Gabi na nang dumating ang mga magulang ng limang magkakapatid. Madalas naman talagang ganito ang tagpo sa bahay nila at masasabing nasanay na sila dito.Mabuti nalang at napapalitan ang kanilang paghihintay ng sigla, dahil madalas may pasalubong ang kanilang mga magulang.
Tutok ang mga ito sa negosyo ng kanilang pamilya. May sarili kasi silang puwesto sa isang sikat na pamilihan sa Parañaque at masasabing higit ang kita nito sa araw-araw nilang pangangailangan. Ito rin ang ikinabubuhay ng mag-anak bago pa man makuha ng kanilang ama ang kaniyang mana mula sa yumaong striktong ama. Mabait ang mag-asawang ito. Bukod sa mapag-alaga sa mga anak, malaki rin ang takot ng mga ito sa Diyos – relihiyoso ika nga nila. Dagdag pa rito, mabubuting mga amo rin sila sa kanilang mga tauhan. Kadalasan pa nga ay nagpupunta ang ilan sa mga ito sa kanilang bahay. Lalo na kung wala ang kanilang mga kasambahay. Sila ang pansamantalang humahalili sa mga gawaing bahay, na kusang loob namang tinatanggap ng mga ito dahil sa maayos na trato ng mag-anak sa kanila.
Dahil sa mga nabanggit na katangian, madalas silang masabihan ng karamihan na larawan daw sila ng isang “Perpektong Pamilya”. Sa katunayan, ito rin ang pakiramdam ng kanilang mga anak.
Nasa sala ang limang magkakapatid na noon ay nanonood ng isang magandang palabas sa TV. Labis ang tuwa ng mga ito nangmarinig na dumating ang sasakyan na lulan ang kanilang mga magulang, weekend naman kaya kampante silang hindi mapapagalitan kahit gising pa sila nang ganoong oras. Dali-dali silang tumayo sa kanilang kinauupuan at nagsiksikan sa harapan ng pintuan upang sumalubong. Syempre, sabik din silang makita kung ano ang pasalubong na naghihintay para sa kanila. Nung gabing yon, bukod sa dalang mga pasalubong, napansin nilang may kasama ang kanilang mga magulang. Isang matandang babae na ipinakilalang bago nilang kasambahay. Bago sa paningin nila ang babaeng ito. Tiyak nilang hindi siya isa sa mga tauhan sa kanilang pamilihan.
"Eto si Aling Elsa, siya ang magiging kasambahay natin pero panandalian lang. Hanggang sa makalipat tayo.",panimula ng kanilang ama pagkapasok sa bahay.
“Kamusta po!”, masayang bati ng mga bata sa bago nilang makakasama sa bahay.
“Maayos naman, salamat…”, sagot ng matanda at binigyan sila ng isang matamis na ngiti.
“Magpapakabait kayo sa kanya ha?”, dagdag naman ng kanilang ama.
Sunod-sunod na pagtango naman ang isinagot ng mga bata sa sinabi ng kanilang ama na tanda ng pagsang ayon sa bilin nito.
“Pagpasensyahan niyo nalang po sila manang kapag makukulit ha?”, singit ng kanilang ina at tinapik ng bahagya ang balikat ng matanda.
“Nako, ayos lang po sakin yun Ate, mukha naman po silang mababait…”, sagot ni Aling Elsa sabay tumitig sa mga bata na tila inuumpisahan nang aralin ang kanilang mga mukha.
Bumaling ang atensyon ng mga bata sa matandang babae matapos nitong sambitin ang salitang yon. Napansin nila ang pagtitig nito sa kanila kung kaya’t ginantihan nila ito ng matamis na ngiti. Ngunit may isang bagay na naglalaro sa kanilang isipan. Kakaiba kasi ang titig ng matanda sa kanila. Hindi naman sa hindi normal pero malisik ang mga mata nito lalo na kung tititigan ka niya ng matagal. May naging kasambahay nadin sila noon na halos kasing edad lang ng nasabing matanda. Pero para sa kanila, mukhang may kakaiba kay Aling Elsa.
Sandaling nawala sa kanilang isipan ang napunang kakaiba sa matanda nang isa-isa na silang ipinakilala dito. Matapos silang ipakilala, dumiretso sila sa sala kung saan inilapag ng kanilang ama ang mga pasalubong para sa kanila. Gaya ng ibang mga bata, tuwang tuwa ang mga ito habang isa isang binubuksan ang laman ng mga supot. Hindi matanggal ang ngiti sa kanilang mga labi dahil tinupad ng mga magulang nila ang mga binilin nilang pasalubong. Madalas kasi silang tumatawag sa kanilang pamilihan tuwing haponupang magbilin ng gusto nilang ipabili. Hindi naman sila ini-spoiled ng kanilang mga magulang. Kung meron man, siguro ang kanilang nakababatang kapatid lang.
Matapos kainin ang mga pasalubong, iniligpit nila ang mga kalat sa sala at isa isang naghanda sa pagtulog.
"Aswang kaya siya?" sambit ni Janeang pangatlo sa magkakapatid habang naghahanda sila sa kanilang pagtulog.
Lima silang magkakapatid na puro babae at halos magkakalapit lang din ang kanilang mga edad, bukod sa bunso nilang kapatid na limang taon ang agwat sa sinundan nito. Kaya naman sama-sama sila sa iisang kwarto. Ito rin kasi ang gusto ng kanilang mga magulang para maging malapit ang loob nila sa isa’t isa, na pabor na pabor naman para sa mga bata. Ang kapatid lang nilang bunso na si Angelica ang nasa kwarto ng kanilang mga magulang dahil kung tutuusin ay baby pa nga ito.
"Ewan ko, pero nakakatakot siya. Parang nanlilisik mga mata niya", sagot ni Chloe, ang pang-apat sa magkakapatid at pangalawa sa bunso.
"Alam ko na, pag tumingin ka daw sa mata ng tao at nakita mong nakabaliktad ka sa mata nila, ibig sabihin Aswang yun!", mabilis na pagpapaliwanag ni Jane.
“Oo nga ate, yan yung sabi dun sa horror na napanood natin nung isang gabi di ba?”, pag sang-ayon naman ni Chloe sa kaniya.
“Oo, subukan mo kaya Chloe?”, pang uudyok nito sa kapatid.
"Ayoko ngang gawin. Mamaya kasi makita kong Aswang talaga siya. Nako, hindi ko alam gagawin ko nun ‘pag nagkataon", takot na sabi ni Chloe.
Isang malakas na tawa naman ang naisagot ni Jane sa biro ni Chloe. Na imagine niya kasi ang magiging reaksyon ng kapatid kapag nangyari nga yun. Malaki pa naman ang mata nito na tiyak mas lalaki pa sa gulat kung mangyayari man ang araw na yun. Agad naman silang nakarinig ng katok mula sa kwarto ng kanilang mga magulang. Isang senyales na pagsasaway at pagsasabi na kailangan na nilang matulog. Narinig kasi nila ang tawa ni Jane kaya alam nilang gising pa ang mga ito.
“Yan kasi, matulog na nga kayo…”, pagsasaway naman ng panganay na si Ara matapos marinig ang katok ng kanilang mga magulang.
“Oo nga, kayong dalawa talaga… Mamaya kami pa mapagalitan sa inyo eh..”, sabat naman ng pangalawa sa panganay na si Sheena.
Nagkatinginan naman ang dalawang bata at tumawa ng walang tunog sabay nag-asaran. Madalas magkasundo si Jane at Chloe sa mga ganitong kwento o usapin. Sila kasing dalawa ang halos magkaedad sa magkakapatid. Matanda lang si Jane ng isang taon at pareho silang mahilig sa mga kakaibang kwento. Gaya nalang ng mga kababalaghan o hindi maipaliwanag na mga pangyayari. Kaya naman, hindi nakakapagtaka na nagkakasundo ang kanilang isipan ngayon sa bago nilang kasambahay. Marami kasi silang kwentong naririnig sa mga ganitong bagay. Dagdag pa dito ang madalas nilang panunuod ng “Magandang Gabi Bayan”, isa itong palabas sa local television na tumatalakay sa mga hindi maipaliwanag na bagay, mgakababalaghan, misteryo at kung ano-ano pa.
Ilang saglit pa at natulog nadin ang dalawang bata. Natulog sila nang gabing yun na may kaunting pagdududa sa katauhan ni Aling Elsa. Sa di malamang dahilan, parang gusto nilang paniwalaan ang kanilang iniisip.