Chapter 04

1492 Words
TANGHALI na nang magising si Allyson kinaumagahan. Isang linggo na ang nakalilipas simula nang bigyan siya ng ultimatum nang kanyang Mamita, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang mahanap na mapapangasawa. Tila ba mailap ang tadhana sa kanya sa gitna ng katahimikan ng San Vicente. ​Inayos niya ang sarili bago bumaba. Nagsuot siya ng komportableng cargo pants at isang itim na crop-top na nagpatingkad sa kanyang hubog. Simple lang ang kanyang ayos, ngunit bakas pa rin ang ganda ng isang laking-Maynila. ​“Señorita, may lakad po ba kayo?” tanong ni Manang Mirna nang madatnan niya ito sa kusina. ​“May pupuntahan lang ho ako, Manang,” magalang na sagot ni Allyson bago umupo sa hapag. Balisa siya, dahil hindi niya rin naman talaga alam kung saan siya magsisimulang maghanap sa gitna ng malawak na bukirin. ​“O siya, kumain ka muna. Tumawag ang Señora kaninang umaga at hinahanap ka.” ​Napatigil si Allyson sa pagsubo. “Bakit daw po, Manang?” ​“Kailangan niyo raw pong tumupad sa usapan ninyong dalawa. Mukhang nagmamadali na ang iyong lola.” ​“Wala naman ho ba kayong naikwento kay Mamita, Manang? Tungkol sa... alam niyo na,” pag-aalala ni Allyson. ​“Naku, wala ho, Señorita! Ayaw ko naman kayong pangunahan,” umiiling na wika ng matanda habang sinasalinan ng tubig ang baso ng dalaga. ​Matapos kumain at mailigpit ang pinagkainan, napagpasyahan na ni Allyson na lumabas. Dala ang kanyang shoulder bag, naglakad siya patungo sa gate. ​“Mag-iingat ka, Señorita,” nakangiting pahabol ni Manang Mirna. Isang tango at kaway na lang ang naisagot ni Allyson bago tuluyang lumabas. ​Naglalakad na siya palapit sa kanyang sasakyang nakaparada sa labas nang biglang may humintong motor sa kanyang tabi. Isang pamilyar na ingay ng makina ang nagpalingon sa kanya. ​“Hoy, saan ang punta natin?” tanong ng lalaking lulan nito. Si Dark. ​“Diyan lang,” walang gana niyang sagot. ​“Huwag mong sabihing maglilibot ka na naman para maghanap ng asawa?” nakangising tanong nito. ​“Siguro.” ​“Wala ka pa rin sa mood?” usisa ni Dark, na nagpakunot sa noo ni Allyson. ​“Paano mo nalaman?” ​“Wala lang. Kagabi ka pa kasi walang mood, eh.” ​Napatitig si Allyson sa kanya. “Ikaw ‘yung nag-add friend sa akin kagabi?” Dahil ‘yung estrangherong ‘yun lang naman ang sinabihan niyang wala siya sa mood makipag-usap. ​“Hindi mo sure,” nakangiting tugon ni Dark. ​Ito ang unang pagkakataon na napagmasdan ni Allyson nang malapitan ang ngiti ni Dark—isang ngiting tila nakatutunaw at lalong nagbibigay-diin sa kagandahang lalaki nito. Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso na pilit niyang ipinagsawalang-bahala. ​“O, natulala ka na naman sa kagwapuhan ko.” ​“Tss... kapal.” Inirapan niya ang lalaki upang itago ang pagkapahiya. “Napaka-jejemon naman ng pangalan mo sa Facebook.” ​“Ganun talaga kapag pogi,” sabay kindat ni Dark sa kanya. ​“Saan?” tanong ni Ally, sabay tingin sa likod ng lalaki. ​“Saan ang alin?” ​“Saan kamo ‘yung poging sinasabi mo? Wala akong makita.” ​“Tsh... nai-in love ka na nga sa akin, eh.” ​“Huwaw! Ang kapal din naman talaga ng mukha mo, ‘no? Kung wala ka nang sasabihing importante, lumayas ka na at may lakad pa ako,” pagtataboy niya rito sabay pindot sa remote ng kanyang sasakyan. ​“Gusto mong sumama sa akin?” tanong ni Dark nang akmang papasok na si Allyson sa driver’s seat. ​“Saan mo naman ako dadalhin, aber?” ​“Sa kubo. Kunin mo na raw ‘yung naiwan mong damit doon.” ​“Itapon na lang nila kamo. Marami pa naman akong damit.” ​“Tsk. Nalabhan na ‘yun. Nakakahiya naman sa naglaba kung itatapon lang,” seryosong wika ni Dark. ​“Eh ‘di basain na lang nila ulit, saka nila itapon.” ​“Sus. Ayaw mo lang sumama kasi baka lalo kang mahulog sa akin,” hamon ng lalaki. ​Napabuntong-hininga si Allyson. “Mauna ka na. Susunod ako gamit itong sasakyan ko.” Ayaw na niyang umangkas dito dahil baka kung ano na namang kalokohan ang gawin nito, at ayaw niyang muling madikit ang kanyang katawan sa likod nito. ​Sinundan niya ang motor ni Dark patungo sa malawak na ubasan. Pagdating nila sa kubo, sinalubong sila ni Manong Bert at ng anak nitong si Aya. ​“Sir Dark! Andito na ho pala kayo. Aba, sino ho ba itong magandang kasama ninyo?” tanong ni Manong Bert. ​“Siya ho ang may-ari ng damit na naiwan dito noong nakaraang araw,” pakilala ni Dark. ​Sinamaan ni Allyson ng tingin ang lalaki. Sobrang kahihiyan ang naramdaman niya sa harap ng mag-ama. ​“Kung ganoon ay kayo ho pala ang ‘salarin’ sa pagpasok dito sa kubo?” seryosong tanong ni Manong Bert, pero may himig ng biro. ​“N-naku, hindi ko naman po ikakailang sa akin nga po ‘yung damit. Pero kasama ko po itong lalaking ito noong nandito ako,” paliwanag ni Allyson sabay irap kay Dark. Humalakhak lang ang binata. ​“Ako po pala si Allyson. Ally na lang po ang itawag niyo sa akin.” “Ako naman si Manong Bert hija at ito naman ang anak kong si Aya.” pagpapakilala nito sa kanyang sarili at sa anak. “Hello po, ate Ally.” Nakangiting bati naman nito sa akin, tinanguan ko ito saka nginitian. “Kayo ho ba ang may-ari nang kubo na ‘to?” Tanong ko sa mag-ama. “A-ahh e, kami lang ang taga-pangalaga nang kubo hija, sa katunayan si–” “Kunin mo na yung damit mo.” Putol nang binata sa sinasabi nang matanda. “Ang bastos mo naman, nagsasalita pa si Manong Bert sumasabat ka na.” “Ayos lang yun hija, sanay na ako diyan kay Sir Dark.” Nakangiting wika nang matanda sa kanya, mukhang nakahalata naman ang matanda na ayaw ipag-sabi nang binata kung sino ang may-ari nang kubo. ​Matapos makuha ang kanyang damit mula kay Aya at magpaalam sa mag-ama, naglakad na sila palabas ng gate. Akmang sasakay na si Allyson sa driver’s seat nang unahan siya ni Dark na pumasok doon. ​“Bakit ka nandiyan? Alis!” ​“Sumakay ka na rito. Ako na ang magmamaneho.” ​“Sasakyan mo? Sasakyan mo?” singhal ni Allyson habang pinandidilatan ng mata ang lalaki. ​“Napakasungit mo. Paano ka makakahanap ng asawa kung mas lalaki ka pa umasta kaysa sa akin?” pailing-iling na wika ni Dark. “Sumakay ka na. Tutulungan kitang maghanap.” ​Dahil sa kuryosidad, sumakay si Allyson sa passenger seat. Ngunit napakunot ang kanyang noo nang mapansing imbes na sa bayan sila pumunta, ay patungo sila sa dulo ng bukirin. ​“Hoy, saan tayo pupunta? Sabi mo maghahanap tayo ng asawa?” ​“Oo nga. Dito tayo maghahanap.” ​“Saan? Puro kabayo, baka, at kalabaw lang ang nakikita ko rito!” ​Ngumisi lang si Dark. “Diba tinatanong mo ako kung may kaibigan ako? Ipapakilala kita sa best friend ko. Malay mo, magustuhan mo siya.” ​“Siguraduhin mong hindi mo ako pinagloloko, kundi sasamain ka talaga sa akin.” ​“Oo, promise. Gwapo ‘yun at maganda ang katawan.” ​Huminto ang sasakyan sa isang malaking kamalig. Pumasok sila sa loob kung nasaan ang mga kulungan ng kabayo. Huminto si Dark sa harap ng isang matikas na kabayo. ​“Allyson, I would like you to meet my best friend, Vortex,” nakangising wika ni Dark. “Binata pa ito, never been kissed, never been touched.” ​Napanganga si Allyson. “Tangina mo talaga!” sigaw niya. Akmang lalayasan niya ang lalaki nang bigla siyang kabigin nito palapit. ​Mabilis ang pangyayari. Ilang pulgada na lang ang layo ng kanilang mga mukha. Hindi nagpatalo si Allyson sa titig ni Dark kahit halos kumawala na ang puso niya sa bilis ng pintig nito. Bago pa siya makapagsalita, bigla siyang siinil ni Dark ng isang halik. ​Isang halik na tila nagnanakaw ng katinuan. Imbes na itulak ito, tila nakalimutan ni Allyson ang lahat ng galit at gumanti sa intensidad ng halik ni Dark. Ang paligid ay tila naglaho, tanging ang init na lamang ng labi ng isa’t isa ang kanilang nararamdaman. ​Habol-habol nila ang kanilang hininga nang maghiwalay ang kanilang mga labi. ​“Tangina mo pa rin,” galit ngunit mahinang wika ni Allyson, bagaman bakas ang kalituhan sa kanyang mga mata. Agad siyang tumalikod, sumakay sa sasakyan, at mabilis na pinaharurot ito palayo, iniwan si Dark na may nakakalokong ngiti sa mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD