Chaptee 19: Panliligaw 101

2773 Words
"Bah!" maligayang pagbati ng isang puting tupa sa akin pagkabukas ko ng pinto sa silid. Nakuha ko iyon mula sa isang blogger ng kung anu-anong mga walang kwentang bagay. Ang alaga niya ay ginagamit niyang props sa personal website niya na cassiehasalittlelamb.com. Sa kadahilanang wala akong mahanap na kambing para kay Benjie ay nagtungo ako sa kalapit na siyudad at pasikreto kong tinangay si Chippy, The Sheep mula sa bakuran ng mansion ng amo niya. Malamang ay hinahanap na ni Cassie ang "BFF" niya pero wala na akong pakialam doon dahil bully naman siya dati ni Annie noong nasa high school pa sila. "Bah! Bah! Bah!*" (Anghel, buti na lang kinuha niyo ako mula sa salbahe at maarte kong amo. Kayo na po ba ang bagong mag-aalaga sa akin?) "Itikom mo ang bibig mo." inutos ko sa maingay na hayop. Tumango-tango ang tupa at maliksing iwinagayway ang maikli niyang buntot. Naawa ako at nagdalawang-isip na ibalik iyon sa tunay niyang may-ari ngunit kailangang kumain ni Benjie. Ibibigay ko na lang ang kaluluwa niya sa mga kapatid ko upang maalagaan sa langit. Lahat ng mga hayop ay tinatanggap sa paraiso ni Ama. Mas karapat-dapat sila kaysa sa mga walang kwentang tao. "Kainin mo na nga, Father! Bilisan mo na lang para hindi na maghirap pa." "Huwag na." napakatamlay na pagtanggi niya. Nakahiga siya sa kanyang kama at nakatingin ng blangko sa kisame. Nangingitim na ang ilalim ng mga mata niya sa gutom. "Ilang araw ka ng hindi kumakain?" Sa lagay niya ay matagal na siyang hindi nakakainom ng dugo. "Medyo...matagal na." nakatulala niyang sinagot sa akin. "Gaano katagal?" "Noong nasa ibang parokya pa ako." "Ayan na nga." Inis ko na binuhat at iniabot ang tupa. Tinitiis pa kasi niya ang gutom samantalang pinagdala ko na nga siya ng makakain kinagabihan pa. Kinuha niya iyon ngunit sa halip na kainin ay niyakap niya iyon at hinaplos ang makapal na balahibo. "Noong hindi pa ako bampira, maipagmamalaki ko na animal lover ako." malungkot na kinwento niya. Pinikit niya ang kanyang mga mata habang naaalala ang mga panahon na tao pa siya. "Hindi ako kumakain ng karne ng hayop noon. Pero ngayon, kailangan kong inumin ang dugo nila. Hindi ko pa rin sila kayang patayin kaya limitado lang ang iniinom ko. May mga kaluluwa sila katulad ng tao." Napakabuti ni Benjie. Parang lahat ng nilalang ay kaya niyang mahalin. Marahil ay mahahawaan niya ako ng kaunting kabaitan kung dadalawin ko siya ng madalas. Sa katunayan ay binabagabag na ako ng aking konsensya dahil sa hilig ko na mang-apak ng ipis. Hindi ko talaga mapipigilan. Ang sarap sa pandinig ng "crunch" kapag napipisa ko sila sa sahig. At, takot si Annie sa kanila kaya pasensyahan na lang at huwag silang magpapakita sa akin. "Aalagaan ko na lang itong tupa. Ako na ang bahala sa pagkain ko mamaya." Pinilit niyang tumayo ngunit napaupo muli. Hinang-hina talaga siya dahil sa ritwal na ginawa niya upang mahanap ako. "Diyan ka lang." pagpigil ko sa kanya. "Importante ang ipagmimisa ko." pagdadahilan niya. Binuksan niya ang drawer na katabi ng kanyang kama at kumuha ng benda. Tinanggal niya ang mga balot sa kanyang pulsuhan na may bahid pa rin ng sariwang dugo at pinalitan ang mga iyon. "Magkakasal kasi ako." "Kasal? Gusto ko 'yan." Napangiti ako dahil may