Kabanata 1

1414 Words
"EVELEEN..." Awtomatikong napadilat ng mata ang dalaga nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Harry. Ito na ang nagsisilbing alarm clock niya sa tuwing hirap siyang gumising. Malungkot siyang ngumiti at saka bumangon. Agad siyang naligo at inihanda ang maletang nilagyan niya na ng mga gamit niya kagabi. Itinupi niya ang bagong planstang uniporme na gagamitin niya mamaya pagpasok niya sa St. Montecarlo Academy. Maingat niyang binuhat ang maleta pababa ng hagdan dahil ayaw niyang maistorbo ang tatlong kapatid na mahimbing pang natutulog. "Ma, good morning," bati nito sa inang nagsasaing. "Anak, aalis na ka? Mag-almusal ka na muna," yaya nito. "Hindi na, Ma. Nagka-chat kami ni Tito Paolo. Sabi niya, doon na raw ako kumain sa apartment kung saan ako mamamalagi. Magluluto raw siya ng almusal bago ako pumasok." "Castor, aalis na ang anak mo." Pumasok si Mang Castor sa loob ng bahay at may dalang tinapay para sa anak. "Baunin mo 'to para may kinakain ka habang nasa byahe." Kinuha naman ni Eveleen ang binigay ng ama at nagpasalamat. Nagmano siya sa ama't ina bago magpatuloy sa paglalakad palabas ng kanilang munting tahanan. Nakikita niya mula sa malayo ang dahan-dahang pagsikat ng araw kaya bumaba na siya sa pabundok nilang bahay upang magtungo sa pinakamalapit na sakayan ng jeep papuntang Marikina. Kinse minutos rin ang nilakad niya dahil masyado pang probinsya ang dating ng lugar nila sa Rodriguez, Rizal. Malayo sa kabihasnan ngunit mayroon nang paunti-unting mga tindahan roon. Hindi patag at sementado ang kalsada dahil bundok iyon na napatag lang ang loam soil na lupang pwedeng pagtamnan ng gulay at mga prutas. Malaki ang nabiling lupa roon ni Mang Castor, apat na taon na ang nakakalipas. Paunti-unti ay napapasementuhan na nila ang mga dingding ng kanilang munting tahanan. Ngayon lang sila nahirapan dahil natanggal siya sa trabaho at ang tanging hanapbuhay lang nila sa ngayon ay ang pagtitinda ng gulay. "Bayad po, Tumana isa. Kasasakay lang." Inabot ni Eveleen ang bayad sa konduktor at kinipkip ang backpack na inilagay niya sa harapan. Bayad rin ang maletang inilagay niya sa kanyang tabi kaya doble ang pamasaheng binigay niya. Ilang oras niya ring nasilayan ang mga bahay na nadaanan niya. Pati pagkain sa mga fast food chain na nadadaanan niya ay talaga namang nagpapatunog ng kanyang tiyan. Ilang beses ring natigil ng ilang minuto ang jeep na sinasakyan niya dahil sa traffic. "Tumana!" Idinilat niya ang mga mata sa saglitang pagkakapikit nito dahil sa antok. Naroon na siya sa babaan kaya sumabay na siya sa mga nagsisipagbabaan ng jeep at hinanap ang bahay na katabi ng bilihan ng mga sapatos sa gawing kaliwa pagliko niya. Nakita niya kaagad ang isang puting gate na kasya lang ang isang tao. Bahagyang nakabukas ang pinto ng bahay ibinaba niya na ang bag na kanina niya pa sukbit. "Tao po, Tito Paolo..." malakas na tawag niya habang sinisipat kung may tao sa second floor. May mga halaman din na nakasabit sa grills na katabi ng gate. "Tito Paolo, si Eveleen po 'to..." Hindi nagtagal ay binuksan ng isang lalaking maputi, kulot ang buhok, at medyo may kalakihan ang pangangatawan. Tama nga ang sinabi ni Mama... "Sorry. Galing kasi ako ng kusina. Naghugas ako ng mga plato." Binuksan nito ang gate at kinuha ang maleta ni Eveleen. "Halika, pumasok ka." Sumunod siya sa loob. Nagulat siya sa laki ng bahay. Kasya na silang anim dito kung tutuusin pero dahil ayaw ni Aling Maida, hindi na ito napilit pa ni Paolo. "Maupo ka na muna at ipaghahain kita ng almusal. Kumusta ang byahe mo?" tanong nito. Naupo siya sa sofa at nakatitig sa 32 inches flat screen T.V. na nakabukas dahil nanonood ng balita ang kanyang tiyuhin. "O-okay naman po. Medyo na-traffic lang ako nang kaunti." "Oh heto. Kumain ka na muna." Natakam siya sa inihain nito. Tatlong piraso ng bacon, tatlong hotdog at itlog kasabay ang sinangag. Dahil gutom na gutom na siya sa byahe at naubos niya rin ang tinapay na ibinigay ng ama, agad niyang kinuha ang kutsara at tinidor saka nilantakan ang pagkain. "Eveleen, makinig ka sa mga ihahabilin ko sa 'yo ha? Huwag ka na munang magsalita at kumain ka lang." Tumango siya habang sunod-sunod na sumubo ng kanin. "Sinabi ko na kay Ate Maida na magtatrabaho ka sa restaurant ko. Bale pupunta ka roon pagkatapos ng klase mo, kapag holiday o wala kang pasok, pati Sabado at Linggo. Kung gusto mong umuwi sa inyo, magsabi ka lang sa akin ahead of time para may maipalit ako sa slot mo. "'Yong tungkol naman sa pag-aaral mo, since ako ang nagbabayad ng tuition every semester, wala akong ibang gusto kundi ipasa mo lang ang lahat ng subjects mo. Hindi ko naman hinahangad na mag-Dean's Lister ka kung hindi mo kaya. Basta't pag-igihan mo lang ang pag-aaral para makapasa hanggang sa maka-graduate ka..." Uminom ng malamig na tubig si Eveleen bago sumagot, "Naiintindihan ko po lahat." "Mabuti. Pwede kang magdala ng mga kaibigan dito sa bahay pero pagpaalam ka muna sa akin para kung sakali mang bigla akong pupunta ay alam kong may bisita ka." Nahinto siya sa pagnguya at malungkot na ngumiti. "Wala naman po akong kaibigan kaya asahan ninyong ako lang ang madadatnan ninyo dito sa bahay anong oras man kayo pumunta," malungkot na sabi niya. Napabuntong-hininga si Paolo sa sinabi ng pamangkin. Naibalita sa kanya ng kanyang Ate Maida ang nangyari kay Eveleen bago pa man ito g-um-raduate sa Sta. Cecilla. Kahit siya ay ikinalungkot ang nangyari sa kaibigan ng pamangkin. Masyadong nagiging tuso ang mga kabataan ngayon. Hindi katulad nila dati—napailing siya. Hindi pwedeng ikumpara ang kabataan noon sa kabataan ngayon dahil marami nang nagbago habang tumatagal ang panahon. Pero napakalaki ng naging epekto noon kay Eveleen. Halata niya iyon. Tumikhim ang lalaki at iniba na ang usapan. "Huwag kang mahiya na gamitin ang lahat ng appliances dito sa bahay." Tumayo na si Paolo at kinuha ang belt bag. "Huwag na huwag kang magtipid ng tubig at kuryente. Kung ayaw mo ng mga pagkaing nasa ref, may mga fast food chain na malapit diyan sa labas. 'Yong allowance mo, nandiyan na sa taas ng ref. Kung kukulangin ka dahil sa school activities mo, magsabi ka lang..." "M-maraming salamat po, Tito." "Sige na. Maghanda ka na para sa pagpasok mo sa St. Montecarlo." Naglakad na si Paolo patungo sa may pinto. "Aalis na ako, Eveleen. Mag-ingat ka sa pagpasok." "Tito, bakit ako?" Nahinto ang lalaki sa paglalakad. "Anong ibig mong sabihin?" "I mean...hindi naman po sa ayaw kong pag-aralin ninyo ako, pero bakit po ako? Napalingon si Paolo sa dalaga at naupo sa pinakamalapit na sofa sa may pinto. Huminga muna ito nang malalim saka ngumiti. "Gusto kong makatulong sa 'yo kahit paano, Eveleen. Alam ko kung anong nangyari kay Harry at alam kong sinisisi mo pa rin ang sarili mo sa pagkamatay niya. Gusto kong aliwin mo ang sarili mo sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa akin. "Nanggaling na ako sa ganyang sitwasyon. Magkaiba man ang nangyari sa ating dalawa pero alam ko kung gaano 'yon kasakit..." Napalunok si Eveleen habang nakayuko. Kinagat niya ang dila upang hindi matuloy ang namumuong luha sa kanyang mga mata. Walang araw na hindi niya inisip si Harry at ang pangyayaring nagsisilbing isang napakasamang alaala para sa kanya. "M-maraming salamat, Tito. Salamat at isa kayo sa mga taong naiintindihan ako..." "Mahirap lang tayo, Eveleen. Pero hindi ibig sabihin na hindi natin kayang labanan ang kahirapan. Magsipag ka at magtiyaga. Kapag nakapagtapos ka, nakaparaming oportunidad ang dadating sa 'yo. "Mula ngayon, huwag mong hayaang kayan-kayanin ka ng mga taong nasa paligid mo. Tao lang din naman sila. Hindi nila madadala ang yaman kapag namatay sila, tandaan mo 'yan." Tumango si Eveleen at sinalansan ang pinagkainan. "Oh, siya. Sige na. Maghanda ka na at may pasok ka pa. Huwag mong kalimutang dumaan sa akin mamaya. Nasa tapat lang ng akademya ang restaurant ko." "Sige po, Tito. Salamat po ulit." Pagkatapos ng usapan nila ay tuluyan nang umalis si Paolo. Inilagay ni Eveleen ang pinagkainan sa lababo at kinuha ang mga gamit saka tinungo ang kwarto na tutulugan niya mula ngayon. Napakalaki noon at may sarili nang computer na nakalagay. May mga kabinet din niyang gagamitin para sa kanyang mga damit. May nakahanda na ring plantsa roon at kabayo kung sakali mang gamitin niya iyon para sa kanyang uniporme. Napaupo siya sa napakalambot na kamang iyon habang pinagmamasdan ang paligid. Magbago ka na, Eveleen. Magbago ka para kay Harry...hindi pupwedeng hanggang ngayon ay dala-dala mo pa rin 'yan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD