"Bitiwan mo ako." pagpupumilit ko na makawala sa pagkakayapos ni Gabriel sa akin. Tatakas sana ako ngunit nasa paligid lang pala ang iba ko pang mga kapatid. Sobrang pagbabantay ang ginagawa nila sa akin. "Lumayo ka."
"Saan pupunta ang baby namin? Hindi ba, I love you. You love me. We're a happy family..." nagawa pa niyang magbiro at kantahin ang I Love You lyrics ni Barney, The Purple Dinosaur. Nais kong magwala dahil sa pagturing niya sa akin bilang kindergarten na bata. "Huwag ka ng magpumiglas, Bunso."
"Hindi na ako makahinga." Sa sobrang lakas niya ay halos mapiga na ang aking baywang sa pagkakahawak niya. "Ang sasama niyo. Kinidnap niyo ako."
"Hin..di...ka namin kinidnap..." pagsingit ni Michael sa usapan namin. Hindi siya makapagsalita ng diretso sa sobrang kalasingan dahil sa pinalanghap ni Raphael na gamot sa amin.
"Anong tawag sa sapilitang pagkuha niyo sa akin?" pagrereklamo ko.
"Ewan...ko..." Humikab siya, inabot ang unan at niyakap iyon. "Bahala muna kayo riyan...at inaantok pa...ako." tumuloy sa pagtulog si Kuya at naiwan akong kasama ang pilyo kong mga kapatid.
"Pakawalan mo na siya, Gabriel. Mag-usap tayo ng maayos." suhestiyon ni Uriel. Guminhawa ng kaunti ang aking pakiramdam dahil kahit papaano ay may "sense" siyang magsalita. Sa kanilang lahat ay siya ang pinakamatinong kausap. Kumuha siya ng silya at nilagay sa harapan ko. "Umupo ka riyan."
Sumunod ako sa kanya at sa isang kisap-mata ay pinaligiran ako ng anim na makapangyarihang mga anghel. Nagmistulang isa akong kriminal na inuusig ng mga abogado.
"Ano na ang mga pangyayari sa buhay ng "weird" kong kapatid?" pangungumusta ni Jegudiel.
"Mas weird ka." pagkontra ko.
"Ganyan mo ba dapat batiin si Terrence?" pagtama ni Sealtiel sa kanya. "Be nice naman. Uutusan pa natin siya mamaya. Hahaha!"
Sabay-sabay silang humalakhak at ako naman ay nanggagalaiti sa inis dahil pinag-iinitan na naman nila ako.
"Oo nga pala. Kailan ba kayo magpapakasal ng nobya mong si Annie?" pagtatanong ni Gabriel sa akin. Tumahimik silang lahat at naghintay sa sagot ko.
"Hindi ko nga siya girlfriend."
"Tumatanggi ka pa. Halatang-halata na lutang ka kapag kasama mo siya o marinig man lang ang pangalan niya. Tinamaan ka sa kanya, Kapatid. Headlines sa langit 'yan!"
Lutang ba ako?
Napa-isip tuloy ako kung ganoon nga ba ako kapag kapiling ko si Annie.
Hindi naman siguro dahil mas nakakakilos nga ako ng normal kapag nandyan siya. Nakakalimutan ko ang pangunguha ng masasamang mga tao at pagbabaon sa kanila sa ilalim ng lupa.
Bumabait na nga ako.
"Sandali, gaano katagal na ba kayong magkakilala?" pag-uusisa ni Barachiel. "Taon na ba?"
"Isang buwan at sampung araw." mabilis kong sinagot.
Lutang nga ako.
Bakit ko nga ba sinabi iyon?
Malakas pa rin ang epekto ng pampatulog sa akin.
"Isang buwan at sampung araw pa lamang?" Tumaas ang boses niya dahil naka-panic mode siya. "Nahihibang ka na ba, Terrence?"
Kung maka-react si Ate ay parang katapusan na ng mundo. Para akong nasa Mexican telenovela na pinapanood din ni Annie. Ito ang parte kung saan pinapagalitan ng mayamang Mamá ang kanyang unico hijo dahil sa pag-ibig nito sa isang mahirap na babae.
"Ano 'yan? Pabebe? Pakiusap, Kapatid. Tumigil ka." pagpapatuloy niya. Hindi na ako kumibo pa dahil sa totoo ay natatawa na ako sa kanya. Mga ilang segundo pa ay hinayaan ko na ang sarili kong tumawa. Mahirap na at baka mapa-utot pa ako.
Oo, umuutot ang mga anghel.
Pero hindi mabaho katulad ng sa tao ang lumalabas mula sa amin. Amoy bulaklak ang aming hangin kaya kapag mag-isa kang nananatili sa kwarto at biglang nangamoy rosas o sampaguita ay huwag kang matakot dahil walang nagpaparamdam na kaluluwa sa iyo. May umutot lang na anghel sa paligid kaya don't worry.
You are blessed!
Halleluiah!
"Ano bang mayroon ang babaeng iyon at na-love at first sight ka?" ngitngit na pagtatanong muli sa akin.
Hindi nga ito love at first sight.
Aaminin ko na.
Naakit lang ako sa unang pagkikita namin dahil sa dalisay na kaluluwa niya.
Na-love at third sight ako sa kanya.
Nagsimula akong mapamahal sa kanya noong gumising ako sa ospital na pinagdalhan niya. Iyon ang mga panahong labis akong nanghina sa pakikipaglaban sa mga bampira na nais inumin ang dugo ni Annie.
Palagi kong maaalala ang pagpunas niya sa mga luhang dumaloy sa aking pisngi nang napanaginipan ko ang mga madilim na panahong nasa impyerno pa ako. Nasilayan ko ang kanyang mukha na puno ng pag-aalala sa isang katulad ko.
Inalagaan at inalalayan niya ako.
Nagsimulang magliwanag ang aking mundo simula nang magkita kami.
Napakadali niyang mahalin.
Kahit na hindi siya maganda sa unang tingin, nasa kanya ang mga katangian ng babae na ninanais ko.
Pinagsama-sama sa kanya ang pagiging mabuti, maalaga, masayahin, madiskarte sa buhay at palaban sa hamon ng buhay.
"May nangyari na ba sa inyo ni Annie?" seryosong tanong ni Uriel sa akin. Napatakip ng bibig si Barachiel at napalo pa siya ng mahina sa braso.
"Nangyaring ano?" pagbabalik ko ng tanong sa kanya.
Nagsalubong ang mga kilay niya at nagsimula na siyang magpayo ng mga words of wisdom niya.
Mahaba-habang usapan ito.
"May kapatid tayong babae, Terrence. Matuto kang rumespeto sa kababaihan. Kung seryoso ka at handa siyang ipaglaban ay magpakasal na kayo. Hindi magandang tignan na magkasama sa isang bahay ang lalaki at babae na hindi kasal. Kung balak mo lang siyang gawing laruan ay tumigil ka na. Maling-mali. Uulitin ko ang tanong dahil mukhang lutang ka nga. May nangyari na ba sa inyo? Dahil kapag mayroon ay kailangan mo siyang panagutan."
"W-Wala!" Hiyang-hiya kong sinagot. Napagtanto ko na rin sa wakas ang pinapahiwatig niya sa akin. Nag-init ang aking mga pisngi sa napaka-personal na tanong niya. "Ano bang iniisip mo, Uriel? Hindi ako katulad ng characters sa Possessive Series na paborito ni Watty."
Naalala ko pa tuloy ang damuhong na matanda.
Pilit akong hinahalintulad sa mga lalaking kathang-isip lamang. Nangingilabot ako kapag kinukwento niya sa akin ang bawat detalye ng mga nababasa niyang possessive men books sa w*****d. Tinawag pa akong "yummy" katulad daw nila.
"Malapit ka sa tukso." pagpapatuloy niya. "Dito ka muna tumira sa amin nang makapag-isip ka muna. Baka nabibigla ka lang."
"Hindi ko gagawin 'yun. Malakas ang depensa ko sa tukso dahil nanggaling ako sa impyerno." paniniguro ko sa kanya. "Hindi rin ako nabibigla lang."
"A-Ano ang Possessive Series?" inosenteng tinanong bigla ni Ate Barachiel. "Games ba iyon?"
"Oo." sabay-sabay na sinagot naming mga lalaki dahil hindi na dapat niyang malaman kung ano iyon.
"Pero kapag may makita kang app ng w*****d, huwag mong buksan." babala ko sa kanya. "Virus."
