CHAPTER 4 ROOM

3074 Words
"Princess, magpahinga ka na muna. Ilang araw ka nang walang pahinga at walang tulog," dinig kong sabi ni Yaya Miding na nasa aking tabi habang nararamdaman ko ang isa niyang palad sa aking likod na humahagod. Pinakakalma ako. Pero sobra pa ako sa kalmado dahil hindi ko na makuha pang gumalaw. Hindi ko na kayang kumilos. Ni pagkurap ng aking mga mata ay hindi ko na rin magawa. Ubos na ang aking mga luha. Said na said na at wala na akong mailalabas pa. Nakatulala lang ako sa kawalan. Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking kinasasadlakan. Ni sa panaginip ay hindi ko naisip na mangyayari ito. Ni hindi ko naisip na mangyayari sa akin 'to. Iniwan nila akong mag-isa. Iniwan nila ako nang ganito ka-aga. Bakit? "Princess, kumain ka na ba?" dinig ko namang boses ni Eric na ilang araw ding hindi umaalis sa aking tabi. "Ikukuha kita ng pagkain, okay. Saglit lang ako." Naramdaman ko ang mga yabag niyang papalayo. Narito kami ngayon sa Saint Federico Memorial Park. Maraming tao. Maraming dumating. Marami ang nakiramay. Maraming naki-dalamhati. Marami ang nagpaabot ng tulong. Marami ang nagulat at hindi makapaniwala sa mga pangyayari. Narito ang lahat ng mga trabahador ng buong hacienda. Pero ni isa sa kanila ay hindi ko kailangan. Dalawang tao lang ang kailangan ko para patuloy pa akong mabuhay. Pero kung hindi niyo sila maibabalik sa akin, mas mabuting kunin niyo na rin ako. Dahil ano pang silbi ng buhay ko kung wala na ang mga importanteng tao sa buhay ko? Mas mabuting mawala na rin ako. "Ssshhhh.." Naramdaman ko ang mga daliri sa aking pisngi na pilit pinupunasan ang mga luha kong akala ko ay ubos na. Nakita kong tumunghay sa aking harapan si Eric. Kumuha siya ng upuan at umupo sa aking harapan. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay. "Narito lang kami, Princess. Narito lang ako. Hindi kita iiwan. Hindi kita pababayaan. Huwag mong iisipin na mag-isa ka dahil narito kami. Habambuhay kaming hindi aalis sa tabi mo. Huwag kang susuko. Kasama mo kaming lalaban. At huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa sa kanya. Hindi niya ito ibibigay sa 'yo kung hindi mo ito makakayang lagpasan. Ang lahat ay may rason. Ang lahat ay may dahilan." Walang-buhay kong sinalubong ang kanyang mga matang nakatitig sa akin. "Sobrang bait nila Sir Ferdinand at Ma'am Abie. Sigurado akong kapiling na sila ng Panginoon. At alam kong hindi ka nila iiwan. Andyan lang sila sa tabi mo. Binabantayan ka." Muling pumatak ang aking mga luha. Hindi ko alam kung kakayanin ko ang lahat ng ito. Kung sana ipinaalam nila sa akin na hanggang dito na lang ang buhay nila, sana nakapaghanda ako. Sana naihanda ko ang sarili ko. Sana naibuhos ko ang lahat ng pagmamahal ko para sa kanila hanggang sa kahuli-hulihang araw nila. "Uminom ka muna." Inabutan niya ako ng isang basong tubig...ngunit hindi ko talaga makayang gumalaw. Naramdaman kong lumapat ang labi ng baso sa aking bibig. Kaya wala na akong nagawa kundi ang uminom ngunit kahit ang paglunok ay hindi ko magawa. Parang may isang malaking batong nakabara sa aking lalamunan. "Please, uminom ka kahit kaunti lang." Nababanaag ko ang pagsusumamo sa mga mata ni Eric. Pinilit kong uminom kahit kaunti. "Kumain ka, ha kahit kaunti lang. Susubuan kita," sabi niya kasabay nang pag-umang niya sa aking bibig ng isang kutsarang naglalaman ng lugaw. Ngunit hindi ko magawang ibuka ang aking mga labi. Hindi ko na magawa pang kumain. Hayaan na lang nila ako. Gusto ko na ding magpahinga. Pagod na 'ko. "Please, Princess. Kumain ka kahit kaunti lang. Kailangang magkalaman ang tiyan mo. Hindi matutuwa ang parents mo kapag nakita ka nilang ganyan." Hindi niya inalis ang kutsara na naka-umang sa aking labi. "Sige na 'nak. Kumain ka na. Kahapon pa ang huli mong kain tapos kakaunti pa 'yon at gabi na ngayon, hindi ka pa rin kumakain," dinig kong sabi naman ni yaya. "Nag-aalala na kami sa 'yo. Huwag mong pabayaan ang sarili mo. Narito lang kami." Pinilit kong ibuka ang aking mga labi. Naisubo naman sa akin ni Eric ang pagkain. Hindi ko na kailangan pang nguyain dahil lugaw lang naman 'yon. Sinadya siguro nila para hindi na ako mahirapan pang kumain. Nakalimang kutsara lang ako at hindi ko na kaya. Pinainom niya rin ako ng tubig pero kaunti lang ang aking nalunok. Wala sa sariling napalingon ako sa bintanang yari sa salamin. Narito kami sa loob ng chapel na kinahihimlayan ng aking mga magulang. Natanaw ko sa labas ang kadiliman ng gabi at tanging ang kabilugan ng buwan lamang ang nagbibigay tanglaw sa paligid. Wala sa sarili akong napatayo at lumapit sa bintanang salamin. Naramdaman kong napakilos si Eric na nasa aking tabi at si Yaya Miding. Maaaring nagulat sila sa biglaan kong pagtayo pero hinayaan lang nila ako. Tinanaw ko ang buwan sa labas ng bintanang salamin. Hindi ko alam kung anong meron sa kanya...pero ang sarap niyang panoorin. Inilapat ko ang aking kamay sa bintanang salamin na parang pakiramdam ko maaabot ko ang bilog na bilog na buwan. Lumapit ka sa akinnn... *** Nag-decide ako na ipa-crimate ang katawan ng aking parents dahil gusto ko pa silang makasama ng matagal. Itatabi ko na lang muna sila sa aking silid. Hindi ko pa sila kayang pakawalan. Patawarin niyo po ako pero hindi ko pa kayang malayo sa inyo. Hindi ko pa kayang tanggapin na wala na kayo at kahit kailan ay hindi na kayo maibabalik sa akin. Ipinatong ko sila sa ibabaw ng isa sa aking mga cabinet. Katabi ang magkasamang larawan nila mama at papa at family picture namin na nabasag na ang frame. Isang buwan na ang nakalipas simula nang matagpuan ang kanilang bangkay. Pero parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sariwang-sariwa pa rin at hindi ko alam kung maghihilom pa. Si Brunette na ang nagpresintang mag-aasikaso ng kaso dahil hindi ko daw kakayaning asikasuhin 'yon. Magpahinga na lang daw muna ako. Hahayaan lang daw muna niya akong magluksa. Ang ipinagtataka ko lang ay bakit dalawa lang ang bangkay na natagpuan? Sa pagkakaalam ko at nakita ko bago sila umalis ay may kasama silang driver. Driver na hindi ko kilala. Hindi pamilyar ang mukha sa akin. Hindi kaya may foul play na nangyari? May set up nga bang nangyari? At sino naman ang halang ang kaluluwang gagawa nito? Nasaan na ngayon ang driver na nagmaneho ng sasakyan ng aking mga magulang? Sino ang nasa likod ng lahat ng ito? Wala daw ni isang bakas ng driver ang natagpuan sa pinangyarihan ng aksidente o kahit sa itaas ng bangin kung saan sila dumaan at bumiyahe. Ang bakas ng gulong ng sasakyan sa kalsada ay dire-diretso lang hanggang sa bangin. Hindi nagawang lumiko. Hindi kaya may sumabotahe sa sasakyan? Hindi ko na alam ang iisipin ko. Gusto kong tumulong sa kapulisan para sa ginagawa nilang imbestigasyon pero hindi ako hinayaan ni Brunette. Siya na daw ang bahala sa lahat. Napapitlag ako sa mararahang katok sa pinto ng aking silid. Segundo lang ay bumukas din ito at pumasok si yaya Miding na may dalang tray na puno ng pagkain. "Nak, Princess, kumain ka na muna. Heto na oh. Kainin mo agad para hindi lumamig." Ipinatong niya ito sa paanan ng aking kama. Hindi ko na makuha pang lumabas ng silid ko. Palagi lang akong nakakulong. Mas gusto kong mapag-isa, kahit habambuhay pa. Ayokong makakita ng mga tao. "Anak, sige na. Kailangan mo nang kainin ito dahil ang pagkain mo kanina ay hindi mo man lang ginalaw. Gusto mo bang tawagin ko si Eric?" Mabilis akong umiling sa kanya. Sobra-sobra na ang ginagawa ni Eric para sa akin. Araw-araw siyang pumupunta dito. Dinadalhan ako ng mga kung ano-anong pagkain, isda, prutas at mga gulay. Binabantayan ako, pinakakain, pinatutulog. Hihintayin niya munang makatulog ako bago siya umalis. Kulang na lang pati panliligo ko ay samahan ako. Ni paliligo kasi ay hindi ko na rin magawa. Wala na akong ganang mabuhay pa. Para saan pa ang buhay ko? Nagpapakabuti akong anak para sa kanila. Buong buhay ko silang sinunod sa mga gusto nila. Kahit minsan nagrereklamo na ako sa pagkukulong nila sa akin dito. Pero bakit ngayong wala na sila ay hindi ko masabing malaya na ako? Wala nang maghihigpit sa akin. Wala nang magkukulong. Wala nang makikialam sa buhay ko. Wala na akong susunding mga utos. Wala nang magbabawal. Pwede na akong lumabas. Pwede na akong pumunta sa lahat ng gusto kong puntahan. Pwede na ako pumunta ng siyudad kung saan maraming building, mga sasakyan, maraming tao. Makakasakay na ako ng bus, tren, jeep, tricycle at kung ano-ano pa. Makakasakay na ako ng barko. Makakapasok na ako ng mall na sa t.v ko lang nakikita. Makakaligo na ako sa ulan. Lahat ng mga hindi ko pa nararanasan ay mararanasan ko na, dahil wala na sila. Ngunit hindi ko maramdaman ang lahat ng kalayaang 'yan ngayong wala na sila. Mas lalo akong nakulong. Madilim na ang buhay ko. Wala na akong makitang liwanag pa para magpatuloy. Wala ng halaga ang buhay ko. Tumayo ako at lumapit sa nakabukas na bintana. Tumingala ako sa langit. Wala ang buwan ngayon. "Gusto kitang makita. Ikaw na lang ang meron ako. Kailangan ko ang sinag mo," mahina kong bulong sa kanya. Ngunit naagaw ang aking pansin ng malalakas na busina ng sasakyan. Napababa ang aking paningin at napatanaw sa labas ng gate. Namukhaan ko ang sasakyan na may kalumaan na. Narito na naman siya? Ano na naman ang ginagawa niya dito? Nawala siya simula noong araw na makauwi na kami mula sa hospital. Elvish Ang manyakis na lalaking bisita ni Brunette. Hindi ko alam kung makakaramdam pa ba ako ng takot ngayong bumalik na naman siya. Manhid na ako at wala ng ganang mabuhay pa. Nakita kong nakapasok na ang kaniyang sasakyan sa bakuran. Bumaba siya at tumingala dito sa ikalawang palapag ng mansion kung saan ako naroroon. Nakangisi ang mala-demonyo niyang mukha. May napansin pa akong dalawang lalaki na bumaba sa kaniyang sasakyan. Lahat sila ay tumingala sa akin at kumaway. At dito na nag-umpisang kumabog ng malakas ang aking dibdib. *** Huh! Napabalikwas ako mula sa aking kama nang bulabugin ako nang sunod-sunod na katok sa pinto ng aking silid. Kaagad kong kinapa ang patalim na itinatago ko sa ilalim ng aking unan. Napasilip ako sa labas ng bintana at bahagya akong nasilaw sa liwanag na tumama sa aking mga mata. Umaga na pala. "Princess!" tinig ni yaya? Sunod-sunod na katok muli sa pinto ang aking narinig. Mabilis kong itinago ang patalim sa ilalim ng aking unan at lumapit sa pinto. Tinanggal ko ang mga mesa at cabinet na iniharang ko sa pinto, maging ang triple lock bago ko binuksan ang pinto. "Yaya, bakit po?" "Ano ka ba namang bata ka?! Kanina pa ako katok ng katok! Akala ko kung napaano ka na. Hindi ka sumasagot at hindi mo binubuksan ang pinto. Mag-a-alauna na ng hapon at hindi ka pa kumakain," mahaba niyang sermon sa akin. Napalingon ako sa orasan na nasa side table ng kama at 1 oclock na nga ng hapon. "Kagigising ko lang po eh." Naglakad akong muli pabalik sa loob at nagdiretso sa aking banyo. Ilang beses akong naghilamos ng aking mukha upang magising ang diwa ko kahit pakiramdam ko ay bangag pa rin ako dahil sa puyat. Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa mga dumating na bisita. Pinakiramdaman ko buong magdamag ang paligid. Pakiramdam ko, anumang oras ay papasukin nila ako dito sa aking silid kahit na sobra-sobrang lock na ang ginagawa ko sa gabi. Ang glass door naman ng terrace ko ay hinihila ko ang kama ko para iharang. May mga bakal-bakal na rehas naman ang glass door kaya kahit mabasag ang salamin ay hindi pa rin makakapasok ang sinuman. 'Yon nga lang, maaabot niya ang lock nito kaya wala pa ring lusot. Ipapaayos ko na lang din ito kay Eric. "Kumain ka na, hay naku kang bata ka! Nalipasan ka na naman ng pagkain! Gusto mo bang magkasakit?"panenermon pa rin sa akin ni yaya Miding pagkalabas ko ng banyo. Lumapit na ako sa tray na nakapatong lang sa kama ko at sinimulan ko nang kumain. Pinilit kong malunok ang pagkain. Kailangan kong maging malakas dahil pakiramdam ko ay may panganib na anumang oras ay darating sa akin. Kailangan ko ng lakas para makalaban kahit hindi ko alam kung paano. Napasulyap ako sa isang garapon na nakapatong sa cabinet ko. Pinagsama ko na lang ang mga magulang ko sa isang garapon. Mama. Papa. Napayuko ako nang maramdaman ko na naman ang paninikip ng aking dibdib. Si yaya ay narito pa rin sa kwarto ko at nagliligpit ng ilang kalat. Mga ilang damit ko na nakakalat sa ibaba. "Ano ba itong mga cabinet mo at wala sa tamang lugar?" tanong niya pero hindi na ako sumagot. Hindi niya alam ang mga ginagawa ko sa mga cabinet sa gabi. Ayoko kasing dagdagan pa ang alalahanin niya sa akin. "Syangapala, dumaan kaninang umaga si Eric at kinumusta ka. Ang sabi ko ay natutulog ka pa kaya mamaya na lang daw hapon siya dadaan," sabi niya at nakinig lang ulit ako sa kaniya. Natapos akong kumain at lumabas na rin siya na dala ang tray. Muli akong nagkulong dito sa kwarto hanggang sa sumapit muli ang gabi. Pagkatapos kong kumain ng hapunan na dala ni yaya ay muli kong iniharang ang mga cabinet at mesa sa pinto. Ganoon din ang kama ko sa glass door ng aking terrace. Sinadya kong hindi lumabas ng buong araw at hindi sumilip sa terasa para maiwasan kong makita ang mga lalaking ngayon ay nandirito sa mansion. Napatingin ako sa orasan na nasa bedside table at alas 9 na ng gabi. Pansin kong hindi dumaan si Eric. Ang sabi niya ay dadaan siya ng hapon. Muli na akong nahiga at nagkulong sa aking kumot. Pagsapit ng hatinggabi ay napabalikwas ako sa kama nang makarinig ako ng tila pagkabasag mula sa labas ng aking silid. "Aaaaaahhh!!" hiyaw ni yaya Miding ang sumunod kong narinig na nagpakabog ng malakas sa aking dibdib. "Y-yaya?" "Aaaahhh! T-ta-ma na!" Nahintakutan ako at kaagad kong kinapa ang patalim na nasa ilalim ng aking unan. Halos mapatalon ako sa gulat nang malalakas na katok sa pinto ng aking silid ang aking narinig. "A-avriah! T-tulungan mo kami!" boses ni Brunette! "P-prin-cess! W-wag k-ka l-lala-bas," boses ni yaya na parang nahihirapan! "P-princess Avriah! Tulungan mo kami! Papatayin nila kami! Papatayin nila ang yaya mo!" muling sigaw ni Brunette. "Yaya?" Mabilis akong bumaba ng kama. Anong gagawin ko?! Nagpabalik-balik ako ng lakad sa loob ng aking silid. "A-aaa-aahh!" muli kong narinig ang sigaw ni yaya kasunod ang muling pagkabasag ng bagay mula sa labas. Mabilis kong hinila ang mga nakaharang na mesa at mga cabinet sa pinto. "Princess! Ang yaya mo!" muling ring sigaw ni Brunette? "Yaya!" hindi ko na napigilan pa ang mapasigaw. Inilapat ko ang aking tainga sa pinto ngunit kaagad ko ring nailayo nang mabingi ako sa sunod-sunod na mga