NAKARAAN...
PAGKATAPOS ng proseso, bumalik kami--ang buong pamilya Tenzin--sa pilipinas upang ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral.
Pinili naming manatili roon at hintayin nalamang ang misyon na iaatang sa akin. Hinayaan nilang makapagpahinga ako at mapakalma ang sarili matapos ang kahindik-hindik na pagsusulit.
Ngunit hindi pa man nakakadalawang buwan ay nagpasya na akong magpatuloy sa pag-aaral na napabayaan ko noong kasagaran ng aking ensayo.
Doon ay ibinuhos ko ang aking buong atensyon sa pag-aaral.
Kumuha pa ako ng Acceleration Test upang maihabol ang aking grado.
Isang araw, umalis kami nina mommy at daddy. Hindi ko alam kung saan kami pupunta.
Ilang oras ang lumipas nang pumasok ang aming sasakyan sa isang mansyon.
"Mom, where are we?" hindi ko na napigilang itanong.
"Sa mansyon na pag-aari ng hari at reyna.."
Agad akong nagtaka. "Wait,...what?" hindi ko alam na may mansyon ang hari at reyna dito. "Paanong nagkaroon ng mansyon dito ang hari at reyna?"
"Ang totoo, nitong taon lang binili ng hari ang mansyon na ito."
"But why? Titira ba sila dito sa pilipinas?"
Nakangiting umiling si Mommy. "Hindi anak.."
"So anong gagawin natin dito?"
"Upang tanggapin ang iyong unang misyon."
Natigilan ako. Muntik ko nang makalimutan ang aking misyon.
Napalunok ako. "A-Ano raw po ang aking misyon, Mom."
"Hindi ko rin alam anak. Malalaman natin mamaya."
Ilang saglit lang ay tuluyan kaming napasok sa malawak na garahe ng mansyon.
Mabilis kong binuksan ang pinto ng kotse at lumabas. Agad kong natunghayan ang kabuuan ng mansiyon.
May mga sumalubong sa aming mga tauhan doon at inihatid kami papasok ng mansiyon.
Agad kong nabungaran ang mga naggagandahang muwebles sa loob niyon.
Sa sala nila kami muna pinaghintay. Dinalhan naman kami ng mga maid doon ng meryenda at juice.
Maya maya ay bumalik ang mga tauhan kasama ang isang pamilyar na ginoo.
Nakita ko na ang lalaking iyon sa palasyo. Nahuhulaan kong siya ang magbibigay sa aking misyon.
Agad na tumayo sina Mommy at Daddy saka nagbigay galang. Tumayo rin ako at nagbigay galang narin.
"Magandang araw, Ginoong Dapar." bati ni Mommy sa kanilang lenggwahe.
"Magandang araw din sa inyo. Sa araw na ito, babasahin ko ang ipinadalang mensahe na naglalaman ng misyon para sa inyong anak na si Lham. Ang hari mismo ang nagbigay ng misyong ito."
Sabay sabay naman kaming napakunot-noo sa narinig. Napatingin ako kay Mommy ngunit maging siya ay nagtataka rin.
"Ngayon lang nangyaring mismong ang hari ang nagbigay ng misyon.."
Pormal na ngumiti ang ginoo. Iniabot dito ng isang tauhan ang isang nakarolyong kalatas.
Dahan dahan itong binuksan ng ginoo at nagsimulang magbasa sa harap namin.
"Ikaw, Lham Tenzin ay binibigyan ko ng misyon na siyang una at mas matagal kaysa sa karaniwang misyon na ibinibigay sa mga pumasang Pazap. Ikaw ang napili kong tumanggap sa responsibilidad na ito sapagkat naniniwala ako sa iyong kakayahang maisakatuparan ang nais ko. Ang iyong misyon ay walang iba kundi ang panatilihin ang kaligatasan ng aking anak, si prinsipe Dojin. Inaasahan kong hindi mo pababayaang mapahamak ang prinsipe."
Malinaw ang lahat ng aking narinig subalit palaisipan parin sa akin ang ibig sabihin ng mensaheng iyon mula sa hari.
Ano ba talaga ang aking misyon?
"Ang ibig bang sabihin ay babalik si Lham sa Bhutan upang maging tagapagbantay ng prinsipe sa palasyo?"
Nakangiting umiling ang ginoo. Pagkuway may ibinulong sa isang tauhan. Umalis ang tauhan at umakyat sa hagdan.
Subalit tumigil ito nang makitang may bababa.
Ngunit agad ding napakunot ang aking noo sa pamilyar na taong bumababa na ng hagdan.
"Lham!"
Ikinagulat namin nina Mommy at Daddy ang pagdating ni Prinsipe Dojin.
Tumakbo siya palapit sa akin na halata ang kasiyahan sa mukha.
"M-Mahal na prinsipe?" bulalas ko na namamangha parin pagkakita sa kanya. "Ano pong ginagawa niyo rito sa aming bansa?"
Ngumiti siya ng pagkalapad-lapad at hinawakan ako sa aking mga balikat.
"Simula ngayon, parati na tayong magkasama Lham, hehe."
"Ginoo, ano ba talaga ang misyon ng aking anak?" tanong ni Mommy at napatingin narin ako sa ginoo.
"Napagpasdesisyonan ng hari na pag-aralin dito sa Pilipinas ang prinsipe."
"Hanggang kolehiyo?"
"Oo, kung magiging ligtas ang mahal na prinsipe sa mga darating na taon."
"Iyon ang misyon ng aking anak? Ang bantayan ang prinsipe nang ganoon katagal?" hindi napigilang itanong ni Daddy.
"Ganoon na nga..."
"Kung gayon ay si Lham pa lamang ang magkakaroon ng misyon sa mahabang oras.." sabi ni Mommy.
"Huwag kayong mag-alala, tiyak na malaki ang kapalit niyon. Maaaring makuha ni Lham ang pinakamataas na rango ng pagiging Pazap kapag nagtagumpay siya."
"Ngunit hindi ba magiging delikado ang buhay ng prinsipe dito sa Pilipinas?" tanong ni Mommy.
"Bukod sa Hari at Reyna, sa ating tatlo, wala nang ibang nakakaalam na nandito ang prinsipe sa Pilipinas at walang dapat makaalam niyon."
"Paano naman natin maitatago ang pagkakakilanlan ng prisipe?"
"Kailangan nating palitan at baguhin ang buong pangalan ng mahal na prinsipe, ang kanyang pinagmulan at mga magulang. Sa tulong ng iyong ama na isang Chairman, madali nating maitatago ang pagkakakilanlan ng prinsipe. At ipinauubaya ko naman kay Lham ang iba pang kailangang gawin."
Napatingin ako kay Prinsipe Dojin.
"Tatanungin kita Lham. Tinatanggap mo ba ang misyon na ibinigay sa iyo ng Hari?"
Napalunok muna ako saka huminga ng malalim.
"Aaminin ko pong mahirap ang misyon na ibinigay sa akin ng mahal na Hari, dahil kaligtasan ng mahal na prinsipe ang nakasalalay rito. Ngunit mahalaga rin sa akin ang magkaroon ng mataas na kaalaman ang mahal na prinsipe kaya..." nilingon ko ang prinsipe na hindi parin nawawala ang ngiti sa labi. "Buong puso ko po itong tinatangap.."
Pagkaraan ng isang linggo, nagsimulang pag-aralan ng prinsipe ang salitang tagalog at english. Bukod doon ay nagsimula rin siyang mag-aral ng mga alituntunin na kailangan upang makahabol siya sa kasalukuyan kong grado dahil kailangang magkasama kami saan mang sulok ng paaralan.
Minsan ay pumupunta ako sa kanilang tahanan upang ako ang mismong magturo sa kanya ng mga dapat gawin sa aming paaralan.
Minsan din ay siya ang pumupunta sa bahay namin para ako ay bisitahin.
Isang taon ang kanyang inilaan upang mapag-aralan ang lahat ng kailangang gawin bago sumabak sa kauna-unahan niyang paaralan.
Sa paglipas ng taon, dumating ang araw ng aming unang klase.
Habang abala sa pagkain ng almusal, nakarinig kami ng busina sa tapat ng aming bahay.
Lumabas ang aming kasambahay at pinagbuksan iyon ng gate.
"Magandang umaga..."
Agad akong napalingon nang marinig iyon. Ang prinsipe na nakasuot na ng school uniform ng aming paaralan. Bagong gupit narin ito na dati ay mas mahaba sa buhok ko.
"Mahal na prinsipe..."
Agad siyang umiling kasabay ng pagwagayway ng kanyang hintuturo. "Hindi mo na ako maaaring tawagin ng ganyan. Ako na ngayon si Prince Tuazon. Taga rito ako sa Pilipinas." sinabi niya iyon sa wikang tagalog. Kahanga hangang marunong na siya niyon. Medyo bulol nga lang at pagsinaunang tagalog ang naaral niya.
Napabuntong hininga ako. Nakalimutan ko agad ang tungkol sa bagay na iyon.
"Ok Prince, anong ginagawa mo dito? Bakit hindi ka pa dumeretso sa school?"
"Dahil nais kong sabay tayong pumunta doon." aniyang nakangiti.
"Hindi naman kailangan iyon, prince. Okay lang sakin na hindi tayo sabay pumasok sa school lalo pa't magkaiba ang direksyon ng ating tirahan."
"Ayos lang iyon sa akin, Lham. Kahit gaano pa kalayo ang aming tirahan ay araw araw parin kitang susunduin at ihahatid sa paaralan."
"Pero Prince, wala naman ito sa usapan. Ang misyon ko lang naman ay bantayan ka sa school. Hindi kasama roon ang pati sa labas ng school."
Nalukot agad ang mukha niya.
"Hindi mo ba ako gustong kasama?"
Natigilan ako. Ramdam ko ang tampo sa boses niya.
Napatingin naman ako kina Mommy at Daddy. Nakatingin lang ang mga ito sa amin ni Prince.
Napabuntong hininga ako nang makitang halos sumayad na sa lupa ang nguso ng prinsipe. Nakayuko na ito at dinudotdot ng isang paa ang sahig.
"Sige na nga.." nasabi ko at agad na lumiwanag ang mukha ng prinsipe.
"Talaga? Pumapayag ka na?" tuwang tanong niya at tumango naman ako. Agad siyang natuwa na sumuntok pa sa ere. "Sige, kumain kana at hihintayin na lamang kita rito."
Muli akong tumango at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Mahal na prinsipe, nais niyo bang kumain? Ipaghahain kita." alok ni Mommy rito sa wikang bhutanes.
Nakangiti itong umiling. "Tapos na akong mag-almusal, salamat."
Nagtungo siya sa sala at doon ay umupo.
Nang matapos akong kumain ay nagpaalam na kami.
May sariling driver siya at doon kami nakasakay sa backseat.
Nang makarating kami sa paaralan ay kaunti palang ang mga estudyante. Agad kong hinanap ang aming magiging classroom na makikita sa 2nd floor ng elementary building.
"Tayo ay magtabi Lham." ani Prince nang makapasok kami at maghanap ng mauupuan. "Doon tayo." tinuro niya ang mga bakanteng upuan sa bandang likuran.
Tumango ako at naglakad papunta sa tinuro niya saka umupo.
Unti unting napuno ng mga estudyante ang aming classroom.
Nagkaroon ng self-introduction at maya maya lang ay dumako iyon sa akin.
Agad akong tumayo at naging tutok naman ang mga kaklase ko dahil siguro bago ako sa paningin nila. Pati si Prince ay nakangiting nakatingin sakin.
"Hi, my name is Lham Tenzin. Nice to meet you." tipid akong ngumiti saka muling naupo.
Nang si Prince na ang tumayo ay napansin ko agad ang kaba niya. Marahil ay dahil bago sa kanya ang ganitong sitwasyon.
"M-magandang araw, Prince Tuazon ang pangalan ko. Ang makilala kayo ay ikinagagalak ko." pagkatapos niyon ay nakayuko na siyang bumalik sa upuan.
Narinig ko ang ilang bungisngisan ng mga lalaki naming kaklase sa hulihan.
"Why is he talking like that?" bulong ng babae sa likuran ko.
"Oo nga eh, parang matanda na magsalita." sagot naman ng isa.
Napabuntong hininga na lang ako at sinulyapan si Prince. Hindi ko alam kung narinig niya rin ba iyon dahil nanatili siyang nakayuko.
"Ayos ka lang?" bulong kong tanong sa kanya.
Nilingon niya ako at pilit na ngumiti.
"Naninibago lang ako. Huwag mo akong alalahanin, masasanay rin ako."
NANG matapos ang klase ay sabay kaming lumabas ni Prince para magtungo sa canteen.
hindi pa man kami nakakalabas ng building ay may humarang na sa aming tatlong batang lalaki sa hallway. Sa mga itsura pa lang ng mga ito ay mukhang hindi na maganda ang gagawin sa amin. Pareho kaming natigilan sa paglalakad ni Prince. Napansin ko agad ang pag-aalala ni Prince kaya naman napabuntong hininga akong tinaasan ng kilay ang mga bata.
"Hoy, bata! May pera ka ba diyan?" hindi ko alam kung bakit kinailangan pa nitong sumigaw kahit naroon lang naman kami sa harap nila. Mukhang itong tabatsoy ang lider ng mga ito, habang ang mga nasa gilid naman ay mga payatot. Halatang mas matanda ang mga ito ng ilang taon sa amin.
"Oo, bakit?" napa-iling akong tumingin kay Prince. Nakangiti pa ito at mukhang balak ipamigay ang baon niya.
"Akin na, nagugutom na kami eh." maangas pang sabi ng tabatsoy na inilahad pa ang kanyang palad sa harap ni Prince.
"Prince..." pigil ko sa kanya nang akma na siyang kukunin ang kanyang pitaka sa bulsa.
Umiling ako nang magtama ang aming paningin. Nagtataka man ay sumunod siya.
"Hoy bata! Bakit ka ba nangingialam?" galit na sigaw ng tabatsoy sa akin. "Hindi mo ba ako kilala? Hindi ka ba natatakot sakin ha?"
Blangko lang ang mukha kong tumingin sa kanya. "Bakit, sino ka ba? At bakit naman ako matatakot sayo?"
"Aba't matapang ka ah?!" agad niya akong hinablot sa kwelyo.
"Bitiwan mo nga ako?" inis na sabi ko. Kung tutuusin ay kaya kong pigilan ang paghawak nito sa akin pero hindi ko maaaring gamitin ang mga natutunan ko sa Bhutan para lang dito sa walang kwentang lalaking to. "Bitiwan mo ako." may diin nang sabi ko saka matalim siyang tiningnan.
Ngumisi lang ito saka marahas akong tinulak dahilan para bumagsak ako sa sahig.
"Lham!" mabilis na tumakbo palapit sakin si Prince at nag-aalala akong tiningnan. "Ayos ka lang ba?"
Hindi kaagad ako nakasagot at galit na tumingin sa tabatsoy na iyon. At talagang nasiyahan siya sa ginawa niya dahil proud siyang nagcross ng mga balikat at taas noong tumingin sa akin.
"Ang sama mo!"
Huli na para pigilan ko si Prince dahil mabilis siyang sumugod sa tabatsoy at akma itong susuntukin pero mas malakas ang mataba kaya agad siyang dinakma sa damit niya.
"At may balak ka pa talagang kalabanin ako ha?!" natatawang singhal ng tabatsoy. "Gusto mo ng black-eye?" tanong nito saka akma nang susuntukin si Prince.
Itinalon ko ang paglapit sa kanila at pinigilan ang kamao ng tabatsoy.
"Bitawan mo ko!" galit na sigaw ng tabatsoy.
"Ikaw ang bumitaw." siryosong sabi ko na ang tinutukoy ay ang kamay niya sa damit ni Prince. Nakikita ko ang takot sa mukha ni Prince kaya naman nag-alala ako. "Bitawan mo na siya."
"Sino ka sa inaakala mo?" singhal muli ng tabatsoy at sininyasan ang dalawang kasama niya.
Napabuntong hininga ako nang lumapit ang dalawa sakin para sana hablutin ako pero mabilis kong inangat ang isa kong paa at pinagsisipa ang mga kamay ng mga ito nang hindi inaalis ang hawak ko sa braso ng tabatsoy.
Napaatras sila at sapo sapo ang mga kamay na napuruhan. Hindi ko iyon nilaksan, masyado lang silang lampa.
Blangko ang mukha kong muling humarap sa tabatsoy. Ganoon nalang ang panlalaki ng mata niya dahil sa gulat.
"Bibitawan mo o hindi?" seryosong tanong ko.
Takot man ay umasta parin itong matapang.
"Sinong tinakot mo!?"
Napakunot ang noo ko nang bumaling siya kay Prince at dinakma ang leeg nito.
Inis akong pinilipit ang braso ng tabatsoy patalikod dahilan para mapasigaw ito at mabitawan si Prince.
Hindi ko siya tinigilan hanggat hindi siya sumusuko.
"Aray tama na, masakit!"
Saka ko lang siya binitawan.
Napabuntong hininga ako saka hinawakan sa braso si Prince at hinila na paalis doon.
"Humanda ka, gaganti ako sa iyo!" narinig kong sigaw ng tabatsoy na inilingan ko na lang.
"Wala bang masakit sayo?" tanong ko kay Prince.
Hindi siya nagsalita at pilit lang na ngumiti sakin. Saka ko lang naramdaman ang nginig ng kanyang katawan.