"Hala, na-install pa naman ng personal assistant ko sa cellphone. Sabi niya sa sobrang ganda raw nakaka-addict." Nilabas niya ang gadget at tiningnan. Inagaw ko iyon sa kanya at in-uninstall ang lintik na w*****d. Bakas sa mukha ng mga kuya ko ang pasasalamat.
"Ano ba kasi ang app na 'yun?" Gusto pa rin talagang malaman ni Ate ang sagot.
Inakbayan na siya ni Sealtiel at pinilit niyang ibahin ang usapan. Tinulungan na rin siya ng iba ko pang mga kapatid upang mawaglit na sa isipan niya ang mapanganib na w*****d.
Habang kinakausap nila ang aking ate ay may pumatak na malamig na likido sa aking pisngi. Naalarma ang aking mga kapatid at lumingon sa aking kinauupuan.
Amoy dugo.
Pinahid ko iyon at tiningnan.
Hindi ako nagkamali.
Dugo ng bampira!
Pagtingin namin sa kisame ay mala-horror movie ang bumungad sa amin. Isang paring nakaputing abito na may dumadaloy na dugo pa mula sa kanyang mga kamay ang aming nakita. Mabilis siyang bumaba papunta sa akin.
"Lapastangan kang halimaw!" galit na tinawag sa kanya ni Jegudiel. Tumayo ako at inawat siya upang huwag saktan ang nasabing nilalang.
"Sorry po, mga anghel. Kukunin ko na ang kaibigan ko." hinatak ako ni Benjie paitaas, papasok sa itim na lagusan. Sa isang iglap ay nasa Simbahan na kami.
"P-Paanong...bakit kinuha mo ako?"
"Pitong araw ka ng nawawala." pagpapaliwanag niya. "Hinahanap ka ni Annie."
"Pitong araw?" Hindi ako makapaniwala na ganoon ako katagal nawala at napakalakas ng pampatulog na binigay sa akin ni Raphael.
"Oo. Pitong araw ko na siyang sinasamahan na hanapin ka. Napagkakamalan na ngang "kami". Malupit ang tsismis at baka mapatawag pa ako ng obispo. Huwag naman sana." Napa-sign of the cross pa siya sa nerbiyos.
"Anong sinabi mo?" nayamot kong tanong sa kanya.
"Huwag ka ng magselos. Araw-araw ay pumupunta siya sa opisina ng mga kapatid mo. Nais sana niyang kausapin dahil ang duda niya ay pinauwi ka nila. Ngunit palaging dinadahilan ng mga assistant nila ay nasa meeting sila. Alalang-alala siya sa iyo kaya ginawan ko na ng paraan upang mahanap ka."
Binalot niya ng benda ang mga pulsuhan niya na patuloy pa rin ang pagdugo. Napansin ko na nanghina rin siya dahil naghahabol pa rin siya ng hininga at mas namutla siya. Kinailangan kasi ang dugo niya upang makumpleto ang ritwal ng paghahanap sa akin.
Makapangyarihan si Benjie.
Bihira ang klase niya na nakakatawag at nakakahanap ng ninanais na nilalang. Maari rin siyang magpadala ng mga makapangyarihang espiritu, kahit pa mga anghel, papunta sa impyerno kaya delikado siya sa mga kauri ko.
Marahil ay kaya siya napili ng isang hari ng mga bampira upang gawing kauri nila ay dahil sa kanyang mga "spiritual gifts".
"Bumalik ba si Annie sa opisina ng mga kapatid ko?'
"Oo. Hindi ko lang nasamahan ngayon. Dali. Puntahan mo na."
"Dadalhan kita ng baka mamaya para mainom mo ang dugo." pagpapasalamat ko sa kanya.
"Baka? Ang laki nun. Pwede bang kambing na lang?" natatawa niyang pahabol sa akin.
"Sige."
Lumipad ako palabas upang sunduin si Annie sa opisina. Malayo pa lang ay nakita ko na siyang nakaupo sa visitors' area ng gusali. Bumaba ako at nagtago sa likod ng trailer truck upang bumalik sa anyo ko na walang pakpak at upang maging "visible" muli. Kailangan kasing hindi ako makita habang lumilipad at baka barilin o tiradurin ako ng mga salbaheng tao.
"Makulit siya." narinig ko na sinabi ng isang babae sa reception area. "Palagi siyang pabalik-balik dito at naghihintay. Nadulas pa nga siya kanina dahil sa kakamadaling pumasok. Kanina pa siyang umaga nariyan."
