Si Annie ay nagwawalis ng mga tuyong dahon habang inaawitan ang mga alaga niya na manok.
"Chicken run. Chicken run. Got to do the chickie, chickie, chickie run!" pag-awit niya habang kumekendeng ang kanyang baywang. Sa palagay ko ay natutuwa naman ang mga alaga niya dahil kasabay nang pagtaas ng boses niya ay ang pagtuka nila ng pagkain mula sa lupa.
Saan kaya niya nakukuha ang mga nursery rhymes na iyon? Napakahiwaga talaga ng babaeng ito at hind ko siya ma-gets.
Mabagal ako na bumaba sa hagdanan at umupo sa ilalim ng puno ng Narra. Ilang araw rin akong nanatili sa loob ng kwarto kaya nais ko na makalanghap ng sariwang hangin. Nagmamadali siyang lumapit sa akin na may matamis na ngiti sa kanyang mga labi.
"Uy! Andiyan ka pala! Good morning!" pagbati niya. "Bakit ka bumaba? Maayos na ba pakiramdam mo? Hindi na ba makirot ang mga tuhod at tagiliran mo? Nilalamig ka ba? Gusto mo ng jacket? Magluluto ako ng almusal, ano gusto mo gisadong kalabasa o pinritong itlog?"
Hindi ko pa napoproseso ang mga pangungusap ay inulan na niya ako ng mga salita. Akala ko ay doon na nagtatapos ang pag-uusisa niya nang ibuka na naman niya ang bibig na nilikha ni Ama upang maging broadcaster.
"Uminom ka na ba ng gamot? Hindi ka dapat nalilipasan at baka mabinat ka. Teka, bakit ka nga ba naririto?"
Sandali lang.
Isa-isang tanong lang.
Gulong-g**o na ako!
"Medyo makirot at mahina pa ang mga tuhod ko pero kaya ko naman ng lumakad. Hindi rin ako nilalamig," ang mga sagot ko sa kanya.
"Atsaka, magpapahangin lang sana ako rito," pahabol ko na tugon sa huli niyang katanungan.
"Nakainom ka na ba ng gamot?" pag-uulit niya sa tanong na kusa kong iniwasan sapagkat hindi naman kailangan na uminom ng gamot. Pakunwari ko iyon na lulunukin kapag binibigay niya sa akin. Kapag nakatalikod na siya, niluluwa ko ang mapait na tableta at hinahagis sa labas ng bintana.
"O-Oo. Oo naman!" pagsisinungaling ko na upang hindi mahalatang kakaibang nilalang.
"Oh! OK! Mabuti naman. Tatapusin ko lang ito at magluluto na ako ng masarap na pagkain. Hulaan mo! Omelette!" excited na sinabi niya sa akin habang winawagayway ang walis tingting sa ere. "Gusto mo ba iyon?"
Omelette.
Nilagang itlog.
Pinritong itlog.
Itlog na maalat.
Puro itlog.
"May magagawa ba ako? Araw-araw itlog! Tutubuan na ako ng tuka sa kakain ng itlog!" tahimik na pagrereklamo ko.
Hindi na ako umimik pa upang iwasang makasakit ng damdamin. Hindi ko naman talaga problema ang pagkain. Isinusuka ko lang iyon ng patago kapag nasa banyo ako. Pero kahit wala na sa sikmura ko ang itlog, nananatili sa aking lalamunan ang lasa nito lalo na kapag dumidighay ako.
Sawang-sawa na ako sa itlog!
"Ay, ayaw mo ba? Bakit ka malungkot?" tanong niya habang pinagmamasdan ako.
"A, oo nga pala!" Bigla niyang naalala sabay tapik sa akin. "Itlog na pala ang ulam natin kagabi. Hehe! Alam ko na! Sarciadong kalabasa naman!"
Sarciadong kalabasa.
Ginisang kalabasa.
Pinakuluang kalabasa
Nilagang kalabasa.
