Makalipas ang ilang araw, may natuklasan ang magkakapatid na nakadagdag sa kanilang pagdududa tungkol sa katauhan ni Aling Elsa. Sa isang kaswal na pag-uusap kasi ay narining nila mula sa kanilang ina ang probinsyang pinagmulan ng bago nilang kasambahay. Mula ito sa isang probinsya sa Visayas. Kilala ang probinsyang ito hindi lang sa ganda ng tanawin. Kundi higit lalo sa mga samu’t saring kwento tungkol dito. Mga kwento ng kababalaghan at mga hindi maipaliwanag na bagay gaya nalang ng mga pangkukulam at aswang. Noong mga panahon kasi na iyon, matunog ang probinsyang ito sa mga horror movies. Kaya naman, tumatak ito sa isipan ng mga batang gaya ni Jane at Chloe.
"Hala, sa Capiz?Diba dun galing yung mga Aswang? Napapanood ko yun sa TV eeh." sabi ni Jane.
"Oo nga eh, tsaka alam mo ate, ayaw niya sa bawang!” sagot ni Chloe sa kapatid
“Ha? Pano mo naman nasabi o nalaman yan ha?”
“Kasi, hindi niya nilagyan ng bawang yung niluto niya kanina eh napuna ni mama, ang sabi niya ayaw niya daw kasi!" pagkwekwento ni Chloe.
“Hala! Nakakatakot naman. Dapat pala magpakabait talaga tayo sa kanya!,”, pahayag ni Jane.
“Oo nga eh, lalo na yan si Angelica. Naku! Napakamaldita pa naman nun paminsan. Baka unahin siyang kainin nun eh!”, takot na sabi ni Chloe.
“Ikaw din eh, makulit ka. Naku, wag naman sana.”, sambit ni Jane sabay turo ng kamay kay Chloe na tila nananakot pa.
“Subukan kaya natin siya bigyan ng bawang ate?”, tanong ni Chloe sa kaniyang kapatid na may binabalak na hindi maganda.
“Sige bigyan mo, pero huwag kang tatakbo kapag lumabas na mga pangil niya ha!”
“AAHH.. ate naman eh, nananakot pa!”, natakot si Chloe sa sinabi ng kapatid at kinalimutan nalang ang kaniyang binabalak.
Hindi naman mapigilan ni Jane ang tumawa dahil nainis nanaman niya ang kaniyang kapatid. Ganito kasi sila lagi magbiruan.
Ngunit sa kabila ng mga tawanan na yun, hindi maikakaila na takot na takot ang mga magkakapatid kay Aling Elsa. Lalo pa sa mga nalaman nila tungkol dito. Iniisip nila na baka isang araw, magpalit nalang ito ng anyo gaya ng napapanood nila sa mga pelikula. Paano na lang kung wala silang ibang kasama sa bahay bukod sa matanda? Hindi rin maalis sa isip nila na baka biglang mahati ang katawan nito pagsapit ng hating gabi. Sumagi nadin sa kanilang isipan kung saan maaaring iwan ng matanda ang kalahati niyang katawan kapag nahati ito. Napagplanuhan na nga rin nila kung paano nila lalagyan ng asin ang kabiyak ng katawan nito. Ganito kasi ang mga eksena sa pelikula. Kailangan mong mahanap ang kalahating katawan at sabuyan ito ng asin upang hindi makabalik ang aswang sa kaniyang “taong” pagkatao. Kapag nangyari yun, aabutan ng liwanag ang aswang at tuluyang mamamatay. Nakakatawa lang, dahil masyado ata silang naimpluwensyahan ng mga pelikula at kwento ng kababalaghan. Heto’t ang layo na nang nararating ng kanilang musmos na isipan.
Pero… mukhang nagkamali sila, may iba pala silang dapat na pagdudahan at pagtuunan ng pansin.
Isang umaga, narinig nilang nag-uusap ang kanilang ina at mga kasambahay kasama ang kinatatakutan nilang kasambahay na si Aling Elsa. Mukhang seryoso ang kanilang pinag-uusapan. Bakas kasi sa mukha nila ang pagtataka at pagiging seryoso. Ang hula naman nila, baka may kinalaman ito sa kanilang lilipatan na bahay. Habang nag-uusap kasi, napansin ng mga bata namaya't maya ang tingin ng mga ito sa bahay na nasa harapan lang ng kanilang kasalukuyang tinitirahan.
Ilang araw narin nang makuha nila ang susi sa bahay na yon mula sa may-ari nito. Nagkapirmahan na kasi sila ng kontrata kung kaya’t anumang oras mula noon ay maaari na silang lumipat. Sa katunayan, nagsimula na silang maglinis sa buong kabahayan noong mga nakaraang araw. Ang ilang mga gamit nga na hindi gaanong kailangan ay nailipat na rin nila sa bahay na yon. Gaya nalang ng mesa’t upuan para sa maliit na hardin at isang malaki at pulang swing ng mga bata. Hinihintay nalang talaga ng mag anak ang huling araw ng kontrata nila sa kasalukuyang bahay bago tuluyang lumipat.
"Sino ba ang huling pumunta dun?”
“Sila Julius po ate, nung naglinis sila…”, sagot ng kasambahay na si Lea.
“Baka naman dun na natulog ang Boy natin?", ang may pangambang tanong ng mama nila.
"Hindi po ate eeh, dito po sa sala natulog si Julius eh …", sagot naman nito sa kaniya.
"Asan ang susi? Baka naman kasi iniwan nilang nakabukas kaya may mga nakapasok dun!", ang balik ng kanilang ina.
"Hindi po! Dinoble po namen ang lock nun gaya ng dati", sambit ng kasambahay.
"Pero sigurado po ako! Maraming tao sa bahay na yun kagabi. Kung di ako nagkakamali para silang may pinag-uusapan, parang may pagpupulong", ang panimulang kwento ni Aling Elsa.
"Imposible yun! Kung nakakandado naman pala ang bahay, paanong nangyaring may mga tao dun?", pagtutol naman ng mama nila.
"Bakit po ma? Anong nangyayari?", sabay na tanong ni Chloe at Jane.
"Eto kasing si Aling Elsa, sinasabing may mga tao dun sa bahay na lilipatan natin. Eh nakasara yun at nakakandado pa. Isa pa dito natulog yung boy natin", sagot ng mama nila na may halong pangamba at takot.
"Sigurado ako ate. Nandun sila sa swing ng mga bata. Masinsinan silang nag-uusap. Ang akala ko nga'y mga kakilala ninyo kaya hindi ko na pinuna pa.", nagpupumilit na pagpapaliwanag ni Aling Elsa.
Nagimbal ang dalawang bata sa kanilang narinig. Wala silang kakilala na pwedeng mag-stay sa bahay na yun. Kung may bisita man sila, alam nila na sa kasalukuyang bahay nila iyon patutuluyin. Dahil wala namang kagamitan sa loob ng bahay katulad ng kutson. At isa pa, kailangan pa itong linisin maige dahil matagal itong bakante. Isang taon na sila sa bahay na ‘to pero ni minsan, wala silang nakitang nakatira sa tapat na bahay na kanilang lilipatan ngayon.
"Anong oras mo ba nakita yun?", pagpapatuloy ng mama nila. Nakikinig naman ng mabuti ang dalawang magkapatid.
"Pasado alas dos po ng madaling araw. Malapit nang mag alas tres. Naalimpungatan ako't sumilip sa bintana nang makita ko yun." sagot ni Aling Elsa.
“Imposible”, bulong ng kanilang ina sa kaniyang sarili.
Lalong nakakapagtaka ang huling salitang binitiwan ni Aling Elsa. Ito ang lalong nagpagulo sa isipan ng lahat.
Bisita?
Pagpupulong nang ganoong oras? Sinong matinong tao ang mag-uusap ng ganoong oras sa labas ng bahay? Maliban nalang siguro kung may okasyon. At kung may naganap man tulad ng sinasabi ng matanda, paano? Paanong nakapasok ang mga taong yun sa lilipatan nilang bahay at bakit kailangan na sa bahay pa na yun? Paano nila yun nabuksan? Bakit hindi man lang napuna ng guwardiya ng subdivision ang walang pahintulot na pagpasok ng mga taong iyon?
Maraming tanong ang hindi mahanapan ng sagot ng kanilang ina at mga kasambahay. Katakataka kasi ang pangyayaring iyon. Ngayon lang nila narinig ang ganitong pangyayari sa loob ng tinitirahang subdivision. Dalawang taon na sila sa lugar na yun pero ni minsan, hindi naging kwestyonable ang seguridad ng subdivision. Ngayon lang at sa bagong pa nilang lilipatan.
At higit sa lahat ang patuloy na naglalaro sa isipan nila, mga tao nga ba ang nakita ng matanda? O may mga bagay pa sila na dapat ungkatin para maipaliwanag ang tagpong iyon?