BEBENG’s POV
Kahit walang tulog ay kailangan kong pumasok sa palengke. Malaki ang halaga na ibinigay ni Shaolyn kagabi. Kung para sa pang-ara-araw lang namin ni Mama at para sa dialysis at mga gamot niya ay sobra pa para sa isang buwan ang ibinigay niyang halaga kagabi. Pero hindi ko iyon gagalawin at itatago ko lang muna. Dadagdagan ko pa para sa operation na isasagawa sa amin ni Mama.
Pinakatago-tago ko ang perang iyon. Kahit si Mama ay hindi niya dapat makita iyon. Iniisip ko pa kung ilalagay ko muna sa banko. Ang problema lang ay wala akong oras dahil maaga ang pasok ko sa palengke. Pwede naman kung sa tanghali ko i-deposit. Magpapaalam na lamang ako sa mga amo ko.
“Good morning, Bebeng my baby!” salubong agad sa akin ng katabi namin na pwesto. Byudo na si Mang Apol at itong pwesto niya ang pinagkakakitaan niya. May isa siyang anak at mas matanda pa sa akin. May pamilya na rin kaya sarili na lang niya ang binubuhay niya. Minsan na rin niya akong inalok na lumipat ako sa kanya. Pero ayoko kahit malaki pa ang offer niyang sahod. Masaya na ako rito sa pinapasukan ko. Saka ayoko ng issue.
Minsan nga nadadaanan ako ni Mang Apol. Sakay siya ng kanyang kotse pero hindi ako sumasabay. Ayaw ko na may masasabi ang mga taong nakakakita sa amin palagi.
“Kayo po talaga, Mang Apol, ang aga-aga ninyo na nangti-trip na naman. Mabuti na lang po at maganda ang gising ko.” Sagot ko sa matanda. Makasabi ako ng matanda, e, wala pa nga siyang fifty years old. Sa darating na Linggo pa lang at invited nga kami ng mga kasamahan ko. Hindi naman nagtatagal ang mga kasama ko rito. Ako lang ang nagtityaga dahil mas malaki ang tip na nakukuha ko kaysa sa sahod ko.
“Napaniginipan mo siguro ako, baby?” Kinikilabutan talaga ako sa mga sinasabi nito. May paggalang pa ako sa matanda kaya hindi ko siya mabara. Mga naka-ngiti ang nakakarinig sa aming dalawa habang napapa-iling na lamang ako.
“Baka nga po, Mang Apol. Kaya lang iba po ang naiisip kong napanaginipan niya sa inyo – baka sinasakal po kayo.” At malakas na tumawa ang kasamahan kong si Jhona.
“Magtrabaho na lang po tayo at sana ay maraming mamili ngayong araw.” Pag-iiba ko ng usapan at sumama ang tingin ni Mang Apol.
Sinimplihan ko si Jhona. “Ikaw talaga, bhe. Kapag napikon iyan, hindi ka na invite niyan sa birthday party niya.”
“Hindi naman ako pupunta sa party niya. Mga taga-palengke lang din naman ang makikita roon. Ipapahinga ko na lamang sa bahay. Ikaw, huwag kang pumunta roon at baka mamaya may gawin sa iyo ang matandang iyan. Type na type ka pa naman niya. Kanina pa nga nagtatanong kung dumating ka na.” Napa-iling na lamang ako. Kahit naman hindi si Mang Apol ang may birthday ay hindi pa rin ako makakapunta dahil kailangan kong alagaan si Mama.
Bago ako umalis sa bahay ay inihahanda ko lahat ng kailangan niya. Uuwi ako sa tanghali para tingnan siya at sinasabayan ko sa pagkain. Papasok ulit ako at pagkain naman sa gabi ang dala ko. Dahil may trabaho na ako sa gabi ay naiiwan ko ulit si Mama. Kailangan lang namin na magtiis na dalawa. Kapag talagang kailangan niya na may kasama ay pinapakiusapan ko ang kapitbahay namin para siya ang magbantay kay Mama. Maliit lang ang bayad at mabuti talaga at hindi ako zero pagdating sa tip.
Si Mang Apol nga ay mas matanda pa sa Mama ko. May sakit lang si mama kaya parang tumanda ang kanyang hitsura. Pumayat talaga siya.
“Mas lalo ako, hindi ako pwede sa mga labuyan at um-attend sa mga ganyang bagay. Kaunti na lang nga oras ko kay Mama, babawasan ko pa. Siya nag-iisa sa bahay habang ako ay nagpapakasaya.” Para naman akong biglang nakonsensya. Mag-isa si Mama kagabi habang may katabi ako sa kama at gusto ko ang nangyari sa amin.
“Nakaka-proud ka, Bebeng. Kahit ganito lang ang trabaho mo, nagagawa mong ipagamot ang Mama mo. Kung sa iba nangyari iyan, naku baka magmukmok lang sa isang tabi. Ikaw sobrang positive mo sa buhay. Lagi kang may dalang pag-asa.” Dagdag pa ni Jhona.
“Bebeng, baby, may customer ka na.” sigaw naman ni Ate Mari. Inaasar nito si Mang Apol.
“Good morning po, Madam!” bati ko rito. Si Madam Ursula ang sinasabi niyang customer ko.
“Ang sipag mo talaga. Nakatulog ka na ba?” Bulong nito sa akin. Nakasunod lang ako sa kanya habang hawak ko ang lalagyan niya ng mga pinipili niyang gulay. Mas maaga naman akong umuuwi sa kanila at sinabi ko rin iyon dahil nga may Mama akong naghihintay at may pasok pa nga ako rito sa tindahan.
“Opo, Madam. Kayo po? Parang hindi pa po kayo nakaka-uwi sa bahay ninyo?”
“Hindi pa nga. Mamimili muna ako saka ako uuwi para magpahinga. Ang gising ko na kapag natulog ako ay bandang alas sais na ng gabi. Saka ako mag-ready para sa pagpasok sa trabaho.”
Hindi ko na dinagdagan pa ang tanong ko dahil baka mamaya ay may makarinig na sa amin. “Pumasok ka mamaya. Maraming parukyano dahil big night mamaya. Kahit maki-table ka lang.” wika pa sa akin ni Madam. Mahinang-mahina naman ang pagkasabi niya.
“Opo, madam.” Sumagot pa rin ako para hindi naman niya maisip na bastos akong kausap.
Papasok ako kasi may goal ako kapag nakuha ko na ang kailangan kong pera at may panggastos pa kami ni Mama, pwedeng hindi na ako muling pumasok doon.
Sa pagpasok ko sa club, hindi ibig sabihin na pumapasok sa trabahong iyon ay malandi at pokpok na. Hindi ganoon. Nauuna kasi sa tao ang pag-judge. Kung pumapasok man ang mga asawa nila, hindi kami ang may kasalanan. May iba roon na gusto lang ng kausap. At ang mga nagtatrabaho ay may kailangan lang tugunan para sa kanilang pamilya – tulad ko.
Inabutan pa rin ako ni Madam ng tip. Kahit tanggihan ko ay ipinilit pa rin niya. Marami na siyang alam sa akin lalo na ang tungkol sa kondisyon ni Mama at nasabi ko rin sa kanya ang paggagamitan ko sa pera na kinikita ko sa club.
Bumalik ako sa pwesto at nagsunud-sunod na ang customer. Mas marami, mas malaki ang kita.
May pangtabi na agad ako para sa pang-dialysis ni Mama. ‘Yong bigay pa lang ni Madam ay dalawang araw na pambayad na iyon. 500 lang naman ang ibinabayad namin dahil sa magandang programa ng pamahalaan sa mga nag-undergo ng dialysis. Marami na kasi ang may ganoong case, kahit bata ay mayroon na rin na nagpapa-dialysis. Kaya ako mapili ako sa kinakain ko at wala rin akong extra para kumain ng masasarap.
Sa club na lang ako nakakatikim. Tanghali pa lang at pauwi ako sa bahay pero ang utak ko ay excited na para sa pagpasok kong muli sa club mamaya. Hindi ako alam kung saan nanggagaling ang naramdaman kong tuwa. O baka dahil sa sinabi ni Madam Ursula na big night at maraming parukyano. Hindi ako ma-ze-zero – sigurado na iyon.