Sinabawang kalabasa.
Sa lahat ng gulay na itatanim niya, bakit kalabasa pa? Kaunti na lang at mangangalabasa na ang utak ko.
Kawawang babae.
Halatang kapos siya sa pera dahil sa pagdala niya sa akin sa ospital. Umabot ng limampung libong piso ang nagastos niya para sa akin. Ngayon naman ay ginagastusan niya ako sa mga gamot na wala namang silbi sa akin. Nakunsensya ako sapagkat kahapon lamang ay bumili siya sa botika. Pasimple kong tinignan ang resibo at nanghinayang ako sa tatlong libong piso na pinambayad niya.
Tatlong libo na sana ay pinambili na lamang niya ng litson at cake!
"Pasensya na, itlog at kalabasa lang ang kinakain natin," pagsisimula niyang pagpapaliwanag nang mapansin ang pananahimik ko. "Poor kasi ako e. Na-fire pa ako sa work. Hehe! Ganun talaga, life! 'Di bale, makakahanap din ako ng trabaho at ipangluluto kita ng pansit at puto."
Mas tinablan ako ng hiya dahil sa pag-aalala niya sa akin kahit na ako na nga ang nang-abala sa tahimik niya na pamumuhay.
Teka!
Wala naman ako dapat pakialam doon.
Kanina pa ako nakukunsensya samantalang kung hindi nga dahil sa akin ay malamang pinaglalamayan na siya ngayon kaya nararapat lang na alagaan niya ako.
Bakit ba ako masyado concerned sa iisipin niya?
Inuulit ko. Hindi ito love at first sight.
Ngunit mukhang nalungkot si Annie at pinipilit lamang magpakatatag kahit minamalas na siya.
Hindi ko siya matiis!
Bakit kaya?
"Tama na, Terrence, tama na ang kabaliwan na ito!" pag-awat ko na naman sa sarili.
Subalit wala pang dalawang segundo ay sinusuyo ko na siya...
"Ayos lang ang mga itlog at kalabasa. Huwag ka nang mag-alala. May alam ako na ibang luto. Ako ang magluluto ngayon," sinambit ko. Bilang kabayaran sa kabutihan niya, gusto ko rin naman na makakain siya ng masarap na pagkain. Nilahad ko ang palad ko upang ayain siyang umupo sa tabi ko. "Halika at magpahinga ka nga muna dahil kanina ka pa sayaw nang sayaw. Ako ang napapagod sa iyo."
"Ay, hehe! Ganito talaga ako e! Medyo hyper lang ako," maligaya niyang pinahayag. Binaba na muna niya ang walis at umupo muna sa tabi ko
"Marunong kang magluto? Talaga?" tanong niya sa akin sa matinis at malakas niya na boses. "Wow! Natuwa naman ako! Ang sarap-sarap siguro niyan!"
Umugong ang tainga ko nang dahil sa lakas ng dating ng tinig niya sa akin. Maging ang mga manok ay napapatalon sa sindak kapag nagsimula na siyang magsalita.
Hindi ba alam ng babae na ito ang mahinang pagsasalita?
Ang sakit-sakit sa tainga ko!
"Oo, isa akong kusinero noon," pagtatapat ko sa kanya. "International, alam ko ang mga putahe."
"Malupit! Wow na wow!" napabulalas siya.
Humagikgik pa siya na parang baboy sa sobrang tuwa.
May gumulong na dalawang itlog sa may paanan ko. Pinulot ko ang mga iyon at tiningnan. Sa tagal ko sa lupa, marami na akong lutuing natutunan. Nagtrabaho rin ako bilang chef ng isang sikat na reyna noong 1700s sa Pransiya hanggang pinutalan siya ng ulo kasama ang asawa niya.
"Spicy egg stuffed with pumpkin. Iyon ang lulutuin ko, Annie."
"Yehey!" Lalong lumakas ang pagsasalita niya dahil sa saya. Umuugong ang tainga ko bawat tumitili at napapalakas ang kanyang boses. Siguro ay pinanganak siya ng New Year kaya siya ay likas na maingay katulad ng mga paputok at fireworks sa langit.
Tumakbo siya at kinuha ang dalawa na manok. Bumalik siya sa akin upang ipagmalaki ang mga alaga.
"Mabuti na lang malakas mangitlog itong mga alaga ko na sina Suzy at Rosy! May dagdag tayo na mga itlog na kakainin," sinabi niya habang niyayakap ang dalawang inahing manok. Pumutak ang mga puti at mataba na ibon. Sinagot ni Annie ang mga alaga niya ng isa rin na putak. Kung ano man ang napag-usapan nila, marahil ay nagkaintindihan na silang mag-amo.
Hinimas ko ang puting balahibo nina Suzy at Rosy. Napangiti si Annie sa ginawa ko na tila ba babies niya sa i********: at f*******: ang binibigyan ko ng pansin.
Ngunit, iba ang binabalak ko.
Isang linggo na siyang nagtitiis kumain ng itlog at kalabasa. May naisip ako na magandang ideya upang makapaghain ng masarap na ulam.
"Malalaman sila at malulusog," pagbati ko sabay tapik sa pata ni Rosy. "Pwede natin silang gawing "fried chicken" with spicy mushroom gravy!"
Namutla bigla si Annie. Ang ngiti niya ay napalitan ng gulat at pagkabahala.
"Hindi, Terrence! Babies ko sila! Huwag mo silang sasaktan. Bad yun!" pagsaway niya sa akin. "Hindi nga ako kumakain ng chicken kasi naaalala ko ang mga pets ko. Ang sweet kaya nila, o!"
Inangat niya sila malapit sa aking mukha upang patunayan na sweet nga ang mga alaga. Tinitigan ako ng mga manok at kumurap-kurap pa sila na wari ay malalim ang iniisip. Naglabas ng malapot na ipot si Rosy na nahulog sa lupa. Natakot ko yata ang kawawang nilalang at siya ay napadumi ng 'di oras.
"Hindi ka ba napupurga sa itlog at kalabasa? Katayin na natin yun pinakamataba..." pangungumbinsi ko pa rin.
"Kahit dahon na lang ang kakainin ko, hindi ko sasaktan ang mga babies ko! Hmph! Diyan ka na nga at baka magdamdam ang mga alaga ko. Ang bad, bad mo, Terrence. Na-hurt tuloy sila sa sinabi mo." Tinalikuran niya ako at pumasok sa malawak na kulungan na may mga kurtina pa ang pinto at mga bintana. Narinig ko na nagso-sorry siya kina Suzy at Rosy. Hinalikan pa niya ang dalawang manok. Mukhang mahal na mahal niya sila at hindi ko na mababago pa iyon kahit magunaw pa ang mundo.
Sorry naman.
Alam ko na naging masama na naman ang asal ko.
Nag-iisip lang kasi ako ng ibang makakain niya kaya napagtangkaan ko nang masama ang matatabang mga hayop. Medyo pumapayat na si Annie at akala ko ay gusto niya ng fried chicken.
Everybody loves chicken, hindi ba?
"Finger lickin' good nga", sabi nila.
Nawawala sa sarili ang mga bata kapag pinritong manok na ang ulam. Masarap daw lalo na kapag may sawsawang ketchup na tamis-anghang o kaya ay malapot na gravy. Hindi ko inaasahan na ituturing talaga sina Rosy na mga "babies" ni Annie. Ang akala ko ay pinapataba niya lang sila upang maulam din pagkatapos.
Kakatwa talaga siya na nilalang ngunit kahanga-hanga!
Kahit susuray-suray ako ay nagtungo ako sa munting bahay nina Suzy at Rosy. Sinilip ko sa bintana si Annie na sinusuklayan pa ang mga balahibo nila.
"Annie..." pagtawag ko.
