HINAWAKAN ko ang magkabilang dulo ng kumot na nakayakap sa aking balikat saka mas ibinalot pa ito sa aking katawan matapos kong ubusin ang kapeng ibinigay ni Jacob kanina. Nanunuot na kasi sa aking balat ang lamig dito sa labas. Pati ang mga lamok ay parang dumarami na dahil kung kanina pa-isa-isa lang ang kumakagat sa akin, ngayon ay halos lahat na ng bahagi ng aking katawan ang pinupuntirya nila. Parang may isang lamok ang nagyakag ng mga kasama niya na pumunta rito para kagatin ako. Pati yata mga lamok ay may gang din. Kung nasaan ang isa, naroon din ang mga kasama. Kalat na kalat na rin ang dilim sa buong paligid. Lahat ay nakapatay na ang mga gasera na nagsisilbi nilang tanglaw sa kadiliman ng gabi. Tanging gasera na lamang na gamit ko ang nakasindi. Napakatahimik na ng

