KOFFIE
9 years ago…
Naghahalungkat ako sa loob ng bag ko habang naglalakad papunta sa gate ng D’Amico High School. Hinahanap ko kasi ang lipstick na binigay sa akin ni Ate Kitty kagabi. Susubukan ko sanang gamitin ngayon, pero hindi ko naman makita. Nakalimutan ko kung saan ko ito nilagay. Nagkukwentuhan kasi kami ng kapatid ko kagabi, kaya hindi ko matandaan kung nilagay ko ba ito sa bag ko o nilapag ko lang ito sa study table ko. Nagmamadali pa naman ako dahil ngayon ay bibisita sa school ang mag-o-observe sa mga fourth-year na estudyante. Sigurado rin akong nasa classroom na sina Tamie at Virgie at hinahanap ako.
Nakapasok na ako sa gate at patawid sana ako sa kabila, pero nagulat ako nang may sumulpot na puting sasakyan. Bumusina pa ito ng malakas, kaya impit akong napatili at nabitawan ko ang bag ko dahil sa gulat. Mabuti na lang ay hindi bumuhos ang laman nito sa daan.
Naiinis na dinampot ko agad ang bag ko at pumunta sa gilid ng daan. Tiningnan ko ng masama ang puting sasakyan na dumaan lang sa tabi ko. Kahit binuksan man lang sana ang bintana para humingi ng pasensya sa akin, pero hindi nito ginawa.
“Ugh!” I muttered in annoyance. I even stared after the car to get its license plate number and memorized it carefully. Kung sino man ang nagmamay-ari ng sasakyan na ‘yon, sana makarma siya.
Sa inis ko, nawalan na ako ng gana na hanapin ang lipstick ko. Mamaya na lang ako mag-aayos pagdating ko sa classroom.
Nakahinga ako ng maluwag dahil wala pa palang mag-o-observe sa amin nang dumating ako sa classroom. Napansin naman ng dalawa kong kaibigan na hindi maipinta ang mukha ko, kaya kinuwento ko kung ano ang nangyari sa akin kanina. Pagkatapos kong magreklamo sa kanila, naglagay na ako ng lipstick sa labi ko, na parang wala akong sinabing hinaing sa dalawa. Hindi ko nakita ang lipstick na binigay ni Ate Kitty, kaya ibang lipstick ang ginamit ko. Hindi kompleto ang araw ko kapag hindi ako nakapaglagay ng lipstick. Hindi lang ako mapapakali sa upuan ko.
Natapos na ang tatlong subject namin, pero wala pa ring bumibisitang observer sa classroom namin. Kahit sa katabi naming classroom ay wala pa ring dumadating. Hanggang sa mag-breaktime na lang kami, ay wala pa rin dumating. Hinanda na lang namin ang aming sarili dahil baka sa last subject dumating ang mag-o-observe sa klase namin.
“Hoy, ano ba ‘yang nguso mo? Bakit tulis na tulis?” puna ni Vergie sa nguso ko. Kasalukuyan kaming nakaupo sa bench sa gilid ng quadrangle. Hinihintay na lang namin na matapos ang breaktime namin.
“Hindi ko kasi makalimutan ‘yong kotseng muntik nang bumangga sa akin kanina. Kung hindi lang ako nagmamadali, hinarang ko ‘yon at pinababa ‘yong driver. Kahit sorry man lang sana. Bumusina na nga sa akin, dinaanan lang ako. Nanggigigil ako, girl!” daing ko na naman sa dalawa. Kinuyom ko pa ang kamao ko para iparating sa kanila na gigil na gigil talaga ako sa nagmamaneho ng sasakyan na ‘yon.
“Ang tapang mo naman, girl. Paano kung isa pala sa mga observer ang may-ari ng kotse na ‘yon?”
Bigla akong napaisip sa sinabi ni Vergie. Mayamaya, tumulis na naman ang nguso ko. “Ah, basta. Naiinis ako!” tumitirik ang mata na giit ko at parang bata na pinadyak ang mga paa ko.
“Hayaan mo na. Ang mahalaga naman ngayon, ligtas ka. Baka nagmamadali lang ang driver kanina,” mahinahon na sabi naman ni Tamie.
“Pasukan ng mga estudyante kanina, nagmamadali siya? Can you imagine? If that car had hit me earlier, D’Amico would have lost one pretty face!” nakasimangot na sabi ko, sabay tiningnan ang sarili sa maliit na salamin na hawak ko. I also pouted my lips because I thought my lipstick might’ve come off when I ate the chocolate Tamie gave us.
“Girl, ang OA mo na,” natatawa na sabi ni Virgie.
Binalingan ko si Tamie, na nagpipigil tumawa. “Tamie, o, OA raw ako, sabi ni Tampal Tampipi,” parang bata na sumbong ko rito. Bahagya akong tinulak ni Virgie dahil katabi ko siya, kaya umarte akong napalakas ang tulak niya sa akin at sinubsob ang sarili sa dibdib ni Tamie. “Tamie, tinulak niya ako,” kunwaring umiiyak na sumbong kong muli.
“Pwede ka nang mag-artista, Koffie Co!” tukso ni Vergie sa akin.
Pilya akong ngumiti at binalingan ang kaibigan ko. “Ikaw naman ang personal assistant ko at uutusan kita.” Pumalakpak ako ng isang beses. “Tampal Tampipi, halika nga dito. May ipapatampal ako sa ‘yo.” Umarte akong mataray sa harap niya.
“Ano ho iyon, Miss Koffie Co?” sakay naman ni Vergie sa akin. Ganito kami mag-asaran; damay ang mga apelyido namin.
“Tampalin mo ng isang libong beses ang driver ng sasakyan na muntik nang bumangga sa akin kanina. Now na!” utos ko.
“Masusunod po, Miss Koffie Co.” Tumayo si Vergie at naglakad. Mayamaya, huminto siya at bumalik sa amin ni Tamie. “Tapos na po, Miss Koffie Co. Tinampal ko na po. Sobra pa sa isang libo.”
“Magaling, Vergie Tampal Tampi. Dahil diyan, bigyan ng lipstick ‘yan!” pigil ang tawa na anunsyo ko.
“Walang anuman, Miss Koffie Co Baho.” Nilagay ni Vergie ang isang kamay niya sa bandang taas ng kanyang puson at yumukod sa harap ko, na parang ako ang prinsesa na pinagsisilbihan niya.
Makalipas ang ilang sandali, maririnig na ang halakhakan naming tatlo sa quadrangle. Kahit pinagtitinginan na kami ng ibang estudyante na dumadaan, patuloy pa rin ang tawanan namin. Natatawa na lang kami sa mga kalokohan namin at sa pangalan namin ni Vergie. Ang maayos lang na pangalan sa aming tatlo ay si Tamie. Samantalang kami ni Vergie, ang bantot ng mga apelyido namin. Kapag pinagsama ang middle name at apelyido namin ni Vergie, mas lalong mabantot.
Tampal Tampipi Co Baho. Yuck, ang baho talaga!
Dumating na nga ang hinihintay naming observer. Tumapat pa talaga sa Math subject. Pero, in fairness, ang gwapo ng observer namin. Kaya nga kilig na kilig ang mga kaklase namin. Pero ang mas nakaka-excite, guardian siya ni Tamie. Dalawa na tuloy ang gwapo sa classroom—si Sir Max, ang Math teacher namin, at ang guardian ni Tamie. Pero hindi siya pumuwesto sa harap; kundi sa likod siya namin nina Tamie, kaya hindi namin makikita ang gwapo niyang mukha.
Mararamdaman ang kaba sa loob ng classroom, lalo na ako. May posibilidad na tawagin kami ni Sir Max. Kaya kanina pa ako nagdadasal na sana hindi ako matawag dahil baka mapahiya ako sa harap ng mga kaklase ko at sa guardian ni Tamie, lalo na kung hindi ko naman alam ang sagot.
Obviously, I hate math subjects.
Nakahinga lang ako ng maluwag dahil si Tamie ang tinawag ni Sir Max. Mabuti na lang, magaling si Tamie, kaya hindi siya nahirapang sagutin ang ibinigay na problem-solving sa kanya ni Sir Max. Tiyak na proud sa kanya ang guardian niya ngayon.
Para kaming nabunutan ng tinik nang matapos na ang klase namin sa Math. May isa pa kaming subject, pero makakahinga na kami dahil tapos na kaming mag-obserba. Bago umalis ang guardian ni Tamie, may inabot itong sulat sa kanya. Sabay na raw silang umuwi. Hindi namin napigilan ni Vergie na kiligin. Ewan ko ba, kinikilig ako sa kanilang dalawa kahit alam ko naman ang relasyon nila.
“Girls, mauna na ako sa inyo, ha,” paalam ni Tamie sa amin.
“Go, girl. Baka hinihintay ka na ni guardian pogi,” sabi ko, sabay tumayo na rin. Pag-alis ni Tamie, binalingan ko si Vergie. “Magbanyo muna tayo.”
“Sige.”
Pagdating sa banyo ng mga babae, inayos ko ang buhok ko at naglagay ng lipstick sa labi. Naglagay rin ako ng kaunting blush-on sa pisngi. Huminto lang ako nang makita ko sa repleksyon ng salamin ang nakangiwi kong kaibigan habang titig na titig sa akin.
“Aww, what’s wrong? Am I too pretty for you to handle—is that why you can’t stop staring?” I said, oozing with confidence.
“Sa sobrang ganda mo, hindi na umaayon ang makeup mo sa edad mo,” walang preno nitong sermon sa akin.
Tumigil ako sa ginagawa ko at nakapameywang na humarap sa kanya. “Excuse me, Tampal Tampipi, ano ang masama sa pagme-makeup ko? Did you see this pretty face?” Dinala ko sa ilalim ng baba ko ang dalawang kamay ko at kumurap-kurap sa harap niya. “Does this makeup make me look mature?” nagpapa-cute na tanong ko. Pero lalo siyang napangiwi.
“Magmumukha kang matanda kapag hindi mo tinigil iyang kaka-makeup mo, Koffie. Nakaka-matured ang pagme-makeup!” sermon na naman niya sa akin.
Umikot ang mata ko. Hinawakan ko ang kamay niya at hinila siya palapit sa akin. Wala na siyang nagawa nang lagyan ko siya ng lipstick sa labi.
“Matagal na akong nagme-makeup, Vergie, pero wala pa namang nagsabi sa akin na matured ako tingnan. Ang cute ko nga raw, e,” pagbibida ko sa mga papuri na natatanggap ko kapag may nakakapansin na cute ako.
Siya naman ngayon ang umikot ang mata. Pinaharap ko siya sa salamin nang tapos ko na siyang lagyan ng lipstick. Gumuhit ang ngiti sa labi niya nang makita ang kanyang sarili sa salamin.
“Baby face ka kasing tingnan, Koffie. Maliit ang mukha mo at chinita ka. Iyan ang advantage na may lahi kang Chinese. Kung hindi ko alam na half-Chinese ka, iisipin kong Koreana ka,” paliwanag niya, dahilan para lumawak ang ngiti ko.
“I take that as a compliment,” ngiting-ngiti na sabi ko. “Let’s go na.”
“May sundo ka?” tanong ni Vergie habang naglalakad kami papunta sa gate palabas ng campus.
“Wala. Malaki na ako para sunduin.”
Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. “Malaki ka na sa lagay na ‘yan?”
“Oo. Saka, hindi pa ako tumutuntong ng disiotso, kaya tatangkad pa ako. Ikaw rin naman, ‘di ba?” katwiran ko.
“Puro ka katwiran, Koffie Co,” nakairap niyang sabi. Natatawa na lang ako sa reaksyon niya.
Malapit na kami sa gate nang may naalala ako, kaya hinila ko si Vergie sa mga nakaparadang sasakyan. Isa-isa kong tiningnan ang plate number ng mga ito.
“Koffie, kung ano man ang binabalak mo, huwag mo nang ituloy.”
Pilya lang akong ngumiti. Nagkaroon na agad siya ng ideya sa gagawin ko. Kapag inatake talaga ako ng kapilyahan, hindi ako titigil hanggang hindi ko ito ginagawa.
Nagliwanag ang mukha ko nang makita ang plate number ng sasakyan na muntik nang bumangga sa akin kanina. Kinuha ko agad ang lipstick sa loob ng bag ko at kaagad na lumapit sa sasakyan. Pinigilan ako ni Vergie nang akma kong bubuksan ang takip ng lipstick ko.
Hinila ko siya para magtago sa gilid ng sasakyan. Pa-squat kaming umupo paharap dito. “Lipstick lang naman ‘to. Madali lang matanggal,” dahilan ko.
“Baka may tao sa loob ng kotse.”
Tinitigan ko ang sasakyan. Kung may tao sa loob, baka lumabas na para paalisin kami. Pero mukhang wala naman, kaya tuloy ang plano.
“Wala ‘yan. Ako na ang bahala,” ayaw paawat na sabi ko.
Hinila ni Vergie ang buhok ko, pero buo na ang desisyon kong sulatan ang sasakyan. Ngiting-ngiti ako habang nagsusulat. Hindi na ako nanghihinayang sa lipstick ko. Supplier ko naman ng lipstick si Ate Kitty, kaya okay lang kahit mapudpod ko itong ginagamit ko sa pagsusulat ngayon.
“Puring-puri ang sarili? Ikaw pa lang yata ang kilala ko na nag-vandal, pero puro papuri sa sarili ang sinulat,” sabi ni Vergie nang mabasa ang nakasulat sa gilid ng sasakyan.
“Ano ba ang dapat na isulat ko dito?” inosenteng tanong ko at pinasadahan ng tingin ang sinulat ko.
‘Do I look pretty? Yeah, I am pretty—thank you!’ Ito ang nakasulat sa sasakyan. Wala namang mali sa sinulat ko. Nagsasabi lang naman ako ng totoo.
“‘Yong iba kasi, mura ang sinusulat. Mahahalata na babae ang nagsulat.”
“Like this?” humahagikgik na sabi ko nang natapos ko nang isulat ang huli. Narinig ko na lang ang malakas na singhap ni Vergie, kaya mas lalong lumawak ang pilyang ngiti sa labi ko. Sinunod ko lang naman ang sinabi niya. Dahil isang malaking ‘f**k YOU!’ ang sinulat ko, tapos nag-drawing pa ako ng smiling face sa gilid nito. “Alam mo namang masunurin ako, girl.”
Napangiwi ako nang hinila ni Vergie ng malakas ang buhok ko. Binalingan ko siya para sitahin dahil baka maubusan na ako ng buhok sa ginagawa niya. Kumunot ang noo ko dahil namimilog ang mata niya habang nakatingin sa likuran ko. Para siyang tinakasan ng dugo sa itsura niya. Putlang-putla ba naman ang bruha.
“What ba?” Lumingon ako. Nanlaki ang mata ko nang makita ang matangkad na lalaki. Nakahalukipkip siya ng tayo at salubong ang kilay habang seryosong nakatingin sa amin. Kagat ang ibabang labi, mabilis kong binalik ang tingin sa sasakyan at pasimple kong binura ang huli kong sinulat.
“What do you think you are doing?” I swallowed hard when I heard the man’s voice cut through the air. It was terrifying—deep and rough, like it was pulled straight from deep underground. Pero hindi dapat mahalata na kami ang may gawa nito. But I wonder if siya ang may-ari ng sasakyan o napadaan lang siya.
Tumayo na si Vergie. Ako naman ay nilagay muna ang lipstick sa loob ng bag ko bago tumayo. Mahina akong bumuga ng hangin bago pumihit paharap. Saka ko napagtanto na sobrang tangkad pala ng lalaki. Kapag tumabi kami ni Vergie sa kanya, baka hindi kami umabot sa balikat niya.
“K-kayo po ba ang may-ari ng sasakyan, sir?” tanong ni Vergie. Halata sa boses niya na tensyonado siya.
Tinaasan ng kilay ng lalaki ang kaibigan ko. Baka hindi nakakaintindi ng Tagalog kasi halata sa itsura nito na iba ang lahi.
“Englisen mo, girl,” bulong ko sa kaibigan ko.
“H-ha?”
Umikot ang mata ko. Nabingi na sa sobrang kaba. Mas lalo kaming mahahalata kapag hinayaan ko siyang magsalita.
“We saw that there was something written on the vehicle, sir, so we stopped. Probably some students with nothing better to do with their lives. It looks like a girl even wrote it. She said she’s pretty.” Of course, I was lying. The truth about what I said is that the one who wrote it is pretty—and that’s me. Kahit sa pagsisinungaling, hindi ko pa rin mapigilang purihin ang sarili ko.
“Some students, huh?” tila sarkastiko niyang sabi. Blangko ang ekspresyon ng mukha niya, kaya hindi ko masasabing napaniwala ko siya sa sinabi ko. Mayamaya, bumaba ang mata niya sa kamay ko, kaya agad ko itong tinago sa likuran ko. May bakas pa kasi ito ng lipstick ko.
Hinawakan ko ang kamay ni Vergie. Aalis na kami bago pa mabuko na kami ang nasa likod nito. Ako lang pala. “We’re leaving now, sir.” Pinalamlam ko ang mga mata ko nang muli kong tingnan ang nakasulat sa sasakyan. “Whoever owns this car, I hope they catch the person who did this,” sabi ko, na para bang nakikisimpatya sa may-ari ng sasakyan, sabay na hinila si Vergie palayo sa lalaki.
“Hindi ba tayo nahalata?” mahina ang boses na sabi ni Vergie sa akin. Nararamdaman ko pa rin na tensyonado siya kahit nakaalis na kami sa harap ng lalaki.
“I think, yes. You see, hindi man lang tayo tinawag,” kampante na sagot ko.
“You two, young ladies, stop!” Napahinto agad kami ni Vergie at sabay na pumihit paharap sa lalaki. Napalunok na naman ako nang makitang madilim na ang mukha nito. Naramdaman ko na lang na humigpit ang hawak ni Vergie sa kamay ko. “Come with me now—otherwise, I’ll report you to the principal!” puno ng diin niyang sabi. Pakiramdam ko, nag-echo ang boses niya sa paligid.
We are so dead! My pretty face is so dead!