"O," matipid niyang sagot. Halata sa mukha niya ang pagtatampo.
Nag-isip ako kung tama ba ang ginagawa ko sapagkat hindi dapat ginagawa ng anghel ang pagpapakumbaba sa isang hamak na tao.
Pero, kailangan ko pa siya hanggat hindi pa bumabalik ang dati ko na lakas.
Kaunting pakikisama pa.
Hindi...
Higit pa roon ang dahilan ko...
Gusto ko pa talaga siyang makasama kaya lulunukin ko na ang pride ko.
"Sorry na."
"Ano?" nagulantang pa ako sa mga ginagawa at sinasabing kahiya-hiya para sa uri ko. "Ano ang sinabi ko...na naman! Ang tanga-tanga mo, Terrence!"
Nais ko man bawiin ang mga salitang binitiwan, wala na akong nagawa nang makita ang mga mata niya na tila ba inuusig ako. Kahit na siya ay isa lamang na tao, parang nanaig ang kapangyarihan niya sa akin lalo na at aminado akong nagkamali.
"OK lang," sagot niya. "Basta huwag mo nang pag-iisipan ng masama ang mga pets ko."
"Sige na. Halika. Mag-almusal ka na," malambing na pag-aya ko. Ibinaba niya sa lupa sina Suzy at Rosy. Nagtatakbo palayo ang mga manok at lumipad papunta sa mga pugad nila. Sumilip pa sila at pagkatapos ay binaon ang mga sarili sa dayami upang siguruhing hindi ko nga sila kukunin upang katayin.
"Hay naku! Kung hindi ka lang talaga gwapo, ipapatuka ko mukha mo sa mga manok ko!" may bahid pa rin ng inis na pinahayag niya.
Pinigil ko ang sarili na ngumiti. Kahit alam ko na maganda ang aking itsura, nakakagaan pa rin sa loob na marinig ito mula kay Annie. Kapag ibang babae ang nagsasabi ay wala akong pakialam pero kapag siya, parang musika ang mga papuri niya sa akin kahit nakakabingi nga lang siyang magsalita madalas.
Tumayo siya at lumakad papunta sa akin.
Hinawakan niya ang aking kanang braso at dahan-dahan na inalalayan ako na lumakad pabalik sa bahay.
"Madali kang gumaling, a! Natutuwa naman ako. Siguro ay dahil sa kalabasa. Masustansya iyon. Kapag malakas ka na, mahahanap mo na ang pamilya mo. Ano ba kasi ang apelyido mo? Makakauwi ka na sa wakas!"
Hindi ako nakasagot kaagad dahil wala naman akong apelyido. Medyo nainis din ako dahil may plano na pala siya na paalisin na rin ako kung sakali.
Tama ang hinala ko.
Isang pabigat lamang ang tingin niya sa akin.
Lilisan naman ako sa tamang panahon, kung 'yun talaga ang nais niya. Nasa batas naming mga anghel na kapag pinagtabuyan na ng tao, nararapat na umalis na. Iyon ang nakapaloob sa "free will" nila at kami ay sumusunod lamang. Kung ayaw nila kaming gumabay na sa kanila, hindi na dapat ipagpilitan pa.
Pero, kung 'yun nga ang gagawin ni Annie, tiyak na malulungkot ako.
"Ayos ka lang?" pangungumusta niya nang mapansin ang biglaan kong pananahimik.
"Anong problema? Malungkot ang mga mata mo? Sige na, sabihin mo na." tanong niya na may halo ng paglalambing.
Umihip ang malakas at malamig na hangin. Huminga ako nang malalim dahil alam ko na ang matinding kalungkutan ko ay maaaring magdulot ng ipu-ipo. Minsan ay nakasira na ako ng isang siyudad na ikinamatay ng dalawang libo at isang tao, limampu't anim na baka, beinte na aso, siyam na pusa at isang bilyon at dalawang mga ipis. May mga unreported casualties pa iyon. Gawa lang sa kahoy ang bahay ni Tita Watty at siguradong magigiba kung hindi ko pipigilan ang emosyon.
"Annie, maari ba na dito muna ako sa bahay niyo ni Tita Watty? Kapag nanumbalik ang lakas ko, babayaran ko lahat ng nagastos niyo sa akin," pakikiusap ko na upang maiwasang paalisin niya.
"Terrence..." pagsisimula niya. "Huwag mo nang isipin ang mga gastos at hindi kita pinapaalis. Ang sa akin lang ay baka hinahanap ka na ng pamilya mo. Nag-aalala na sila. Hindi mo ba sila nami-miss?"
"Wala na akong pamilya," malungkot ko na inamin.
Totoo naman.
Ipinagtabuyan ako ni Ama at ayaw ko nang madawit pa ang mga kapatid na anghel. Nami-miss ko na rin sila pero malamang, ayaw na rin nilang makasama ang isang itinakwil. Sa dami ng mga pinatay ko na tao, malamang hindi na nila ako tatanggapin kahit sa may pintuan man lang ng langit.
At sa ginawa sa akin ng Kataas-taasang Konseho ng Langit, wala na rin akong balak bumalik. Mas nananaig ang galit ko sa pagpaparusa na hinatol nila sa akin. Palaging nakatatak rin sa isipan ko na hindi dapat hinayaan ni Ama iyon at dapat nga ay sinagip pa Niya ako. Alam na nga Niya na nalilito nga ako at naghihinanakit, pinalibing pa ako sa ilalim ng impyerno sa loob ng mahigit dalawang libong taon.
Katulad ng sa isang batang maysakit, umiiyak na nga, nararapat pa ba na paluin ng mga magulang?
Anong klaseng Ama ang babalikan ko pa?
Mas mainam na hindi ko na pangaraping makauwi pa sa langit!
"Wala na rin akong pamilya. Lumayas ako, dahil hindi nila ako itinuring na kamag-anak. Pareho pala tayo ng problema," pagtatapat din niya. Hinawakan niya ang balikat ko at tinapik-tapik. Biglang umaliwalas ang aking pakiramdam dahil sa pagdamay niya.
"Walang problema!" paniniguro niya. "Malaki ang bahay ni Tita Watty! Gusto nga ni Tita ng mga kasama sa bahay na mapagkakatiwalaan. Pero, promise mo ha? Huwag kang pasaway!"
Hindi ko na napigilang ang ngumiti Nakumbinsi ko kasi siyang tanggapin ako sa bahay nila at nakahanap pa ako ng kakampi. Pareho pala kami ng pinagdadaanan kaya siguradong magkakasundo kami.
Sandali...
Ano ba ang nararamdaman ko?
Mali ito.
Sinabi ba niyang hindi dapat ako pasaway?
Doon yata kami hindi magkakasundo!
"Hindi dapat ako sumang-ayon," masama sa loob na inalisa ko pa. "Sino ba siya para magsabi ng mga kundisyon?
Isa lamang siyang mortal!
Pero...
Ang bait at napakalambing niya. Baka pwede ko nang pagbigyan kahit kaunti.
Oo, papayag na nga ako...
Magpapakabait na ako ng ilang mga araw!
"Simula ngayon, pamilya ka na!" pagpapahayag niya nang buong kagalakan kaya nawalan na ako ng lakas ng loob upang kumontra pa. "Naku, gawin mo na masarap ang almusal natin ha! Mag-celebrate tayo! Welcome to the family! Ito na ang iyong home sweet home!"
Umugong na naman sa tainga ko ang napakatinis na boses niya. Gayunpaman ay lihim akong nagdiriwang sapagkat pakiramdam ko ay tanggap na tanggap na niya ako.
Sa susunod na mga araw na nga lang ako magmamaldito.
Patago.
Secret.
Bahala na.
Sa ngayon ay umaapaw ang kasiyahan ko dahil may matatawag na akong...
Tahanan.