CHAPTER 4

2187 Words
MAG-UUMAGA na pero determinado akong makaalis dito sa bahay. Hinintay ko lang talaga na makatulog na ang lahat pati ang guwardiya namin sa labas. Kabisado ko na kasi si Manong Mario na kapag ganitong oras, nagnanakaw na iyon ng tulog. Maraming beses ko na siyang nahuli pero hindi ko sinasabi kina daddy. Batid ko kasi na mapapagalitan ito. Safe naman kami sa mga magnanakaw dahil very strict ang security ng village. Hindi basta-basta nakakapasok ang mga tao kung hindi naman taga-rito. Bumangon ako mula sa pagkakahiga saka ko kinuha ang susi ng kotse na nasa ibabaw ng tokador. Pagkatapos, yumukod ako sa sahig at sumilip sa ilalim ng kama para ilabas ang maliit na carry bag na pinaglagyan ko ng mga damit ko sa paglalayas. Inihanda ko na ito kanina kaya ready na akong umalis. Ilang pares lang ang kinuha ko para hindi mabigat dalhin. Pwede naman akong bumili nalang sa labas pandagdag sa mga ito. “Ang gusto lang nila parati ang nasusunod. Hindi man lang nila ako tinanong kung gusto ko ba 'yong plano nila o hindi. Kaya manigas sila dahil hindi ako papayag sa gusto nilang mangyari," usal ko sa aking sarili habang inaayos ang aking gamit. Nang matapos ay isinukbit ko ang slingbag sa aking balikat saka ko binuhat ang carry bag. Maingat kong binuksan ang pinto saka dahan-dahan na lumabas ng kwarto. Nakapatay na ang lahat ng mga ilaw sa buong bahay kaya tanging sinag lang na nagmumula sa sinag ng buwan na tumatagos sa bintana ang tumatanglaw sa buong kabahayan. Dahan-dahan akong naglakad na parang magnanakaw upang hindi makalikha ng ano mang ingay. Daig ko pa ang tumatakas na preso sa ginagawa ko. Nakakatawa! Gusto ko ngang gumulong sa kakatawa, e. Ang saya-saya! "Tangina, gusto niyo akong ipakasal sa lalaking ipinaglihi sa kahambugan, ha? P'wes, maglaro tayo ngayon ng tagu-taguan dahil hindi ako magpapakasal sa taong hindi ko mahal," bulong ko sa aking sarili habang nakayukong bumababa sa hagdan. Kulang na lamang ay dumausdos ako para makarating agad sa ibaba. Napangisi pa ako nang makarating sa huling baitang ng hagdan. Para akong teenager na tumatakas para pumunta sa party kahit grounded ako. Saglit akong nagtago sa likod ng sofa nang makita kong sumindi ang ilaw sa kusina. Halos masubsob ako sa pagmamadaling magkubli dahil nakita kong tumingin si Manang Sita sa gawi ko at tila inaaninag kung may tao ba. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa sobrang kaba. Naririnig ko ang mga kaluskos sa kusina ngunit ilang sandali lang ay natahimik din. Dahan-dahan akong nag-angat ng ulo para sumilip sa kusina. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang nakapatay na ang ilaw. Muli kong binuhat ang carry bag at walang ingay na naglakad papuntang kusina. May duplicate ako ng susi ng backdoor kaya makakalabas ako roon. Sumandal muna ako sa pader bago sumilip sa loob ng kusina. Mabuti na ang sigurado, baka mamaya may tao pa pala sa loob, mapurnada pa ang pagtakas ko. Pinakiramdaman kong mabuti kung may kumikilos pa sa loob at nang masiguradong wala ay patakbo kong pinuntahan ang backdoor. Dahil sa dilim, hindi ko nakita na may basurahan pala sa gilid kaya natumba iyon at gumawa ng ingay. "Patay!" bulong ko saka