NIKO'S POV
Nagpapahinga ako sa terrace, nag-iisa. Hawak ang isang kopita ng pulang alak na mula pa sa koleksyon ni Papa. My grandfather Olas. Malamig ang hangin pero hindi iyon sapat para patayin ang init na gumugulo sa loob ko. Tahimik ang buong paligid, halos marinig ko pa ang mahinang pagkibot ng mga dahon sa hardin sa ibaba. Isa ito sa mga bihirang gabi na pinipili kong mapag-isa. Tahimik. Walang ingay.
Pero hindi rin nagtagal ang katahimikang 'yon.
Napalingon ako nang may mamataan akong aninong gumalaw sa dilim—bumababa mula sa terrace ng ikatlong palapag ng mansion. Mula sa silid ni Nikola. Maliksi at tahimik na bumaba sa bakod ng gilid. Naka-itim na jacket, may hood, at halos matakpan ang buong mukha niya.
Napakunot ang noo ko. Kahit sa dilim, kilalang-kilala ko ang lakad ng taong 'yon.
Napailing ako, bahagyang natawa sa ilong. “Ano na naman kaya trip ng kapatid kong ‘yon?” bulong ko sa sarili habang patuloy na nilagok ang alak. Ilang beses ko na siyang nahuling palihim na umaalis kapag ganitong oras. Hindi ko na siya tinatanong. Kasi kahit tanungin ko, hindi rin naman siya nagsasalita.
Iba si Nikola. Palaging may sarili siyang mundo. At sa tuwing sinusubukan kong intindihin, parang mas lalo lang akong naliligaw sa kanya.
Nang mawala na siya sa paningin ko, parang saka lang ako muling nakahinga. Pero bago ko pa maibaba ang kopita, naramdaman kong may marahang tumapik sa balikat ko.
“Mama,” sabay lingon ko.
Si Mama Naya. Maganda pa rin sa kabila ng mga taon, pero bakas sa mga mata niya ang pagod—hindi pisikal, kundi emosyonal.
Hindi na siya nagsalita agad. Tiningnan lang niya ako, tila binabasa ang laman ng isip ko. Gano’n siya. Wala siyang kailangang sabihin para malaman ang nararamdaman namin.
“Okay ka lang ba, anak?” tanong niya sa mahinahong tinig.
Nginitian ko siya ng pilit. Pero alam kong hindi siya nadadala sa mga ngiti kong ‘yan.
“Okay lang po ako,” sagot ko. “Nagpapalipas lang ng oras.”
Umupo siya sa tabi ko, walang imik. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin, pero hindi ito awkward. Kundi puno ng di-nasabing mga salita.
“Napapansin ko kasi... tahimik ka na nitong mga nakaraang araw,” wika niya.
Hindi ako agad nakasagot. Tumingin ako sa baso kong may natitirang alak. Tila ba hinahanap ko doon ang mga sagot.
“Hindi naman sa may problema ako, Ma... Siguro lang, pagod. Sa lahat. Sa lahat ng expectations. Sa lahat ng dapat kong panindigan bilang panganay. Bilang Romanov.”
Narinig kong bumuntong-hininga si Mama. Marahan niyang hinaplos ang braso ko.
“Hindi mo kailangang maging perpekto, Niko. Kahit kailan hindi ka obligadong pasanin ang buong pamilya.”
“Pero sino po ang aasahan kung hindi ako?” sagot ko agad. “Si Nikol? Si Nikola? Lahat sila may sariling mundo. Ako lang ang natira sa gilid na nakatingin sa lahat ng gulo pero walang karapatang sumigaw.”
Tahimik siyang nakinig. Hindi niya ako pinutol. Kahit kailan, hindi niya ako hinusgahan sa ganitong mga salitang hindi ko madalas bitawan.
“Hindi mo kailangang i-sakripisyo ang sarili mo para lang manatiling buo ang pamilyang ‘to,” bulong niya. “At hindi mo kailangang magpanggap na okay ka kung hindi naman talaga. Sa mga kapatid mo, there is a right time for them. Yun nga lang ikaw ang pinagkatiwalaan ng Daddy mo. Dahil alam niya na ikaw lang nakakaintindi sa kaniya."
Napapikit ako. Ilang saglit ng katahimikan. Humigop ako ng hangin. Saka tumingin ulit sa dilim kung saan nawala si Nikola.
“Minsan iniisip ko... meron pa ba akong dapat malaman? Kasi habang tumatagal ako bilang CEO ng Romanov Estate, unti-unti akong may nadidiskubreng mga bagay—mga detalye, mga desisyon, at mga galaw na parang may itinatago. At mas lalo akong napapaisip... gaano pa kalalim ang hindi ko alam?”
Hindi agad sumagot si Mama. Tahimik lang siya habang nakatanaw sa dilim ng gabi, sa mga aninong lumulutang sa hardin. Pero sa katahimikan niyang ‘yon, alam kong may bumabagabag sa kanya. Ramdam ko.
“Bakit, Ma?” tanong ko. “Meron ba kayong hindi sinasabi sa akin?”
Napatingin siya sa akin, pero hindi diretso. Tila ba pinipiling maging maingat sa bawat salitang bibitawan. Pagkatapos ng ilang segundo, bahagya siyang ngumiti—mahina, halos pilit.
“May mga bagay, anak,” sabi niya, “na hindi agad natin nauunawaan... kahit akala natin alam na natin ang lahat.”
Tumigil siya saglit, saka tumingin sa akin, mas malumanay na. “Pero darating din ang panahon. Kapag handa ka na... malalaman mo rin.”
May bahagyang lamig sa tono niya, pero agad din niyang sinundan ng isang mahinang ngiti.
Napatingin lang ako sa kanya. May gusto pa sana akong itanong, pero pinili kong huwag na lang. Dahil sa totoo lang, kahit hindi niya direktang sinabi, naramdaman ko—may alam siya. At hindi pa ito ang oras para sabihin niya.
Tahimik lang si Mama sa loob ng ilang sandali, saka siya muling nagsalita—pero halatang iniba na ang usapan.
“Alam mo, anak,” aniya, may pilit na gaan sa boses, “Pag nasa Pilipinas ka na....dalawin mo na rin ang Lolo Carl mo.”
Napatingin ako sa kanya. “Si Lolo Carl?”
Tumango siya. “Oo. Remember , my Daddy?”
“Maalala pa kaya ako ni Lolo?” mahina kong tanong. “Simula nung bumalik tayo rito sa Russia, parang tuluyan na tayong nawalan ng komunikasyon sa kanya. Halos mag-isa na lang si Lolo... "
“Oo, alam ko,” mahinang tugon ni Mama. “Hindi ko na siya naalagaan sa pagtanda niya… kasi nandito ako. Kasi mas pinili kong alagaan kayo.”
Napabuntong-hininga siya, bahagyang inilayo ang tingin. “I miss your Lolo Carl. He's still a good man—and a brilliant lawyer.”
“Kaya ipinasok ko siya sa isang exclusive facility para sa mga matatanda. Gusto ko siyang maging komportable. Nakausap ko siya kamakailan. At alam mo…” tumingin siya sa akin, may ngiti sa sulok ng labi, “matalas pa rin ang memorya niya. Naalala ka pa rin niya, Niko. At hindi lang ikaw—kayong magkakapatid. Kasi kahit malayo, pinapadalhan ko siya ng mga litrato niyo. Nagkakausap kami online. Hindi siya nakalimot.”
Tahimik lang ako habang pinagmamasdan si Mama. Sa dami ng sinabi niya—tungkol kay Lolo Carl, sa mga lumipas na taon, at sa mga larawan na pinapadala niya—hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. May lungkot, may guilt, pero may kaunting pag-asa rin.
Babalik ako ng Pilipinas. At kung totoo ngang maayos pa si Lolo, siguro… may pagkakataon pa na makita ko siya sa kalagayan niya.
“By the way...” dagdag ni Mama, habang tila may inaalala. “Nandoon na si Serena sa Pilipinas.”
Napatingin ako agad sa kaniya.
Hindi ko napigilan ang munting reaksyon ko.
“Si Serena?”
Tumango siya. “Nauna na siya ro’n. Inaayos na niya ang legal groundwork ng expansion plans mo sa Manila.”
Hindi ko alam kung bakit biglang bumigat ang hangin sa paligid.
Serena Lim. Romanov Empire’s corporate lawyer.
Matagal ko na siyang kasama. Siya ang tipo ng babae na hindi basta natitinag. Matapang, kalmado, at palaging may plano. Isa siya sa mga taong sinisiguro kong nasa boardroom kapag may mabibigat na desisyong kailangang gawin. Hindi siya nauutakan. Hindi rin siya natitinag sa pressure.
At higit sa lahat, loyal siya. Kahit minsan, pakiramdam ko… higit pa roon ang ipinapakita niya.
Minsan nahuhuli ko siyang matagal akong tinitingnan kapag akala niya ay abala ako. Minsan naman, may mga sinasabi siya na parang may double meaning. Pero ni minsan, wala akong binigyan ng ibang kahulugan.
Kilala ko si Serena.
At sa pagpunta ko sa Pilipinas, hindi ko alam kung magbabago ang dynamics namin.
“Kailan pa siya umalis?” tanong ko, pilit pinapakalma ang boses ko.
“Last week. Tahimik lang ‘yon. Siniguradong maayos ang lahat bago umalis. Ganyan talaga siya—,” sagot ni Mama, sabay ngiti.
Tumango ako.
“Makakatulong siya ro’n,” dagdag niya. “Alam niyang ikaw na ang susunod na hahawak sa expansion sa Pilipinas.”
Tahimik akong tumango. Walang imik. Pero sa loob ko, alam kong may mga bagay pa akong kailangang paghandaan.