JERRY
Madalas kaming magpunta ni Nanay Belinda sa bahay nina Sandy dito sa Quezon, Province noong bata pa ako. Nagdadala kami palagi ng kakanin sa bahay nila dahil mahilig gumawa ng kakanin si Nanay. Matalik na magkaibigan si Nanay at ang ina ni Sandy na si Tita Maricel. Wala na akong ama dahil namatay ito sa sakit na cancer.
Halos araw-araw nagkukuwentuhan ang mga ina namin ni Sandy at minsan pa nga ay si Sandy naman ang isinasama ni Tita Maricel noon sa bahay namin. Noon pa ma'y mahiyain na ako lalo kay Sandy pero madalas niya akong kausapin hanggang sa naging komportable na akong makasama siya.
Naging malapit kami ni Sandy sa isa't isa at minsan pa nga ay nagkikita na lang kami sa labas ng bahay para maglaro at maligo sa ilog. Nasa elementarya pa kami noon hanggang sa mag-high school ay kami lang dalawa ang palaging magkasama lalo kapag sasapit ang bakasyon.
"Huwag ka ng magsuot ng ganyang kaiksing shorts," sabi ko habang naliligo kami sa ilog. Nahihiya ako at hindi masyadong makatingin sa kanya. Hindi ko na talaga matiis na hindi sabihin dahil mahalaga na siya sa akin. Ayoko kasing pinagtitinginan siya ng mga lalaki.
"Bakit, hindi bagay?" tanong niya atsaka napakagat sa ibabang labi niya at hindi ko maiwasang mapalunok ng laway. Ewan ko, habang nagdadalaga siya, may kakaiba akong nararamdaman na hindi aware si Sandy, at hindi ko maiwasang kabahan.
"Hindi sa ganun, paano'y ang daming tumitingin sa'yo eh napapatingin sa mga hita mo," pagtatapat ko at nahihiya ako sa sinabi ko. Huwag sana niyang masamain, nag-aalala lang naman ako sa kanya.
"Ano'ng paki nila, hindi naman mahalay 'tong suot ko at isa pa, hindi naman ako mag-pa-pants sa ilog noh," natatawa pa niyang sabi. Okay, baka ang OA ko lang talaga pagdating sa kanya.
"Bahala ka," sabi ko na lang.
Habang tumatagal, dumarami ang nagkakagusto kay Sandy at lalo akong kinakabahan sa nararamdaman ko. Hindi ko maintindihan.. hindi ko mawari.
"Jerry, tara maligo sa ilog bukas. Nagpaalam na ako kina Mama at Papa, pumayag sila nung sinabi kong ikaw ang kasama ko," sabi ni Sandy dahil ilang linggo na rin nung huli kaming naligo sa ilog na palagi naming pinupuntahan.
"Ah, eh hindi ako puwede. Marami akong assignments," pagdadahilan ko. Ilang beses na akong tumanggi kay Sandy at alam kong napapansin na niya iyon.
"Iniiwasan mo na ako?" malungkot na tanong niya sa akin at hindi ko maiwasang makonsensiya.
"Hindi, marami lang talaga akong gagawin," sabi ko na lang. Alam kong iba na 'tong nararamdaman ko para kay Sandy pero ayokong aminin sa kanya.
"Okay," iyon lang ang sinabi niya atsaka niya ako tinalikuran.
Ilang beses noong pumupunta si Nanay sa bahay nina Sandy na hindi na ako kasama. Sinasabi ko na lang na sabihin ni Nanay na busy ako kapag kinamusta ako doon nina Sandy hanggang sa may nabuo ngang gap sa pagitan naming dalawa. Hindi na rin sumasama si Sandy sa Mama niya kapag nagpupunta sa bahay namin noon.
Kay Sandy ko lang naramdaman ang ganung klase ng paghanga sa isang babae. Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero bigla akong kinabahan noon. Hindi ko sinasadyang mahulog kay Sandy. Siya lang ang matalik kong kaibigan pero hindi ko napigilan ang nararamdaman kong pagkagusto sa kanya noon.
Dumating kasi noon ang araw na naiilang na akong makipag-usap sa kanya. Bawat titig niya, lumalakas ang t***k ng dibdib ko. Sa tuwing makakasama ko siya, lalong lumalala ang paghanga ko sa kanya. Nagkagusto ako kay Sandy pero wala akong lakas ng loob na sabihin sa kanya at isa pa, mga bata pa kami noon.
Lumipas ang mga araw at linggo noon na nasanay na akong iniiwasan siya. Marahil nagtaka siya hanggang sa lumayo na nga ang loob niya sa akin. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, bakit hindi ko naamin sa kanya ang nararamdaman ko nung nasa tamang edad na kami? Hindi na kami nagpapansinan at kasalanan ko iyon.
Nung mag-kolehiyo naman kami ay may nababalita na akong nagiging nobyo ni Sandy pero ako ay dala-dala pa rin ang lihim kong pagtingin sa kanya, ang gago ko, hinayaan ko siyang mawala sa buhay ko!
Naging updated ako sa mga nakakarelasyon ni Sandy, at kapag nababalitaan kong nauuwi sa hiwalayan ay nakakaramdam ako ng saya hanggang sa dumating ang panahon na kailangan ko ng magtrabaho.
Nabalitaan ko na lang na sa Maynila na naninirahan si Sandy samantalang ako ay piniling mangibang bansa. Nagsumikap akong magtrabaho sa Taiwan bilang isang factory worker at hindi na nagamit ang napag-aralan kong kurso na Hotel and Restaurant Management.
Nabalitaan ko na lang isang araw kay Nanay na ikinasal na si Sandy sa isang matandang mayaman. Halos magpakalasing ako sa nabalitaan ko. Pinaghahagis ko ang mga gamit ko na nasa kuwarto ko. Walang nakaalam ng pinagdadaanan ko. Binuhos ko na lang sa trabaho lahat ng sakit at pagsisisi na nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Wala na akong pag-asa kay Sandy, napakatanga ko, napakaduwag ko!
Simula noon nawalan na ako ng ganang magtanong kay Nanay ng tungkol kay Sandy. Ayoko ng umasa. May mga naging kaibigan naman ako sa Taiwan at madalas ay nakakasama na nila ako sa inuman pero hindi pa rin naman ako nagpabaya sa trabaho. Natulungan ko pa rin ang nanay ko at naipaayos ang bahay namin sa probinsiya. Nagkaroon din ako ng maliit na business tulad ng babuyan.
"Alam mo na ba ang nangyari?" tanong ni Nanay nung kausap ko siya sa kabilang linya. Nasa Taiwan pa rin ako.
"Ano po 'yun?" tanong ko.
"Namatay ang asawa ni Sandy."
Ilang minuto akong hindi nakapagsalita. Naisip ko agad ang kalagayan ni Sandy kahit may pinagdadaanan din ako sa personal kong buhay na pinili kong sarilinin muna.
Nag-aalala ako para kay Sandy, pero hindi ba dapat mapanatag na ang loob ko dahil malaya na si Sandy, may pag-asa na ako? Biglang bumalik sa pag-aalala ang isip ko.
"Kamusta na po si Sandy? Ano pong nangyari?" tanong ko na lang.
"May sakit daw sa puso ang asawa niya. Nasa Maynila pa rin si Sandy at napakalaki ng naiwang ari-arian ng asawa. Pinuntahan na siya ng mga magulang at mga kapatid niya doon para dalawin."
Malapit na akong umuwi ng Pilipinas, ilang buwan na lang. Simula nung malaman ko ang nangyaring iyon kay Sandy ay panay na ang kamusta ko sa kanya kay Nanay. Napakaduwag ko pa rin, hindi man lang ako gumagawa ng paraan para makamusta siya ng diretso.
Pagbalik ko ng Pilipinas ay nabalitaan ko na lang na nagdadalang tao si Sandy. Buntis si Sandy nung mamatay ang asawa nito. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko nang mga oras na iyon pero isa lang ang pumasok sa isip ko, pag-aalala. Gusto ko siyang tulungan, gusto ko siyang samahan, at gusto kong ipakita kung gaano siya kahalaga sa akin pero naduduwag ako.
Ilang linggo na ako sa Pilipinas at kay Nanay lang ako nakikibalita tungkol kay Sandy hanggang sa malaman ko na lang na bumalik na ng probinsiya si Sandy. Inaaya ako ni Nanay na bisitahin namin si Sandy sa bahay nila pero naduduwag na naman ako kaya nagdahilan na lang ako para hindi makasama.
Nang makabalik si Nanay sa bahay ay agad akong naghintay ng kuwento niya. Hindi agad ako nagtanong para hindi makahalata kung gaano ako kasabik na malaman ang kalagayan ngayon ni Sandy.
"Nagtatampo daw si Sandy sa'yo. Hindi ka man lang nangangamusta at nagpapakita sa kanya eh nandito ka lang naman. Puntahan mo na siya anak doon at nalulungkot daw siya," sabi ni Nanay.
Magkahalong kaba, lungkot, at saya ang naramdaman ko. Kaba dahil makikita ko na ulit siya pagkatapos ko siyang iwasan noon, lungkot dahil sa pinagdadaanan niya ngayon, at saya dahil may epekto sa kanya ang hindi ko pagpaparamdam sa kanya.
Nagdesisyon na akong puntahan siya sa bahay nila. Ayoko ng magtampo siya sa akin. Mahalaga siya sa akin at ayoko ng itago ang nararamdaman ko para sa kanya, ang matagal ko ng lihim na pagtingin sa kanya. Alam kong hindi ito ang tamang panahon para makisabay sa pinagdadaanan niya pero ito ang pagkakataon na kaya ko ng magtapat sa kanya kaya ayoko ng sayangin ang pagkakataong ito.
"Tao po," sabi ko sa labas ng bahay nila.
"Ma, may tao," narinig kong sabi ng isang babae, si Sandy?
"Jerry, halika pasok ka," sabi ni Tita Maricel pagkabukas ng pinto. Nagkita na kami ni Tita Maricel nung bagong dating ako ng Pinas, wala pa si Sandy dito. Napansin ko ang nakaupo sa sofa, si Sandy?
"Magandang hapon po," bati ko kay Tita Maricel habang may bitbit ako na isang bilao ng kakanin na ipinadala ni Nanay. Napatingin ako kay Sandy at ngumiti. "Eto nga po pala," sabi ko habang iniaabot kay Tita Maricel ang bilao na may kakanin.
"Naku, salamat. Sandy, ikaw ng bahala kay Jerry at aayusin ko lang ang merienda. Tamang-tama itong dala niyang kakanin," sabi ni Tita Maricel.
"Maupo ka, Jerry," nakangiting sabi ni Sandy sa akin nung lumapit ako sa Sala habang pabalik ang mama niya sa kusina. Bakas pa rin ang lungkot sa mga mata niya.
"Kamusta?" tanong ko pagkaupo sa solohang upuan katapat niya. Kailangan alisin ko na ang kaba sa dibdib ko, tama na, marami ng nasayang na panahon.
"Eto, pakiramdam ko kinalimutan mo na ako," sabi niya na may tampo.
"Hindi totoo 'yan," sabi ko.
"Eh, bakit isinasama ka raw ni Tita dito eh ayaw mo naman?" tanong niya.
"Nahihiya kasi ako," sabi ko. f**k na hiya 'to!
"Palagi ka na lang nahihiya, ang tanda-tanda na natin hindi ka pa rin nagbabago," sabi niya atsaka pinatay ang TV pero nanatiling nakaupo kaharap ako.
"Na-miss kita," sabi ko na lang bigla. Napatitig siya sa akin. Hindi ako duwag, hindi na ako duwag, sabi ng isip ko.
"Hindi ka kasi nagpaparamdam," sabi niya nung mapansin na hindi siya agad nakapag-react sa sinabi ko.
"Masayang-masaya ka na kasi noon, baka makaabala pa ako sa mga nangyayari sa buhay mo," sabi ko.
"Kung hindi pa pala ako nalungkot, hindi mo ako papansinin?"
"Hindi 'yun ang ibig kong sabihin," sabi ko.
"Iyon ang dating sa akin eh," sabi niya.
"Nahiya lang akong mangamusta kasi ang layo na ng narating mo," sabi ko.
"So, what? Kilala mo naman ako ah, para namang wala tayong pinagsamahan," sabi niya.
"Naiilang kasi ako," sabi ko na lang. Gusto ko ng magpakatotoo, ayoko ng mahiya.
"Iyan ang problema sa'yo, wala kang lakas ng loob kaya hinayaan mong malayo ang loob natin sa isa't isa," sumbat niya.
"Simula kasi nung magdalaga ka, ang dami ng nagkagusto sa'yo, pakiramdam ko hadlang ako sa mga gustong manligaw sa'yo," sabi ko kahit ang totoo ay nahulog ako sa kanya.
"Alam mong iniiwasan ko nga ang mga 'yun noon eh. Ang dami rin namang may gusto sa'yo nung mga panahon na 'yun eh, baka ako ang hadlang," sabi niya.
"Mas gusto ko ngang kasama ka sa tuwing may lalapit sa aking ibang babae noon," sabi ko.
"Kasi nahihiya ka?"
"Kaya sising-sisi ako noon," sabi ko.
"Bakit?" tanong niya nang biglang lumapit si Tita na may dalang merienda.
"Salamat po," sabi ko kay Tita.
"Walang anuman, kain muna kayo, nasa kuwarto lang ako," sabi naman ni Tita.
"Ano'ng pinagsisisihan mo Jerry?" tanong niya nung makaalis si Tita Maricel.
"Dahil sa hiya, hindi ko agad nasabi ang nararamdaman ko sa taong gusto ko," sabi ko.
"Bakit, may nagustuhan ka ba sa mga babaeng lumapit sa'yo noon? Kung hinayaan mo lang ang closeness natin noon eh 'di sana natulungan kita," sabi niya.
"Umalis ka kasi," sabi ko. Sa Maynila na siya naglalagi noon.
"So, kasalanan ko?" Hindi pa rin niya nahuhulaan ang nais kong ipagatapat sa kanya.
"Kasalanan ko, kasalanan kong umalis ka nang hindi ko nasasabi ang nararamdaman ko para sa'yo," pagtatapat ko. Natigilan siya sa sinabi ko.
"Jerry—"
"Sandy, sising-sisi ako sa tuwing malalaman kong may nobyo ka na, gustung-gusto kitang puntahan noon pero natakot ako, baka makagulo lang ako. Nakakaramdam ako ng kapanatagan ng loob kapag nalalaman kong break na kayo ng mga nakakarelasyon mo hanggang sa mabalitaan kong nagbakasyon ka sa South Korea nang mag-isa at nakakilala ng isang.. isang matandang mayaman."
"Hindi lang basta matandang mayaman si Hajie, nagmamahalan kami, mahal na mahal ko siya at ganun din siya sa akin," sabi niya at seryosong nakatingin sa akin. Hindi ko alam pero parang may tumusok sa dibdib ko.
"Alam ko," sabi ko na lang kahit masakit.
"Updated ka naman pala sa buhay ko, bakit hindi ka man lang nagparamdam, ha Jerry?" nakangisi niyang tanong. "Sana bago ako nagpuntang South Korea kinausap mo ako."
"Ayoko ng makagulo sa buhay mo, baka talagang kaibigan lang ang turing mo sa akin kaya okay na rin siguro na hinayaan na lang kita kaysa mas masaktan ako."
"Baka?" sabi niya habang nakangisi. "Mahiyain ka na, duwag ka pa," sabi pa niya. Napatungo ako at ilang segundo ang nakalipas ay tumingin na ako sa kanya at tumitig.
"Gusto pa rin kita hanggang ngayon," sabi ko.
"Jerry, buntis ako," sabi niya.
"Alam ko," sabi ko. "Alam ko ring wrong timing pero ayaw ko ng maging duwag ulit, Sandy."
"Hindi na mawawala si Hajie sa puso ko, dala-dala ko ang anak namin, hindi ko na kayang magmahal ng buo para sa iba."
"Naiintindihan ko, maghihintay ako kahit kaunting pagmamahal galing sa'yo," sabi ko. Ganito na yata ako kadesperadong mahalin din ni Sandy.
"Gusto rin kita Jerry, pero hindi pa ako handang magmahal ulit."