Matamlay na tumayo si Annie at naglakad palabas ng gusali. Tumakbo ako papalapit sa kanya at buong kagalakan ko siyang sinalubong.
"T-Terrence!" halos mapasigaw siya sa gulat. "Humaygad! Saan ka ba nanggaling? Hinahanap kita!"
Inaya ko siyang magpunta sa likod ng building na wala masyadong tao ang nagpupunta.
"Pasensya na at hindi ako nakapagpaalam. Bigla kasi akong pinauwi." pagdadahilan ko upang hindi na siya mag-isip pa ng ibang rason kung bakit ako nawala ng walang pasabi.
"Sabi na nga ba..." nalungkot ang mukha niya. Napansin ko na namula rin ng kaunti ang gilid ng mga mata niya."Mabuti naman at umuwi ka na sa mga kapatid mo. Maayos ba ang trato nila sa iyo? Alam mo...na-miss kita...pwede ba kitang dalawin ng madalas dito at..."
Hindi na niya natapos ang mga sasabihin niya sa akin dahil napayakap na ako sa kanya. Magkahalong lungkot at tuwa ang aking naramdaman. Masaya ako dahil kaharap ko siya ngayon ngunit tahimik akong naghihinagpis dahil tila ba sa kanyang pananalita ay tanggap na niya na lilisanin ko na siya.
Hindi ko siya kayang iwanan at pabayaan.
Marahil ay maituturing na akong isang lunatikong anghel. Isang batas na naman ang aking sasawayin dahil sa pagmamahal ko sa isang tao. Madudurog ang aking puso kung tuluyan na niya akong tatanggalin sa buhay niya. Sana ay huwag niya akong ipagtabuyan palayo.
"Terrence, may problema ba?"
"Wala naman. Uwi na tayo, Annie." pakiusap ko sa kanya. "Sige na."
Maingat ko na hinawakan ang kamay niya upang magtungo na kami sa abangan ng mga sasakyan.
"Ha? Sigurado ka ba? Ang ganda na ng buhay mo kasama ng mga kapatid mo."
"Tara. Hindi ba nag-promise ako na aalagaan kita? At, itataguyod natin ang pangarap mo na restaurant? Tumutupad ako sa pangako." pagpapaalala ko sa kanya.
"Ayaw kong maging pabigat sa iyo."
"Tinataboy mo na ba ako, Annie?" Tumigil kami sa paglalakad. Tiningnan ko siya ng mataimtim at sinadya ko na mas mangusap ang aking mga mata. Namula ang kanyang mga pisngi at napahawak pa sa kanyang buhok.
"Hindi. Sa totoo e gusto na nga kitang i-kidnap nang makita ka. Ay! Nakakahiya! Hehehe!" bumalik ang saya at liksi sa kanyang ekspresyon. "Kaso, kahit miss na miss kita, iniisip ko pa rin ang kalagayan mo kasi..."
"Kasi?" nais kong ituloy niya ang sasabihin niya.
"Kasi...hehe...dyahe! Terrence naman e!" Napakamot siya ng ulo at gumalaw-galaw ang mga paa niya papunta sa kanan at sa kaliwa. Mukhang ninenerbiyos siya.
Nilagay ko ang kamay niya sa aking dibdib, malapit sa aking puso upang pakalmahin siya. Nanlaki ang mga mata niya sa aking ginawa. Ako man ay nagtaka sa aking asal dahil siya ang kauna-unahang babae na ginawan ko ng ganoon. "Kasi?" nahihiya ngunit excited kong tinanong siya muli.
"I care! Sobra!" prankang sinabi niya sa akin. Natigilan ako dahil nabigla ako sa aking narinig. Napakagat siya sa kanyang labi na tila ba ay nailang sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig.
Masyadong honest si Annie at mas lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya dahil wala siyang pagpapanggap sa katawan.
Pero, nadismaya pa rin ako ng kaunti.
Akala ko ang isasagot niya ay, "I love you".
Naiintindihan ko.
Masyado pang maaga at kailangan ko pa na mag-exert ng effort para marinig ko mula sa kanya iyon.
OK na ako sa "I care".
Magandang panimula.
Nararamdaman ko na malaki ang pag-asa ko sa puso niya.
Pinapangarap ko na balang araw ay paulit-ulit naming sasambitin sa isa't-isa ang mga salitang...
Mahal kita.