ideya na namang pumasok sa kakaiba kong isipan. Tumingala siya sa akin na may pagkabahala at pagsisisi na nabanggit niya pa sa akin iyon. "Ako ang magkakasal." "Hindi ka pa ba hinahanap ni Annie?" hindi diretsahang pagpapauwi at pagpapaalis niya sa akin. Halatang wala siyang tiwala sa akin. Sa ayaw man o sa gusto niya, nais kong magkasal! "Nagpaalam ako sa kanya na magsisimba at mangungumpisal sa iyo." tugon ko sa pagtataboy niya. Mga ilang araw ko ng na-obserba ang pamamaraan ng pagmimisa ni Benjie. Gusto kong maranasan kahit sandali lang kung paano maging isang pari. Kasal pa ang pagdiriwang kaya mas nasiyahan ako. Pagkakataon ko ng manggulo, este, makihalubilo at maging saksi sa pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan. Sa isang iglap ay ginaya ko ang itsura ni Benjie.  "Whoa! Para akong nakatingin sa salamin! Ang pogi ko! Hahaha!" masaya siyang napabulalas. "Nagkakamali ka. Akala mo lang kasi in-enhance ko ang itsura mo ng ilang antas." pagkontra ko sa pagpuri niya sa sarili. "Basag trip ka naman. Alam mo ba na campus crush ako dati? Nagkakandarapa ang mga girls sa akin." "Crushable ba?" pang-aasar ko kahit malinaw sa akin na hindi siya nagsisinungaling. "Tatlo lang yata kayong lalaki kaya pinagtiyagaan ka na ng mga babae." "Sige na. Hindi na ako kokontra pero cute pa rin ako." pagsuko niya upang hindi na humaba pa ang usapan. "Papayag ako na ikaw ang magmisa ngayon basta huwag kang masyadong magsasalita, ha. Pagkatapos ng kasal, bumalik ka kaagad dito." "Bakit? May mali ba sa pananalita ko?" "Oo." garapalang sinagot niya. "Brutal kang magkumento at baka mapa-iyak mo 'yun bride and groom ng wala sa oras." Na-hurt ang feelings ko dahil tama siya. Madalas ay nananahimik na lang ako at tipid magsalita dahil ayaw ko ng makakita ng mga luhaan lalung-lalo na ng mga kababaihan. "Ang bait ko na kaya!" pagtutol ko sa binibintang niya na brutal daw ako. Napa-isip tuloy ako kung ano ba ang problema sa pananalita ko. Hindi naman ako nagmumura at nagsasabi pa nga ako ng totoo. "Sasabihin ko lang naman na kapag niloko nila ang isa't-isa ay papatayin ko sila. Mga lintik na tao! Nakagawian na ang panloloko!" nanggigigil na inamin ko sa kanya. "Mabait ka na sa lagay na iyan? Naku po! Ako na ang magkakasal." pagpupumilit niya. Akmang tatayo na sana siya ngunit tinulak ko siya ng mahina upang mapahiga muli. Binuksan ko ang aparador na kinalalagyan ng mga damit niya. Kinuha ko ang puting abito at sinuot iyon. Napatingin ako sa salamin at tumambad sa akin ang tunay kong anyo. Bahagya akong napangiti dahil nagmukha akong banal at kagalang-galang sa aking kasuotan. Mga isang daang taon ko ng hindi napagmamasdan ang sarili dahil ayaw kong masilayan ang miserableng anghel na nagtatago sa imaheng maaring maging basehan ng mga iskultor at pintor sa paglikha ng kanilang sining. Sana ay nakikita ako ni Annie ngayon. Napakagandang lalaki ko talaga! I'm a picture of perfection! "Pards, seven o'clock ang kasal." pagpapaalala ni Benjie sa akin, dahilan upang mawaglit ako sa pagmumuni-muni. "Oo na." Nayamot pa ako dahil sa pang-iistorbo niya sa "moment" ko. Lumabas ako ng kwarto at nagtungo sa Simbahan. Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso pagkatapos ng kasal. Masayang-masaya ang bagong mag-asawa. Masuyong niyakap at hinalikan ng lalaki ang kanyang maybahay at nagpalakpakan ang mga tao bago ko pa man nasabi ang parte na "You may kiss the bride". Naiinggit ako. Nangarap ako na sana ay maiharap ko rin sa altar at kay Ama ang babaeng pinakamamahal ko. Pipilitin ko na kalimutan na ang lahat ng hindi magandang nangyari sa akin at magpapakabuti na upang maging karapat-dapat kay Annie. Tumakas ako mula sa mga kababaihang nagsisimula ng magkumpulan sa paligid na crush si Padre Oppa*" raw nila. Umiwas na ako at baka may makatikim ng kabrutalan ko. Medyo tuliro pa naman ako dahil ang tanging tumatakbo sa utak ko ay kung paano kami maikakasal. (Ang ibig sabihin nito sa South Korea ay "kuya". Maari rin ito na term of endearment sa mga lalaki na gusto ng mga babae) Sa lalim ng aking iniisip ay hindi ko namalayan na nasa likuran pala ng pintuan si Benjie. Dahil sa biglaan kong pagbukas at lakas ng aking pwersa ay nasagi siya at bumangga sa dingding. Napa-iyak ang bago niyang alaga na si Chippy, The Sheep. "Pasensya na." paghingi ko ng paumanhin sa kaawa-awang pari. "Nakaharang ka kasi." "Ako pa ang nakaharang. Matuto kang kumatok, Anghel!" Inalalayan ko siya pabalik sa higaan. Hinubad ko ang abito, nilagay iyon sa sampayan, at bumalik ako sa aking tunay na anyo. Umupo ako sa tabi niya at tinitigan siya ng mataimtim. Nailang siya sa aking pagtitig at umusog papalayo. Nagtalukbong pa siya na para bang nagkukubli sa isang nakakatakot na multo. Hinawi ko ang kumot mula sa ulo niya. "Kailangan ko ang tulong mo." "Ano 'yun?" ninenerbiyos niyang tinanong sa akin. "Kung kalokohan 'yan, huwag mo akong idamay." "Benjie, paano ba?" Naglakas-loob ako at nilunok na ang aking pride para maisakatuparan lang ang inaasam-asam ko. "Anong paano? "Paano bang...manligaw?" "H-Ha?" napanganga siya sa tanong ko. Bakit ko nga ba naitanong iyon? Sa lahat ng hihingan ko ng advice ay pari pa. Wala naman akong mapapala kung sa mga kuya ko magtatanong dahil siguradong sasablay ako. Puro kalokohan at ka-weirduhan ang ituturo nila sa akin. "Bah!*" (Ay, torpe!) "Manahimik kang tupa ka, babalatan kita e!" pagbabanta ko sa makulit na hayop. "Sa tipo ni Annie, nais niya ang makalumang pamamaraan. Conservative siya." pagsisimula niya. Nilagay niya ang unan sa may headboard ng kama at sumandal. Itinuon ko ang isang daang porsyento ng aking atensyon upang matutunan ang mga alituntunin ng panliligaw sa isang babae. "Pairalin mo ng kaunti ang pagiging bolero. Hindi naman magsisinungaling pero matuto kang pumuri sa magagandang mga katangian niya. Ano ba ang nakikita mo sa kanya?" Inisa-isa ko kung ano nga ba ang kaakit-akit sa kanya. Hindi ko naman pwedeng sabihin na ang dalisay na kaluluwa niya at baka akalain niyang adik ako. Alam ko na. "Maganda ang katawan niya. Sakto ang pagkakahulma ng dibdib, baywang at balakang niya. Pwede ko bang sabihin 'yun?" "Siyempre...hindi! Nakatama ka ba? Huwag kang magbisyo, Terrence." Napakamot siya ng ulo sa aking sinabi. Halos mapatayo pa siya sa kinasasandalan niya sa sobrang gulat. "Mapagkakamalan kang manyak niyan." "Nagsasabi lang ako ng totoo." pagtataka ko dahil wala naman akong makitang mali sa pinahayag ko. Tunay naman na nakakahalina ang hubog ng katawan ni Annie. Masama ba 'yun? "Ganito na nga lang. Tuturuan