Magkasama kami ni Risca na naglilibot dito sa mansyon. Kahit ayaw ko man siyang kasama ay wala akong magagawa dahil hindi pwedeng maglibot ng mag-isa rito. Mahirap na at baka mawala kami.
Matapos ng nangyari kanina ay iniwan kami ni Aqua sa kwarto at pumunta sa kung saan.
Yung babaeng yon! Hindi man lang sinabi kung saan siya pupunta, paano kung siya naman ang mawala rito?
Kahit nainis ako sa sinabi ni Aqua kanina ay nag-aalala pa rin ako sa kanya.
"Kanina ka pa mukhang tanga riyan, wag ka ng mag-alala ron, di siya matatawag na part ng 7 crowns kung hindi niya kaya ang sarili niya." Sambit ng babaeng kasama ko.
Umirap muna sa akin si Risca bago niya ko unahan sa paglalakad.
Napaismid na lamang ako sa sinabi niya. Yeah, she's right. Malakas si Aqua. Dapat nga ay mas nag-aalala ako para sa sarili ko dahil hindi ko pa alam ang gift ko. At hindi ko pwedeng tawagin si Angel dito dahil malamang ay sira ang buong mansyon nato at wala akong pera pambayad ng kahit anong gamit dito.
"Pst."
Napalingon ako sa likod ko nang may narinig akong sumitsit sa akin. Nilibot ko ang tingin ko dito pero wala akong nakita.
"N-narinig mo yun?-"
Nang humarap ulit ako kay Risca ay para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makitang pader na ang nasa harap ko.
"S-shit." Bulong ko sa sarili.
Dahan-dahan na lang akong napaatras. Wala akong magagawa kundi bumalik sa kwarto namin at sabihin kina Aqua ang nangyari.
Muli akong bumalik sa pinanggalingan ko. Ramdam ko ang sunod-sunod na pagtulo ng pawis dahil kanina pako kinakabahan. Paano kung totoo ang sinabi ni Aqua na haunted ang bahay na ito?
"T-Tangina..."
Napamura na lang ako sa sarili ko nang pangatlong beses ko ng nakita ang isang painting ng babae sa pader. Pabalik-balik lang ako!
Nararamdaman ko ng paiyak nako. Anong gagawin ko? Tawagin ko na kaya si angel? Tapos lumipad kami papalayo at hindi nako babalik sa academy? Para di rin ako ang magbababayad kapag nasira itong bahay!
"Hahahaha!"
Natigil ako sa pag-iisip ng kung ano nang may narinig akong tawa na nanggaling sa isa sa mga kwarto.
Sino yun?
Hindi nako nagdalawang isip pa na lapitan ang pinto na pinanggalingan ng tawa. Ang sabi sa amin ng may-ari ay may permiso kami na pumasok sa kahit anong silid dito sa mansyon.
At isa pa, kung may tao talaga rito ay pwede akong magpasama pabalik sa kwarto namin.
Nang lapitan ko ang pinto ay dahan-dahan ko itong binukas. Bumungad sa akin ang isang kwarto na puro kulay pink ang mga gamit.
"Diba? Ang ganda-"
Napako ang tingin ko sa isang batang babae na nakikipaglaro sa manika niya. Nahinto rin ito ng makita ako.
"S-sino ka?" Nabiglang sambit niya.
Pilit akong ngumiti rito para hindi matakot sa akin ang bata. "Ah, mga bisita kami ng Mommy at Daddy mo." Nakangiting sagot ko.
Tumayo sa pagkakaupo ang bata at lumapit sa akin. "Kayo ba ang maghahanap sa kapatid ko?" Tanong nito.
Napangiti ako lalo sa sinabi niya. "Tama ka! At pangako ko sayo na mahahana-"
"Mawawala rin kayo rito. Lumabas ka na." Walang kaemo emosyong sambit nito.
Natigilan ako sa sinabi ng bata at naramdaman kong tumaas ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Nang tignan ko ito ay seryoso na itong nakatingin sa akin.
Hindi ko alam ang nangyari sa sarili ko dahil hindi ako nagdalawang isip na lumabas ng kwarto.
A-Anong ibig niyang sabihin? Akala ko gusto niyang mahanap ang kapatid niya? May alam ba siya sa misteryo ng bahay na to?-
"Cleofa!"
Napatingin ako sa tumawag sa akin at laking tuwa ko nang makitang si Alvis ito. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nayakap ko siya ng makalapit siya sa akin.
"Thank God Alvis! Akala ko hindi nako makakalabas sa bahay na to!" Halos maiyak na sabi ko sa kanya.
"H-Hey its alright okay? Kanina ka pa namin hinahanap, nakita ni Helix si Risca na umiiyak sa isang sulok. Baka raw kinain ka na ng bahay." Nag-aalalang sagot ni Alvis.
Nawala ang pagkayakap ko kay Alvis at kumunot ang noo ko sa sinabi nito. "H-ha?!"
"Magkasama kayo diba? Nagulat daw siya nang bigla ka na lang nawala sa likod niya."
Naguluhan ako sa sinabi ni Alvis. Nawala ako? Eh si Risca nga ung nawala! Pader ang nakita ko kanina!
"Tara na, hinahanap na tayo ni Aqua." Pag-aya ni Alvis.
Sasama na dapat ako sa kanya sa pag-alis nang maalala ko ang bata. "Teka lang-"
Nang lingunin ko ang kwartong pinanggalingan ko kanina ay para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makitang pader lang ang nandito.
"Bakit Cleofa?" Tanong ni Alvis.
"W-wala. Tara na."
Tuluyan na kaming pumunta ni Alvis sa kinaroroonan nina Aqua. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa nangyari sa akin kanina.
Ano yon? Totoo bang may misteryo talaga ang bahay na to?
Lumabas kami ni Alvis sa mansyon at nakita naming naghihintay sina Risca, Helix at Aqua sa amin.
Bumungad sa akin ang di maipintang mukha ni Helix at si Risca na namamaga ang mata na agad umiwas ng tingin sa akin.
"Tsk. Ang tagal niyo." Giit ni Aqua.
Napatingin ako rito na nakasimangot sa amin.
Saan ba siya nanggaling?! Kanina pako nag-aalala sa kanya tapos susungitan niya lang kami?!
"Mag-impake na agad kayo dahil bukas aalis na tayo." Walang ganang sambit ni Aqua.
Pareho kaming nabigla ni Risca sa sinabi nito samantalang walang reaksyon sina Alvis at Helix na parang inaasahan na nila na sasabihin niya yon.
"H-Ha? Bakit? Susuko na lang ba tayo?" Naguguluhang tanong ko sa kanila. Napabuntong hininga na lamang sa akin si Helix na kinakunot ng noo ko.
"Ano ba tyanak? Wala ka bang tiwala sa akin?"
Mas lalo akong naguluhan sa sinabi ni Aqua.
"I've already found the girl."
•••