"Bakit kaya hindi siya sumasagot? Busy? Pero Wala naman siya nabanggit sa akin na may lakad siya today," nagtataka na tanong ko habang nakatingin ako sa screen.
Kanina pa ako tumatawag kay Erwin at naka-ilang ring na pero hindi naman niya sinasagot. Nakita ko naman na online siya kaya nagtataka ako. Kapag naman kasi may lakad siya at alam niya na hindi kami makapag-usap ay pinapaalam niya agad sa akin. Kahapon naman ay magkausap kami at wala akong natatandaan na may sinabi siya. Nakakapanibago lang dahil hindi naman siya ganoon. Sa tagal na namin na in a long distance relationship ay nakapag-adjust na kami. Mas naging open kami sa isa't isa kaya nakayanan namin na magkalayo. Hindi madali dahil sa magkaiba ang oras namin pero pinipilit namin ayusin.
"Ma!" masaya na bati ko pagkakita ko sa kanya sa screen.
"Ang aga mo ata tumawag? May problema ba?" nag-aalala na tanong niya at ngumiti ako.
"Si Mama naman, hindi ba ako pwede tumawag sa iyo ng ganitong oras?" kunwari ay nagtatampo na tugon ko at tumawa naman siya.
Maaga nagbubukas ng mini-grocery si Mama dahil sa mga suki niya. Sa lugar kasi namin ay iyon lang ang malaking tindahan na halos kumpleto na. Masaya ako dahil sa paglipas ng taon ay napalago ni Mama ang dati ay maliit na tindahan lang. Malaki ang naitulong noon para sa araw-araw nila na gastusin. Ngayon ay graduate na si Lorena kaya mababawasan na ang gastusin ko. Si Lorenzo naman ay ilang taon na lang at graduate na rin sa kolehiyo. Proud ako sa pamilya ko dahil nagbunga lahat ng sakripisyo ko para sa kanila.
"Kumusta ka naman, Anak? Baka sa sobrang trabaho mo ay napapabayaan mo na ang sarili mo. Lagi mong tatandaan na mas mahalaga para sa amin ang kalusugan mo higit sa ano pa man," sabi niya at napangiti ako.
"Ma, huwag ka po mag-alala dahil hindi ko po pinapabayaan ang sarili ko. Kayo po ang mag-ingat at huwag po ninyo masyado pagurin ang sarili ninyo. Habang wala pang trabaho si Lorena mas mabuti po kung siya na muna po ang magbantay riyan para po makapag pahinga ka," tugon ko.
"Okay lang ako at saka mas lalo lang ako makaramdam ng pagod kapag walang ginagawa. Alam mo na kapag nagkaka-edad mas madaling ma bugnot. Libangan ko na rin ang pagbabantay dito kaysa tumambay lang ako sa bahay," katwiran niya at umiling ako saka ngumiti.
"Ikaw po ang bahala Ma, Basta kapag nakaramdam ka po ng pagod ay magpahinga ka po," bilin ko sa kanya at tumango siya.
"Sige na Ma, tatawagan na lang po ulit ako mamaya," paalam ko sa kanya ng marinig ko na may mga bumibili.
"Okay, bye." kumakaway na sabi niya at pinatay ko na ang video call.
Sinubukan ko ulit tawagan si Erwin pero hindi pa rin siya sumasagot. Nag-iwan na lang ako ng message sa kanya para sabihin na lalabas ako at mamaya na lang kami mag-usap.
"Jho, sabi ni Sam hindi ka na raw mag-renew ng contract?" tanong ko kay Josephine habang nagtulak ako ng cart.
Nagkataon na sabay ang day-off namin kaya inaya ko siya na pumunta sa Mall para mag-grocery. Sa isang building lang kami nakatira pero magkaiba ng floor. Si Carla ang kasama niya sa kwarto dahil pareho sila ng department. Sa aming apat si Josephine ang tahimik at seryoso. Kahit na magkasing-edad kaming apat pero kung magsalita, kumilos at mag-isip ay parang mas matanda pa siya sa amin. Siya ang madalas na hinihingan namin ng payo.
"Oo, hindi na ako pumirma dahil may kailangan akong asikasuhin sa Pilipinas. Hindi ko alam kung maayos ko iyon agad kaya mas pinili ko na huwag na mag-renew. Naisip ko na lang din na mag-business tutal may naipon na naman ako. Nakuha ko na rin ang share ko sa pinagbentahan ng lupa namin. Bahala na pagdating ko ng Pinas," tugon niya at nalungkot ako sa binalita niya.
"Tungkol ba sa Ex mo?" tanong ko.
"Tungkol din sa kanya at sa iba pang bagay," pilit ang ngiti na tugon niya.
Kahit hindi niya sabihin ay nararamdaman ko na mahal pa rin niya ang ex-husband niya. Matagal na silang hiwalay pero mukhang hindi pa rin siya naka-move on. Sinabi naman niya sa amin noon na mahal na mahal niya iyon kahit na babaero. Tiniis nga raw niya ang mga panloloko dahil ayaw niya mawala sa kanya. Dumating lang talaga siya sa punto na hindi na niya kayang tanggapin kaya nakipaghiwalay na siya. Mabuti na lang daw at wala silang anak dahil kung mayroon baka hindi siya nakipaghiwalay.
"Ikakasal na ulit siya kaya kailangan namin pag-usapan ang mga property namin noong magkasama pa kami," sabi niya at kita ko ang lungkot sa mukha niya.
"Hindi naman sa apektado ako dahil magpapakasal na siya pero naiinis ako sa sarili ko. Naka-move on na siya sa buhay niya samantalang ako takot na takot makipagrelasyon. Isipin ko pa lang na papasok ako sa isang relasyon pakiramdam ko ay hindi iyon tatagal. Hindi ko na ata kaya magtiwala sa isang lalaki. Ang tagal na pero iyong trauma na pinaramdam niya sa akin hanggang ngayon ay dala ko pa rin. Sobra ko kasi siya minahal na hindi ako nagtira sa sarili ko. Ang ending I was left with an empty heart. Sana lang talaga nagbago na siya," malungkot na sabi niya at nilapitan ko siya para yakapin.
Hindi ko masabi sa kanya naiintindihan ko ang nararamdaman niya dahil hindi ko pa naman naranasan. Hindi ko tuloy maimagine kung ano ang mangyayari kapag ginawa iyon sa akin ni Erwin. Baka hindi ko kayanin kung sakali na mangyari iyon at mabaliw ako. Sa tagal ba naman ng pinagsamahan namin at dami ng pagsubok na nalampasan namin. Hindi ko alam kung kaya ko bang magbigay ng second chance kung sakali man.
"Mahahanap mo rin ang lalaki para sa iyo. Ang lalaki na magparamdam kung gaano ka kahalaga. Mamahalin ka ng buong-buo at hindi ka sasaktan. Naniniwala ako na darating din siya. Mabuti kang tao kaya deserve mong sumaya at mahalin," nakangiti na sabi ko habang hinihimas ang likod niya.
"Ayaw ko umasa pero kung dumating nga siya ay magpasalamat ako kay God," nakangiti na tugon niya ng maghintay kami sa pagkakayakap.
"Ikaw? Mag-renew ka pa ba?" balik tanong naman niya sa akin at tumango ako.
"Biruin mo nga naman kung sino pa ang nagsabi at nag-plano na hindi mag-renew ay siya pa nga ang mag-stay," natatawa na sabi niya at napangiti ako.
"Napag-usapan kasi namin ni Erwin na hindi pa sapat ang naipon namin para umuwi ako. Gusto niya na bago ako tumigil ay nakatayo na ang Restaurant namin. May katwiran naman siya dahil kung uuwi ako kailangan ko maghanap ng trabaho roon para hindi mabawasan ang ipon namin. Okay na rin iyon dalawang taon na lang naman at ang mabilis lang ang panahon," paliwanag ko.
"Kailan naman ang kasal?" tanong niya at huminga ako nang malalim.
"Pag-usapan pa namin pagdating niya rito," sagot ko at napatingin siya sa akin.
"Pagdating rito?" paglilinaw niya at ngumiti ako.
"Hindi kasi ako uuwi para magbakasyon dahil napagkasunduan namin na siya ang pupunta rito. Gusto niya na makarating dito at para masulit naming dalawa ang bakasyon ko," excited na sabi ko.
"Alam na ba nila?" tanong niya at umiling ako.
"Hindi pa Sis pero siguro naman ay maintindihan nila ako. Gusto ko rin naman na kasi sulitin ang bakasyon ko na kasama siya. Ilang taon din kami magkahiwalay at kapag umuwi ako ng Pinas nahahati ang oras ko. Isa rin sa pangarap namin ang magbakasyon abroad kaya chance na namin ito," paliwanag ko at tumango-tango siya.
"Kasama naman talaga iyon sa plano namin hindi pa nga lang namin napag-usapan kung kailan," sagot ko.
"Kung sigurado ka na talaga sa kanya at ganoon din siya sa iyo bakit kailangan patagalin pa ninyo? Ilang taon na rin naman kayo at iyon na lang ang kulang. Kung iniisip naman ninyo ang gastos pwede naman kahit civil wedding," sabi niya.
Sobra kaming naging komportable kaya hindi namin napag-usapan ng maigi ang tungkol sa kasal namin. Hindi pumasok sa isip namin na pwede nga naman kami magpakasal kahit civil lang. Masyado kasi kaming naka-focus sa goal namin kaya hindi namin nabigyan ng priority ang bagay na iyon. Hindi ko nga namalayan na thirty five na ako dahil sa bilis ng panahon.
"Ano ba ang gusto mo?" tanong niya at napatingin ako sa kanya.
"I mean, sa kasal mo? Hindi naman sa sinasabi ko na madaliin ninyo. Mas maganda pa rin naman kung sa simbahan kayo ikakasal. Sabi nga nila minsan lang iyon mangyayari sa buhay mo kaya dapat ay paghandaan," sabi niya at napangiti ako.
"Alam mo Jho, noong hindi ko pa nakikilala si Erwin wala na sa isip ko ang mag-asawa o magkaroon ng pamilya. Tumatak kasi sa isip ko ang nangyari sa mga magulang ko. Nagkaroon ako ng takot na baka ganoon din ang mangyari sa akin. Mahal na mahal nila ang isa't isa pero dumating sa punto na bigla na lang nawala iyon. Sabi ni Papa si Mama raw ang sumuko sa kanila. Lumayo siya para magkaroon sila ng space at makapag-isip pero hindi niya inaasahan na makahanap agad si Mama ng kapalit. Sa tingin ko mahal pa rin ni Papa si Mama kaya hindi na siya nag-asawa ulit. Hindi naman ako naghahangad ng magarbo na kasal dahil ang mahalaga sa akin ay makasama ko ang taong mahal ko," nakangiti na tugon ko.
"Ano naman ang gusto ni Erwin?" tanong niya.
"Siya ang may gusto ng magarbong kasal. Iyon din ang madalas sabihin ng magulang niya sa amin kaya nga lagi nila sinasabi na pag-ipunan namin. Syempre solong lalaki siya at iyon ang inaasahan ng magulang niya. Wala naman kaso sa akin dahil sabi ko sa kanya kahit saan pa kami ikasal basta siya ang pakakasalan ko," sagot ko.
"Nakakainggit naman," nakangiti na sabi niya at napangiti rin ako.
"Ang swerte ko sa kanya dahil nasa kanya na lahat ng hinahanap ko. Matagal na niya napatunayan sa akin na siya ang lalaking makakasama ko hanggang pagtanda ko," nakangiti na banggit ko at napansin ko na bigla naging malungkot ang ekspresyon ng mukha niya.
"Kung mag-renew ka pa meaning dalawang taon ka pa ulit dito. Paano kayo magpapakasal? After two years pa at pagkatapos ninyo ikasal saka pa lang kayo gagawa ng baby?" tanong niya at saglit ako natigilan.
"Paano nga ba? Kung dito naman kami magpapakasal ay maasikaso ba namin agad? At kung sakali nga na makasal kami rito dalawang taon pa bago ako makauwi. Dalawang taon meaning thirty seven na ako that time. Mabuntis pa kaya ako sa ganoong edad ko?" mga tanong sa isip ko at bigla ako nakaramdam ng takot.
"Sa tingin mo mabuntis pa ako kung thirty-seven na ako?" may alinlangan na tanong ko at napatingin siya sa akin.
"Bakit naman hindi? Wala ka naman siguro diperensya para hindi mabuntis although sabi nga nila malaking factor ang edad para mahirapan ang isang babae na mabuntis. Kami nga ilang taon kami nagsama pero hindi kami biniyayaan. Lumalabas tuloy ngayon ako ang may diperensya kasi buntis na ang babaeng pakakasalan niya. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit hindi nag-work ang relationship namin," paliwanag niya at huminga ako nang malalim.
Naisip ko tuloy na baka sa sobrang focus namin sa ibang bagay ay hindi na namin nabigyan ng priority ang magiging buhay namin. Dahil siguro bata pa siya kaya never pa namin napag-usapan ang tungkol sa future namin bilang mag-asawa. Mahilig si Erwin sa bata pero hindi ko matandaan kung napag-usapan ba namin kung ilan ang gusto namin na anak. Pakiramdam ko tuloy ay naghahabol ako ngayon sa oras dahil sa edad ko.
"Huwag ka masyadong mag-isip tungkol sa bagay na iyan. Pwede naman ninyo pag-usapan para hindi ka ma-stress. Tandaan mo kung talagang mahal ka niya Yvez hindi magiging issue sa kanya kung mabuntis ka man o hindi. Hindi magbabago ang nararamdaman niya para sa iyo. Mamahalin ka niya with or without a child. Kung sakali man na hindi ka na mabuntis marami pa namang paraan," sabi niya para mapanatag ang kalooban ko.
Hindi ko alam kung nakatulong ba ang mga sinabi niya dahil ang daming tumatakbo sa isip ko. Kung gusto namin magkaroon ng anak ay kailangan pag-usapan namin iyon agad. Dapat ay mapag-usapan namin ng mabuti kung ano ba talaga ang plano namin bilang mag-asawa at para sa magiging pamilya namin.