"Kumusta ka na, Mahal? Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya.
Day off ko ngayon kaya mahaba ang oras na pwede ko makausap ang boyfriend ko na si Erwin. Nag-uusap naman kami araw-araw pero hindi naman matagal dahil na rin sa ilang oras na diperensya. Noong una ay nahirapan kami mag-adjust dahil nasanay kami na laging magkasama. Para na nga kami nag-live in noon dahil madalas siya mag-stay sa apartment ko. Sa loob ng ilang buwan ay walang araw na hindi kami nag-aaway dahil hindi nagtutugma ang oras na pagkikita naming dalawa. Nasanay kasi siya na kapag tumatawag ay agad ko sinasagot. Anytime na gusto niya ako kausapin ay tatawagan niya ako kahit anong oras na gusto niya. Sa paglipas ng panahon ay nakapag-adjust na rin kaming dalawa. Mahirap para sa akin ang malayo sa mga taong mahal ko pero kailangan ko mag-sacrifice para sa future ko pati na rin sa kanila.
"Okay naman ako Mahal. Katatapos ko lang kumain. Ikaw, kumusta ka naman?" tanong niya at huminga ako nang malalim.
Kahit hindi ako okay ay hindi ko iyon pinapakita o pinapaalam kay Erwin dahil ayaw ko siya mag-aalala. Kahit sa pamilya ko kapag kausap ko sila hanggang maari ay gusto ko ipakita na ayos lang ako. Alam ng mga kaibigan ko kung gaano ako nahirapan. Sila ang naging sandigan ko sa mga oras na nalulungkot ako at nangungulila.
"Okay din naman ako Mahal, busy sa kitchen as always pero okay naman," tugon ko at tumango-tango siya.
"Mahal, okay ka lang ba talaga? Para kasing hindi ka okay. May problema ba?" nag-aalala na tanong ko sa kanya.
Mula nang mag-appear siya sa camera ay napansin ko agad na may kakaiba sa kanya. Usually naman ay nakangiti at masigla siya pagbungad sa camera. Ngayon ay malungkot ang mga mata niya at namumutla kaya naman nag-aalala ako sa kanya.
"May sakit ka ba, Mahal? Masama ba ang pakiramdam mo?" nag-aalala na tanong ko pa sa kanya dahil hindi pa siya sumasagot sa tanong ko.
"Medyo masama nga Mahal ang pakiramdam ko kasi ang dami namin schedule nitong mga nakaraang araw, " tugon niya at nakaramdam ako ng lungkot.
Catering Services ang family business nila at katulong ng parents niya ang dalawa pa niyang nakakatandang kapatid. After niya makatapos ng college ay tumulong na rin siya. Mataas ang expectation ng lahat sa kanya dahil nag-iisa siyang lalaki kaya expected na siya ang magpatuloy ng business nila. Kilala na ang Catering Services nila dahil sa masarap na pagkain, maayos at maganda na serbisyo. Mabait ang pamilya ni Erwin at kahit alam nila na malaki ang agwat ng mga edad namin ay hindi naman nila kami pinaghiwalay. Hindi naman sila tumutol kahit pa nga may alinlangan sila. Tinanggap nila ang relasyon namin dahil pinakita namin sa kanila kung gaano namin kamahal ang isa't isa. Naging tampulan siya ng tukso ng mga kaibigan niya pero hindi siya nag paapekto. Marami akong naririnig na masasakit na salita dahil sa agwat ng edad namin at sa paglipas ng panahon ay balewala na iyon sa akin. Kasing edad ko ang ikalawang kapatid niya at wala naman problema sa kanila iyon.
"Ganun ba, Mahal? Kung nandiyan lang sana ako para alagaan ka. Naisip ko tuloy na huwag na mag-renew ng contract. Uuwi na lang ako Mahal at mag-stay na ako diyan kasama ka. Tutal naman ay may ipon na tayo pwede na natin gamitin iyon na panimula. Kahit hindi na muna masunod iyong dream Restaurant natin Mahal," sabi ko at napatingin siya sa akin.
"Akala ko ba isang kontrata pa, Mahal? Kulang pa ang ipon natin at sigurado na mahihirapan lang tayo na matapos iyon kung nandito ka rin. Hindi naman sa ayaw ko na umuwi ka na pero malapit na natin matupad ang mga pangarap natin. Gusto ko kapag tumigil ka na ay tapos na natin iyon. Mahal matagal na natin plano ang restaurant at kaunti na lang ay matutupad na natin iyon. Konting tiis na lang Mahal, dalawang taon na lang naman at okay na ang lahat," sabi niya at saglit ako natigilan.
Nagulat ako sa mga sinabi niya dahil six months ago ay lagi niya sinasabi na ayaw na niya ako mag-renew. Araw-araw niya sinasabi na mas okay kung magkasama kaming dalawa habang pinapagawa namin ang Restaurant. Nag-suggest pa nga siya na pwede kaming manghiram ng pera sa Mama niya in case na magkulang kami. Siya pa nga ang may sabi na sapat na ang naipon namin. Hindi ko alam kung bakit bigla nagbago ang isip niya. Hindi ko tuloy maiwasan na mag-alala dahil iba ang nararamdaman ko ngayon. Ayaw ko magduda o mag-isip ng hindi maganda dahil may tiwala ako sa kanya.
"Huwag mo isipin Mahal na ayaw kita makasama dahil sobrang miss na miss na kita kung alam mo lang. Ayaw ko lang mapunta sa wala ang mga sakripisyo mo para sa pangarap natin. Importante sa akin na matupad natin iyon dahil iyon ang simula ng iba pa natin mga pangarap. Mahal na mahal kita Yvez at lagi mo iyon tandaan. Kahit ano ang mangyari ikaw lang ang babae na gusto ko makasama hanggang sa huling araw ng buhay ko. Ikaw ang buhay ko at hindi ko kakayanin na mawala ka sa buhay ko," paliwanag niya at napangiti ako dahil ramdam ko ang pagmamahal niya.
Bigla akong nakaramdam ng guilt dahil pinag-isipan ko pa siya ng masama samantalang gusto lang niya maging okay ang lahat. Sa ilang taon na pagsasama namin ay never siya nagloko. Hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na pagdudahan ang pagmamahal niya sa akin.
"Okay Mahal, para sa pangarap natin ay gagawin ko ang lahat. Mahal na mahal rin kita Erwin at lahat ng ito ay para sa kinabukasan natin. Ikaw din ang buhay ko at hindi ko rin kakayanin na mawala ka," sabi ko at ngumiti siya.
"Kumusta na nga pala sina Mama? Sinamahan mo pala si Lorena doon sa job interview niya?" tanong ko at saglit siya natigilan.
Simula ng umalis ako kay binilin ko kay Erwin ang pamilya ko. Malapit siya sa pamilya ko lalo na sa mga kapatid ko. Kapag may mga kailangan sila at hindi nila ako makontak ay siya ang nilalapitan nila. Pamilya na ang turing nila kay Erwin at nakita ko na ganun din naman siya sa kanila. Si Lorena ang ikalawang kapatid ko sa mother side ko. Sampung taon ang agwat ng edad namin at sobrang spoiled siya sa akin dahil sabik na sabik ako na magkaroon ng kapatid. Malambing at mabait na kapatid si Lorena kaya kahit ano ang gusto niya basta kaya ko ay binibigay ko. After ilang years ay na buntis ulit si Mama. Si Lorenzo ang bunso ko na kapatid at marami ang nagsasabi na siya ang boy version ko. Madalas ay napagkamalan na mag-ina kami kapag kasama ko siya.
"Okay naman sila," simpleng tugon niya at nakatingin ako sa kanya hinihintay ang kasunod pa niya sasabihin.
"Ano ang nangyari sa interview ni Lorena? Natanggap ba siya? Ilang araw ko na kasi siya tinatawagan pero hindi naman siya sumasagot. Kapag tumatawag naman ako kina Mama ay lagi siyang wala roon," sabi ko.
"Hinatid ko lang siya roon. Ang sabi kasi niya huwag ko na siya hintayin dahil may iba pa siya pupuntahan pagkatapos," sagot niya at tumango-tango ako.
"Sino raw, Mahal? Sinabi ba niya kung sino? Baka naman boyfriend niya," nakangiti na sabi ko.
"Ewan ko," yamot na sagot niya saka umiwas ng tingin.
"Baka nga may boyfriend na siya kasi lagi siya wala sa bahay. Nasa edad na rin naman siya at saka ang usapan naman talaga namin paka-graduate niya ay pwede na siya mag-boyfriend," sabi ko.
"Mahal, favor naman pwede mo ba siya bantayan? I mean, kilalanin mo iyong boyfriend niya kung karapat dapat ba siya kay Lorena o hindi. Okay lang naman sa akin pero syempre nag-aalala pa rin ako kasi baka saktan lang niya ang kapatid ko o kaya pagsamantalahan dahil bata pa siya," pakiusap ko at huminga naman siya nang malalim.
"Malaki na siya Yvez at hindi na bata para bantayan pa. Akala mo lang ay bata pa siya na kailangan bantayan pero nagkakamali ka. She is not what you think she is," halatang irita na sagot niya at nagtaka ako.
"Nag-away ba kayo ng kapatid ko? Ano ba ang ginawa niya sa iyo at parang galit ka sa kanya? Close naman kayo before Mahal bakit biglang ganyan ka sa kanya," nagtataka na tanong ko sa kanya at umiling siya.
Close si Lorena at Erwin pero minsan may pagka-isip bata ang kapatid ko kaya hindi maiwasan na maiinis ang binata. Hindi na bago sa akin ang tampuhan nila pero ngayon ko lang nakita na ganoon si Erwin kay Lorena. Kita ko sa mga mata niya na galit na galit siya at parang ayaw niya pag-usapan ang kapatid ko.
"Hindi naman ako galit sa kanya. Alam mo naman ang ugali niya at hanggang ngayon ay parang isip bata pa rin siya. Wala siyang pakialam sa ibang tao basta gagawin niya ang gusto niya. Ang tigas ng ulo niya at hindi nakikinig sa ibang tao. Akala niya ay makuha niya palagi ang lahat ng gusto niya," frustrated na tugon niya at saglit na gulat ako.
"Mahal, malaki na si Lorena at sabi mo nga nasa tamang edad na siya. Hindi na siya iyong Lorena na inaalagaan mo noon. Hayaan mo na lang siya at sarili mo naman ang isipin mo. Lagi na lang kalagayan nila ang iniisip mo dapat ngayon sarili mo naman ang isipin mo. Hindi ko sinasabi na pabayaan mo sila pero kung tutuusin ay matagal ng tapos ang obligasyon mo sa kanila. Sobrang dami ng binigay mo sa kanila na hindi na dapat. Mahal na mahal kita Yvez, hinding-hindi kita iiwan at pababayaan," sabi niya.
"Pamilya ko sila Erwin at alam mo naman na mahalaga sila para sa akin. Mula pa noon ay alam mo naman na gagawin ko ang lahat para sa kanila. Mahalaga at mahal kita Erwin katulad din ng pagmamahal ko sa kanila. Hayaan mo na lang si Lorena magbabago rin siya," paliwanag ko sa kanya at huminga ulit siya nang malalim saka umiwas nang tingin.
"Ngayon na nga lang tayo nag-uusap ng matagal mag-tatalo pa ba tayo, Mahal?" malambing na tanong ko sa kanya at lumambot ang ekspresyon ng mukha niya.
"Sorry Mahal," sabi niya at nakangiti na tumango ako.
"Mag-file na lang ako ng bakasyon para naman makasama na kita Mahal," sabi ko.
"Mahal, ano kaya kung ako naman ang pumunta riyan sa bakasyon mo? May sariling ipon naman ako na pwede ko gamitin para magbakasyon diyan. At saka para makarating naman ako diyan, Mahal. Ano sa palagay mo?" tanong niya at napaisip ako.
Okay din naman ang suggestion niya kaso naisip ko ang pamilya ko. Kung siya ang magbakasyon dito hindi ko sila makakasama. Mas pabor sana kung uuwi ako dahil makakasama ko silang lahat.
"Mahal please, para naman magkaroon tayo ng time para sa isa't isa. Ngayon lang kita masosolo sa bakasyon mo kaya sana naman ay pagbigyan mo ako. Kung ang iniisip mo ay ang gastusin natin ako na ang bahala sa lahat. Ang gusto ko lang naman ay makasama ka sa buong bakasyon mo. Ito na ang pagkakataon natin na mamasyal sa ibang bansa na pangarap natin noon pa," pangungumbinsi niya at napaisip ako.
Pangarap naman talaga namin noon na mag-travel na magkasama. Hindi namin iyon nagawa dahil abala kami sa pagiipon. Maraming kaming sinaalangalang dahil sa mga pangarap namin. Hindi naman siguro masama kung magbakasyon kami katulad ng gusto niya. Maintindihan din naman ng pamilya ko kung hindi muna ako makakauwi para makasama sila.
"Okay Mahal, mas maganda nga siguro kung ikaw naman ang pumunta rito para magbakasyon. Pero paano pala si Tita? Okay lang ba sa kanila na mawala ka ng ilang linggo?" alanganin na tanong ko sa kanya dahil naalala ko ang business nila.
"I think they won't mind Mahal kasi ikaw naman ang kasama ko. I have been working so hard and I deserve to have a vacation," katwiran niya at napangiti ako.
"Sasabihin ko agad sa iyo Mahal kung kailan ma approve ang vacation leave ko. Kapag na set na ang date saka tayo magpa-book ng ticket," excited na sabi ko.
Ilang buwan pa naman ang bakasyon ko pero excited na ako. Hindi na ako makapaghintay na makasama siya dahil miss na miss ko na ang boyfriend ko. Pagkakataon na nga talaga iyon para sa aming dalawa. Sa tuwing nagbabakasyon ako ay hinahati ko ang oras ko sa kanya pati na rin sa pamilya ko at mga kaibigan.
"Excited na ako mayakap at makasama ka Mahal," hindi mawala ang ngiti sa labi ko.
"Ako rin sobrang excited na. Basta tandaan mo Yvez na mahal na mahal kita at ikaw lang ang babaeng gusto ko makasama hanggang sa huling hininga ko. Hindi ko kakayanin ang mawala ka sa buhay ko. Ano man ang mangyari at dumating na problema sa atin ay huwag natin bibitawan ang kamay ng isa't isa," emosyonal na sabi niya at na touch naman ako dahil miss na miss na niya ako.
"Mahal na mahal din kita at pangako ikaw lang. Walang makapaghihiwalay sa atin dahil ikaw lang ang lalaki na gusto ko makasama sa pagtanda," tugon ko at ngumiti siya.