katok. "Princess! Buksan mo ang pinto! Nasaksak ang yaya mo!" Nanigas na ako sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang sinabi ni Brunette. Y-yaya? Hindi ko na naririnig ang boses ni yaya. "Yaya?!....Yaya!" sigaw ko pa rin dito sa loob ng aking silid habang nakadikit ang aking tainga sa pinto. Bigla akong nataranta. Mabilis kong tinanggal ang triple lock nito. "Princess, madali ka! Dalhin natin sa hospital ang yaya mo!" Halos gibain na ni Brunette ang pinto dahil sa malalakas niyang katok. Pakiramdam ko ay binabayo sa sobrang lakas ng kabog ang dibdib ko. Si yaya! Kailangang madala sa hospital si yaya! Mabilis kong binuksan ang pinto na agad ko ring pinagsisihan dahil mga nakangising tatlong lalaki ang sumalubong sa akin. "Helow, mahal na Prinsesa," nakangising bati ni Elvish sa akin. Dahan-dahan akong napaatras nang magsimula na silang lumapit sa akin. Eric, tulungan mo ko... "Siguro naman ay nakatulog ka na ng mahimbing kagabi at kaninang buong maghapon." Gumewang ang kaniyang ulo at sinipat-sipat niya ang ayos ko. Nakasuot pa rin ako ng dress na abot hanggang paa. Round neckline na katamtaman lang at hindi makikita ang aking dibdib at may katamtaman ding manggas. "Naligo ka ba? Nagkuskos ka ba ng mabuti?" tanong niya sa aktong lumalanghap sa hangin. "Hmmnn... amoy sariwang bulaklak ..... na masarap papakin." Kasabay nang pagngisi niya na animo'y demonyo. Nangilabot ako at napaatras. Dahan-dahan din silang humakbang palapit sa akin. "H-huwag kayong lalapit," bulong ko na halos hindi ko na rin marinig dahil pakiramdam ko ay bigla na lamang akong babagsak sa sahig. Atras lang ako nang atras hanggang sa mapasandal na ako sa matigas na pader at tuluyan na nila akong na-corner. Nangangatal na ang buo kong katawan at palagay ko ay wala na akong takas. "Hmmmnn.. hindi ko akalaing pinaghahandaan mo pala kami nito?" narinig kong sabi ng isa na nasa gawing likuran ni Elvish. Nang mapatingin ako ay mas lalong dumoble ang lakas ng kabog ng aking dibdib nang makita ko ang pinaglalaruan niyang patalim sa kanyang kanang kamay. Ang patalim kong hawak kanina na hindi ko namalayang nabitawan ko dahil sa pagpa-panic ko sa mga naririnig ko sa labas ng aking silid. Napansin ko din ang isa niyang kasama na may mga bahid ng dugo ang kamay at damit. Yaya... Anong ginawa nila kay yaya? Hindi ko na din nakita si Brunette. Nasaan na siya? Pinatay din ba siya? Napapailing ako sa aking sarili. Hindi totoo 'to... Nananaginip lang ako... Pakiusap, gisingin niyo na 'ko! Pakiramdam ko sa aking sarili, anumang oras ay bibigay na ang aking katawan dahil sa mga pinaghalo-halong takot, kaba at nerbyos. "Gusto ko 'yong mga ganyang babae eh...palaban. May thrill kung baga. Hmmnnn.... ang sarap," sabi ni Elvish na kalahating dipa na lamang ang layo mula sa akin at papalapit pa siya nang papalapit. Sabay-sabay silang humalakhak. "Ano pang ginagawa natin? Umpisahan na natin...naiinip na si junior ko eh. Galit na galit na!" sabi ng isang may bahid ng dugo kasabay ng kanyang paghalakhak na parang isang demonyo. Nagulat na lamang ako sa mabilis na paglapit sa akin at paghawak sa aking magkabilang braso ng dalawang lalaki. Nasa harapan ko ngayon si Elvish na may ngiting demonyo. "Ugh!" Napaubo ako nang bigla akong makaramdam ng matinding sakit sa sikmura na nagpamanhid sa buo kong kalamnan. Nanghina ako ng sobra-sobra at nakaramdam ng pagkahilo. Na-realize ko lang ang ginawa niya nang makita ang kamao niyang nakakuyom sa aking harapan. Sinikmuraan niya 'ko... At bago ko pa mamalayan ang lahat ay tuluyan nang nagdilim ang aking paningin...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD