"Tama ba ang timpla ko?"
Kumuha si Annie ng isang kutsarang ginataang mais. "Tikman mo nga." Inabot ko mula sa kanya ang pinatitikim niya, sumubo ng kaunti at sinuri ko kung tama ang gramo ng asukal, mais, gata, tubig at malagkit na bigas. Medyo kulang sa matamis pero pasado na kung ordinaryong tao lang ang kakain. Napangiti ako nang makita ko na namilog ang kanyang mga mata habang hinihintay ang sagot ko.
Ang cute niya.
"Ang alat." Nagkunwari ako na naalatan sa sangkap niya.
"Naku! Napagpalit ko yata ang asukal at asin!" Kumuha rin siya at tumikim. Kumunot ang noo niya nang malasaan. "Hmm...hindi naman."
"Biro lang." sagot ko sabay kindat sa kanya. "Masarap na."
"Buti naman." napabuntong-hininga siya. "Matagal na kasi akong hindi nagluluto ng mga ganyan kaya baka sumasablay na ako. Hehehe!"
Mabuti at pinigilan ako ni Benjie na pumatay ng tao kanina lamang. Marahil ay hindi ako makakaramdam ng ganitong tuwa kung nabahiran na naman ng dugo ang aking mga kamay.
Maayos na sana ang araw ko nang biglang nag-iba ang aking pakiramdam. May malakas na enerhiya ang papalapit sa kinaroroonan namin.
Kinabahan ako.
Pasikreto akong nagmasid sa paligid at naglagay ng "spiritual barrier" para maprotektahan ang buong tahanan. Napansin na rin ni Annie ang pagiging aligaga ko.
"OK ka lang ba?'
Lumapit ako sa kanya sa pag-aalalang baka siya ang pakay ng papalapit na mga nilalang.
Sila ay mga kapwa ko na anghel.
Isa...dalawa...pito?
Mas lalo akong kinabahan.
Kilala ko sila.
Paano nila ako nahanap?
May kumatok ng napakalakas sa may pintuan.
"Ako na ang titingin, Annie. Pakibantayan na lang muna ang piniprito ko na ukoy."
"Sige!"
Mabilis akong nagtungo kung saan nagmumula ang malalakas na katok. Yumayanig na ang pinto at kung hindi siya titigil ay maaring mawasak pa iyon.
Haharapin ko ba sila?
O, pasabugin ko na lang sila para mawala na ang isa sa mga problema ko.
Bahala na.
Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang pinaka ayaw ko na makita at makausap.
"Kapatid ko." masayang pagbati niya.
Nagningning ang kulay pilak niyang mga mata nang makita ako. Akmang yayakapin na sana niya ako ngunit kaagad kong isinara ang pinto.
Isinara ko ang pinto sa harap ng mukha ng aming Heneral.
Lagot!
Baka ibalik ako sa impyerno!
E ano ngayon?
Isasama ko siya kung magkaganoon man!
"Hoy! Bunso! Huwag ka naman ganyan!" pagtawag niya sa akin. "Galit ka pa ba? Bati na tayo. Sige na!"
"Sino yun, Terrence?" sumilip si Annie mula sa kusina.
"A. Wala. Isa siyang baliw."
"Ay ganun ba? E di kausapin ko na lang. Kawawa naman."
"Delikado siya. Tara, ituloy na natin ang pagluluto." Nginitian ko siya ng sobrang tamis upang makalimutan na niyang kausapin ang aking kauri na may lamat ang pag-iisip. Teka, parang ako rin yata. Pero mas malala siya.
"Tulungan pa rin natin." pagpupumulit niya. "Hindi naman niya ginusto ang kalagayan niya. Patulong tayo sa barangay."
"Ako na ang bahala sa kanya. Pakitingnan naman yun niluluto ko na ukoy at baka masunog."
"Ay! Oo nga pala! Ikaw ng bahala diyan ha."
Tumango ako at siya ay bumalik na sa kusina. Binuksan ko ang pinto at hinarap ang anghel na pinakakaiwas-iwasan ko.
"Umalis ka na, Michael. "
"Wala kang galang. Tawagin mo akong "Kuya". Mas nakakatanda pa rin ako sa iyo."
"Lumayo ka sa akin."
"May narinig ako na babae. Asawa mo?"
"Hindi."
"Hala! Live-in kayo? Terrence, magpakasal naman kayo!" napabulalas na nasambit ni Barachiel, ang kasunod ko sa pagkakalikha ni Ama. "Bilang babae ay gusto ko pa rin na may blessing ng kasal ang pagsasama."
"Babae ka pala. Kailan pa?" panunuya ko sa kanya. Napasimangot siya sa sinabi ko dahil siya lang ang babae sa amin at madalas, pati kilos niya ay parang lalaki na rin. Ang tawag nga namin sa kanya ay "Barakong Barachiel".
"Hindi kami live-in." pagpapaliwanag ko. "Kinupkop niya ako kaya parang boarder lang ako rito. Kasama rin namin ang lola niya kaya kung ano man ang iniisip mo ay malabong mangyari iyon."
"Pakiramdam ko ay mabuti siyang tao. Pwede rin ba akong magpakupkop?" sinabi ni Michael. "Sama ako sa iyo. Dali! Ipakilala mo ako sa kanya!" masaya niyang suhestiyon.
Napailing na lang ako at isasara na sana muli ang pinto ngunit mabilis din niyang pinigilan iyon.
"Sumama ka na lang sa amin. Mag-usap tayo."
"Ayaw ko nga." pagtanggi ko.
"Ayaw mo talaga?"
"Ayaw."
"Gabriel, Raphael, Uriel, Sealtiel, Jegudiel...buhatin niyo siya!"
"Teka. Anong ibig sabihin nito?"
"Huwag ka ng umangal." sabay hatak sa akin ni Raphael. "Uuwi ka sa ayaw at sa gusto mo."
"Sandali!" Humawak ako sa may door knob ng pinto ngunit nakihila na rin si Gabriel. "Ikaw rin?"
"Oo." nakangiti niyang tugon. "Balita ko good boy ka na ha! Sexy raw ang nobya mo."
"Tsismoso ka talaga kahit noon pa. Hindi ko siya nobya."
"Sa ngayon. Haha!"
Nakihila na rin ang ibang mga kapatid ko sa akin. May humawak sa kamay, baywang at paa ko upang sigurado na hindi ako makawala pa.
Ang lalakas nila!
Mga sanay na sanay sa pakikipagbuno at pakikipagdigma ang mga kalaban ko!
Inalis ko ang pagkakahawak ko sa pinto dahil baka kaunti na lang ay magiba na ang bahay ni Watty. Madali nila akong naisama ng pwersahan pababa sa hagdanan.
Hinagisan ko sila ng lupa at mga dahon sa mukha upang mawala ang atensyon nila sa akin. Bilang ganti ay dinaganan nila ako. Para akong natabunan ng sampung toneladang bakal. Sa ginawa nila ay halos gumuho ang aking mundo.
"Aray! Tama na!" pagsuko ko. "Naiipit, natatamaan na ang...birdie ko!"
Kasing bilis ng kidlat na umalis sila mula sa ibabaw ko. Bakas sa mukha nila ang pagsisisi at mukhang awang-awa sila sa akin.
Kung hindi karumal-dumal ang magbaon ng mga kapatid sa ilalim ng lupa ay matagal ko ng ginawa!
"Sorry na." paghingi nila ng paumanhin.
"Cold compress lang yan, Kapatid." suhestiyon ni Uriel.
"OK ka lang?" pangungumusta ni Jegudiel.
"Bakit ka namumutla?" pag-uusisa ni Sealtiel.
"Mamamaga yan. Sigurado." pananakot ni Gabriel. "Maibalita nga sa langit."
"Naku, mangangamatis yan. Kawawa ka naman." pang-aasar ni Raphael. "Tsk. Tsk. Tsk."
"Masakit ba?" tanong ni Michael na natatawa pa.
"Ano sa tingin mo?" Inis kong binalik ang tanong sa kaniya.
Ouchie.
Ang sakit-sakit ng bird and egg ko.
Na-scramble yata at na-well done.
Nais ko man na mamilipit ay hindi ko magawa dahil may pitong pares ng mga mata ang mataimtim na nakatitig sa akin. Gumapang ako palayo pero desidido talaga silang iuwi ako.
"One, two, three!" Sa isang iglap ay binuhat ako ng anim ko na mga kapatid na lalaki palabas ng bakuran.
Sumilip si Annie sa may pintuan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya na binubuhat ako na parang baboy. Daglian siyang bumaba at tumakbo palapit sa amin.
"Ay! Saan niyo siya dadalhin?" nagtitili siya sa sindak."Kidnap! HELP! MGA KAPITBAHAY, KINIKIDNAP SI TERRENCE KO!"
Nabitawan ako ng mga kapatid ko at sabay-sabay na napatakip ng kanilang mga tainga.
Ako rin ay umugong ang pandinig sa lakas at tinis ng pagkakasigaw ni Annie.
Ano raw?
Terrence ko.
Terrence raw niya?
Parang napunta ako sa alapaap sa mga salitang lumabas sa bibig ni "Annie ko".
Walang alinlangan siyang nagsumiksik kahit na napapalibutan siya ng mga lalaking may katawan na nilikha para sa pakikipaglaban. Pinalo pa niya ng sandok si Michael upang bitawan ako.
"Huwag niyong sasaktan si Terrence!" matapang na pinahayag niya. Hinawakan niya ako sa may baywang at inalalayan na umupo.
Sa biglaan at mahigpit na pagyapos niya sa akin ay aksidenteng nadikit ang pisngi ko sa dibdib niya. Hinaplos-haplos niya ang ulo ko at inayos ang magulo kong buhok. Kahit na amoy banana cue si Annie ay nais ko na magtagal pa sana ang pagkakataon na iyon.
Heaven, mga pare!
Cloud Nine!
Ang sarap sa feeling, para akong naka-high!
Paraiso!
Ngunit dahil ayaw ko naman na maturingan na p*****t at nirerespeto ko siya ay ako na mismo ang dahan-dahang lumayo sa kanya.
May mga ilang tanod na tumakbo palapit sa bahay.
"Anong nangyayari rito?" pagtatanong ni Mang Berting.
"Tulong po! Tinatangay nila si Terrence!" pagsusumbong niya sa kanila.
"Hindi namin siya kinikidnap. Kapatid namin iyan at iuuwi lang namin." pagpapaliwanag ni Barachiel. Nalaglag ang panga ng mga tanod nang makita siya.
Maganda kasi si Ate.
"Ganoon ba, Miss Beautiful. Sige, maiwan na namin kayo." Umalis ang mga tanod ngunit lingon pa rin sila ng lingon kay Ate.
Kumapit si Annie sa braso ko at tiningnan ng pagdududa ang mga kauri ko. Inalalayan niya akong tumayo.
Mabilis na gumalaw ang mga mata ni Michael upang pagmasdan siya mula ulo hanggang paa. Ngumiti siya at mas nagningning ang mga mata niya habang hinahaplos ang kamay niya na tinamaan ng mamantikang sandok.
Alam ko na nakikita rin nila na isang dalisay na kaluluwa ang kaharap na babae. Binato ko siya ng sibuyas nang napansin ko na napapatagal na ang pagtitig niya sa kanya.
"Ano ba? Saan ba galing itong...sibuyas?" Inayos niya at tinali muli ang hanggang balikat niya na buhok. Pinagpag niya rin ang damit na nadumihan dahil sa pakikipagbuno sa akin. Gumaya ang mga kapatid ko na lalaki at lumapit kay Annie.
"Hi." pagbati nila.
"A...e..." Tiningnan niya ako na wari ba ay nagtatanong. "K-Kapatid ba niya talaga kayo?"
"Oo. Matigas ang ulo. Isasakay lang sana namin doon." Tinuro ni Michael ang nakaparke na puti at magarang limousine.
"Anong ibig sabihin nito, my friend?" pagtatanong niya.
"Hindi ko sila kaanu-ano."
"Kami ang mga Del Cielo*. Bunso namin yan." pagpapaliwanag ni Barachiel. "Naglayas. Nagtampo e."
(Sa salitang Español ang ibig sabihin nito ay "sa langit")
Naglayas pala ako.
Ngayon ko lang nalaman.
Sa pagkakatanda ko ay tinakwil ako. Baka may memory gap lang ako at anu-ano ang naaalala ko.
"Ang may-ari ng...D-Del Cielo Group of Companies? Iyong sikat na land developers?" tanong ni Annie.
"Kami nga!" masayang tugon ni Ate.
Halos himatayin si Annie sa narinig niya. Kahit ako ay muntikan ng mawalan ng malay sa sinasabi ng kapatid ko. Totoo na "front" nila ang pagiging land developer at builders upang mas madali ang pagsasagawa ng mga misyon na galing sa langit. Sikat ang pamilya na iyon sa pagiging isa sa mga pinakamayan hindi lang sa Pilipinas maging sa buong mundo.
"M-Maiwan ko muna kayo upang makapag-usap." Tulala siyang naglakad na katulad ng zombie at pumanhik ng bahay.
"Sumama ka na, Bunso." masuyo na sinabi sa akin ni Barachiel. Humawak siya sa akin at hinaplos ang aking likod. "Kalimutan na natin ang masasamang nangyari at magsimula muli. Hindi ba, magkakapatid tayo?"
"Bakit? Gagawin mo na naman akong yaya."
"Yaya? Uy, lambing lang ni ate mo yun. Pwede ka rin naman humingi ng pabor sa akin kahit noon pa. Ano bang gusto mo?"
"Umalis na kayo." seryoso kong sinagot. "Hindi ko kayo kailangan."
Nakita ko na nasaktan si Ate sa mga salita ko. Tiniis ko na huwag ng kumibo pa dahil nais ko talagang lumayo sa kanila.
"Sige, pag-isipan mo muna. Alam mo naman kung saan kami nakatira, hindi ba? Dumalaw ka lang kahit saglit. Isama mo na rin ang girlfriend mo."
Nanatili pa rin ako sa pananahimik.
"Sige na." pangungumbinsi niya.
Tumango na lang ako upang huminto na siya sa pangungulit.
"Hihintayin ka namin, ha. See you." pamamaalam niya.
Isa-isa akong tinapik sa balikat ng mga kapatid ko, sumakay sa limousine at umalis na. Hinatid ko sila ng tingin hanggang nakaliko na ang sasakyan nila sa kanto. Paglingon ko ay nahuli ko si Annie na nakadungaw sa may bintana. Malungkot ang mga mata niya. Nang mapansin niya na nakatitig ako sa kanya ay nagtago siya. Kaagad akong pumanhik at pinuntahan siya sa may kusina.
Naghihiwa siya ng mga saging at walang ganang isinalin iyon sa palanggana. Tinulungan ko siya na magtalop ng mga iluluto namin. Nanatili siyang walang imik at ramdam ko na may bumabagabag sa kalooban niya.
"Annie..." paninimula ko. "May problema ba?"
"Oo, Terrence." walang pagsisinungaling na inamin niya sa akin. Ang pagiging tapat niya ang isa sa mga katangian niya na nagustuhan ko. "Hindi ko rin knows kung bakit nalulungkot ako. Aalis ka na ba? Hindi mo sinabi sa akin na mayaman ka pala."
"Hindi ako mayaman."
"May limousine ang pamilya mo. Ano iyon?"
"Mayaman ang aking Ama. Ngunit ako, hindi. Wala akong kayamanan."
"Tagapagmana. Hindi ba mas magiging maganda ang buhay mo roon?"
"Annie...pinapaalis mo na ba ako?" malungkot ko na tinanong siya. "Ayaw mo na ba akong makasama?"
Hindi siya nakasagot. Kumirot ang aking puso. Sa katunayan ay ayaw ko siyang iwanan dahil nangako ako na aalagaan ko siya.
Tumutupad ako sa pangako.
Ngunit kung papaalisin niya ako, ang nararapat na gawin ay ang sumunod. Nasa batas ng langit na kapag inayawan ng tao ang Diyos at mga anghel, dahil sa "free will", ay kailangan namin na lumisan sa buhay nila.
Nanganganib na may batas na naman akong sasawayin para kay Annie. Kapag pinaalis niya ako ay patuloy ko pa rin siyang bababantayan at susuyuin upang matutunan niya rin akong mahalin.
Wala na akong pakialam sa mga batas.
"Pasaway" naman daw ako kaya paninindigan ko na ang bansag sa akin.
Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti.
"Ikaw naman. Nagtatampo ka na kaagad. Ang iniisip ko lang e ang future mo. Mahirap lang ako at gusto ko sana na maging maayos ang buhay mo."
"Maayos ang buhay ko rito. Gagawin ko ang lahat upang maging maganda ang buhay natin.
Napatawa si Annie at naging masaya ulit ang kanyang mukha.
"Ang drama natin! Hehehe! Alam ko naman na gagawin mo iyon kasi ikaw ang good luck charm ko. Huwag mo akong iiwan, ha."
"Nandito ako palagi para sa iyo." nahihiya kong sinuguro sa kanya. Lumawak lalo ang ngiti niya sa labi at napahagikgik pa.
Namilog muli ang kanyang mga mata at nilagay ang kanyang kamay sa aking pisngi. Bigla-bigla ay kinurot niya iyon. "Ang cute, cute mo! Hehehe!"
"Cute ba ako?"
"Oo! Pati mga kapatid mo! Grabe! Sino ba ang mga magulang niyo at naging ganyan ang mga itsura niyo?" Nilagay niya ang isa pa niyang kamay sa kabila kong pisngi at kinurot din yun. Pakiramdam ko ay banat na banat na ang aking mukha. "Hay! Basta ba huwag kang magrereklamo sa simpleng buhay ha!"
"Walang problema. Pagtulungan natin lahat. Balang araw, maitataguyod natin ang pangarap mo na magkaroon ng restaurant."
"Para kayo talagang mag-asawa." pagsingit ni Watty. Kumuha siya ng isang basong tubig at uminom. Umupo siya at pinagmasdan kami na may pilyong ngisi.
"Ayan ka na naman, Tita e. Nakakahiya kay Terrence." pagpigil ni Annie sa kanya.
"Hindi ba single kayo pareho? Ligawan mo na kasi, Terrence! Sagutin mo naman kaagad, Annie, at magpakasal na kayo."
"K-Kasal? Tita naman. Mahigit isang buwan pa lang kami magkakilala. Atsaka hindi ko nga sure kung single si Terrence baka may fiancee siya na super rich and ganda din. Baka sabunutan pa ako kapag nagkita kami pagkatapos ay tatawagin na hampaslupa na ambisyosa! At, sa tipo niya imposibleng walang girlfriend iyan na maghahabol! Ano ba ang mga pinagsasabi ko? Nadadala na ako sa mga soap opera! Dyahe!"
Napaisip ako sa mga sinabi niya. Akala ba niya ay may kasintahan ako? Bakit sa pananalita niya ay tila ba kinikilig siya?
"Single ako, Annie." sinabi ko kaagad upang hindi na niya ako pag-isipan ng kung anu-ano pa. "Walang maghahabol."
"Ayieee!" kinikilig na sinambit ni Watty. "Kasalan na! Gusto ko ng magka-apo! Medyo may edad na ako at baka hindi ko na mabuhat kapag matagal pa kayong magka-baby."
Baby?
Malaking problema.
Wala pa akong nabalitaan na hybrid ng tao at anghel.
May mga naitala sa mga sinaunang kasulatan na mayroong mga naging supling ang mga anghel at tao. Sa pagkakaalam ko naman ay hindi posible iyon dahil sa kasamaang-palad ay hindi nilikha ang mga anghel upang magparami. Pero totoo na may mga kauri ko na iniwan ang langit at sumama sa mga taong sinisinta nila, kahit na may kaakibat na kaparusahan pa iyon.
Masaya nga siguro na may mga mini human-angels sa tahanan. Baka magmilagro naman at mabiyayaan kami ng babies. Magiging happy family kami sigurado.
Familia del Cielo.
Napangiti ako ng bahagya at biglang nagising sa pagde-daydream.
Bakit parang iba na ang nararamdaman ko?
Hindi ba ang baby nagagawa kapag...
Hinuhulma sa clouds at pinadadala ng storks sa bahay ng mga mag-asawa? Sa ayaw at sa gusto ng mga tagak ay dapat bigyan nila kami ng baby ni Annie o buburahin ko ang specie nila sa himpapawid.
"Sa wedding night niyo, bilisan niyo ng gumawa!" excited na sinabi ng damuhong na matanda. Hinatak niya ako palapit sa kanya at binulungan kung bulong man na matatawag iyon dahil sa palagay ko ay naririnig pa rin ni Annie. "Ganito lover boy, diskarte...at...at...bwahahaha!"
Pinili ko na naman na hindi pakinggan ang ilang mga nakakapanindig-balahibo na mga salitang hindi dapat sinasabi lalung-lalo na sa isang anghel na katulad ko.
"Tita Watty! Nakakahiya! Hina-harass mo na naman po siya! Humaygad! See no evil. Speak no evil. Hear no evil. May sanib po yata kayo, Tita. Wala kang narinig, Terrence. Wala! Waley!"
Pulang-pula ang pisngi ni Annie marahil ay dahil sa kahihiyan. Ako rin ay nanlamig ang mga kamay sa mga pahayag na Rated SPG* ng lola niya na tinatawag niya na "Tita Watty" dahil ayaw niya na magpatawag na "Lola".
(Strict Parental Guidance)
Ang g**o talaga ng isipan ng matandang ito.
Salamat, Watty, at ilang araw akong hindi makakatingin ng diretso kay Annie.
Terrence, huwag kang mag-isip ng kung anu-anong kababalaghan.
Behave.
A.
Paano nga ba mag-behave?
Maaral nga.