Umihip ang malamig na hangin at bahagyang yumanig ang lupa sa aking pag-apak muli sa mundo ng mga tao.
Kaagad kong nadama ang pagluluksa at poot ng ilang mga anghel na nasa paligid.
Hindi ko sila masisisi at hindi rin ako nagsisisi.
Napaslang ko ang marami sa aking mga kauri at ang ilan ay mga kapatid at matalik nilang mga kaibigan. Sa tagal ng panahon na lumipas ay malalim pa rin ang sugat na naidulot ko sa kanilang mga espiritu.
Subalit, ako rin ay pinahirapan nila nang lubos at nawalan din ng mga kakampi kaya sa pagkakaalam ko ay tabla na kaming lahat.
Sa aking pagdaan ay mas naging mapanghusga ang mga titig nila sa akin. Kung noon ay puno ng paggalang at paghanga ang mga salita nila sa akin, ngayon ay puno na ng pang-aalipusta.
Masama na kung masama.
Nilikha akong ganito ni Ama.
Pagkatapos akong pakinabangan ay kakalimutan lang nila ako na tila ba wala akong nagawang matino para sa kanila.
Ang katotohanan ay maayos ang langit sa aking pamumuno bilang Heneral ng mga sundalo noon. Napanatili ko ang kapayapaan at disiplina dahil ginusto ko na mabuhay ng masaya ang lahat kahit isinakripisyo ko pa ang pansariling kaligayahan.
Nagbago ang lahat simula nang napagdesisyunan ni Ama na likhain ang mga tao. Kapalit ng aking matapat na serbisyo ay inatasan ako at ang mga tagasunod ko na manatili sa mundo nila upang sila naman ang aking paglingkuran.
Nang dahil sa pagtanggi, nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihang nagawa ko at itinuring na isang mabangis na kaaway. Ang ipinaglalaban ko lang naman ay ang karapatan namin na mga anghel na mamuhay ng malaya. Lumipas ang mga taong mapayapa kaming lahat sa langit, bakit bigla na lamang gagambalahin at pabababain namin ang sarili para sa hamak na mga tao? Naisip ko pa na baka nilikha kami upang maging alipin ng mga pinapaborang mortal.
Nagkaroon ng madugong himaksikan sa loob ng pitong araw. Marami sa aking mga kakampi ang napaslang, subalit marami rin na mga tagapagsilbi sa konseho ang napatay. Subalit, kahit gaano ko inasam na manalo, si Ama na ang nagpasyang ako ay mabigo. Napagtanto ko na marahil, isa lamang akong laruan sa paningin Niya at ngayong wala na akong silbi para sa Kanya, panahon na upang itapon ako.
Ang parusa sa akin ay ang pagkatanggal sa posisyon bilang Heneral ng Hukbong Sandatahan at utos ng kataas-taasang konseho ng mga Seraphim, Cherubim at Thrones na pagbitay sa akin dahil sa simpleng kadahilanan na delikado na raw ako. Maging ang pagkamatay ng lahat sa digmaan ay ipinasalo sa akin kaya malabong ako ay mapatawad pa.
Sa araw mismo ng sentensya ko, laking pagtataka ko na naibaba ang hatol sa pagkakatakwil at pagkakakulong sa impiyerno. Karagdagang parusa ang pagkabali ng mga pakpak at pitong libong latigo na magpasahanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang pagkakahiwa at pagbaon ng talim sa aking balat at laman.
Higit pa sa lahat ng pasakit ang naranasan ko...
Habang nakagapos sa impiyerno at binibilang ang paglipas ng mga milenyo, hiniling ko na lang na sana ay pinatay na lamang nila ako.
Halos mabaliw na ako sa bawat araw at gabi na naaalala ko ang kalupitan at kahihiyan na pinaranas nila sa akin. Kung minsan ay nais ko na lamang tumangis upang mailabas ang lahat ng sama ng loob subalit wala naman akong mailabas na ni isang patak ng luha.
Marahil, natuto na rin akong magpakamanhid upang maprotektahan ang sarili.
At kahit anong iyak ko naman, wala naman din na dadamay at makikinig...
Kailangan ko nang tanggapin na ginamit lang nila ako.
Ganyan talaga ang buhay.
May manggagamit at may nagpapagamit.
Hindi na ako makakapayag na masaktan at malamangan muli!
Lalabanan ko sila kahit gaano karaming dugo pa ang dumanak at ilang buhay pa ang maglaho!
Tama sila.
Mapanganib nga akong kalaban.
Ipaparanas ko sa kanilang lahat ang tunay na impiyerno!
Naantala ang malalim kong pag-iisip nang nakatawag ng pansin ang isang babaeng anghel na aligagang lumilibot sa isang kanto. Binuksan niya ang isang kotse, sumilip at mahinang nagsalita.
"Terrence, nasaan ka bang bata ka?"
Malungkot niyang isinara muli iyon nang hindi makita ang pinakamamahal na kapatid.
Gaya ng dati ay wala pa rin siyang kahinhinan sa pagkilos at mahilig pa rin gumala kung saan-saan na nag-iisa. Tumakas na naman siya mula sa mahigpit na pagbabantay ng mga kapatid na lalaki.
Sinundan ko siya at nang masiguro na wala ng ibang makakakita sa amin ay nagtungo na ako sa kinaroroonan niya. Dahan-dahan akong lumapit habang abala siyang nakikipag-usap sa mga pusa.
"Diyan ka lang!" sinigaw niya sa akin. Paglingon niya ay napansin ko kaagad ang kanyang matalim na tingin.
Si Barachiel.
Para sa akin ay siya ang pinakamagandang nilalang na nilikha ni Ama. Bakas sa kanyang mukha ang magkahalong inis at takot. Naging matalas ang mga mata niya habang binabantayan ang bawat kilos ko.
"Nakakatunaw ang tingin mo," may panunudyo kong sinabi sa babaeng naiisip ko sa bawat araw at gabi na nasa impyerno ako. Noon pa man ay madalas ko na siyang biruin sapagkat sadya siyang masayahin at bihirang mapikon. Kung mayamot man ay kakatwa pa rin ang mga banat niya kaya naaaliw ako kapag siya ang kausap.
"Napansin ko na mas gumanda ka. Anong meron at blooming ka?"
Nanatili siyang tahimik at alerto habang unti-unting humahakbang nang paatras.
"Bakit ka lumalayo? Mabango naman ako..."
"Pwede ba? Iwan mo na ako!" panunuplada na niya kaya hindi ko na napigilang mapangisi. Nagsisimula palang ako na kunin ang pansin niya at sa tingin ko ay umeepekto na.
Iba ang karisma niya sa akin.
Maging sa pagkainis niya ay mas naaakit ako.
Kung alam lang niya ang aking pagpipigil upang hindi siya tuluyang angkinin. Dahil i***********l sa langit ang romantikong pakikipagrelasyon sa aming mga kauri, tiniis ko ang pagnanasang mas umaalab habang tumatagal na nakakasama ko siya.
Subalit, wala na ako sa langit.
Malaya ko nang magagawa ang lahat ng aking naisin.
"Aalis na ako, Heneral," pamamaalam niya na may bahid pa rin ng kaunting paggalang.
"Sandali. Aalis ka na naman?" pagpigil ko sa kanya. Naging magkaibigan naman tayo, hindi ba? Kumustahin mo naman ako kahit kaunti." Mas lumapit ako at nalanghap ko ang nakakahalinang samyo na mayroon siya. Hinawi ko mula sa mukha niya ang ilang piraso ng buhok na humarang sa perpekto niyang mukha, katulad nang nakagawian ko na noon. Nagulat ako nang sinagi niya ang aking mga palad.
"Huwag mo akong hawakan!"
"Bakit?" pagtataka ko samantalang isa lamang iyon na ekpresyon ng aruga na minamasama pa niya.
"Bakit?" nanlalaki ang mga matang itinanong niya. "Ayaw kong mahawakan ng mga kamay mong may bahid pa rin ng dugo ng mga napaslang mo!"
Napatiim-bagang ako sa mga pahayag niya na mas lalong nagpasariwa sa mga sugat na naidulot ng pagkakatakwil sa akin. Matagal na akong nagtitimpi sa lantarang pag-iwas niya na para bang ang laki ng kasalanang nagawa ko sa kanya. Sa pagkakaalala ko, ang tanging pagkakamaling nagawa ay ang pag-amin sa kanya na may pagtingin ako. Kung alam ko lang na itataboy niya ako sa buhay niya, sana ay nanatili na lamang akong tahimik.
Siguro, ang tingin na rin niya sa akin noon pa man ay napakasama ko ng nilalang at hindi nararapat ng tiwala.
Kung naiintindihan lang sana niya ako, hindi niya ako huhusgahan nang ganito! Nais ko man ipaliwanag ang lahat, batid ko na hindi rin naman niya ako paniniwalaan at patuloy pa rin na lalayuan.
"Pagbigyan mo ako kahit ngayon lang. Sumama ka muna sa akin, magkuwentuhan tayo," pag-alok ko sa kanya muli. "Magiging mabuti naman ako sa iyo kung magpapakabait ka rin sa akin. Huwag mo naman akong iiwasan palagi."
"Wala na tayong dapat pag-usapan!"
Umirap siya at tinalikuran ako. Akmang lilipad na sana siya palayo sa akin ngunit hinawakan ko ang kanyang kamay.
"Huwag mo akong tatalikuran!" inutos ko sa kanya. Biglaang nagliyab ang apoy sa puso ko sapagkat sobra na ang natatanggap na insulto at harap-harapang pambabastos niya. Pinaka-ayaw ko sa lahat ang pagbabalewala sa akin lalung-lalo na kung ako pa mismo ang nagsimula ng komunikasyon.
"Hinahanap ko ang kapatid ko at hindi ikaw ang gusto kong makita!" pagbulyaw niya sa akin. "Bitiwan mo ako, Diablong walang kasingsama!"
Pwersahan niyang hinila ang kamay mula sa akin kaya aksidenteng nasugatan ng pulseras niya ang aking braso. Nagdilim ang paningin ko nang pumatak ang pulang likido mula sa pulsuhan ko at marinig pa ang salitang "diablo". Tila ba nawala ako sa sarili nang bumalik sa aking alaala ang pitong libong latigo na humampas sa katawan ko. Naisip ko na sana, kahit sobrang sama na ang pagturing niya sa akin, unawain din niya ang tunay kong kalagayan, na hindi lang sa balat at laman ang lalim ng sugat na naidulot sa akin noon.
Maging ang espiritu ko ay nagkagula-gulanit dahil sa karumal-dumal na parusa!
At hindi man lang niya ako madamayan kahit saglit lang!
"Kung 'di madaan sa santong dasalan, daanin sa santong paspasan!" babala ko sa kanya habang nilalamon na ng kadiliman ang kalooban ko.
Bilang ganti sa p*******t ay hinawakan ko siya sa may batok upang hindi makagalaw.
"Sandali, hindi ko sinasadya, Heneral! Wait lang!"
Hihingi pa sana siya ng paumanhin pero isa lang ang alam kong kabayaran sa p*******t niya.
"Sorry na ng-"
Napatahimik na siya nang yumuko ako at s*******n siyang hinagkan.
Sa paglapat ng napakalambot niyang mga labi, nanariwa sa isipan ko ang mga panahong maligaya pa kaming magkasama sa langit. Hinahanap-hanap ko pa rin ang mga panahong hindi niya ako kinakatakutan at malapit ang loob sa akin.
Kung alam niya...
Kung gaano ko siya kamahal...
Nagpumiglas siya ngunit mas pinagdikit ko ang aming mga katawan. Ilang sandali lang ay ikinagulat ko ang pagyapos na rin niya at pagganti ng halik. Ramdam ko ang init ng pagyakap na matagal ko nang inaasam na makuha mula sa kanya. Kasing tamis ng pulot na nagmula sa bagong usbong na mga bulaklak ang kanyang hininga kaya nagningas ang apoy ng aking pagnanasa.
Aminado ako na matindi ang aking pagkauhaw sa pagmamahal at pag-aaruga.
Siya lang ang bukod-tanging nagbigay sa akin ng pansin at kalinga kahit na pilit pa siyang inilalayo ng mga kapatid mula sa akin. Paulit-ulit ko man itanggi at isiping imposible na magmahalan nang higit sa kaibigan, hindi ko pa rin napigilan ang sarili na mahulog ang loob sa kanya.
Niyakap ko siya nang mahigpit, desidido na dalhin siya sa impyernong pinaglalagian ko. Naisip ko na maibabalik pa sa dati ang turingan namin sa isa't isa kung magkakasama na kami. Doon ay ipaparamdam ko sa kanya na hindi naman ako kasingsama ng iniisip niya.
"Sumama ka na sa akin," masuyong pag-aya ko habang habol-hiningang pinupuno ng halik ang mga labi niya. Marahan kong hinaplos ang kanyang likod at unti-unting inakay sa isang madilim na lugar na walang makakakita sa amin. "Kalimutan na natin ang lahat. Magsimula tayong muli..."
Tinulak niya ang aking dibdib at sinampal upang ako ay matauhan at makaiwas sa akung ano pa man ang maaaring mangyari sa amin. Dumugo ang gilid ng aking bibig kaya bilang ganti, mas hindi ko siya pinakawalan.
"Tama na!" pag-awat niya. "Maling-mali ito!"
"Malamig ang aking gabi. Samahan mo muna ako," panunudyo ko habang nakakulong pa rin siya sa mga braso ko. "Ganoon ba ako kasamang humalik at kailangan mo pa akong sampalin? Uulitin ko, para makabawi!"
