NANGINGINIG ang mga kamay ni Allyson habang nakakapit sa manibela ng kanyang sasakyan. Ramdam pa rin niya ang kakaibang kuryenteng dumaloy sa kanyang mga labi—isang sensasyong hindi niya inaasahang mararamdaman mula sa isang lalaking ang tanging alam ay bwisitin at sirain ang araw niya.
"Hayop ka, Dark... Hayop ka talaga!" asik niya sa sarili habang mabilis na pinapatakbo ang sasakyan palayo sa kamalig.
Sa rear-view mirror, nakita niya ang maliit na pigura ni Dark na nakatayo pa rin sa gitna ng daan, tila kampanteng-kampante sa ginawa nito. Ang kapal ng mukha! Ipinakilala siya sa isang kabayo, pagkatapos ay nanakawan siya ng halik?
Pagkarating sa ancestral house, hindi na pinansin ni Allyson ang pagbati ni Manang Mirna. Dire-diretso siya sa kanyang silid at pabagsak na nahiga sa kama. Ngunit kahit anong pikit niya, ang mukha ni Dark ang nakikita niya—ang mapaglarong ngiti nito bago siya siniil ng halik, at ang amoy ng mamahaling pabango nang binata na humalo sa hangin.
“Bakit ka tumugon, Allyson? Ang tanga mo!” sermon niya sa kanyang sarili.
Kinuha niya ang kanyang cellphone upang maglabas ng sama ng loob sa social media, ngunit nakita niya ang notification mula sa "Dee Eyy."
Dee Eyy: "Nakarating ka ba nang maayos? O baka hanggang ngayon ay lumulutang ka pa rin sa ulap dahil sa halik ni Vortex? Ah, mali, halik ko pala."
Ally: "Mamatay ka na! Huwag na huwag kang magpapakita sa akin bukas o kahit kailan!"
Dee Eyy: "Ouch. Ang sakit naman. Pero aminin mo, mas masarap pa ako sa cup noodles na kinain mo sa kubo."
Inis na in-off ni Allyson ang kanyang phone. Alam niyang kapag pinatulan niya pa ito, siya lang ang talo. Ang lalakeng iyon ay parang linta—mahirap alisin at sadyang nakakairita.
KINABUKASAN, sinubukan ni Allyson na maging produktibo. Ayaw niyang isipin ang "one month deadline" ng kanyang Mamita, ngunit kailangan niyang kumilos. Nagpasya siyang pumunta sa palengke ng San Vicente upang bumili ng mga kagamitan para sa pagbe-bake—isang bagay na ginagawa niya kapag stressed siya.
Suot ang isang malapad na sumbrero at sunglasses para hindi makilala kahit wala naman talagang nakakakilala sa kanya roon, naglakad siya sa gitna ng mataong palengke.
"Magkano po ang isang kilo ng asukal?" tanong niya sa isang tindera.
"Limampung piso, hija."
Bago pa makadukot ng pitaka si Allyson, isang pamilyar na boses ang sumabat mula sa kanyang likuran.
"Masyadong mahal 'yan, Aling Nena. Bigay mo na ng apatnapu, suki naman ako dito eh. At saka, tignan mo 'tong kasama ko, mukhang hindi marunong tumawad, baka maubos ang pera sa isang araw."
Nanigas si Allyson sa kinatatayuan niya. Hindi niya kailangang lumingon para malaman kung sino ang asungot na nasa likod niya.
"Dark," gigil na wika ni Allyson habang dahan-dahang humaharap.
"The one and only," nakangiting sagot ng lalaki. Ngayon ay suot nito ang isang simpleng puting t-shirt na bakat ang magandang hubog ng katawan at isang maong na shorts. "Ano? Naghahanap ka ba ng mapapangasawa dito sa tindahan ng asukal? Gusto mo ba ng matamis?"
"Puwede ba, Dark? Tigigilan mo ako. At huwag mo akong pakialaman sa pamamalengke ko"
"Tinutulungan lang kita, Ally. Sa arte mong 'yan, lolokohin ka lang ng mga tao rito. Halika nga rito." Bigla nitong hinawakan ang braso ni Allyson at hinila siya patungo sa isang pwesto ng mga prutas.
"Bitawan mo ako! Ano ba!"
"Shh. Huwag kang maingay, baka isipin nila nag-aaway tayong mag-asawa," pabulong na biro ni Dark na lalong nagpa-init ng ulo ng dalaga.
"Wow! Sa itsura mong yan sa tingin mo ba mapagkakamalan tayong mag-asawa?" tanong ni Allyson nang makarating sila sa isang mas tahimik na bahagi ng palengke.
“Sabagay, sa gwapo ko ba namang to mukhang hindi sila maniniwalang asawa kita.” Sagot namanang binata na lalong nagpataas nang presyon niya.
Huminto si Dark at hinarap siya. Nawala ang mapaglarong ngiti nito at napalitan ng isang seryosong tingin na tila binabasa ang kaluluwa ni Allyson.
“Bakit ganyan ka makatingin?”
"Bakit ba nagmamadali kang makapag-asawa?"
"Hindi mo naiintindihan, Dark. Mahal ko ang lola ko. At kung ito ang tanging paraan para maging masaya siya bago siya... bago siya mawala–." Hindi na niya naituloy ang gusto niya pang sabihin dahil kahit labag sa loob niya ang usapan nila nang Mamita niya ay alam niyang nag-aalala lamang ito kung sakaling mawala siya sa mundong ibabaw.
Bahagyang lumambot ang ekspresyon ni Dark, ngunit sandali lang iyon. "Ang pagpapakasal ay hindi parang pagbili ng isda sa palengke, Ally. Hindi porke sariwa at maganda sa paningin, iyon na ang kukunin mo. Kailangan mo ring malaman kung malasa ba kapag niluto na."
"Wow. Coming from you? Ang lalakeng humahalik na lang bigla nang walang paalam?"
"That was a test," mabilis na sagot ni Dark.
"Test? Anong test?"
"Isang test kung papasa ka bang maging asawa ko.” Nakangising sagot niya sa dalaga. “At saka halata namang gusto mo yung halik na yun..” at nilapit ang mukha sa dalaga. “Tumugon ka nga e.” Dagdag na wika nito.
Namula si Allyson. "You... you jerk! Hindi iyon tugon! Iyon ay... reflex! Defense mechanism!"
Tumawa nang malakas si Dark, isang tunog na aminin man o hindi ni Allyson ay masarap pakinggan. "Defense mechanism na gumaganti sa halik? Bago 'yan ah."
"Ganito na lang," panimula ni Dark habang naglalakad sila pabalik sa sasakyan ni Allyson. "Dahil mukhang desperada ka na talaga, tutulungan na kita. Pero sa paraan ko." Tinaasan naman siya nang kilay ni Allyson dahil alam niyang wala baka kalokohan na naman ang nasa isip niya.
"Anong paraan?"
"Tutulungan kitang makilala ang mga 'eligible bachelors' dito sa San Vicente. Pero sa bawat lalaking ipapakilala ko sa'yo, kailangan mong dumaan sa isang 'date' na ako ang mag-aayos. Kung pagkatapos ng isang linggo ay wala ka pa ring mapili... bibigyan mo ako ng pagkakataong patunayan ang sarili ko."
Napakunot ang noo ni Allyson. "Anong patunayan ang sarili mo?"
"Na hindi mo na kailangang maghanap pa nang malayo." Kumindat si Dark bago sumakay sa kanyang motor. "See you tomorrow, 8:00 AM. Magsuot ka ng damit na madudumihan, Señorita. Hindi tayo mag-ma-mall."
Pinaandar ni Dark ang kanyang motor at mabilis na humarurot, iniwan si Allyson na nakatulala sa gitna ng kalsada.
"Hoy! Hindi pa ako pumapayag!" sigaw niya, ngunit tanging usok na lang ng motor ang sumagot sa kanya.
Napahawak si Allyson sa kanyang dibdib. Bakit ba sa bawat pagkakataong magkasama sila, tila laging may gyera sa loob niya? Inis, kaba, at isang damdamin na hindi niya alam kung ano.