Ang hirap palang mamalengke sa Pilipinas.
Siksikan at mainit.
Lalo na at dikit ng dikit sa akin ang mga babae. Bakit hindi na lang sila sa iba magsumiksik? Nandyan naman si Manong Pulis. Tall, dark and...mabuting tao naman si Mr. Policeman.
Napansin ko lang din.
Kanina pa ako inaamoy-amoy ng babae na nasa likuran ko. Pakiramdam ko ay sisinghutin na niya ako.
Tyaga pa, Terrence.
Pagkatapos ng sakripisyong ito ay matutuwa naman si Annie kasi naka-discount ako sa mga pinabili niya sa akin. Binibigay na nga ng libre ang asukal at mantika pero ayaw ko naman na malugi sila. Natutuwa rin naman ako sa mga tao na naghahanapbuhay at nagnenegosyo ng marangal.
Sa wakas ay nakausad na ako palayo sa maraming tao at nagtungo ako sa may sidewalk. Nakahinga na rin ako ng maluwag dahil napakabaho rin sa loob ng palengke. Halu-halong amoy ng malansang isda, karne, basura at putik ang nanuot sa aking ilong.
Makauwi na nga at magluluto pa kami ni Annie ng pang-negosyo niya. Gusto ko na rin makita ang matatamis niyang ngiti sa akin.
Beep! Beep!
Napalingon ako sa lalaking nakamotorsiklo na bumubusina sa akin.
"Bakit?" tinanong ko siya.
"Nakaharang ka! Tabi!" pabulyaw na sinabi niya sa akin.
Nasa pavement naman ako atsaka naka-red pa ang light kaya nakakapagtaka kung bakit niya ako pinapaalis.
Anong problema niya?
Nagpatuloy lang akong maglakad at mas lalo ko pang binagalan. Traffic din naman at wala siyang masisingitan pa kung makalampas man siya sa akin.
"Nananadya kang, tar*ntad* ka!" pagmumura niya sa akin. Nagsumiksik pa rin siya at muntikan na niyang matamaan ang isang matandang lalaki na nagtutulak ng kariton.
Good mood na sana ako ngunit may mga tao talagang mahilig manira ng magandang araw.
Nakita ko sa mga kasalanan niya na mayroon na siyang nabundol na bata noong nakaraang linggo lamang. Kritikal ang bata at tinakbuhan niya iyon.
Kasangkot din siya sa human trafficking at ang mga biktima niya ay mga menor de edad na nais lang sanang magtrabaho sa siyudad upang guminhawa ang buhay. Pinahamak niya sila at binenta sa prostitusyon at walang awa na kumukuha ng mga human organs upang ibenta sa ibang bansa.
May malupit na kasalanan pa ang aking nalaman.
Isa siyang hitman for hire.
At, target niya ngayon ang isang butihing konsehal na naglantad ng korupsyon sa kanyang nasasakupan. Palabas siya ng isang tindahan at kung hindi ako gagawa ng hakbang ay siguradong papatayin niya iyon at baka madamay pa ang asawa.
Sakto.
Gigil din akong magbaon ng masamang tao sa ilalim ng lupa. Hindi naman ako nanghihina at nangangailangan ng life force ngunit "trip" ko lang.
Humarurot siya at tipong babanggain pa ako. Umilag ako at mabilis akong nagtungo sa iskinita na nilikuan niya na shortcut. Sinadya kong i-disable ang mga CCTV* at inabangan siya kung saan walang mga tao ang makakakita sa amin. Nang makalampas siya sa kanto na kinatatayuan ko ay hinila ko ang kwelyo niya sa likod at kinaladkad siya ng ilang metro sa daan. Tumilapon ang motorsiklo at bumangga sa poste ng ilaw.
(Closed-circuit television)
"Saan ka pupunta?" pagtatanong ko sa kanya. Pinakawalan ko siya upang makatayo at makapagpaliwanag. Binibigyan ko pa sana siya ng pagkakataon na huwag ng gawin ang masama niyang binabalak. "Kung ano man ang iniisip mo, itigil mo na iyan. Umuwi ka na sa probinsya mo at magbagong-buhay."
Minura niya ako ng nagsisimula sa letrang P at dinamay pa ang aking ina.
Wala akong ina.
Maswerte siya dahil kapag mayroon at minura niya ang aking nanay ay ibibitin ko siya ng patiwarik, lalagyan ng honey ang buo niyang katawan, at ipapakain ko siya sa mga langgam.
Umiikli na ang pasensya ko. Ayaw na ayaw ko ang nakakarinig ng mura at nawawala ako sa katinuan.
Kinuha niya ang b***l, tinutok sa aking ulo at pinaputukan iyon. Sinalo ko ang bala at hinagis iyon sa harapan niya.
"D-Demonyo!" Nahintakutan siya sa aking ginawa. Tinangka niyang patamaan ako ulit. Gaya ng nauna, walang epekto sa akin ang armas na hawak niya. "D-Diablo ka! S-Satanas!" tinawag niya sa akin.
Mali.
Ilang beses pa ba ako na matatawag na diablo at demonyo?
Hindi rin ako si Satanas at hindi kami friends.
Ngumiti ako sa kanya at siya ay napaurong. Nag-eenjoy ako kapag biglang napapansin ng mga nabibiktima ko na nakahanap na sila ng katapat nila na masama.
Mukhang hindi muna ako magiging mabait sa ngayon.
Sinira niya ang araw ko!
Tinulak ko ang napakasamang lalaki. Nang napahiga siya ay sinipa ko ang kanyang tagiliran ngunit hindi kalakasan upang siya ay mapaglaruan ko muna na parang ginagawa ng pusa sa daga. Tinadyakan ko ang kamay niya na may hawak ng b***l at narinig ko ang malutong na pagkabali ng kanyang buto.
Ang sarap sa pandinig.
Parang paboritong potato chips ang tunog kapag kinakagat ni Annie.
At, mga ipis na inaapakan ko sa daan kapag wala akong magawa.
Napasigaw siya sa sakit at gumapang palayo sa akin. Inapakan ko ang kanyang likod upang hindi na siya makalayo pa.
Lumuhod ako sa tabi niya at may panunuya siyang sinabihan, "Naaalala mo ba yun si...Sarah ba ang pangalan? Twelve lang siya noong dinakip mo siya at binenta ang kidneys niya sa halagang two hundred fifty thousand pesos each, hindi ba? Pinatay niyo siya at hanggang ngayon ay hindi pa mahanap ang bangkay niya. Paano kaya kung kunin ko rin ang mga bato mo at ibenta? Kaso, marumi na pala ang mga iyon dahil sa kakainom mo ng alak at iligal na droga. Wala ka ng pakinabang sa akin. Baka sa mga uod, maari ka pang maging merienda nila."
"A-Anghel ka ba? I-Isang hukom?" Napahagulgol siya at humingi ng awa. "Maawa ka sa akin. Patawad po."
May awa naman ako.
Hindi ko na patatagalin ang paghihirap niya.
Tatapusin ko na siya.
Hinatak ko ang buhok niya at iuuntog na sana ang ulo niya sa maruming semento nang may humawak sa aking kamay at pinigilan ako.
Si Benjie.
"Huwag mo siyang patayin." mahinahon ngunit may awtoridad niyang sinabi.
"Kapag hindi ko ginawa ito, papatay pa siya ng maraming inosente." pagdadahilan ko.
"Ako na ang bahala." Pinilit niyang tanggalin ang kamay ko sa ulo ng lalaki ngunit mas hinigpitan ko ang pagkakahawak. Nawalan na ng malay ang taong nais ko sanang paslangin dahil sa mga pinsala niya. "Hayaan natin na ang batas ang magparusa sa kanya."
"Ayaw ko." pagmamatigas ko. Nakatuon ang atensyon ko sa pagkitil ng buhay at alam ko na maihahalintulad na ako sa isang baliw dahil sa aking mga ginagawa.
Subukan man ng kahit sino na manatili sa impyerno ng dalawang libong taon na napapalibutan ng hinagpis at kasamaan, siguradong mawawala rin siya sa katinuan.
Ang totoo ay hindi ako sigurado kung maayos pa ang aking isip.
May topak na yata ako.
"Terrence!" medyo tumaas na ang boses ni Benjie. "Tama na!"
Tiningnan ko siya ng masama at napasuntok ako sa daan. Nagkapira-piraso at umusok ang semento na natamaan ng aking kamao.
"Bakit ba palagi na lang pinagbibigyan ang mga taong ganito? Ako, isang pagkakamali lang at hindi ko pa sinasadya, pinarusahan ako na parang kriminal. Dalawang libong taon sa impyerno! Bakit?" galit na tinanong ko siya. Bigla na lamang lumabas sa aking puso ang matagal ko ng kinikimkim na hinanakit. "Hindi man lang ako binigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag. Naglingkod ako ng tapat sa Kanya. Sinunod ko ang lahat ng utos Niya! Ang mga tao, paulit-ulit na nagkakasala pero palagi na lang pinapatawad. Pagkatapos, ako, napakadali lang Niya akong itakwil!"
"Terrence, makinig ka."
"Hindi. Ikaw at ang Diyos mo ang makinig!"
Inakbayan niya ako upang kaming dalawa ay tumayo at ako ay huminahon. Inobserbahan niya ang aking ekspresyon. Umiwas ako ng tingin sa kanya dahil ang totoo ay kaunti na lang at maluluha na ako dahil sa galit kay Ama.
"Nais mo ba na mabahiran ulit ng dugo ang mga kamay na nag-aalaga sa taong mahal mo? Kaya mo ba na harapin siya pagkatapos mong pumatay ng tao na kauri rin niya?"
Bigla akong natauhan sa sinabi niya. Parang may liwanag na pumasok sa nagdidilim ko na mundo.
"Ang bait naman ni Terrence!" palagi kong naririnig mula kay Annie. "Hulog ka ng langit sa akin! Hehe!"
Sa katunayan ay nahihiya ako na malaman niya na isa akong "fallen angel" at hindi ako sigurado kung mabubura ko pa ang bansag na iyon sa akin. Mula sa langit at impyerno ay kilala ako bilang "suwail". Alam ko na hindi ako kasing-sama ni Lucifer ngunit sa tingin ng mga kauri ko na anghel ay wala kaming pinagkaiba. Pinangingilagan nila ako at ayaw man nila akong pansinin kapag nagkikita kami sa daan.
Nais ko na rin sanang magbago, hindi dahil sa gusto kong makabalik pa sa langit ngunit dahil nais ko na maging karapat-dapat para sa babaeng tao na may dalisay na kaluluwa.
Kapag kasama ko siya ay nakokonsensya akong gumawa ng masama. Marahil ay dapat palagi kaming magkasama upang maibalik ako sa tamang landas.
Gagawin ko ang lahat para sa kanya.
Pasensya na, Annie, at naguluhan lang ang kakaibang isipan ng Guardian Angel mo.
"Hindi ko rin alam ang sagot kung ako ang tatanungin mo, Anghel. May dahilan ang lahat." sinubukan ni Benjie na magpaliwanag. Marahil ay hindi natin Siya maiintindihan ngunit magtiwala lang tayo. Magiging maayos din ang lahat sa tamang panahon Niya."
"Malabo pa rin ang lahat sa akin." mabigat pa rin sa loob ko na inamin. "Kahit na anghel ako, mula pa noon ay hindi ko na Siya maintindihan."
Tinapik ni Benjie ang balikat ko. "Ganito na lang. Isipin mo, sa lahat ng mga masamang nangyari sa iyo, ang laki naman ng kapalit na biyaya. Maswerte ka kay Annie, Kapatid!" Nag-iba ang tono ng kanyang pananalita mula sa pagiging seryoso ay naging palabiro. "Hourglass na yun figure, mabait pa. Hindi siya masyadong madating pero kapag tiningnan mo ng matagal e cute naman. Maganda naman siya lalo na kapag ngumingiti. Kamukha ni Angel Locsin."
Napatingin ako sa kanya ng may pagkagulat at tinanggal ang kamay niya sa aking balikat. Sabi na nga ba at kahit na pari pa siya ay mabilis pa rin ang mata sa kagandahan ng mga babae. Mas naging desidido ako na huwag silang magkita ni Annie.
"OK ka lang ba?" pag-aalala niya sa akin.
"Tahan na. Huwag ka ng umiyak."
"Hindi ako umiiyak." inis ko na tugon sa kanya. Tumalikod ako at pinunasan ang aking mga mata.
Tama siya.
Nangingilid na nga ang mga luha ko. Matagal din na panahon na wala akong nakausap tungkol sa aking mga problema at katanungan kaya umaapaw ang aking emosyon.
May malamig at malakas na hangin na umihip sa amin. Huminga ako ng malalim upang kumalma dahil kapag nalungkot ako ng sobra ay baka magkaroon ng hurricane sa Pilipinas. Pagharap ko sa kanya ay nakatitig pa rin ang mga mata niya sa akin na wari ba ay binabasa niya ang aking isipan.
Kinuha niya ang bag na naglalaman ng mga pinamili ko at inabot iyon sa akin. Hindi pa rin nawawala ang mataimtim na pagtingin niya sa mukha ko kaya naiilang na ako.
"Bakit mo ba ako tinitingnan?" tanong ko sa kanya.
"Naluluha na, o! Iiyak na yan!" Natatawa niyang sinagot sa akin. "Para kang bata! Sa bagay, ikaw nga ang pinakabata sa mga Archangels kaya siguro ganyan ka kumilos at magsalita. Bunso."
"Alam mo ba kung ilan taon na ako? Wala pa ang mga dinosaurs at ang mga ninuno mo na homo sapiens, nandito na ako. At, hindi ako umiiyak."
"Wala akong pakialam. Basta ang alam ko lang ay batang-isip ka!" Tumawa si Benjie at sinundan akong maglakad. "Sige na, uuwi na si Bunso. Magsusumbong na kay Annie labs niya yan." pang-aasar niya sa akin. Nagmadali akong lumayo sa kanya ngunit napakakulit pa rin niya.
"Lubayan mo ako."
"Sayaw na, Bunso!" panunudyo niya. Pumalakpak siya upang magsilbing musika. "Sige na. Haha!"
"Mauna ka."
Huminto siyang maglakad at tinawag ako. "Hoy, Anghel! Pinapatawa lang kita. Pikon ka naman e! Kapag kailangan mo ng kausap, puntahan mo lang ako sa Simbahan!"
Hindi ko na siya pinansin at iniwan ko na. Akala ko ay seryoso ang aming magiging usapan, iyon pala ay aasarin niya lang ako.
Naaalala ko tuloy ang mga nakakatandang kapatid ko sa kanya. Mabait pa nga si Benjie kumpara sa kanila. Malakas silang mang-inis, mang-uto at mag-utos ng kung anu-ano sa akin.
Mahirap maging "bunso" lalo na at anim ang mga kuya ko na ginawang pampalipas oras ang biruin ako. Ang kaisa-isang babae naman sa amin ay palautos at halos mga imposible ang pinapagawa sa akin. Tinuring niya ako na yaya. Kapag napikon ako, magtatampo lang ako ng panandalian, magkukulong sa aking kwarto at maya't-maya ay makikipagtawanan na naman kasama sila.
Hindi kami magkakapatid sa dugo at laman katulad ng mga tao. Isa lamang ang lupang pinagkunan upang malikha kami ni Ama. Gayun pa man ay tinuring namin ang bawat isa na higit pa sa tunay na magkakapatid.
Marami rin naman akong masasayang alaala. Ganoon lang yata talaga ang magkakapamilya. Pagkatapos magkatampuhan, sa bandang huli ay magkakampi pa rin.
Batang-isip.
Bunso.
Kapatid.
Iyon din ang madalas nilang itawag sa akin lalo na ng panganay namin na si...
Michael.