"Ahas! Mas masahol ka pa sa ahas! Hindi ako makakapayag!" Patago niyang nilabas ang isang punyal at sinubukang isaksak sa aking hita. Lihim pa akong natuwa sa pagdepensa niya dahil ang lahat ng alam niya sa pakikipaglaban ay natutunan niya mula sa akin.
"Ibahin mo ang estilo mo, kung ako o katipo ko ang kalaban mo," pinagsabihan ko pa siya. Madali kong naagaw ang sandata at tinapon iyon sa malayo. "Kulang ka na rin sa ensayo!"
Bilang tugon sa hamon ay inuntog niya ang ulo sa aking dibdib kaya panandaliang nawala ang konsentrasyon ko. Napahawak ako sa may bandang puso, na kung sa normal na nilalang tumama ang pag-atake, hihinto sa pagtibok iyon at maaari pang makamatay. Napaupo ako sa damuhan, habang hinahabol ang hininga.
"P-Paano mo nagawa sa akin ito?" pagtatanong ko na may tono nang pagsusumamo. Napasinghap pa ako nang pumitik ang puso ko na nagkaroon ng kaunting pinsala pero mabilis din na gagaling makalipas lamang ang ilang segundo. "Sa sobrang galit mo ba, papatayin mo ako?"
Siya rin ay nagulat sa epekto ng p*******t sa akin. Alam ko na sa ekspresyon ng mukha niya, nagdalawang-isip siya kung tatakbuhan ba ako o dadamayan.
"I-Ikaw naman kasi e!" paninisi niya. "Buti nga sa iyo!'
Sinamantala ko ang pagkakataon na nawala ang atensyon niya sa pakikipaglaban. Sa isang iglap ay sinunggaban ko siya muli kaya napahiga kaming dalawa sa lupa. Nagbuno kami hanggang sa maipababawan ko na siya. Ilang beses man niya akong sinuntok at sinipa, tiniis ko upang hindi ko na siya mapakawalan.
"Tahan na," pagpigil ko na sa kanya. "Hindi naman kita aanuhin! Hindi ako ganoong klaseng lalaki!"
"s*******n mo akong hinalikan! Hindi kita mapapatawad!"
"Sinugatan at inunsulto mo naman ako! Kaya dapat, patas na tayo!"
"Kahit na! Bastos ka pa rin! Manyak! p*****t!" pagbibintang niya sa akin.
"Ako pa ang bastos? Sa naramdaman ko kanina, hinalikan mo rin ako at bumaba ang kamay mo sa may puwitan ko..."
"H-Hoy, w-walang ganun!" pagtanggi niya sa paratang ko na totoo naman.
Inilapit ko ang aking mga labi sa kanyang leeg pataas sa kanyang tainga upang siya ay tuksuhin. Sinadya kong iparamdam ang hininga ko sa balat niya upang maakit na pagnasaan din ako.
"Umamin ka nga, wala ka man lang bang nararamdaman para sa akin?"
"Anong pinagsasabi mo? E 'di wala, adeks ka ba?" tugon niya kasabay ng paghagis ng buhangin sa mukha ko.
"Wala? Kahit maghubad ako sa harap mo? Sisiguruhin ko, matutuwa ka sa pangitain!"
"Kadiri ka! Baka magdilim ang mundo ko!" pamimintas pa niya kaya mas sumama ang loob ko.
"Hindi ba, nasabi mo noong mga bata pa tayo na sa lahat ng anghel na nakita mo ay ako ang kapansin-pansin dahil mas maliwanag pa ako sa mga bituin?" pagpapaalala ko sa kanya. "Ganyan ka naman, mabilis makalimot ng pinagsamahan natin!"
Napahinto siya sa pagpupumiglas. Bumagsak pababa ang kanyang mga balikat na tila ba ay tinanggap niya ang pagkatalo. Tumingala siya sa akin at tinignan ako nang diretso sa mga mata.
"Lucifer*." dinig ko ang panghihinayang sa kanyang boses. "Oo. Pero, nagbago ka...naging mapagmalaki ka sa pagdaan ng panahon...hindi na kita kilala..."
(Ang ibig sabihin nito sa wikang Latin ay "liwanag" o "The Morning Star")
Sa pagtawag niya sa tunay kong pangalan ay may katiting na liwanag na pumasok sa napakadilim kong isipan. Matagal ko nang hindi naririnig iyon at nasanay na ako sa bansag na Diablo, Satanas, Ahas at iba pang nakakababa ng dignidad na maitatawag sa akin.
"Bakit ka nagkaganyan?" Pumatak ang sunud-sunod na luha sa kanyang mga pisngi. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nakaramdam ako ng lungkot. Akala ko ay isa na akong nilalang na walang pakiramdam subalit sa presensya ni Barachiel, lumalantad ang parte ko na mahina.
"Hindi ako ang nakalimot..." Tuluyan na siyang napahagulgol ng iyak dahil sa sobrang sama ng loob. Ako rin ay naramdaman ang hinanakit niya sa akin kahit hindi man niya sabihin.
"Ikaw..."
Tila ba may tumusok sa puso ko nang marinig ang pagtatapat niya. Sa pagtitig ko sa kulay pilak niyang mga mata, naaninag ko ang isang miserableng anghel na maging ang sarili ay 'di na kilala.
"Araw-araw ipinagdarasal ko na sana bumalik na sa dati ang best friend ko. Pakiusap, gumising ka na mula sa kadilimang pinaglalagian mo, Lucifer!"
Pinalaya ko siya sa aking pagkakayapos at hinawakan siya ng marahan sa mga balikat. Nanginginig pa rin ang buong katawan niya dahil sa kapangahasan na naidulot ko sa kanya. Hinalikan ko ang kanyang noo at sinikap na pakalmahin siya.
"Huwag ka nang matakot. Alam mo naman na hindi kita sasaktan kasi kakampi mo ako kahit noon pa man. Nabigla lang ako kanina nang sugatan mo ako...nagdilim ang isipan ko...pasensya na...hindi na mauulit!"
Tinabig niya ang aking mga braso at tumayo. Tumatangis pa rin siyang tumakbo upang makaiwas na sa akin. Sinundan ko siya at nang mahabol ay marahan ko siyang niyakap.
Isa iyong yakap na walang pagnanasa at ang nais lamang ay makapiling siya bilang matalik niyang kaibigan gaya ng dati.
"Huwag mo akong iwan...pakiusap..."
"Patawad," ang tangi niyang nasambit.
Kumalas siya mula sa aking mga bisig at lumakad na palayo. Tinawag ko siya muli ngunit hindi na niya ako nilingon. Nais ko man na magmakaawa upang samahan niya ako ay pinigil ko ang aking sarili. Wala akong nagawa kundi pagmasdan siya na iwanan akong ulit.
Nag-iisa na naman ako.
Naalala ko ang mga sinabi ng nakababata sa kanya na si Terrence.
"Wala ka ng pamilya o tahanan na babalikan pa."
Kahit ang kapatid ko na si Azrael, ang Anghel ng Kamatayan, ay tinalikuran ako sa oras na kailangan ko siya.
Lahat ay nang-iiwan.
Sa bandang huli ay sarili ko lang din ang aking kakampi.
Umalingawngaw ang kampana na nagmumula sa Simbahan. Hudyat iyon ng panibagong araw ng pagsamba at pasasalamat sa aming Tagalikha.
Wala na akong pakialam sa Kanya.
Matagal na naman Niya akong pinabayaan.
Sana ay mapagtanto rin ng mga ignoranteng tao na pinaglalaruan lang din sila ng kanilang Diyos. Mabuti man o masama ay walang ligtas sa kanyang kalupitan.
Pagpasok ko sa gusaling tinuturing na tahanan ni Ama ay naamoy ko ang halimuyak ng mga bulaklak na alay sa isang rebulto ng anghel na si Michael. Napatawa ako ng bahagya dahil ang nasabing estatwa ay may kalaban na isang lalaki na may sungay at buntot.
Nakaririmarim na nilalang.
Maging ang mga sinaunang nilalang ay sasabihin na malayo ang itsura noon sa katotohanan.
At hindi naman kami naging magkalaban ni Michael kahit na hindi man kami magkasundo.
Sa katunayan ay isa rin siyang biktima ng paghihimagsik dahil sinalo niya ang lahat ng mabibigat na responsibilidad nang dahil sa pagkatakwil ko sa langit.
Nagdurusa man siya ay wala na akong pakialam doon. Dapat pa nga siyang magpasalamat sa akin dahil ginawa ko siyang bida sa kasaysayan ng mundo.
Gayunpaman, naalibadbaran ako sa pagkakaukit sa akin kaya kumuha ako ng tatlong rosas at ipinatong sa dibdib ng mala-halimaw na rebulto. Hindi pa rin ako nakuntento sa itsura kaya hinablot ko ang telang nagdadamit sa estatwang San Pedro at itinaklob iyon sa pangit na nilalang.
Sa 'di kalayuan ay narinig ko ang mataimtim na pagdarasal ng isang ligaw na kaluluwa. Nakaluhod siya sa harap ng imaheng may krus at humihiling na sana ay may anghel na ipadala upang isalba ang mahal niya sa buhay.
Ito ang mga eksenang pinakaasam-asam ko. Naghahanap ako ng kaluluwa na maaari ko munang mapaglibangan upang mawala sa isipan ko ang kalungkutan.
"Tinawag mo ako," malumanay na pag-abala ko sa kanyang pananalangin. Napatayo siya mula sa kanyang niluluhuran at pinunasan ang luha sa kanyang mga pisngi.
"Salamat sa Diyos. Nakinig Siya sa dasal ko!" Nasilayan ang pag-asa mula sa malungkot niyang ekspresyon nang marinig ako.
"Nais mo na pagalingin ko ang iyong anak?" pag-uusisa ko. "Tama ba ako?"
"Opo!" napakabilis na tugon niya.
"Napaano ba ang anak mo? Hindi ka na dapat naririto sa lupa upang bantayan siya. Nasaan na ang kanyang ama?"
Napahiya siya sa aking katanungan. Alam ko ang sagot dahil nababasa ko ang kanyang isipan. Napakasarap sa pakiramdam na naaapakan ko ang katiting na kumpiyansa sa sarili ng aking mga biktima kaya paulit-ulit ko pa rin itong gagawin hanggat nabubuhay ako.
"Boss, nabuntis po ako noong eighteen years old lang...kaso tinakasan ako...kasi...naku...mahabang istorya." Lumunok siya at pinigilan ang sarili na muling umiyak. Umubo siya at pinilit na ngumiti. "Nag-iisang tagapagmana kasi ako kaya medyo spoiled ng magulang at liberated. Pero simula po noong nagka-baby ako, nagpakatino na po ako."
"Isang bastarda ang anak mo. Karapat-dapat ba siya ng aking awa samantalang isa kang basura?" panlalait ko sa pagkatao niya.
Magkahalong kahihiyan at pagsisisi ang naramdaman niya. Gayumpaman ay alam ko na hindi niya isusuko ang paghiling sa akin.
Ang isang ina ay kayang kalimutan ang pagpapahalaga sa sarili para sa pamilya. Kahit ulit-ulitin na apakan ang kanyang pagkatao ay iisipin pa rin niya ang ikabubuti ng anak.
Kaawa-awa man, nais ko muna siyang paikutin hanggang mawasak ng tuluyan ang kaunting dignidad na mayroon siya.
"Inosente po ang anak ko. Kung hindi lang kasalanan ay hihilingin ko na maisama na siya sa akin pero lumalaban po siyang mabuhay. Maari po na natin siyang bigyan ng pagkakataon? Hirap na hirap na siya."
"Nakapag-asawa ka at mayaman kayo. May pampagamot siya. Dadalhin ko na lang siya sa ospital," sarkastikong suhestiyon ko sa kanya.
"Opo. Pero, pinabayaan niya ang anak ko. Malala na po ang sakit niya." Napahagulgol na siya at napasadlak sa sahig. "Nangako siya ngunit niloko niya ako!"
Nayamot ako dahil napakaraming beses ko nang narinig ang mga linyang ito. Sadyang mahina ang ulo ng mga taong paulit-ulit na nalalamangan ng kapwa. Sa kaso ng kausap, isa siyang malakimg hangal kaya napahamak pa ang anak.
"Nagpauto ka sa walang kwentang lalaki. Nakuha ka sa matatamis na salita. Ngayong nahihirapan ka, nasaan na ang mga pangako niya? Hindi ka na natuto sa unang pagkakamali. Mahina ba ang pag-intindi mo o bobo ka lang?"
"Totoo, napakatanga ko," mapait na inamin niya. "Akala ko po ay mahal niya ako at ituturing na tunay siyang anak. Nais ko lang ng normal at buong pamilya. Pinerahan lang pala niya ako."
"Nais mo ba na paslangin ko rin ang iyong asawa?" mabilis na pag-alok ko ng karagdagang serbisyo upang mas lumaki ang aking masisingil na kabayaran.
"Hindi po naitatama ang pagkakamali ng isa pang mali," pagtanggi niya. "Ang nais ko ay gumaling ang aking anak at may mag-ampon na mabuting tao. 'Yun lang po."
Napahanga ako sa prinsipyong mayroon siya. Kung ibang tao ang kausap ko ay susunggaban na ang pagkakataon upang makapaghiganti. Nagkaroon ako ng interes sa panawagan niya kaya sinimulan ko na ang pakikipagkasundo sa kanya.
"Pagbibigyan kita, sa isang kondisyon."
Nagliwanag ang kanyang mukha. Akmang hahawakan sana niya ako ngunit hinawi ko ang kanyang kamay palayo gamit ang hangin.
Nandidiri ako sa mga tao.
Sa tingin ko ay mas marumi pa sila sa basura at lupa kaya isa sa mga pinakaayaw ko ay ang dumadampi ang balat nila sa akin.
Napansin niya ang aking pag-iwas kaya siya rin ay napaatras.
"Pasensya na po. Gagawin ko ang lahat para sa ikabubuti ng anak ko."
"Sigurado ka ba? Kahit may misyon akong ipapagawa sa kanya? Kailangan ko ang serbisyo ng anak mo," pahayag ko upang mabigyan pa siya ng pagkakataon na umurong. Naisip ko na maaari kong gamitin ang anak niya upang makakolekta ng mas maraming kaluluwa sa impiyerno. Ihuhulma ko siya sa pagkataong nais ko at pasusunurin sa lahat ng aking utos, sa ayaw man niya o gusto. Ang kapalit naman ng pagsunod sa akin ay karangyaan sa lahat ng makamundong bagay kaya sa palagay ko, patas din naman ang kasunduan.
"Isa kang sugo ng Diyos. May tiwala po ako na aalagaan mo siya."
Ngumiti lang ako bilang tugon at hindi na kumibo pa.
Sa isang iglap ay nagpunta kami sa kinaroroonan ng kanyang anak. Masangsang ang amoy ng silid na tila ba ay may nabubulok na laman. Binuksan ko ang nakakandadong bintana upang pumasok ang sariwang hangin.
Tumambad sa akin ang isang dalagita na nakahiga sa banig na nakalatag sa sahig. Ang katawan niya ay wala na halos laman sa sobrang kapayatan. Namimilipit siya sa sakit na dulot ng kanyang karamdaman.
"Mama...tulong po...Mama..." mahinang pagtangis niya habang hawak-hawak ang tiyan. May bahid ng dugo ang kanyang pang-itaas at napakaputla na niya.
"Ayan na, baby ko," puno ng pagmamahal na sinambit niya kahit hindi na maririnig ng anak ang mga salitang nagmumula sa kanya. "Gagaling ka na."
Umupo ako sa tabi niya at pinagmasdan ang kanyang mukha. Kinapa ko ang bukol na nasa may tiyan niya. Bumukas ang inosente niyang mga mata at kahit siya ay nagdedeliryo, nakuha pa niyang ngumiti.
"Hello po. Doktor po ba kayo?" pagtatanong niya. Umikot nang ilang segundo ang paningin niya bago pumikit muli.
Ang mga mata niya...
Tumagos ang kanyang panandaliang titig sa kaloob-looban ng aking espiritu.
Sa paghawak ko sa kanyang balat ay kakaibang pakiramdam ang dumaloy sa aking katawan.
Nakakahumaling ang enerhiyang dumadaloy sa kanya.
Isa siyang dalisay na kaluluwa.
"Kailangan ko siya..." hiyaw ng isipan ko.
"At, ako lang ang nararapat na makinabang sa kanya!"
Pinasok ko ang aking kamay sa kanyang sikmura at kinuha ang tumor. Napa-iyak siya ng bahagya at nawalan ng malay.
Mabilis na nagbalik sa malusog na kulay ang kayumanggi niyang kutis at nagkalaman ang kanina lamang ay buto't balat na anyo. Wala nang bahid ng katiting na sakit kaya labis na nasiyahan ang ina at sinubukan pa siyang yakapin, ngunit tumagos lamang ang mga kamay nito.
"Maraming salamat po." Tumayo ang ina at yumuko sa akin. "Masaya ako dahil kahit iiwanan ko na siya ay alam ko na hindi na siya nahihirapan. Maaari ko po bang malaman ang iyong pangalan para maibalita kung sakaling tanggapin man ako sa langit?" maligaya niyang tanong sa akin.
"Lucifer." sinagot ko na walang pag-aatubili.
Napalitan ng takot ang kanyang galak. Nahintakutan ang babae at humarang sa harapan ko upang maprotektahan ang anak niya laban sa akin. Kung nanaisin ko na iuwi sa impyerno ang kanyang supling ay maari ko nang gawin at wala na siyang magagawa pa.
"N-Niloko mo ako! Ikaw si Satanas!"
"Hindi kita niloko," pagkontra ko sa binibintang niya. "Sa pagkakatanda ko ay sinabi mong gagawin mo ang lahat."
Hinaplos ko ang ulo ng dalagita. Kakaiba ang aking nararamdaman dahil isang hiyas ang napakadali ko lamang nakuha. Kahit isang milyong kaluluwa ay hindi papantay sa isang hawak ko ngayon.
"Napakabait na bata. Mahihirapan akong impluwensyahan siya sa kasamaan pero OK lang," maligaya kong sinambit.
"Ako na lang ang parusahan niyo, huwag ang anak ko!" pagmamakaawa niya. Lumuhod siya at nagmakaawa. "Palayain niyo po siya!"
"Babae, iyon ang kasunduan. Pag-aari ko na siya." nakangiti kong pinaliwanag sa kanya. "Ganito na lang, para wala ka nang mareklamo. Kukunin ko siya pagkatapos ng sampung taon. Sapat na panahon na ang binigay ko sa kanya upang magawa ang lahat ng nais niya. Gaya ng napag-usapan, aalagaan ko siya dahil kailangan ko ang kaluluwa niya. Pagsisilbihan niya ako."
Nakakabagabag na paghihinagpis ang bumukal sa puso ng sawing-palad na ina.
"Isama niyo po ako sa kanya," huling pakiusap niya. "Maawa po kayo. Wala siyang kasalanan!"
Sa paglipas ng mga taon ay natutunan ko nang tanggalin ang emosyon sa mga desisyong binibitiwan.
Ang kasunduan ay kasunduan.
Hindi na maaaring mabuwag iyon.
Wala na dapat akong maramdamang kahit kaunting awa lalo na sa tao.
"Hindi maaari," pagtanggi ko. "Akin na siya."
Sa isang kisapmata ay binalik ko ang kaluluwa sa Simbahan na pinaglalagian niya. Tinuon ko muli ang atensyon sa babaeng may dalisay na kaluluwa.
"Gumising ka na."
Dahan-dahang nagmulat ang kanyang mga mata. Kumurap-kurap siya at napabalikwas na parang kagigising lamang niya mula sa masamang panaginip.
"Sino po kayo?"
"Huminahon ka. Isa akong anghel."
Inobserbahan niya ako at nagmasid sa paligid. Mabilis na gumuhit sa kanyang mga labi ang napakagandang ngiti.
"Ay! Totoo pala talaga kayo! Ang pogi niyo naman po! Super! Ganyan ba lahat ng anghel na boylet? Hehehe!" Sinalat niya ang tiyan kung nasaan ang bukol na nagpahirap sa kanya. "It's a miracle! Wala na ang tumor ko! Akala ko nga, mamamatay na ako pero mukhang buhay pa rin naman ako! Ikaw po ba ang nagpagaling sa akin?"
"Oo."
"Thank you. Sobra! Paano ko po ba kayo mapapasalamatan?"
Isa man akong diablo, alam ko pa rin na hindi nararapat na sabihin sa isang magkakatorse anyos na bata ang malagim na kasunduang naghihintay sa kanya kaya inilihis ko na lamang ang usapan.
"Itatakas na kita mula sa tiyuhin mo."
"Huwaw! I like! Hehehe!" tuwang-tuwa na pagsang-ayon niya kasabay nang pagyakap sa akin.
Binuhat ko siya at dinala sa bahay ng isang mabuting tao na tumutulong sa mga batang ulila. Pagkababa ko pa lang sa kanya sa lupa ay napabulalas na siya sa sobrang tuwa.
"Naku, Anghel! Dito po ba kayo nakatira?" Maliksi siyang tumakbo at lumibot sa may hardin. Bumalik siya sa akin at hinawakan ang aking mga kamay. Idinuyan niya ang mga iyon na para bang matagal na niya akong kaibigan. Nagulat ako sa kakatwa niyang mga kilos. "Alam niyo po, marunong akong magluto, maglaba, magplantsa at marami pang iba. Kailangan niyo po ba ng kasambahay? Mag-aapply ak-"
"Matulog ka," instruksyon ko bago pa man niya nailabas mula sa napakadaldal na bibig ang susunod na mga kataga. Muli ay pumikit ang mga mata niya at bumagsak ang katawan sa mga braso ko.
"Napakaingay na tao," pagrereklamo ko. "Ilang minuto palang tayong magkausap, naka-five thousand words ka na!"
Ngunit, aaminin ko na nakakaaliw ang kakaiba niyang ugali. Nakakagaan ng loob ang matinis niyang tinig at paghagikgik. Kung hindi lang dahil sa kasunduan ay nais ko na siyang dalhin sa impyerno upang magbigay-buhay sa nakababagot na impiyerno.
Pinaupo at pinasandal ko siya sa silya na malapit sa may pintuan. Mga ilang minuto lang ay sumilip sa bintana ang isang matandang babae. Nakita niya ang dalagita at kaagad siyang nagtungo sa labas.
Nang masiguro kong maayos na ang kalagayan niya ay lumisan na ako, sabik na tuparin ang kasunduan pagkatapos ng sampung taon.
Hintayin mo ako at babalikan kita...
Annie.