti-unting nabubura ang imahe ng sinumang “eligible bachelor” na ipakilala nito sa kanya.