kumaripas na nagtago sa ilalim ng mesa. "Sino 'yan?" tanong ni Manang Sita mula sa maid's quarter. Ilang beses akong napalunok dahil sa kaba. Halos mabingi na ako sa lakas ng t***k ng aking puso. Pakiwari ko'y unti na lamang at hihimatayin na ako sa sobrang nerbiyos. "Sino 'yan sabi?" ulit nitong tanong at bumukas pa ang pinto. Hindi naman lumabas pero mukhang nakasilip mula sa loob. "Meooowww . . . meooowww . . ." Nagkunwari akong pusa. "May naglalandian na namang pusa.” Dinig kong sambit ni Manang Sita bago tuluyang isinara ang pinto. "Lintik! Kung alam ko lang na magkakaganito ang buhay ko, sana hinayaan ko na lang si Zeke! Wala talagang magandang dulot ang hinayupak na 'yon sa buhay ko, punyemas!" bwisit kong bulong sa sarili at muling tinungo ang pintong nakasara. Nang tuluyan akong makalabas, dali-dali kong tinungo ang gate. Dahan-dahan kong kinuha ang susi na nakalagay sa baywang ni Manong. Halos mahigit ko ang aking hininga at pagpawisan ng malapot sa sobrang kaba. "Go, Louise, you can do it!" Mahina kong pag-cheer sa sarili habang maingat na kinukuha ang susi. Kinabahan ako nang gumalaw siya kaya natigil ang kamay ko sa paggalaw. Halos hindi ako huminga sa takot na magising siya. Ilang sandali akong hindi gumalaw hanggang sa muli itong maghilik. Napasuntok pa ako sa hangin nang tuluyan kong makuha ang susi. Pagkatingin ko sa taas malapit sa kuwarto nina daddy at mommy ay nag-wave muna ako ng kamay. May CCTV kasi roon. Atleast nagpaalam pa rin ako, ’di ba? Sinamahan ko pa iyon ng flying kiss at nang matapos ay agad kong nilapitan ang gate para buksan. Pero saglit akong natigil nang may maalala. "Engot, pa'no ko nga pala ilalabas ang kotse ko nang hindi nila naririnig ang tunog?" Natampal ko ang sarili kong noo. Muling gumalaw si Manong kaya kumaripas ako ng takbo palabas ng gate. Lakad-takbo ang ginawa ko. Baka kasi malaman nila na lumayas ako, bigla akong habulin at ibalik sa bahay. Napatigil ako sa gilid ng kalsada nang makaramdam ako ng pagod. Hingal na hingal ako at napayuko. Ibinaba ko muna ang hawak kong carry bag. Itinungkod ko ang isang kamay sa tuhod ko habang ang kaliwa ay inihawak ko sa dibdib ko. Muli akong umayos ng tayo nang makabawi sa pagod. Nagsimula akong maglakad muli hanggang sa makarating malapit sa guard house. Nilingon ko ang likuran ko para tingnan kung may sumusunod dahil pakiramdam ko’y may bumubuntot sa akin. Natigil ako sa pagtakbo nang wala akong makitang nakasunod maliban sa asong papunta sa direksiyon ko. Mukhang galit ang aso sa akin. Naglalaway pa! "Lintik naman, e! Anak ng ina mo kang aso ka. Shooo! Lumayo ka sa akin doggy kung ayaw mong maging hotdog. Shooo! Alis!" mangiyak-ngiyak kong wika. I felt so helpless. Konting hakbang nalang ng aso ay puwede na niya akong lapain. "Doggy, shooo! Hindi ako masarap. Makunat ako kaya malulugi ka. Shoo! Go away! Alis na!" Inihampas-hampas ko ang hawak kong bag sa aso pero matigas din ang bungo nito at ayaw magpatalo. Umatras ako nang umatras at nang pakiramdam ko'y walang balak magpatalo ang aso sa akin, bumuga ako ng hininga ng ilang beses. Ipinikit ko ng mariin ang aking mga mata saka nagbilang. Buo-buo na ang pawis ko sa sobrang takot. "Isa . . . dalawa . . . tatlo! Takbo, Louise!" sigaw ko sabay karipas ng takbo. "Aahhh! Mga kuya, tulong!" sigaw ko habang mabilis na tumatakbo. Halos masubsob na ako sa semento dahil sa pagmamadali. Nakita ako ng dalawang guard kaya mabilis nila akong dinaluhan. "Kuya, ’yong aso, hinahabol ako!" tili ko na mangiyak-ngiyak na. Isang taboy lang nila sa aso kumaripas na ito ng takbo. Teka, bakit sa akin kanina, halos lapain na niya ako? "Ma'am Louise, kayo po pala. Saan po kayo papunta? Mag-uumaga na po, a," usisa ng isa sa mga guard. Saglit akong nag-isip. Baka mamaya i-report nila sa bahay na naririto ako ngayon. "A, e, ano po, kuya, ahm . . ." saglit akong nag-isip ng idadahilan. Hindi ko napaghandaan 'to. "Tumakas ka sa inyo, Ma'am Louise, ano?" sabad ng isang guard. "Ay, naku, hindi, a. Nagpaalam ako kay ate Trina," kabado kong sagot. First time kong idahilan si ate. Ngayon lang naman. "Sigurado po kayo, ma'am? Saan po kayo pupunta niyan?" "Oo nga, p-promise! Kung gusto niyo, tawagan niyo pa siya, nagpaalam ako na ano . . . mag-ba-bar hopping. Tama nga mga kuya. Pupunta ako sa bar," crossed finger kong sagot. "Sigurado ka, ma'am, ha? Baka po kasi kami naman ang mapagalitan kung sakali.” Pagkukumpirma ng isa. Mukhang hindi talaga kumbinsido. Napapakamot pa ito sa ulo. Pasimple kong tinago sa likuran ko ang maliit kong carry bag. Kung sakali man na punahin nila, sasabihin ko na lang na damit pamalit ko. Alright, I'm so smart. "O-Opo, kuya," kandautal-utal kong sagot. "Sige po, ma'am. Ingat po kayo. May sundo po ba kayo?" Natigilan ako. Paano nga kaya ako makakaalis dito? "Ahm, meron po, kuya. Daanan niya po ako d'yan sa may kanto. Hihintayin ko lang. Mamaya nandito na 'yon," pagsisinungaling ko. "Sige po, ma'am Louise. Ingat po kayo." "Thank you po! Ingat din po kayo rito." Mabilis akong umalis at tinungo ang pinakamalapit na waiting shade. Wala namang sasakyan na dumadaan dito sa ganitong oras. Pero biglang nagliwanag ang mundo ko nang maisip ko si Matet! Agad kong inilabas ang cellphone mula sa bag ko. Hinanap ko ang number ng lukaret na si Matet. Apat na ring bago niya sinagot ang tawag ko. "Hello, Matetay?" "Hmmmmm . . . napatawag ka? Ano'ng oras palang, a," aniya sa kabilang linya. Humihikab-hikab pa at groggy ang boses. "Puntahan mo ako rito sa kanto sa labas ng village. Bilisan mo!" "Ha? Bakit? Teka, ala-una pa lang. Ano'ng ginagawa mo riyan?" "Pwede ba, pumunta ka nalang dito? 'Wag ka nang masyadong magtanong. Bilisan mo, a! Bilisan mo dahil kung hindi, malalagot ka!" "Oo na, mahal na prinsesa." Tumingin ako sa relong suot ko. Thirty minutes na akong naghihintay rito pero wala pa rin ang lukaret. Sa kabilang village lang ang bahay nila, a! What took her so long? Nilalamok na ako rito. Sumasagad na rin sa buto ko ang lamig. Inilabas kong muli ang cellphone at tatawagan na sana siya muli pero biglang may dumating na sasakyan. Sa wakas! Dumating din! Mabilis akong lumapit sa kotse at binuksan ang pinto. "Bakit ang tagal mo?" inis kong tanong sa kanya sabay tapon ng carry bag ko sa likuran ng sasakyan. "Girl, nag-ala spiderwoman muna ako bago makaalis ng bahay. Ano ba kasi ang nakain mo? Ala-una pa lang. Saan ka pupunta? Bakit may dala kang bag?" suno-sunod niyang tanong. Inikutan ko lang siya ng mata. "Maglalayas ako kaya sa akin muna 'tong kotse mo. Palit muna tayo. Kunin mo 'yong sa akin bukas sa bahay." "What? No way!" bulalas nito. Inihinto pa sa tabi ng kalsada ang kotse. Tumingin siya sa akin gamit ang mga malalaki at bilog na bilog niyang mata. "Yes way! Highway! Norway! Alam mo bang napahamak ako dahil sa maling info na binigay mo sa akin? Yung lalaking nagulo ko ang engagement, ipapakasal siya sa akin. Ano? Gusto mo bang matali ako sa hindi ko mahal? Maatim ba ng konsensya mo 'yon, ha?" “It wasn’t my fault. I gave you the right address. Ikaw ang nagkamali dahil imbes na umaga, gabi ka pumunta. Kaya talagang iba ang nadatnan mo sa venue,” paliwanag niya. Napabuga ako ng hangin dahil katangahan ko nga talaga iyon. Tiningnan ko lang ang date at lugar ng venue. Hindi ko na ch-in-eck ang oras. “Fine, kasalanan ko na. Pero pagbigyan mo na ako ngayon. Aalagaan ko ang kotse mo, promise. Ayoko lang talagang magpakasal sa lalaking ’yon! Gusto mo bang makasal ako sa hindi ko naman mahal? Magiging miserable ang buhay ko.” Umiling siya. "Ofcourse, no!" "Iyon naman pala, eh. Kaya palit muna tayo ng kotse, ha? Baba ka nalang sa labas ng village niyo.” "Eh, saan ka pupunta niyan?" mahinahon niyang tanong at muling pinaandar ang kotse. "I don't know. Basta kung saan hindi nila ako mahahanap," ani ko sabay tingin sa kalsada. Hindi ko talaga alam kung saan ako pupunta. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang lumayo. Lumayo sa lahat-lahat at takasan sila para ma-realize nila na hindi sa lahat ng pagkakataon, sila ang dapat nasusunod. This is my fvckin’ life! Kaya ako lang mismo ang magdedesisyon kung ano ang dapat para sa buhay ko. Walang puwedeng magdikta dahil ako lang ang puwedeng magmaneho ng sarili kong buhay kung saan ang gusto kong tahakin. Para in the end, wala akong dapat sisihin kun’di ang sarili ko lang. "Are you sure about this? Baka nabibigla ka lang.” "Ofcourse! Ilang beses kong pinag-isipan ’to. Oh, dito ka na. Baba na." "Girl, mag-ingat ka, ha? Tawagan mo ako kung nasaan ka na. I will miss you!" "I'll gonna miss you too, girl. Sige na, baba na, ayoko nang mag-drama at baka nakatunog na ang mga tao sa bahay," paalam ko sa kanya. Nagyakapan kami bago siya bumaba. Lumipat ako sa driver’s seat saka kumaway sa kanya. Inilabas ko ang susi ng sasakyan ko at iniabot sa kanya bago pinaharurot paalis ang sasakyan. "Magtaguan tayo ngayon. I will not marry that guy! Kahit siya na lang ang natitirang lalaki sa mundo at magkaroon pa ng zombie apocalypse, hindi ako papatol sa kanya! Magpapakain nalang ako sa mga zombie!" Isinindi ko ang stereo ng kotse at naghanap ng magandang music. Napangiti ako nang maluwang nang pumailanlang sa katahimikan ng gabi ang awiting Overdrive ng Eraserheads. Nag-drive ako ng walang patutunguhan. Bahala na kung saan ako mapadpad. Ang mahalaga ngayon ay makalayo ako sa kanila, with the hope that one day, they will realize that I have my own life to live at hindi dapat nila pinapangunahan ang desisyon ko. Lalo na sa usapang pag-aasawa dahil hindi naman sila ang matatali, ako 'yon! Ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD