“Ayos ka na ba Anita?” bungad ng tita ni Anne
“Oo Ma, kala mo naman aapihin ko si Anne eh.” Si Rhoda, ang pinsan ni Anne, at anak ng tita Bien nito ang sumagot. Magkasama muna sila sa kwarto. Doon makikitira si Anne habang mag-aaral ng kolehiyo sa Maynila. Galing itong probinsya. Iniwan muli sila ni Bien para hayaang mag-ayos ng mga gamit si Anne.
“Pag-isipan mo rin pinsan, kung pareho tayo ng school at kurso eh di magka-klase pa tayo. Sige na, mag education ka na rin.” Pilit ni Rhoda sa kanya. Ang totoo hindi rin alam ni Anne kung anong kukunin nyang kurso, basta ang alam nya, nang inalok sya ng kanyang tita Bien na sumama sa Manila para mag aral nakakita ng oportunidad si Anitang makalaya, magsimula muli.
“Sige, wala namang kaso sa akin kahit anong kurso.” Umayon si Anne. Tuwang tuwa naman si Rhoda sa naging desisyon nito.
May inumpisahang maliit na pre-school si Bien katabi ng simbahan kung saan nag-papastor ang kanyang asawang si Psalm. Kumuha si Bien ng lisensya para maging home school teacher, sa ganitong paraan pwede syang mag-bukas ng maliit na Day Care Center para sa maliliit na anak ng mga myembro ng kanilang Christian Church congregation. Natuwa ito ng malamang education na rin ang gustong kuning kurso ni Anne.
“Anne, telepono, Papa mo.”
Alanganing sagutin ni Anne ang phone, wala pa syang ilang oras sa Maynila ay nakabantay na agad sa kanya ang kanyang ama. Gaya ng tito Psalm nya ay Pastor din ang ama ni Anne sa maliit na Christian Church sa probinsya nila sa Legazpi, Bicol.
“H...hello Pa...”
“Nangangamusta lang.”
“Mabuti naman po ako dito.”
Patlang
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo?”
“Opo.” Abot abot ang dasal ni Anne na sana ay wag magbago ang isip ng ama
Buntong hininga ang narinig ni Anne sa kabilang linya, kasunod ay ingay at tawanan. Malamang na kalaro ng ina nya ang kapatid nyang si August, at si Carl.
“Ang nanay mo gusto kang maka-usap?”
“Sige po.”
Aminin man sa hindi ni Anne ay nakabuti sa kanya ang pag-lipat sa Maynila. Sa kongregasyon ng kanyang tiyuhin ay mas lumalim ang relasyon nya sa Diyos. Mahirap ding maging Pastor ang sarili nyang ama, hindi madaling paghiwalayin ang pakikinig sa turo nito sa pulpito at ang pakikinig sa sermon nito sa loob ng bahay. At least sa bahay ng mga tita at tito nya, nahihiya sya sa tito Psalm nya na hindi makinig sa tinuturo nito kada samba at sa mga pangaral nito sa kanila ni Rhoda sa bahay. Pero ramdam pa rin ni Anne ang pagbabantay sa kanya ng kanyang tiyahin. Alam naman ni Anne na concern lamang ito sa kanya. Regular din ang session nya sa kanyang tito Psalm para mas umayos pa ang kalagayan nya sa Maynila. Hindi rin akalain ni Anne na magugustuhan nya ang kurso nya. Sa katunayan ay naunahan pa nya si Rhoda na makakuha ng certification para maging home school teacher din.
Sa unang taon ng kolehiyo ay subsob sa aral, simba, at trabaho si Anne. Nag-pa-part time teacher sya sa school ng tita Bien nya at sinasahuran sya nito pandagdag din sa allowance nya. Nakilala na tuloy sya sa lugar nila na teacher Anne, kahit mga batang hindi naman sa school nila pumapasok ay teacher Anne na rin ang tawag sa kanya.
“...mabuti naman sya, sobra ka naman kung mag-alala. Magtiwala ka nga sa Diyos, isuko mo na lang si Anne sa Kanya, parang hindi ka naman Pastor eh...”
Hindi sinasadyang narinig ni Anne ang usapan ng tita Bien nya at malamang ng kanyang Papa sa telepono. Ayaw nyang marinig, sanay naman na sya sa tatay nyang sobrang protective sa kanya. Buti nga at once a week na lamang sya tawagan nito sa telepono, dati dati ay halos araw araw. Wala na nga silang mapag-usapan, minsan ililipat nito sa nanay nya ang telepono, tapos kay August, tapos kay Carl eh hindi pa nga masyadong makasalita yung bata. Miss na miss nya rin ang mga ito pero pinipilit nyang supilin ang nararamdaman lalo pa ngayon na habang tumatagal ay unti unting lumilinaw ang pangarap na gusto nyang mangyari sa buhay nya.
“Tumawag na naman ang Papa mo, kung ano raw ba ang balak mo sa iyong 18th birthday, luluwas ka daw ba o uuwi sila dito para bisitahin ka?” Maya maya ay pumasok si Bien sa kwarto nila ni Rhoda, ilang minuto rin silang nag-usap ng kapatid nito sa telepono.
“Eh wala po akong plano sa araw na iyon tita, tawagan ko na lang po siguro sila. Kung may gusto man ako eh yung mabili ko na yung pinag-iipunan kong laptop.”
“Eh subukan mong kumbinsihin yung Papa mo, pwede ka rin sigurong umuwi para Makita ka nila. Mas mahal kung sila pa ang uuwi rito.”
“Eh kakagaling ko lang po doon nung Pasko at tsaka ang haba ng byahe. Di bale po i-text ko na lang si Mama mamaya. Hindi naman kasi big deal yung birthday eh, hay...”
Nilakasan naman ni Rhoda ang pinapanood na balita sa TV.
“Ano ba Rhoda, hinaan mo naman.” Saway ni Bien
“Eh hindi ko marinig eh, nag-uusap kayo ni Anne.”
“Eh ano ba yang pinanonood mo?”
“Yung balita tungkol don sa sikat na rakista, si Jared Smith, nasangkot na naman sa gulo.” “Hay naku basura lang yan, wag mong panoorin...” Lumabas na rin si Bien
Inaayos ni Anne ang kanyang mga babasahin para mag-aral, magbasa ng Bible, at magdasal na rin bago matulog. Maaga pa rin kasi ang pasok nya bukas sa school. Pero napako din sya sa panonood ng TV.
“...Ang kwento kasi eh kasama ng grupo nila Jared Smith ang bagong artistang si Rebecca Jaymalin nang di umano ay may dalawang lalaking pilit kinukuha si Rebecca sa grupo nitong si Jared. Eh alam mo naman itong si Jared hindi ba, hindi maaawat kapag nagalit. Agad na binunutan ng patalim ang dalawang lalaki. Ito at kitang kita sa CCTV camera ng hotel na pinuntahan nila ang nangyari...”
Pinakita nga ang hallway ng isang sikat na hotel sa Maynila, maya-maya ay may dalawang lalaki na marahas na kumatok sa pintuan ng kwarto, bumukas naman ang pinto at unang bumungad ang isang lalaki pero hindi ito si Jared, sumunod ay si Rebecca na naka-wrap lang ng kumot at halos parang nakahubad, hindi malaman kung bahagi ba iyun ng damit nya o kumot talaga, saka lamang si Jared na may dala ngang patalim. Tapos ay nagkaroon ng rambulan, meron ding mga hotel attendants na agad umawat. Sa huli ay nagtamo lamang ng konting sugat sa mukha si Jared pero halos ma-ospital ang nakalaban nitong dalawang lalaki. Ganoon kalakas mambugbog ang grupo ni Jared.
“Eh sino ba ang dalawang lalaki?” Tanong ng anchor sa field reporter na naka-station sa nasabing hotel “Eh kapatid pala yung isa ni Rebecca, di umano ay sinusundo nga nito ang kapatid dahil hinihinalang baka kung anong ginagawa sa loob ng silid ng hotel...”
“Eh ano pa nga ba ang gagawin doon? Baka magbabasa sila ng libro o mag-vi-videoke, eh sikat na singer yang si Jared hindi ba?” Natatawang sabi ng anchor
“Eh kabayan, tatlong lalaki at isang babae sa kwarto, ikakatakot nga ng kapatid ni Rebecca iyun, ikaw man ang kapatid nya hindi ba?”
“Eh menor de edad ba itong si Rebecca?”
“Sa pakilala sa TV ay disi-otso na pero sa totoong buhay naman pala ay bente anyos na ito. “Ah, ay mahirap nga yan kasi hindi na sasaklawin ng batas yan, maliban na lamang kung si Rebecca ang magreklamo na may ginawa sa kanyang hindi maganda ang mga lalaking kasama nya sa kwarto.” “Hindi naman nagreklamo si Rebecca, in fact, according sa witnesses, may blade ding dala si Rebecca at hiniwa ang mukha ng kanyang kapatid maging ng kasama nito.”
“Aba ay pambihira pala...”
“At si Jared ngayon ang sinamahan nito sa ospital, sa isang panayam ay hayagang sinabi ni Rebecca na mahal na mahal nya ang rakista.”
“Eh ang problema ay hindi naman sya ang nag-iisa lang na nagmamahal sa lalaki tama ba?” “Ganoon na nga.”
“Okay, salamat. Si Rey Manabat po, nag-uulat tungkol sa eskandalong naganap sangkot ang sikat na lead singer ng bandang Daang kRuz, na si Jared Smith. Sila po ang nagpasikat ng kantang Virgin Sacrifice at Crucify the third.”
“Controversial na songs din yan...” Komentaryo ng isa pang anchor.
“hoy, anong nangyari sa iyo, akala ko ba eh mag-aaral ka na?” Sabi ni Rhoda sa nakatulalang si Anne sa TV.
Biglang parang bumalik sa ulirat si Anne. Agad naman itong pumasok sa maliit na prayer cell nilang mag pinsan sa loob ng kanilang kwarto. Dito nagbababad si Anne, sanctuary nya ang kwartong iyun, kung pwedeng doon na sya matulog.
Parang nawalan ng enersya si Anne. Hindi nya maintidihan ang biglang naramdaman. Basta sa halip na mag-aral ay umiyak na lamang sya ng umiyak at nag-susumamong nakipag-usap sa Diyos.