kitang magsulat ng love letter." Natatarantang suhestiyon niya sa akin. Kumuha siya ng bolpen at papel at nilagay ang mga iyon sa mesa. "Siguro naman sa pagsusulat, maaayos mo na. Marunong ka bang magsulat, Anghel?" "Oo naman. Ano bang akala mo sa akin? Kahit anong lenggwahe pa, kaya kong isulat." pagmamalaki ko. Multilingual naman ako at lahat ng wika, kasama ng sa mga hayop ay naiintindihan ko. Kung hindi ko masabi ng harapan ay idadaan ko na lamang sa liham. Napakadali! Ano ba naman ang kaunting mabulaklak na mga pangungusap? Sa unang mga salita ay napabura na ako kaagad. Ang hirap pala. Tumingin ako sa kanya upang humingi ng saklolo. Sa halip na sumagot ay ngumiti lang siya at tinuro ang papel upang hikayatin akong magpatuloy. Pagkatapos ng dalawang oras ay natapos ko na ang sulat ng pag-ibig para sa babaeng sentro ng aking mundo. Nakaidlip na si Benjie sa tagal ng aking pag-iisip. Tinapik ko siya sa balikat upang gumising. Excited ko na pinatong sa higaan ang sulat upang ma-proofread niya. "Basahin mo." Tumango siya at sinimulang suriin ang aking masterpiece. Napaawang ang kanyang mga labi na tila ba ay nasindak siya. Halos malukot niya ang papel sa sobrang pagka-alarma. Bakit kaya? Ito lang naman ang mga sinulat ko: Dear Annie, May sasabihin ako sa iyo. Ito ang katangian na kaakit-akit sa iyo. Ang ganda ng katawan mo. Gaya nga ng sinabi ni Tita Watty, "Simply Sexy". Kahit mga anghel at bampira mahuhumaling sa iyo. Kapag naka-fit na T-shirt ka, bakat ang perfect cleavage mo and I like it. Neither flat nor fat. Sakto lang dahil proportional ka. Para kang Miss Universe, sa totoo lang. Nagmamahal, Terrence "Diyos ko po! Hindi ganyan!" Tuluyan na niyang nilamukos ang papel at tinapon iyon sa basurahan. "Ulitin mo." Umabot pa kami ng ilang oras sa pagpaplano ng "Operation Ligaw" at pag-compose ng awitin. Mas mahirap pa sa Theory of Relativity ang proyekto namin. "Sumunod ka sa mga sinabi ko. Walang labis. Walang kulang." mga huling habilin niya sa akin habang palabas na ako ng silid. "Oo." Hawak-hawak ko ang dalawang sulat na maingat na nakaselyo ng pulang rosas na sticker. Hinipan ko ang mga iyon ng mahina upang kumapit ang "Angel's Breath" na scent namin. Mahalimuyak iyon at hindi nawawala sa papel kahit ilang taon pa ang lumipas. "Anong ginagawa mo?" pahabol niya. "Hindi ka pa nakakalayo, iniiba mo na ang usapan." "W-Wala!" pag-dedeny ko. Mas kinakabahan pa yata si Benjie para sa akin. Ilang ulit niyang binilin na huwag akong lilihis sa aming plano. Sa paraan ng panenermon niya sa akin ay para bang gagawa ako ng kapilyuhan. Napaka-istrikto niyang maestro. "Pwede ko bang samahan ng bulaklak ito?" "Anong bulaklak?" "Lily? Marami akong nakikita sa paligid." "Hindi! Para sa patay iyon! Stick to the plan, Terrence!" "OK." kasing amo ng tupa kong pagsang-ayon. Umuwi ako sa tahanan nina Annie, baon ang mga naggagandahang mga payo upang mabihag ko ang puso niya. Nilapag ko sa may pintuan ang unang sulat. Matiyaga akong nagmasid sa isang sulok. Mga ilang minuto pa ay lumabas na siya. Napahinto siya at pinulot ang liham. Dear Annie, Good afternoon! How is your day? I hope this will bring a smile to your lovely face. Turn to your left... Sa paglingon niya ay iniabot ko ang maliit na basket na nilamnan ko ng paborito niyang hinog na mga mangga. Napatakip siya ng bibig sa aking ginawa. "P-Para sa akin ba iyan?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin. "Masarap 'yan!" Tumango ako at hinintay ko na kunin niya ang mga prutas mula sa akin. Napangiti siya at malugod na inabot ang aking munting regalo sa kanya. Nais ko pa sana siyang kausapin ngunit natotorpe ako. Parang may nakabara sa lalamunan ko. Sa hiya ko ay tumalikod ako at nagpaalam na magpupunta sa banyo. Patungo pa lang ako sa palikuran ay may humila na sa akin papasok. "Anong reaksyon niya?" pag-uusisa ni Benjie. "Sinundan mo pa talaga ako?" "Hindi ako mapakali. Nabigay mo ba ang pangalawang liham sa kanya?" "Hindi pa." "Pinalagpas mo ang pagkakataon. Bumalik ka sa kanya." Tinulak niya ako, halos ibalibag na, palabas. "Annie!" pagtawag ko sa kanya. Huminto siya sa paglakad patungo sa kusina. "Sandali. May ibibigay pa ako." "Wow! Hindi ko birthday ha! Hehehe! Tara, kainin natin itong mangga. Amoy pa lang, matamis na." Huminga ako ng malalim, nag-ipon ng tapang upang maibigay ang komposisyong pinagpaguran ko. Oo, ako ang tunay na nagsulat. Editor lang si Benjie. Pigang-piga nga ang utak ko! Nilagay ko sa kanyang palad ang puting piraso ng papel na pruweba ng pagsuyo ko sa kanya. "Sana ay magustuhan mo ang awit na ginawa ko para sa iyo, Annie." Binaba niya ang basket sa isang lamesita. Umupo siya at nagmamadaling binuklat ang liham. Sa bawat paggalaw ng kanyang mga mata ay kasabay ang pagkabog ng aking dibdib. Pakiramdam ko ay mababalian na naman ako ng tadyang sa lakas ng aking kaba. Mahihimatay yata ako! Tiniklop niya muli ang papel. Napasimangot siya sa akin at umiling-iling pa. "Grabe ka. Tsk!" Nalungkot na ako dahil pihadong hindi niya nagustuhan ang aking awit. Sadyang wala kasi akong romansa sa katawan kaya siguro nakulangan siya sa aking akda. Laking gulat ko nang siya ay tumayo at yumakap sa akin. "Grabe! Napakaganda. Ngayon at Kailanman* pa ang pamagat. Parang harana!" maluha-luhang sinabi niya. "B-Bakit ginawa mo iyon para sa akin? Hiyang-hiya ako!" Mabilis din siyang bumitiw at tumakbo pabalik sa kanyang silid. Narinig ko ang pigil niyang pagtili sa loob. Mga ilang minuto pa ay binasa niya muli ang sulat. Humalakhak siyang mag-isa nang matapos ang huling stanza. "Hay naku, Terrence. Loves mo ba ako? Para kasi tayong pinagtagpo ng tadhana, ano?" Ugali talaga niya ang kausapin ang sarili o kumanta ng napakalakas kapag siya ay nag-iisa. Para kasing allergic siya sa katahimikan. "Hehehe! Pero ayokong maging asumera!" Labis akong natuwa sa reaksyon niya. Ginanahan tuloy akong lumikha pa ng mga tula at awit para sa kanya. Kung naririnig lang sana niya ang sinisigaw ng aking puso na, "Mahal kita". Higit pa sa mga letra at mabulaklak na mga linya ang pag-ibig ko. Simula pa lang iyan, Annie. Liligawan at susuyuin kita sa pamamaraan ng isang tunay na lalaki. Hindi pabebe o jeje. Mas lalong hindi lokohan. Pangako. Author's Note: Ang liham ni Terrence ay pinamagatang "Ngayon at Kailanman" pero ang awiting ito ay orihinal na komposisyon ni George Canseco at inawit ni Basil Valdez noong 1979. Isa itong classic ngunit tinuturing pa rin na isa sa mga pinakamagandang love songs na nalikha sa Pilipinas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD