Chapter 7: Muling Paglipad

2896 Words
Ika-sampung araw na ng pananatili ko sa tahanan nina Annie. Dahil sa matiyagang pag-aalaga nila sa akin ay mabilis akong gumaling. Hindi pa rin nanunumbalik ang dati ko na lakas at madali pa rin akong mapagod ngunit sapat na ang kalagayan ko para makakilos ng walang alalay na nagmumula sa kanila. "Tita Watty, natutulog pa po ba si Annie?" pagtatanong ko na dahil tanghali na at hindi pa rin siya lumalabas sa kanyang kwarto. "Gising na. May inaayos lang. Magugulat ka kapag nakita mo siya," tugon niya habang abalang nagbabasa sa w*****d gamit ang cellphone. Nagpatuloy ako sa paghiwa ng mga kalabasang kaaani ko pa lamang kaninang umaga. Ipagluluto ko si Annie ng Pumpkin Soup with Egg Bits. Hiniling ko na sana ay magustuhan niya kahit itlog at kalabasa na naman ang ulam. Tumayo na si Watty sa kanyang inuupuan at nag-unat ng mga braso. "Sandali lang at tatawagin ko na siya at baka ano na nga ang nangyari sa kanya. Palagi akong kinakabahan e! Alam mo ba na ang batang iyon ay lapitin ng aksidente at kamalasan?" natatawa niya na pinagtapat sa akin. "May balat kasi yata sa p***t e! Hahaha!" "Balat sa p***t?" napaisip ako bigla. Mayroon talaga kaya siyang ganoon kaya sadyang malas siya?" Kawawa naman pala siya kung ganoon nga. Maaari kayang burahin? Patingin nga ng likuran mo Annie nang maremedyuhan natin... Teka, nagbibiro lang ako! Hindi ko pinangarap ang magtanggal ng mga balat lalong-lalo na sa mga p***t! Sa ikli kasi ng panahon na kasama ko siya ay ilang beses ko nang nasaksihan na nadapa, nauntog, napaso siya habang nagluluto at mamuntikang mahulog pa sa hagdanan. Kinakabahan na rin ako kapag nakikita siyang tumatakbo sapagkat pihadong mahuhulog niya ang dala o kaya naman ay mababangga siya sa mga muwebles. Napapakamot na lamang ako ng ulo kapag pati mismong pagkaing isusubo na lang ay mahuhulog pa sa sahig. Kung minalas ako sa kalagayan ko, malamang ay mas malala ang sitwasyon niya. Gayunpaman ay hindi umiinit ang ulo niya o kaya naman ay nagmumukmok kapag may hindi kanais-nais na nangyayari sa kanya. Idadaan na lamang niya sa tawa ang lahat at kaagad din makakalimutan ang sitwasyon niya. Natapos na akong magluto at hindi pa rin sila lumalabas sa kwarto upang mananghalian. Naghintay pa ako ng ilang sandali sa may sala at nanood ng telebisyon ngunit isang oras pa ang lumipas kaya nainip na ako. Nagtungo ako kung nasaan sila upang sila ay ayain nang kumain. Kakatok na sana ako sa pintuan nang may magandang babae na nagbukas ng pinto. "Uy! Terrence!" masayang pagbati niya sa akin. "Hello! Kanina ka pa ba riyan?" Hindi ako nakaimik kaagad dahil sa sobrang pagkagulat. Para akong nakakita ng isang diwatang nagmula pa sa ilalim ng Mt. Fuka-Fuka, isang bulkang matagal nang extinct dahil sa kakasabog nang kakasabog hanggang mabaon sa sariling putik. Pero, sino ba talaga siya? Napakurap-kurap pa ako ng ilang beses upang makasiguro. Si Annie ba ang kaharap ko? Imposible! Ang Annie na kilala ko ay hindi kagandahan. A, siguro "cute" siya kapag matagal na tinitingnan. Kaakit-akit din naman ang mabuti niyang puso kaya dumagdag sa ganda points niya. Aminado ako na natuwa sa makeover niya dahil nailabas ang naitatago niyang alindog. Ang magulong buhok niya na palaging nakatali ng goma ay nakalugay at ang haba ay lagpas ng kanyang balikat. Ang mga labi niya na medyo maputla ay nakukulayan ngayon ng mala-rosas na lipstick. Simple lang ang kanyang ayos ngunit siya ay kabigha-bighani. Mas nahalata ang hubog ng kanyang katawan dahil sa pulang gown na suot niya. Tama nga ang aking sukat na hourglass nga ang kanyang vital statistics at siguro ay bagay din niya ang mag-swimsuit na two-piece. Kapag kaya inaya ko siyang lumangoy sa dagat, magbi-bikini siya? Sungkutin ko kaya sa sampayan ng kapitbahay ang pulang mga Victoria's Secret upang maibigay kay Annie? "Terrence, ano ba?" pagpigil ko sa sarili. "Masyadong mabilis ang mga mata mo sa magaganda at sexy! Umayos ka! Atsaka, baka may alagang kuto ang kapitbahay, mahawa pa siya! Bigyan mo na lang, brand new!" Hindi ko mapigilan ang sarili na hangaan ang kagandahan na tinataglay niya. Hanggang tingin lang naman ako... Totoo. Maniwala kayo sa isang anghel na sobrang bait na katulad ko. "Annie," pagtawag ko sa kanya upang makasiguro kung siya nga ang babae at baka doppelganger na nagkukunwari lamang na siya. "Terrence," tugon niya sa akin na may ngiti. "Ganyan ka makatingin ha! I'm blushing! Ang ganda ko, ano?" Napahagikgik pa siya sa pagpuri niya sa kanyang sarili habang nagpo-pose na mala-modelo sa may pintuan. Siya nga talaga si Annie. Hindi maikakaila ng kanyang kakatwang paraan ng pagtawa kung sino nga ba talaga siya. "Bakit ka naka-gown?" Nagtataka ako na tinanong siya. "Debut mo ba? Happy birthday." "Hay naku! Hindi debut! Twenty-two na kaya ako, hoy! Baby face ba ako kaya mukha pa rin akong eighteen?" Tuwang-tuwa siya na inayos ang kanyang buhok at umikot pa siya upang ipagmayabang ang gown. "Pinahiram ni Tita Watty ito sa akin. Biruin mo, sa tagal nang panahon, buhay pa rin ito!" Bigla kong nalanghap ang paglipas ng mga taon at ilang mga namatay ng ipis mula sa kasuotan. Kahit pinabanguhan na ng alcohol ang damit, amoy baul pa rin iyon. Sana man lang ay nilabhan nila dahil higit sa apatnapung taon na nakatago iyon mula sa kabihasnan. Pinigil ko ang sarili na huminga upang maituon ang atensyon sa magandang binibini imbis na pansinin ang amoy-lumot na gown. Hindi ko maialis ang paningin sa nilalang na nasa harapan ko. Sa lahat ng mga nakasalamuha ko na tao, napagtanto ko na siya ay isang biyaya para sa akin. Dahil sa kabutihan niya, mas umapaw sa aking paningin ang pisikal niyang kagandahan. "Halika," pag-aya ko na. Inilahad ko ang kamay upang siya ay alalayan. Halatang nahihirapan siyang maglakad dahil sa mataas na takong ng kanyang mga sapatos kaya minabuti ko nang suportahan siya. "Gentleman, a!" Kagaad naman siyang humawak sa aking braso at sumandal sa akin. Iniangat niya ang kanyang mukha upang tumingin sa akin at malambing na sinabing, "Sana, lahat ng lalaki katulad mo. Maalaga. Para ka talagang guardian angel ko. Napakabait mo!" Nangilabot ako sa mga pahayag niya. Gentleman daw ako! Maalaga! Atsaka... Mabait? Sana ay hindi malaman ni Annie ang tunay na ako at baka pagsisihan niya ang pagkupkop sa akin. Marami naman akong naalagaan talaga... Sa ilalim ng hukay! Maibaon na nga lang muna sa limot na may ilan rin akong nabiktima na ikulong na masasamang babae sa ilalim ng lupa! Nais ko man makusensya ay pinaninindigan ko pa rin ang desisyon. Ang karamihan ng mga babaeng naparusahan ko ay pumapaslang din ng ibang mga tao, maging sariling mga anak. Ang huling biktima ko ay nagbebenta ng mga bata, maging kapwa mga babae sa prostitusyon. Kakaibiganin niya ang kaawa-awang mga teenager na taga-probinsya, papangakuan ng magandang buhay sa siyudad pero iyon pala ay ibebenta sa mga turistang pedophiles. Minsan ay nagpanggap ako bilang isang mestisahing dalagita upang makuha ang atensyon niya nang dumalaw sa isang liblib na barrio. Gaya ng dating gawi, sinabihan niya ako na gagawing modelo sa isang sikat na mall. Pagdating sa Maynila, napatunayan ko na plano nga niya akong ibenta sa isang sindikato. Kaya ayun, naibaon ko siya sa ilalim ng Manila Zoo, kasama ng sindikatong nais sana akong bilhin. "Saan ba ang lakad mo?" pagtatanong ko na upang makalimutan ang hiyaw ng mga kapus-palad na napaslang ko. "Sa party ba? May tatagpuin ka ba na..." napahinto ako sa pagsasalita at biglang nahiya. Nag-alangan ako na ituloy ang tanong ngunit nais kong malaman. Umasa ako na ang isasagot niya sa akin ay kaaya-aya. "Kasintahan? Boyfriend? Ka-date?" "A-Ano?" Napanganga siya sa pag-uusisa ko. Hindi ko na inulit ang tanong at baka akalain niya ay nakikialam ako sa kanyang personal na buhay. "Wala. Ano ka ba? May offer na trabaho sa akin! Usherette ng isang ball! Sosyal na TV network! Ang daming artista roon kaya makiki-feeling na rin! Tapos, twenty thousand ang bayad sa akin! Ayos! Makakabili na tayo ng maraming pagkain!" Nakahinga ako nang maluwag at napangiti dahil hindi siya makikipagkita sa ibang lalaki. Heto na naman ako at nawawala sa aking sarili. Ano ba ang pakialam ko kung may "date" siya? Nasa tamang edad na rin naman siya upang pumasok sa seryosong relasyon. Subalit, bakit naiisip ko pa lang na may kalambingan siya ay gusto ko nang pira-pirasuhin ang katawan ng lalaki na mangangahas na lumapit man sa kanya? Ibabaon ko siya nang buhay! "Naku! Anong oras na? Aalis na ako ha!" napabulalas siya. Bumitaw siya sa pagkakahawak sa akin at nagmamadaling pumunta sa may hagdanan. "Dahan-dahan, Annie!" paghabol ko. "Huwag kang magmadali!" "Ay!" napatili na siya nang tumagilid ang paa niya dahil nawala sa balanse ang takong ng sapatos. Sabi na nga ba! Unang hakbang pa lang niya sa may hagdanan ay natapilok na siya. Mabilis ko na naabot ang kanyang baywang upang hindi na siya maaksidente pa. Sa abot ng aking makakaya ay dahan-dahan ko siyang inalalayan pabalik sa loobng bahay. Nag-alala ako na baka sa maling paghawak ko ay baka masaktan ko pa siya. Ingat na ingat ako sa mga kilos ko kapag kasama ko siya. Iba kasi ang lakas namin na mga anghel kumpara sa tao. Ang antas ko pa naman ay sanay sa pakikipaglaban sa mga malalakas na demonyo at iba pang mga halimaw kaya maaari akong makasakit ng mortal nang hindi sinasadya. Kailangan ko ang tamang pag-estima sa bawat galaw kapag malapit si Annie. "Thank you," pagpapasalamat niya, pagkatapos mapabuntong-hininga. Mataimtim ko siyang inobserba nang magtama ang mga paningin namin. Napangiti ako nang maaaninag ang kinang mula sa mga mata niyang nananalamin sa isang may busilak na puso. "OK na ako, my friend," paniniguro na niya nang mapansin na nakayakap na pala ako sa kanya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nag-init ang mga pisngi ko nang maramdaman ang lapit ng katawan niya sa akin. Napahawak pa ako ng batok dahil sa kahihiyan habang unti-unti akong lumayo. Inayos niya ang nagusot na gown at nagpatuloy siyang naglakad, palabas muli ng tahanan. "Annie," pagtawag ko. Huminto siya sa may pintuan at lumingon. Lumapit ako upang makumbinsi siyang huwag nang tumuloy sa lakad. "Aalis ka pa ba? Dito ka na lang." "Don't worry! Wala ito!" "Kung ganoon, hayaan mo akong ihatid ka," pag-alok ko na. "Baka mabinat ka pa. Huwag na," mariin niyang pagtanggi. "Naroon naman ang mga kaibigan ko sa ball, kaya walang masamang mangyayari!" "Sigurado ka ba?" "Oo naman!" Kahit hindi ako kumbinsido sa pagdadahilan niya ay batid ko na hindi ko na rin siya mapipigilang umalis. Wala naman ako sa lugar upang kontrolin ang buhay niya at ayaw ko rin isipin niya na pakialamero ako. May pangamba man na narararamdaman sa desisyon niya, hinayaan ko na siya sa nais. "Sandali, ikukuha kita ng tuwalya at malamig na tubig para hindi mamaga ang paa mo. Diyan ka lang," panuto ko sa kanya. Pumayag siya at umupo sa unang baitang ng hagdanan. Nagtungo ako sa kusina at kumuha ng palanggana, tuwalya na nakasabit sa may lutuan at malamig na tubig sa refrigerator. Pagbalik ko ay narinig ko na may kausap si Annie sa celphone. "Sa Casa Blanca de Rosas ba? Sige. Papunta na ako...yes! Makakakarating ako bago mag-alas tres! See you, girl!" Umupo ako sa may tabi niya. Mabilis na nailipat ang atensyon niya sa akin nang iabot ko ang palanggana. "Ako na ang bahala, Terrence." Kinuha niya ang hawak ko, piniga ang tuwalya na nakababad sa malamig na tubig at inilagay ang cold compress sa bukung-bukong* niya. Dinukot niya ang salamin mula sa bag at pinagmasdan naman ang mukha. (Ankle) "OK ba ang makeup ko?" pagtatanong niya habang tinititigan ang sarili. "Oo," pagsang-ayon ko. "Maganda ka," mahina kong pahabol habang umiiwas ng tingin. "Mabuti naman! Pinanood ko ang tutorial niyan! Hehehe!" puno ng paghangang pagbati niya sa sarili. Muli ay nag-isip ako ng paraan para hindi na talaga siya umalis. Lumalakas ang kabog sa aking dibdib na tila ba may masamang mangyayari kay Annie kaya sinubukan ko ulit siyang makumbinsing manatili sa bahay. "Magpahinga ka na lang muna. Makakahanap ka pa naman ng ibang trabaho. Bukas din ay hahanap ako ng mapagkakakitaan." minungkahi ko. "Ako na ang bahala sa makakain natin." Sa totoo ay madali lang naman sa akin na makuha ang bawat naisin ko. Ano ba naman ang maayos na pagkain para kay Annie? Kailangan ko lang na magsakripisyo ng mga paru-paro upang makagawa nang masarap na tinapay at cake. At, sa pagpatay ng isang milyong mga ipis na napakarami sa ilalim ng bahay ay mabibigyan ko pa siya ng diamante. Ngunit, dahil tinawag niya ako na mabait, nakukonsensya na akong kumitil ng mga buhay. Atsaka napakabaho ng mga ipis sa kinaroroonan namin kaya hindi ko na muna ikukunsiderang gawin silang palamuti sa kuwintas. "Sayang ang kita, Terrence," pagpapaliwanag niya. "Mas mainam siguro kung ikaw nga ang magpahinga. Nag-aalala ako kasi baka mabinat ka." "Hindi ako mabibi-" "Taxi!" sumigaw niya nang napakalakas bago ko matapos ang mga sasabihin. Napatakip pa ako ng tainga dahil sa takot na dudugo ang mga iyon. Maikukumpara sa dagundong ng sinturon ni hudas na pumapasok sa eardrums ko ang mga nilalabas niyang kataga. "Kuya! Kuya Poging may taxi!" "Hoy! Ta-xi! Pa-ra!" pangungulit niya. Kumaway-kaway pa siya upang makita ng driver. "Aray," pabulong kong pagrereklamo nang umugong ang tainga ko sa boses niya na maaaring marinig hanggang kabilang kanto. Tumigil ang puting kotse sa harapan ng bakuran. Excited siyang tumayo at tumakbo papunta roon. Habang lumalayo ang imahe niya sa akin ay natutukso na akong buhatin siya pabalik at ikulong sa kwarto. Nagpigil lang ako at baka masamain niya ang gagawin ko. "Sige, mamaya, mag-usap tayo ulit!" pagpapaalam niya. "Thank you sa first aid! Goodbye na!" Sumakay na siya at humarurot paalis ang taxi. Naiwan akong nag-aalala sa kalagayan niya. Sigurado akong mamamaga ang paa niya sa pagkakatapilok niya. Malungkot akong nagtungo sa silid upang abangan ang pagbabalik niya. Mag-aalas nuebe na ng gabi at hindi pa rin nakakauwi si Annie. Sinabi sa akin ni Watty na baka madaling-araw na siya makauwi dahil ganoon daw talaga ang mga ball. Umaabot ang kaganapan hanggang mag-aalas-dose na. Hindi ako mapakali at nagpabaling-baling ako sa higaan habang hinihintay siyang makauwi. Sumilip ako sa may bintana, umaasa na nasa may bakuran na siya, papasok sa tahanan. "Pauuwiin ko na ba?" pagtatanong ko sa sarili. Hindi kaya niya isipin na binabantayan ko siya? Hayaan ko na kaya tutal matanda na naman siya? Pero masyado nang delikado kapag umuwi siya ng alanganing oras at baka may mga masasamang tao at elemento na lumapit na naman sa kanya. Nakapagdesisyon na ako. Pupuntahan ko siya. Sana lang ay makaabot ako dahil possible na traffic pa rin sa siyudad. A! Alam ko na! Mag-eexpress na lang ako. Nagmasid ako sa paligid upang masiguro na walang mga taong dumadaan. Natatakpan naman ng malaking puno ang aking kwarto kaya malabo rin na may makakita sa akin. Hinubad ko ang suot na pang-itaas at inilagay sa bulsa ko. Matagal ko nang hindi nagagawa ang "long distance travel" at sana ay makisama sila. Para kasing may sarili silang buhay at hindi parte ng aking katawan. Inilabas ko ang mga pakpak at sinubukan kung makakagalaw sila ng maayos. Mukhang malakas na naman dahil nagsiliparan ang mga libro na binabasa ko sa pagpagaspas nila. Pwede na siguro akong bumiyahe muli. Sumampa ako sa may bintana at nagbilang. Isa... Dalawa... Tatlo! Pagtalon ko ay hindi gumalaw ang aking mga pakpak. Sa kasamaang-palad ay nahulog ako sa ibaba. Nagsiputakan ang mga alaga nilang manok na sina Suzy at Rosy paglagapak ko sa lupa. Nakalimutan ko na may kataasan pala ang bahay ni Watty. Aray! Hindi ba ako napinsala? Na naman? Nahahawa na yata ako sa kamalasan ni Annie. Simula noong binali ang aking mga pakpak ay hindi na sila bumalik sa normal. Minsan maayos. Madalas ay alanganin. At ang kaya ko na liparin ay hindi tumataas ng sampung metro. Kahiya-hiya para sa isang anghel na katulad ko sapagkat mas mataas pa ang naaabot ng mga tutubi sa akin. "Kaya ko ito. Kailangan kong mapuntahan si Annie," bulong ko sa sarili. "Makakalipad ka muli, Terrence." Sa isa pang pagkakataon ay nag-ipon ako ng bwelo at lakas ng loob, huminga nang malalim, at sa wakas ay nadala ako ng aking mga pakpak papunta sa himpapawid. Sa aking paglipad nang mataas ay naramdaman ko na isa akong tunay na anghel muli. Nang ako ay ipinagtabuyan sa langit, naging mababa ang tingin ko sa sarili at inakala na hindi na sapat ang aking lakas upang makabangon ulit mula sa impyerno na kinasasadlakan ko. Ngunit, dahil sa isang simpleng tao lamang ay nagagawa ko ang mga bagay na akala ko ay imposible na. Mahiwaga siya. Makapangyarihan ang kanyang dalisay na kaluluwa. Kaya niyang mailigtas ang isang miserableng katulad ko at mabigyan ng pagkakataon upang makapagbagong-buhay. Bilang kapalit sa kabutihan niya sa akin ay pinangako ko na ipagtatanggol siya at babantayan. Hintayin mo ako, Annie. Iuuwi na kita upang masiguro na ikaw ay ligtas. Kung nanaisin mo, maaari mo rin akong ituring na... Guardian Angel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD