Kabanata 6

2328 Words
MATAPOS tumunog ang huling bell hudyat na uwian na nina Eveleen, agad na tumayo na ang kanyang mga kaklase kahit na naroon pa ang professor nila at may sinasabi pa. Sa ingay ng mga taong naroon ay hindi niya na narinig pa ang huling sinabi nito habang nagsusulat siya ng notes. Mabilis at naglukumahog ang mga kaklase niyang ilagay ang mga gamit sa bag at ang iba’y lumabas na kahit naroon pa ang guro. “Bakit nagsisipaglabasan na sila?” takang tanong niya kay Tiffany na nagsusulat pa rin katulad niya. “Hay naku. Masasanay ka rin sa mga ‘yan. Binibili kasi ‘yong manners sa kanila. ‘Yong iba naman sa kanila, hindi ganyan dati. Na-udyukan lang ng mga kaibigan sa ibang section kaya ‘yan. Naging ganyan sila. Sanayan na lang din para sa mga teachers kasi wala silang magagawa. Mayayaman ‘yang mga ‘yan at mamatahin lang sila kung sakali man na magsalita sila sa klase.” Katulad rin pala sila ng mga estudyate sa Sta. Cecilla… “Pero hindi lahat ng mayayaman ganyan, ha?” Paglingon ni Eveleen kay Tiffany ay ngumuso ito sa direksyon niya ngunit hindi siya ang tinuturo nito. Sinundan niya ang tingin ng dalaga—patungo iyon kay Janus Kim na katulad nilang dalawa ay nagsusulat pa rin habang ang katabi nitong si Owen ay nakatingin na sa bintana. Hindi niya maiwasang kabahan habang pinapanood niya kung paano magsulat ang binata. Hindi pa siya nakapagpasalamat sa pagtatanggol nito sa kanya kanina sa registrar na lalong ikinabilis ng t***k ng puso niya. Iniisip niya pa lang kung ano ang sasabihin ay nilalamig na ang mga daliri niya at nauutal na. “Oh, huwag mo masyadong tingnan…baka matunaw ‘yan,” panunuksong bulong sa kanya ni Tiffany kasabay ang mahinang pagbungisngis kaya iniwas niya ang tingin at itinuon ang atensyon sa sinusulat niyang malapit nang matapos. Narinig niya ang pagpapaalam ng propesor pagkatapos niyang isara ang notebook. Napansin niyang tapos na rin ang katabi sa sinusulat nito dahil inilabas na nito ang make up kit na nakita niya kaninang umaga. “Gusto mong mag-milktea tayo?” yaya sa kanya ng kaklase. Umiling siya. “Kailangan kong tumulong kay Tito Paulo kasi paniguradong maraming kumakain doon ngayon.” Umismid si Tiffany. “Hmp! Kapag yayayain kita sa susunod, sumama ka, ha? Kung hindi, ako mismo ang magpapaalam sa tito mo para payagan ka.” “Pwede naman.” Tumawa siya. “Sige. Kungsabagay. Bumabalik ‘yong pagka-crush ko sa tito mo no’ng makita ko siya kanina. Grabe, ang gwapo niya pala sa malapitan, ano? I wonder if he already had a girlfriend.” Nagkibit-balikat pa ito. Mapait siyang ngumiti. “Namatayan siya ng partner dahil sa cancer…si Tita Laura. Two years ago yata bago niya itayo ‘yang mini resto niya.” Kahit ang ngiti sa labi ng dalaga ay nawala nang marinig ang balitang iyon. “Ha? Totoo ba ‘yan?” “Oo, eh. Kahit kami nina Mama nagulat din, eh. Ang alam ko pa nga, nakahanda nang mag-propose ‘yon si Tito.” “That’s so sad.” Pinagpatuloy ni Tiffany ang paglalagay ng blush on sa mukha ngunit malungkot ito. “’Yong mini resto na ‘yan or whatsoever na tinatawag nila, plano ‘yan ni Tita Laura. Promise nila ‘yon na kailangan makakapagtayo sila ng kainan na dadayuhin ng mga tao. Kaya may Paulo’s Kitchen.” “Eh, bakit hindi na lang Laura and Paulo’s Kitchen?” “Last wish ‘yon ni Tita Laura. Kung sakali mang hindi siya umabot, huwag ilalagay ni Tito ‘yong pangalan niya para hindi niya maalala ‘yong sakit ng paghihiwalay nilang dalawa.” Nahinto ang dalaga sa paglalagay ng lip liner at sumimangot kay Eveleen. “My God! Naiiyak ako sa kwento mo. Parang kdrama lang!” “Well, totoo namang nangyari ‘to. Nakakalungkot, ‘di ba? Kaya hanggang ngayon, walang jowa ‘yan si Tito kasi hindi pa siya nakaka-move on.” “Understandable ‘yon lalo na’t mahal nila ang isa’t isa.” Napabuntong-hininga si Tiffany. “From now on, doon na tayo kakain sa kainan ng tito mo. Tapos yayain natin ‘yong iba na doon kumain. Malaki naman iyong place ng tito mo kaya kapag may mga groupworks tayo, pwede tayo roon. Bibili nama tayo, eh. At saka, masarap siyang magluto.” “Nagtapos kasi siya ng Culinary Arts kaya ganoon. Salamat sa suggestion mo, Tiff, pero sobra naman iyong effort mo.” “Sus. Wala ‘yon.” Tumayo na ang dalaga at isinukbit ang Gucci Tote Bag nito. “Mauuna na akong umalis, Eveleen. Pupunta muna ako sa Kim Sarang’s para mag-milktea.” “Sige. Mag-ingat ka sa pag-uwi.” Nagmadali na rin siya sa pag-aayos ng gamit. Unang araw niya ito sa pagtatrabaho at kailangan ay maaga siyang naroon. Inilagay niya ang mga gamit sa bag at lumabas na ng classroom. Pagdating niya sa mini resto ay wala pa masyadong tao. Wala rin doon ang tiyuhin niya at iba ang nakapwesto sa counter. Maputi at matangkad na binata ang naroon bilang cashier. Niyakap niya ang bag nang makitang kapareho ng suot niyang uniporme ang karamihan sa mga estudyanteng naroon. Lumapit siya sa binata at nagtanong, “Si Tito ba nandiyan?” “Sinong tito?” Nagsalubong pa ang kilay nito. “Tito ko si Paulo. ‘Yong may-ari ng resto na ‘to. Nandiyan ba siya sa loob?” “Ah, ikaw ba si Eveleen?” Tumango siya bilang sagot. “Halika. Wala pa kasi si Kuya Pau kaya ako muna ang tumao rito. Ako nga pala si Claude Apostol.” Inilahad nito ang kamay at tinanggap niya naman iyon. “Nice meeting you. Saan pala ako magbibihis?” Luminga-linga siya sa paligid matapos nilang makipagkamay sa isa’t isa. “Are you working with me? I mean, are you working here?” hindi makapaniwalag tanong nito. “Oo. Simula ngayon, dito na ako magtatrabaho kay Tito. Kaya ko siya hinahanap kasi hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi kasi kami nakapag-usap kaninang break dahil kasama ko ‘yong mga kaklase ko.” Napalingon siya nang marinig ang pagbubukas ng sliding door. Si Paulo iyon at may hawak na mga pinamili galing palengke. Agad niyang nilisan ang counter at dinaluhan ang tiyuhin upang tulungan sa mga bitbit nito. “Kaya ko na ‘to, Eveleen. Magkita tayo roon sa employee’s room. Naroon ang unipormeng gagamitin mo.” Tumango siya. Nagpaalam muna siya kay Claude bago pumasok sa silid na sinasabi ng tiyuhin. Isang kulay puting plain t-shirt at isang cute na kulay brown na apron ang naroon kasama ang isang slacks na itim nang magbihis siya. Kahit ang close shoes nitong itim ay saktong-sakto rin sa kanya. Nilagay niya sa hanger ang unipormeng lalabhan niya mamayang pag-uwi dahil isa pa lang ang kanyang nabibili. Inayos niya ang pagkakabraid ng buhok niya na hinati sa dalawa. Kahit ang full bangs niya ay sinuklay niya rin bago lumabas ng silid. Nahagip ng mga mata niyang nag-uusap si Claude at ang kanyang tiyuhin sa counter kaya lumapit na siya. “Tito…” Nilingon siya ng mga ito. “Halika rito, Eveleen. Tuturuan ka ni Claude kung paano i-operate ‘tong cash register. Maiiwan ko na muna kayong dalawa dahil magluluto muna ako sa loob. Pagkatapos mong matuto, pwede mo na siyang iwan diyan. Ikaw na muna ang bahala sa lobby. Taga-kuha ka ng orders, taga-kuha ng mga pinagkainan, at taga-punas ng mga mesa. Waitress duties, ganoon lang.” Wala siyang naisagot kundi ang pagtango. Kung tutuusin, hindi masyadong mabigat ang trabaho niya dahil kaunti lang ang taong naroon. Ang magiging problema niya ay kapag sunod-sunod na ang pagdating ng mga customer na kakain. Madali lang matutunan ang pag-take ng order at pag-punch noon sa cash registry kaya matapos niyang sauluhin ang mga detalye, kinuha niya na ang sprayer at malinis na basahan saka kinuha ang isang tray at sinalansan doon ang pinagkainan ng dalawang taong kaaalis lang. “Sinabi sa akin ni Kuya na diyan ka pala nag-aaral?” Nginuso ni Claude ang academiyang nasa tapat nila. “Oo. Si Tito naman ang nagpapaaral sa akin.” “Diyan din ako nag-aaral, eh.” Nanlaki ang mga mata niya. “Mayaman ka?” bulalas pa niya habang nagpupunas ng mga estante matapos ang ilang oras na paglagi niya sa lobby. “Hindi naman. Sakto lang.” Payak pa itong natawa. “Anong year mo na?” “Third year na ako. Sideline ko lang talaga ‘tong pagtulong ko kay Kuya. Napansin ko kasing kulang siya sa manpower lalo na kapag maraming customer dito. Lalo na ngayon na pasukan na ulit. Kahit ‘yong mga mayayamang estudyante eh, pinipilahan ‘tong mini resto niya,” salaysay nito. “Talaga? Ganoon ba kasikat ‘tong resto ni Tito?” “Oo. Naghahanap nga kami ng pwedeng mag-deliver ng weekends, eh. May e-bike kasi ako sa bahay na hindi na ginagamit. Ipapagamit ko sana kaso, wala namang may gusto dahil ayaw niya namang mag-post na hiring siya.” “Marunong akong mag-bike pero hindi ko pa natututunan kung paano mag-e-bike,” excited niyang sabi. Parang gusto niyang kagatin ang trabahong iyon dahil dagdag kita rin habang nag-aaral siya. Gusto niyang makaipon kahit papaano. “Kakausapin ko si Tito tungkol diyan mamaya,” dagdag niya pa. “TARA na. Magsara na tayo.” Lumabas si Paulo mula sa kusina kasama ang tatlo pang nakasunod sa kanya matapos ang dalawang oras na ginugol nila sa pagtatrabaho. “Siya nga pala, Eveleen. Ito sina Monique, Isiah, at Nolan. Kasama ko sila sa loob ng kusina.” Nakipagkamay siya sa tatlong tila ba ilang taon lang ang agwat sa kanya. “Uy, balita namin diyan ka sa St. Montecarlo nag-aaral,” ani Monique sa kanya habang sinasara ng mga lalaki ang roll ups ng kainan. Nasa labas na sila ngayon at hinihintay na lang maisara ito nang mabuti. “Oo. Diyan ako nag-aaral. Si Tito naman ang nagpapaaral sa akin kaya nandiyan ako kapag uwian ko kaya naman, kapag walang pasok.” “Ah, ganoon pala. Kami rin diyang nag-aaral pero half day na lang ang mga pasok namin. Ilang units lang kasi ang kinuha namin para makapagtrabaho kay Kuya Pau.” “Talaga? Fourth year na siguro kayo, ano?” Tumango ang dalaga. “Mahirap kumita ng pera. Ngayon ko lang na-realize ‘yon.” “Galing ka siguro sa mayamang pamilya, no?” Muling tumango si Monique. “Kaming apat, galing kami sa mayamang pamilya. Siguro mga six months mula no’ng itayo ‘tong kainan, nagkakilala kami ni Kuya Pau and the rest is history.” “Kasama n’yo na rin pala noon si Claude.” “Hindi.” Nahinto ang dalaga sa pagsasalita na tila ba sinasala nito ang mga impormasyong pwede niyang banggiti. Napansin iyon ni Eveleen dahil sa pagkagat nito ng labi matapos nitong sagutin ang tungkol kay Claude. “S-si Claude, last year lang ‘yan siya napadpad sa resto pero kami talagang tatlo ang nauna.” Nanahimik na siya at hindi na nagtanong pa, Sakto namang tapos na ang mga lalaki sa pagsasara kaya nilapitan na sila ng mga ito. “Tara na. Sumabay na kayo sa kotse ko,” yaya ni Isiah sa kanila. “Hindi na. naka-bike kami ni Claude. Alam mo na, healthy living muna tayo ngayon,” biro ni Paulo. “Iyan na lang si Eveleen ang isabay mo.” “Naku, Tito. Hindi na po. Dadaan kasi ako sa convenience store. Susubukan ko rin na lakarin ‘to hanggang sa bahay para malaman ko kung ilang minuto ang mauubos ko. Balak ko kasing lakarin na ‘to mula bukas,” aniya. “Naku, huwag mo masyadong career-in ‘yan. Ang layo ng lalakarin mo. Tama na ‘yong nakasakay ka ng bus tapos lakarin mo na lang hanggang doon sa may stop light,” tugon naman ni Nolan sa kanya na nagpatango sa mga ito. “Sige po. Mauuna na ako sa inyo.” Kumaway siya bago tumalikod sa kanilang lahat. Seven thirty pa lang naman ng gabi at napakarami pang naglalakad sa kalsada kaya panatag siyang walang mangyayaring masama sa kanya habang naglalakad. Ngunit kanina niya pa nararamdaman na mayroong matang aali-aligid sa kanya magmula noong mag-isa na lang siyang naglalakad kaya pinakiramdaman niya ang paligid. Sa mataong lugar siya naglakad katulad ng laging bilin sa kanya ng mga magulang. Kung tutuusin, wala namang makukuha sa kanya kahit na holdap-in siya. Hindi niya dala ang perang ibinigay sa kanya ng tiyuhin kanina at iniwan niya ang ATM card niya sa kwarto. Sakto lang ang perang dala niya ngayon para bumili ng kutkutin na kakainin niya matapos magluto mamaya ng hapunan. Hindi rin naman maganda ang cellphone niya na pwede nang ipambato sa tumbang preso. Ilang beses na ‘tong nalalaglag pero ayos pa rin ang screen at nata-touch pa kahit na papaano para lang makatanggap ng tawag mula sa mga magulang. Huminto muna siya sa isang convenience store upang bumili ng isang pack ng Yakult. Matapos iyon ay huminto muna siya sa labas ng tindahan at kinuha ang cellphone sa bag. Binuksan niya iyon at ch-in-eck kung nag-message ba o nag-miss call ang mama niya o papa ngunit wala siyang natanggap. “Ako na lang ang tatawag mamaya.” Muli niya itong inilagay sa bag at nagpatuloy sa paglalakad. Dalawang kanto mula sa bahay na tinutuluyan niya ay nakaramdam na naman siya ng pagtaas ng balahibo kaya patuloy ang pasimpleng paglinga niya sa paligid. Nagmadali siya sa paglalakad lalo na’t madadaanan niya ang posteng walang ilaw. Mas lalo siyang kinabahan dahil hindi na masyadong matao ang lugar na iyon. Halos mapugto ang hininga niya nang biglang may humawak na kamay sa kanyang palapulusuhan. Paglingon niya ay sakto ang pagtakip nito sa kanyang bibig. Biglang umilaw ang poste at nanlaki ang mga mata niya kung sino ang nasa harapan niya ngayon. Ano’ng ginagawa niya rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD