Chapter 12: Pag-ibig na Walang Hanggan

2752 Words
"Pinabibigay ni Annie sa iyo." Iniabot ko ang chopsuey na niluto niya para kay Benjie. Kanina pa ako nagngingitngit papunta pa lang sa Simbahan. Sa inis ko ay may pinatamaan ako ng kidlat na magkasintahan na naghahalikan at naghihipuan sa ilalim ng punong mangga. Hindi naman sila namatay. Pareho lang silang nasunugan ng buhok kaya mga kalbo na sila ngayon. Kaya "love is bald" not blind. Pinakiusap ni Annie sa akin na ibigay ang pagkain dahil nahihiya siya. Maputla raw at mukhang may anemia ang pari kaya niya bibigyan ng ulam na masustansya. Kung alam lang sana niya ang dahilan kung bakit maputla ang pinagluto niya ng makakain ay baka hindi na siya tumuntong pa sa Simbahan. "Ang bait talaga niya." Malugod niyang kinuha ang styrofoam at binuksan. "Hindi ko makakain kaya aamuyin ko na lang. Kung tao pa ako, siguradong ubos ito." Napabuntong-hininga na lang siya nang maalala ang pagiging tao pa niya. "Thank you, Brother!" Binigay niya sa dumaan na madre ang pagkain. Nang lumingon siya sa akin ay mabilis na napalitan ng pagkabahala ang kanyang ngiti. Tumingin ako sa paligid at baka may kalaban na dumating. "Nakikita mo ba?" "Sino?" "Babae!" "Marami akong nakikita na babae." "Ang ex ko, palapit na!" "Anong ex?" "Yun tisay! Ex-girlfriend ko!" Sa malayo ay nakita ko ang maganda at mestisahin na babae. Kabigha-bighani pa rin kahit na siya ay naka-maternity dress. Maternity dress? Buntis siya? Sabi na nga ba at may naitatagong kalokohan din si Benjamin Armand Torres! "Nagdadalang-tao siya, Padre. Magpakalalaki ka at panagutan mo siya." "Pitong taon na kaming hiwalay at imposibleng ako ang tatay." "Malay ko ba kung nagkikita kayo ng patago. Scandal yan, Father." pang-aasar ko sa kanya. Nais kong makita kung ano ang magiging reaksyon niya kapag nakaharap niya ang dating kasintahan. "Harapin mo siya." Hinawakan ko siya sa may kwelyo upang hindi makatakas. Hinatak ko siya papunta sa direksyon ng babaeng ayaw niyang makita. "Ayaw ko." Dumulas siya na parang igat sa pagkakahawak ko at nagtago sa Confession Room. Pumasok ng pintuan ang babae at nagtanong sa isang sakristan. Saglit lang silang nag-usap at nagtungo siya papunta sa direksyon ko. "Hi!" pagbati niya sa akin. "Pogi, taga rito ka ba?" Nag-alangan ako na sumagot. Hinawi niya ang mahabang buhok patalikod at ngumiti na parang isang diwata. Hinaplos niya ang kanyang tiyan at bumulong ng, "Wait lang, Baby. Daddy's coming." Nakonsensya ako kung itatago ko si Benjie. Ayaw ko na lumaking walang ama ang bata. Kawawa naman. "Oo." tugon ko sa magandang ina. "Nakita mo ba yun pari?" "Sinong pari?" Nagdadalawang-isip pa ako na ituro ang makulit na alagad ng Simbahan. Bilang lalaki ay nais ko rin sana siyang protektahan pero paano na ang sanggol? "'Yun maputi na mukhang Korean Boyband member." Ano ba ang mayroon sa mga Korean Boybands at nahuhumaling ang mga kababaihan? Kahit si Annie ay tuwang-tuwa kay Benjie dahil "oppa*" raw. (Ang ibig sabihin nito sa South Korea ay "kuya". Maari rin ito na term of endearment sa mga lalaki na gusto ng mga babae) "Ay!" napasigaw siya ng bahagya. "Sumipa si Baby. Mukhang masaya!" napatawa niyang sinabi sa akin. Masaya ang bata. Alam niya na ama niya si Father. Kailangan niyang makilala ang kanyang tatay. Tinuro ko ang confession room. Nagtaka ang babae at lumingon-lingon. "Nandito siya." pabulong ko na sinabi. Napahalakhak ang babae. "Gaya pa rin siya ng dati. Mahilig magtago sa mga babae. Habulin kasi." Binuksan ni Benjie ang pinto kung saan siya nagkukubli. Napasimangot siya ng bahagya ngunit pinilit na ngumiti nang magtagpo ang paningin nila ng dating irog. Tumayo siya sa kinauupuan niya at nagtungo sa amin. "Lyka." pagtawag niya. Halata sa kanyang tono ang pagsuyo pa rin sa babae. "Benjie!" Dagliang lumapit ang babae na halatang tuwang-tuwa. "Wala pa rin kupas ang kapogian mo. Parang hindi ka tumanda." "Ikaw rin...maganda pa rin..." Natigilan ang babae sa sinabi ni Benjie. Iyon yata ang tinatawag nila na "awkward". Namula ang mga pisngi ni Lyka. "T- Thank you." naiilang na tugon niya. Umupo ako sa di kalayuan at nagkunwaring nagbabasa ng missalette. Alam ko naman na kailangan nila ng "alone moment". Kahit na mahina ang pag-uusap nila ay naririnig ko pa rin. "Kumusta ka na?" "Heto. Happy naman. Malapit ng maging mommy! Ikaw?" "OK naman ako." "Talagang sineryoso mo ang pagpapari!" Pinalo niya ng mahina sa braso ang dating nobyo. "Loko-loko ka ha! Kaka-graduate lang natin ng college noon, pagkatapos bigla ka na lang nawala. Isang araw ay tumawag ka sa akin upang makipaghiwalay. Nasa seminaryo ka na pala. Anong nangyari?" Hiyang-hiya ang pari at napahawak na lang sa krus na suot niya. Hindi yata naging maayos ang paghihiwalay nila. "Wala naman...siguro...tinawag lang ako ng Simbahan...ng Diyos upang magsilbi." Hindi makatingin ng diretso si Benjie sa kausap. Napatawa si Lyka ng pilit. Hinaplos niya ang kanyang tiyan at tumanaw sa malayo. "Sorry..." biglang paghingi ng patawad ni Benjie. "Sorry talaga..." "Sa alin?" nagtatakang tanong ni Lyka. "Na kailangan kitang iwanan..." Naghari ang katahimikan sa loob ng Simbahan. Mukhang naki-ayon ang lahat upang makapag-usap sila ng maayos dahil nagsilabasan na ang lahat ng mga tao na nagdarasal sa loob. Kaming tatlo na lang ang naiwan. "Siguro, kami talaga ng asawa ko ang magkakasama habang-buhay. Nakilala ko siya sa birthday party ng pinsan ko. Last year pa kami kinasal." Hinawakan niya ang kamay ni Benjie at ngumiti ng may sinseridad. "Kapalaran mo naman na maging mabuting Alagad ng Diyos. Natutuwa ako na ang tinaguriang "bad boy" sa campus na katulad mo ay naging pari." "Pinagdarasal ko araw-araw na sana maging maayos ang buhay mo. Nagpapasalamat ako sa Diyos at masaya ka na." masuyo na sinabi ni Benjie sa kanya. Sasagot pa sana si Lyka nang lumapit ang isang lalaki na nakasalamin. "Darling, sorry late ako." paghingi niya ng paumanhin sabay halik sa noo ng asawa. "Matagal ka bang naghintay?" "OK lang. Sabi ko naman sa iyo, hindi mo na ako kailangang samahan. Oo nga pala, kaibigan ko, si Benjamin!" Inilahad ng lalaki ang kamay niya. Nakipag-handshake naman si Benjie at binati siya ng "Congratulations". Nag-usap sila ng panandalian at maya't-maya pa ay nagpaalam na ang mag-asawa. Inihatid niya sila sa may pintuan. Nakatanaw pa rin siya sa kanila hanggang sa nawala na ang babaeng pinakamamahal niya sa kanyang paningin. "Nalulungkot ako." Umupo si Benjie sa tabi ko. Yumuko siya at tinakpan ang kanyang mukha. "E ano naman ngayon?" walang kabuhay-buhay ko na sinagot. Ayaw ko kapag ang kapwa lalaki ko ang nag-eemote. "Ikaw talaga, napakasalbahe!" Tiningnan niya ako na may inis at napailing-iling pa. "Hindi mo man lang ba ako dadamayan? Wala ka bang "comforting words"?" Nag-isip ako. At, nag-isip ako ulit. "Wala." Wala talaga akong maisip na mga salita upang "i-comfort" siya. Sorry naman. "Tutal para kang bato na kausap, ako na ang magsasabi sa sarili ko. OK lang, Benjamin, magiging maayos din ang lahat. Move on na." Niyakap niya rin ang kanyang sarili at tinapik-tapik ang kangang mga braso. "A. Move on na, Benjie." Pinagbigyan ko na siya dahil kitang-kita ko na nasaktan siyang makita na may asawa at magiging anak na ang kanyang ex. "Praise the Lord! Nagsalita ka rin ng maayos!" "Bakit kasi hindi mo pinakasalan?" pagtatanong ko sa kanya. "Kung mahal niya yun babae, bakit niya pinakawalan?" tanong ko sa aking sarili. "Hindi naman maitatago na mahal din siya ni Lyka." "Mahabang istorya." "Nakikinig ako." Nag-atubili siya na magkwento at tila ba nahihiya. "Ikuwento mo na yan." may pagkayamot na sinabi ko. "Bilis." "OK. Tatlong taon din na naging kami ni Lyka. Mahal na mahal ko siya. Akala ko ay magkakatuluyan talaga kami. Kaso, nagbago ang lahat nang dinakip ako ng mga bampira. Pwersahan na ginawa akong katulad nila. Kapag pala baguhan ka na bampira, malaking tukso ang kumitil ng buhay ng mga tao at inumin ang kanilang dugo. Sa pag-aalala ko na masaktan ko siya at ang aking pamilya, ako na ang kusang lumayo." Sumandal siya sa upuan at nag-sign of the cross. "Mabuti rin at nakuha ko ang kapayapaan na hinahanap ko nang pumasok ako sa seminaryo upang magpari." Ngumiti siya ngunit bakas sa kanyang mga mata ang kalungkutan. "Pero paano nga, ano? Kung naging mas matatag ako at pinaglaban ang pag-ibig namin ni Lyka? Kapag kaya pinagtapat ko kung ano ang nangyari sa akin, tatanggapin pa rin kaya niya ako? Aaminin ko na ang pagmamahal ko sa kanya ay hindi mawawala. May mali ba sa nararamdaman ko?" "Ang tunay na pag-ibig ay hindi nawawala. Ngunit, hindi kayo para sa isa't-isa bilang mag-asawa." tugon ko sa mga katanungan niya. "Minsan, kailangan mo rin magparaya sa taong mahal mo. Marahil ay nagsisisi ka pero siya mismo ay bumitaw na sa pag-asang magkatuluyan pa kayo. Kung siguro single pa siya at nanaisin mo na umalis sa pagkapari ay baka pwede pa. Gaya nga ng sinabi mo, move on na." Tumango-tango siya at kumunot ang kanyang noo na tila ba ay malalim ang iniisip. "Salamat sa advice. Magaan na ang pakiramdam ko." Tinapik niya ang aking balikat at tumayo sa upuan. "Dahil diyan, tutulungan din kita. Huwag kang aalis diyan at pupunta lang ako sa garden." Bumalik siya na may dalang mga bulaklak. "Heto o!" inabot niya sa akin ang isang bungkos ng rosas. Nakabalot iyon ng kulay white at pink. May red ribbon pa na nakatali paikot sa mga tangkay.  "Bakit mo ako inaalayan ng rosas? Mukha ba akong santo?" pagtatanong ko. "Ulol. Ibigay mo kay Annie iyan." Nilabas niya ang isang pakete ng tsokolate. "Atsaka itong chocnut."  Nakaramdam ako ng matinding inis. Bakit ako pa ang uutusan niya na magbigay ng mga regalo niya kay Annie? "Bahala ka na riyan." sinabi ko sa kanya. "Aalis na ako." "Ano ka ba? Tinutulungan na nga kitang manligaw kay Annie. Hindi mo ba alam na kahinaan ng babae ang rosas at chocnut?" "Ano?" Nagulat ako sa pahayag niya. "L-Ligaw? H-Hindi." "Ang hina mo naman. Huwag ng mag-deny! Pagkakataon mo ng magsimulang manligaw. Araw ng mga puso ngayon. Kaya pala nabasted ka ng kapatid ko. Wala sa vocabulary mo ang "thoughtfulness". Umayos ka, Anghel!" "Ganoon ba?" Inagaw ko sa kanya ang mga rosas at tsokolate. "Magugustuhan ba ni Annie ang mga ito?" Inobserbahan ko ang chocnut. Wala naman espesyal doon maliban sa mani. "Oo." Napangiti ako nang maisip na matutuwa si Annie. Ngunit, kaagad din ako na natigilan. "Sandali. Paano mo nalaman?" "Ang alin?" "Sa...kapatid mo...at ako..." Kinabahan ako at humiling na sana ay mali lang ang pagkakarinig ko. "A! Iyon ba? Hindi ba kapangyarihan ko na makita ang mabubuti sa lahat ng mga nilalang? Nakita ko kasi sa mga mabuting ginawa mo ang pagpaparaya sa kanya. Nang makita kita ay tinawagan ko kaagad ang kapatid ko na si Bianca at tinanong kung sino ka. Ang sabi niya ay "WALANGHIYA" ka raw at sana ay masampal ka niya ulit." Aray ko. Amazona talaga ang babaeng iyon at galit yata sa mga lalaki. Lalung-lalo na sa mga gwapo. Nabasted na nga ako, nasampal pa niya ako noon. Ang saklap! Kasalanan ko rin naman. Unang pagkakataon ko na magmahal ng babae at hindi ko alam kung paano iyon ipahiwatig. Marahil ay inakala niya na "possessive" ako. Nangarap lang naman ako na mahalin din. Mahirap ang buhay ko na itinakwil at nag-iisa. Naging mali ang pamamaraan ko upang makuha ang kanyang pagtingin. Inakala ko na siya ang babaeng sinasabi ng Archangel na si Metatron na nilikha para sa akin. Ang clue niya sa akin ay "An". Ako naman ay masyadong nahumaling upang ipagpilitan na si Bianca "Ann" Torres nga iyon. Nang malaman ko na malungkot siya at iba ang minamahal niya, kahit na labag pa sa aking kalooban, pinaraya ko na siya. Bakit kasi magbibigay na lang ng propesiya ay tipid pa? Umasa pa ako. Sa totoo lang ay parang namatay ang parte ng aking puso noong pinakawalan ko na siya. Totoong minahal ko si Bianca at hindi rin mawawala iyon. "Pero sabi niya mabait ka naman kaya lang ay naliligaw ng landas." pagpapatuloy ni Benjie sa pagkukuwento. "Binilin ka niya sa akin. Huwag din daw kitang lunurin sa Pasig River at huwag ibalik sa impyerno. Ang totoo ay nagtitimpi ako na sapakin ka bawat nagkikita tayo!" Nagtiimbagang si Benjie habang nakatitig sa akin. Nangilabot ako at lumayo ng kaunti. Kahit na hindi niya ako mapapatay ay maari pa rin niya akong masaktan. Kaagad din na kumalma ang kanyang ekspresyon. "Pinapatawad ka na niya." malumanay na pinagtapat niya sa akin. Napatawa ako ng mahina. Kaya nga ba napamahal din ako kay Bianca. Kahit na siya ay suplada, likas din ang pagiging mabuti at maalalahanin. "Idagdag mo itong prutas para sa lola niya." Iniabot naman niya sa akin ang isang basket. "Offering kanina. May tatlong dosena pa ako sa loob kung gusto mo pa." "Baka isipin ni Watty "type" ko rin siya. Huwag na." "Ganito iyon." matyagang pagpapaliwanag niya sa akin. "Kung liligawan mo si Annie, kailangan mo rin suyuin ang pamilya niya. Bonus points kung matutuwa sa iyo si Tita Watty." "Mukhang tuwang-tuwa naman sa akin yun matanda." "Makinig ka na lang kasi sa akin." Inakbayan niya ako habang naglalakad palabas. "Iba pa rin 'yun may extra effort. Pagbalik mo sa bahay, iabot mo iyang mga bulaklak at tsokolate kay Annie. Tapos 'yun mga prutas kay Tita. Pareho mo silang batiin ng, "Happy Valentine." Ganoon kasimple. Makikita mo mas lalambot ang puso ni Annie labs mo sa iyo." Maganda ang ideya niya. Bakit nga ba hindi ko naisip ang mga iyon? Ngunit, nanghihina ang mga tuhod ko. Natotorpe ako. Oo, natotorpe rin ang isang katulad ko. Malaki ang takot ko na mabasted! Mas kinatatakutan ko ang maayawan ng babae kaysa ang makipagdigma sa pwersa ng kadiliman. Baka kapag nadurog pa ang puso ko ay magkadelubyo. Magugustuhan kaya niya ako? "Paano mo malalaman kung gusto ka rin niya kung hindi mo susubukan?" pagpapatuloy niya na parang nabasa niya ang isip ko. "Hindi kami nababagay. Tao siya at anghel ako." "Alam ba niya?" "Hindi." "Maari ka naman na magpanggap na tao para sa kanya, hindi ba? Malay mo, baka mas magustuhan ka pa dahil tinagurian kang "banal". Ilaban mo yan. Huwag kang tumulad sa akin." Hinawakan niya ako sa likod at marahang tinulak papunta sa bungad ng simbahan. "Go home to your Ms. Valentine." Habang palapit na ako sa tahanan ni Watty ay nakita ko na nakaupo sa may hagdanan si Annie at nagbabasa ng libro. Nang mapansin niya ako ay kaagad siyang bumaba at lumapit sa akin. "Hinihintay kita. Nag-alala ako kung bakit ka natagalan. Sorry, ako na lang sana ang naghatid." Binaba ko ang basket ng prutas sa malapit na upuan. Huminga ako ng malalim dahil kinakabahan ako sa gagawin ko. Dahan-dahan na inilabas ko ang aking kamay na nakakubli sa aking likuran. Napaurong siya sa gulat dahil sa bouquet of red roses na hawak ko para sa kanya. Kinuha ko rin mula sa aking bulsa ang chocnut. "Happy Valentine's Day, Annie." Napatakip siya sa kanyang bibig. Medyo nanginginig ang mga kamay niya na kinuha ang mga regalo. Nangilid ang luha sa mga mata niya. Nabahala ako na baka hindi niya nagustuhan ang mga bulaklak at chocnut. "Terrence..." medyo paos ang boses na sinambit niya ang aking pangalan. Mukhang maiiyak pa yata siya. Lagot na. Palpak ang plano. "Ayaw mo ba? Papalitan ko-" "Ang saya-saya ko! Ikaw ang kauna-unahang lalaki na nagbigay sa akin ng mga ganito! Hindi ko inaasahan ito!" Nagtitili siya at nagpapadyak sa kinatatayuan niya. "Chocnut!" Hinalikan niya ang pakete ng tsokolate. "Muah! Masarap ito! Hehehe!" Napahawak ako sa aking mga tainga dahil sa lakas ng kanyang pagtawa. Sulit naman ang muntikan kong pagkabingi dahil napakasaya niya. Pero, sana ako na lang ang hinalikan niya at hindi ang chocnut. Kahit isa lang. Sige na, Annie. "Nagbake ako ng cookies para sa atin nina Tita Watty! Magcelebrate tayo ng Valentine's Day! Tara!" Mabilis siyang pumanhik at naririnig ko pa rin ang kanyang mga halakhak mula sa sala. Hindi kaya na ang sinasabi ni Metatron na babae para sa akin ay si Annie? Sakto, may "An" din ang kanyang pangalan. Siya na kaya ang nasa propesiya? Ang sagot ng aking puso ay... Oo. Sana ay tanggapin niya ako ng buong-puso at mamahalin ko naman siya ng walang hanggan. Kaytagal ko siyang hinintay...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD