SANDY
Kabuwanan ko na ngayon at kasama kong naglalakad-lakad si Jerry sa barangay namin isang umaga. Masaya lang kaming magkasama ni Jerry kahit alam naming madalas kaming pag-usapan sa buong barangay. Wala naman kaming pakialam at wala kaming balak na patulan sila kung hindi na magandang pakinggan ang mga naririnig namin mula sa kanila. Sanay na ako simula pa nung maging nobyo ko si Hajie dati, ang matandang mayaman na minahal ako at minahal ko.
"Jerry," sabi ko nung biglang mapatigil ako sa paglalakad.
"Bakit?" tanong niya. Napatingin ako sa binti ko at siya rin. Pumutok na ang panubigan ko.
"Manganganak na ako," sabi ko.
"Saglit, saglit," sabi niya na hindi mapakali habang lumilingon sa kung saan. Bigla na lang niya akong binuhat at dali-daling itinakbo sa bahay namin na malapit na sa kinaroroonan namin. "Tito! Tita! Manganganak na po si Sandy!" sigaw niya habang isinasakay ako sa kotse ko na palagi ko namang bitbit ang susi nito.
Hindi marunong magmaneho si Jerry kaya palaging nasa bahay lang si Papa para kapag emergency ay madali kaming makakaalis. Halos araw-araw kaming magkasama ni Jerry. Alam ng mga magulang namin ang situwasyon namin ni Jerry, alam nilang nililigawan ako ni Jerry. Araw-araw pinapatunayan niya kung gaano siya katiyaga sa paghihintay na mahalin ko rin siya. Alam niyang malapit na.
"Tara na, Maricel!" tawag ni Papa kay Mama habang palabas ng bahay. Sinamahan ako ni Jerry sa backseat at dali-dali namang sumakay si Papa sa driver's seat habang palabas na si Mama ng bahay bitbit ang mga gamit ko.
Halata ang kaba kay Jerry habang nasa biyahe kami at lalo na sa akin. Natatakot ako, namatay ang una naming baby ni Hajie pagkaanak ko noon at ayaw ko ng maulit pa. Wala na si Hajie, Diyos ko ibigay niyo na sa akin ang batang ito, sana naman ay malusog ang bata.
Hawak-hawak lang ni Jerry ang kamay ko hanggang sa makarating kami ng hospital. Parang si Jerry ang ama ng ipinagbubuntis ko dahil sa sobrang pag-aalaga at pag-aalala niya sa akin. Sinabi naman niya sa akin na ituturing niyang parang tunay na anak ang bata kahit ano man ang maging desisyon ko sa aming dalawa.
Hindi ako pinabayaan ni Jerry hanggang sa makalabas na kami ng hospital. Kahit inaalagaan naman ako ni Mama at binibisita ni Tita Belinda ay palagi pa ring nasa tabi ko si Jerry.
"Jerry, magpahinga ka na muna sa inyo, nandito naman si Mama para magbantay sa aming mag-ina," sabi ko sa kanya nung ginagabi na siya sa pagbabantay sa amin ng baby para umalalay.
"Gusto ko ang ginagawa ko Sandy, nandito lang ako para sa'yo, sa inyo ng anak mo," sabi niya.
Hindi ko alam kung ma-to-touch ako sa sinabi niya o makokonsensiya. Alam kong maraming effort na ang ipinakita niya para patunayan na pursigido talaga siya na makasama ako pero naaawa na ako sa kanya kasi hindi ko alam kung kailan ko masasabing kaya ko na siyang mahalin, 'yung puwede ko ng suklian ang mga ginagawa niya sa amin ng anak ko.
"Salamat, Jerry," sabi ko na lang.
"Dahil mahal kita," sabi niya habang nakatitig sa akin. Nakahiga ako katabi ang baby at nakaupo naman siya sa isang upuan na malapit sa kama. Hindi ko alam ang isasagot ko. Ngumiti na lang ako atsaka hinawakan ang kamay niyang nakapatong sa kama.
"Gusto na rin kitang mahalin, Jerry. Please, be patient," sabi ko habang nakangiti. Ngumiti din siya atsaka ako hinalikan sa noo.
"Salamat, masaya akong marinig mula sa'yo 'yan," sabi niya habang nakangiti.
Kamukhang-kamukha ni Hajie ang anak namin. Napakasaya ko dahil malusog na malusog ang bata. Nag-send ako ng pictures sa mga kaibigan kong sina Zayl at Jack at tuwang-tuwa naman sila. Kung hindi nga lang daw maselan ang pagbubuntis ni Zayl ay dadalawin nila ako dito. Nasa Manila kasi sila at malayo sa kinaroroonan ko ngayon.
Palaging may dalang pagkain si Jerry sa araw-araw na pumupunta siya sa bahay. Close na nga sila ni Mama at parang anak na rin ang turing niya kay Jerry kahit naman matagal na silang nagkakasama. Mahiyain nga kasi noon si Jerry at malaki na ang ipinagbago niya ngayon.
Ang dating Jerry na mahiyain ay marunong ng makisama lalo sa pamilya ko. Akala ko nga kapag maraming tao sa bahay kapag nandito ang mga kapatid at mga pamangkin ko ay mahihiya na ulit siya pero hindi, nakikipagkuwentuhan pa siya sa mga kapatid ko at nakikipaglaro sa mga pamangkin ko.
Minsan ay nakikipag-inuman si Jerry sa ama ko at kapatid na lalaki at ngayon ay first time na naparami yata ang inom nila. Kumatok siya sa kuwarto atsaka binuksan ang pinto at nalaman niyang gising pa ako.
"Tapos na?" tukoy ko sa inuman. Nakangiti lang siyang tumango atsaka lumapit sa akin.
Lasing siya pero kaya pa namang umiwas sa paglikha ng ingay dahil tulog na ang baby. Malaki ang kama kaya doon siya naupo sa gilid niyon sa tabi ko.
"Madami ba kayong nainom?" tanong ko kahit halata naman sa hitsura niya.
"Medyo," tugon niya atsaka hinawakan ang kamay ko at dinala sa mga labi niya. Ilang minuto niyang hinalik-halikan iyon at inamoy-amoy hanggang sa ibaba na niya iyon sa kama atsaka dinampian ako ng halik sa noo. "Uuwi na ako," sabi pa niya.
Amoy ko ang alak pero ayoko pa siyang umuwi, gusto ko pa siya sa tabi ko habang nilalambing niya ako. Ramdam ko ang pag-iingat niya sa tuwing hahawakan niya ang kamay ko at alam kong nangangapa pa rin siya hanggang ngayon dahil hanggang doon lang ang kaya niyang gawin. Minsan naiisip ko, ano kayang pakiramdam na mahalikan niya ako sa mga labi?
"Mag-iingat ka," sabi ko na lang nung maalis ang mga kung ano man ang nasa isip ko, kapapanganak ko pa lang pero ang harot-harot na ng isip ko. Hindi pa ako handa, hindi ba? Hindi pa rin nga ba? Hays.
Malaki ang respeto sa akin ni Jerry at sa pamilya ko. Hinihintay niya lang ang go signal ko kung mag-le-level up na ba ang relasyon namin pero dahil nalilibang kami sa napaka-cute na baby na si Khaleb ay nakakalimutan namin ang tungkol sa amin ni Jerry. Siguro dahil palagi din naman kaming magkasama, magkasabay kumakain madalas, at nakakapag-usap para sa mga plano namin sa buhay.
"Aalis ka pa ba? I mean, may balak ka pang bumalik sa Taiwan?" tanong ko nung nakatambay kami sa Sala habang karga ko si Khaleb.
"Wala na. Kung nasaan ka, nandun din ako, ayoko ng malayo sa'yo," nakangiti niyang sabi.
"Babalik ako sa Manila kapag naka-isang taon na si Khaleb. Dito muna ang bata kina Mama," sabi ko.
"Kung ganun, sasama ako sa'yo, puwede ba? Sa Maynila na ako maghahanap ng trabaho," sabi niya.
"Hindi mo na kailangang maghanap, marami akong puwedeng ibigay na trabaho sa'yo," nakangiti kong sabi.
"Gagawin ko lahat ng gusto mo," sabi niya habang nakangiti.
Wala ng balak mangibang-bansa si Jerry. Napagdesisyunan namin na tulungan na lang niya ako sa mga business na naiwan ni Hajie sa Maynila. Kapag naka-isang taon na ang bata ay luluwas na kami agad ni Jerry ng Maynila. Nagmakaawa nga si Mama na siya na ang mag-aalaga kay Khaleb habang busy kami sa Manila ni Jerry. Bukod dun, hindi pa namin napapag-usapan ang tungkol sa amin ni Jerry. Wala pa rin kaming label.
Giliw na giliw ang mga magulang ko kay Khaleb palibhasa ngayon lang ulit nagkaroon ng baby dito sa bahay. Sabi ko nga kay Mama kumuha pa rin kami ng Yaya pero ayaw naman niya saka na daw kapag suko na siya, biro pa niya. Pero knowing Mama, mapapagod lang pero hindi susuko. Nakalimutan ata niyang mayaman ang ama ni Khaleb kaya kahit ilang Yaya ang kunin namin pero talagang ang pag-aalaga daw ng apo ang nakakapagpaligaya sa kanya.
Lumipas na nga ang ilang buwan ay nag-isang taon na si Khaleb. Halos buong barangay ay inimbitahan namin dahil sa malaking salu-salo. Ganun talaga dito sa aming probinsiya. Maraming bata na nagpunta at nakilaro sa mga palaro at may clown pa. Masayang-masaya ang lahat at si Jerry na nga ang tumayong ama ni Khaleb. Mas sumasama pa nga minsan si Khaleb kay Jerry kaysa sa akin siguro dahil mas mahaba ang pasensiya ni Jerry kaysa sa akin. Napakalikot kasi ni Khaleb pero napakalambing na bata.
"Happy ka ba anak, ha? Ang pogi-pogi naman niyang baby na 'yan," paglalambing ko sa anak ko habang nakaupo sa sofa dahil sa pagod. Humagikhik naman si Khaleb at nilaro na ng mga pinsan niya.
Papasok ng bahay si Jerry na galing sa pakikipag-inuman sa mga bisita sa labas kasama sina Papa at mga kapatid ko.
"Pagod?" tanong niya nung makaupo sa tabi ko sa mahabang sofa.
"Yeah," tugon ko atsaka sumandal ng komportable sa sofa. Hinawakan naman niya ang kamay ko at hinimas-himas. "Bakit ka umalis dun?" tukoy ko sa inuman.
"Baka malasing ako, ang daming alak," sabi niya.
"Marunong ka rin palang umiwas sa alak," biro ko kasi halos gabi-gabi na lang sila nag-iinom ni Papa sa bahay eh.
Ngumiti lang siya atsaka inamoy ang gilid ng leeg ko. Napapapikit ako sa kiliti. Busy ang mga bata sa pakikipaglaro kay Khaleb at sina Mama naman ay nasa kusina nagbabalot ng mga tirang pagkain para maipamigay.
"Jerry, baka hinahanap ka na dun sa labas," sabi ko nung maramdaman ang mga labi niya sa leeg ko. Amoy ko ang alak pero nasasarapan akong damhin ang mga labi niya sa balat ko.
"Ayaw mo?" tanong niya na halos pabulong pero hindi pa rin siya tumitigil.
"Jerry.."
"Okay," sabi niya atsaka dinampian ako ng halik sa sentido.
Alam kong habang tumatagal nagiging malambing na si Jerry sa akin kahit pa wala pa namang label ang relasyon namin. Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari sa amin sa Maynila kapag nagsama na kaming dalawa doon. Alam kong darating ang araw na hindi ko na rin mapipigilan ang nararamdaman ko para sa kanya pero sana kapag dumating ang panahon na 'yun ay maparamdam ko rin sa kanya ang pagmamahal na kailangan niyang matanggap galing sa akin dahil hindi niya ako pinabayaan.