Namumutla at parang natatakot na si Jeff dahil baka may sasabihin si Ben kay Riley sa kanya mismong harapan. Ayaw niyang magalit sa kanya si Riley dahil baka hindi rin siya mapatawad nito katulad sa galit ni Alvin sa kanya.
“Wala, Riley” dugtong ni Jeff sa usapan ng dalawa “Sige na. Aalis na kami. Sigurado ako na magpapahinga ka pa” sabay hila niya kay Ben palabas ng ward.
Parang nalilito naman si Riley sa ginawa ni Jeff na biglang pag-alis. ‘Ano ba talaga ang problema niya? Bakit kinakabahan siya nung kasama niya ang Ben na yon?’ sambit ni Riley sa kanyang sarili.
***
Samantala sa labas ng ospital.
“Ano yon, Ben?!” panimula ni Jeff na parang naiinis na ito “Muntikan na ako mabisto dun ah. Bakit mo yun ginawa?”
“Chill….” sagot naman ni Ben na kalmado ang tono ng boses habang nakangiti pa ito “Natakot ka ba kanina my dear Jeff?”
“Malamang. Magkakaganito ba ako kung hundi ako natatakot? Muntikan na ako dun. Ano ba yun?!”
“Wala naman. Gusto ko lang ipaalala sa’yo na kaya kitang isumbong kay Riley. Lahat-lahat ng mga utos mo sa akin laban sa kanya”
“Are you threatening me?”
“Hindi. Sinasabi ko lang naman ang gagawin ko kung hindi ka papayag sa gusto ko”
“Sa gusto mo??” ulit ni Jeff “Ano na naman ba yun?”
“Gusto ko lang naman na maging tayo. Ganon lang naman kasimple” sagot niya kay Jeff “Mahalin mo ako katulad sa pagmamahal ko sa’yo. Hihiwalayan mo si Alvin para maging akin ka”
Napatawa ng malakas si Jeff sa pabor na sinabi sa kanya ni Ben “Are you crazy?? No. Over my dead body, ayaw ko talaga na mahalin ka”
“Bakit?”
“Kasi hindi kita gusto. Yun lang yun”
“Pero may nangyari sa atin nun diba?”
“Oo. Meron. At ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na tapos na yon. Wala lang yon”
“Ganun lang ba yun sa’yo? Isa lang one night stand?”
“Oo”
“Aray. Ang sakit naman” sabat ni Ben “Pero okay lang. Kung ayaw mo sa kondisyon ko. Gagawin ko na lang ang gusto kong gawin. Isusumbong kita kay Alvin at kay Riley”
“Sige. Isumbong mo” paghahamon ni Jeff sa kanya “Hindi ako natatakot, Ben. Nasabi ko na ang lahat kay Alvin”
“Pero kay Riley, wala pa”
“Wala pa nga. Pero sige. Isumbong mo” sambit pa ni Jeff “At baka nakakalimutan mo na I can do everything I want dahil may pera ako. Kaya kitang baliktarin at papalabasin ko na ikaw lang ang may tangka sa kanyang buhay”
“So. Ikaw pala ang dahilan kung bakit ako inaaway ni Ben at kung bakit ako nandito sa ospital??” sulpot ni Riley. Hindi pala nila alam na kanina pa doon at nakikinig sa kanilang usapan “Lumabas lamang ako dahil gusto ko sanang magpahangin dahil nababagot na ako sa loob pero nakita ko na nandito pa kayo at nakinig na lang akosa usapan ninyo”
Linapitan ni Jeff si Riley dahil alam niya na galit na ito sa kanya dahil sa kanyang narinig.
“Riley… tungkol sa narinig mo” sambit ni Jeff na may halong kaba at maiiyak na ito
“Ano..??” sagot naman ni Riley na tinignan pareho sina Ben at Jeff na nanlilisik na ang mga mata. “Totoo ba yun??” pero hindi umimik si Jeff na nakayuko na lang ito “Sumagot ka, Jeff. Totoo ba?”
“Oo”
“Bakit?” tanging sambit niya kay Jeff na mahina ang boses
“Sorry, Riley” patuloy ang pagtulo ng luha ni Jeff
“Yun lang..?? Isang sorry lang?? Sabihin mo sa akin kung bakit mo yon ginawa” dugtong ni Riley “Baka sakali na maiintindihan kita”
Pinunasan ni Jeff ang kanyang mga mata na punong-puno ng luha “Ginawa ko yun para makapaghiganti sa’yo. Sa mga ginawa mo sa akin noon”
“Ha? Bakit Jeff?” sambit ni Riley na parang nalilito sa sinabi sa kanya. Pero imbes na magalit ay pilit niyang initindi ito “Hindi mo pa rin ba ako napapatawad? Akala ko nga pinatawad mo na nga ako eh. Kasi tinanggap mo ang application ko”
“Pinapasok lang kita doon kasi parte yun ng mga plano ko” sabay ulit tingin sa mga mata ni Riley “Sorry, Riley. Ginawa ko lang naman ang lahat ng ito dahil mahal pa kita eh. Nasasaktan pa kasiako sa mga ginawa mo sa akin hanggang ngayon dahil mahal pa kita” habang tumutulo ang mga luha niya sa habang sinasabi niya iyon “Hindi ko kinaya noon ang ginawa mo sa akin. Akala ko mabait ka. Akala ko hindi mo ako kayang saktan. Naniwala ako sa’yo nun eh”
Nanlumo din ang mga mata ni Riley sa mga sinabi ni Jeff sa kanya. Naawa siya kay Jeff dahil sa mga ginawa niya noon na hindi niya naman ginusto. “Sorry sa lahat. Sorry kung sobra kitang nasaktan” sabay tingin niya sa mga mata ni Jeff “Hindi mo lang alam kung ano ang pinagdaanan ko noon , Jeff. Sinakripisyo ko ang pagmamahal natin sa isang maling akala”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Ginawa ko yun dahil akala ko na magkapatid tayo. Dahil iyon ang sinabi sa akin ni Mama”
“Ano?”
“Pero nalamam ko na hindi pala ikaw ang kapatid ko. Kundi si Kuya Rafael” paliwanag ni Riley sa kanya “Siya ang bata na dinala ng lola mo noon sa China para i-train sa kanilang negosyo. Kinuha siya kay Mama at binayaran para manahimik ito” patuloy pa din ang pagkuwento niya kay Jeff sa labas ng ospital “Pero bumalik si Kuya Rafael kasama ang lola mo at doon ko nalaman na nagsisinungaling pala si Mama”
“Bakit siya nagsinungaling??” dugtong ni Jeff na nawala na ang luha sa kanyang mga mata, pero pumalit ang mga maraming tanong sa kanyang isipanpag “Naalala ko yung araw na nasa kulungan ako. May kasama silang lalake na medyo matanda na. Siguro siya yun”
“Oo. Baka nga” sagot naman ni Riley “Nagsinunggaling siya kasi ayaw niya nang magka-koneksyon kami uli sa pamilya ninyo” patuloy pa rin ang paliwanag niya kay Jeff “Ayaw niya ulit na masaktan at maalala ang tungkol sa aking kuya, kaya sinabi niya yun sa akin. Pero mas pinili na bumalik si Kuya Rafael sa amin”
“At iyon ang rason kung bakit mo ako iniwan at pinagpalit kay Fred??”
“OO at Hindi” sagot ni Riley “Oo, dahil akala ko nga na magkapatid tayo at ayaw ko na malaman mo iyon at iwan ako. Hindi, dahil si Fred ang nanglandi sa akin. Hinalikan niya ako pero hindi ko alam na nandiyan ka” paliwanag muli ni Riley “Sinadya niya yun para makita mo”
“Pero ginusto mo din ang paghalik niya sa’yo. Diba??”
“No… Hindi ko ginusto yon, o ano man ang namamagitan sa amin noon ay tapos na. Hindi ko siya mahal, Jeff. Ikaw ang mahal ko” sabay hawak ng mga kamay ni Jeff “Ikaw lang ang laman ng puso ko mula noon na nakilala kita hanggang sa ngayon. Sorry sa lahat ng mga nagawa ko sa’yo. Sorry kung hindi kita ipinaglaban”
“Pero may asawa ka na” sambit ni Jeff “At kung mahal ako at nagkamali ka lang sa nalaman mo. Bakit ka nag-asawa? Bakit ka pa nagpakasal kay Cindy??”
Napatingin si Riley sa mga mata ni Jeff habang hawak pa din ang mga kamay nito “Nagkita kami sa isang bar. Nagkuwentuhan. Nalasing ako at kinabukasan, nagising lang ako sa kama na kasama siya at habang umiiyak siya. Sabi niya raw na may nangyari sa amin. Bilang lalaki naman, nangako ako na pananagutan ko kung mabuntis ko siya”
“Tapos…?”
“Pero ayaw niya… gusto niyang magpakasal kami. Pero ang sabi ko, ayaw ko dahil may iba akong mahal… at ikaw yon” kuwento pa ni Riley kay Jeff “Pero ayaw niya pa rin hanggang sa humantong sa pagsumbong niya sa kanyang kuya at pinagbantaan ang buhay ko. Pumayag na lang ako na pakasalan ang kapatid niya”
Biglang luminaw ang lahat kay Jeff. Ang lahat-lahat na nangyari sa kanilang dalawa. Hindi nga talaga sinadya ni Riley ang mga nangyari kasi biktima din siya sa sa isang maling akala na magkapatid sila at sa isang pagbabanta sa buhay mula sa kapatid ni Cindy.
“Sorry…” hagulhol ni Jeff sa harapan ni Riley “Sorry kung hindi kita binigyan noon ng pagkakataon para pakinggan sa mga paliwanag mo sa akin. Nabalot ako ng galit, Riley. Sorry sa lahat. I mean sa lahat-lahat.”
“It’s okay, Jeff. Deserve ko naman ‘to eh” sagot ni Riley “Hindi naman kita masisisi sa mga paghihiganti mo sa akin kasi deserve ko ‘to”biglang namula ang ilong ni Riley at nagsimula nang tumulo ang kanyang luha dahil sa pagsisisi “…suntukin mo ako…” utos niya ulit kay Jeff. “Suntukin mo ako bilang ganti sa mga ginawa kong kahayupan sa’yo. Kahit ilan pang suntok ay tatanggapin ko para mapatawad mo lang ako” at binuka ni Riley ang dalawa niyang braso para ihanda ang sarili sa suntok ni Jeff “Sige na, Jeff. I deserve this. Kung kulang pa ang paghihiganti mo sa akin. Sige lang. Andito na ako sa harapan mo. Parusahan mo ako”
Inihanda ni Jeff ang sarili at sinugod na si Riley na nakapikit na. Palapit na palapit na siya pero wala pa rin siyang tinanggap na suntok na biglang niyakap siya ni Jeff ng mahigpit at umiiyak ng malakas.
“Don’t need to do that. Pinatawad na kita”
“Pero…”
“Shhh. Tama na. Magkapatawaran na tayo, Riley. Sorry ulit sa mga nagawa ko sa’yo”
“Sorry din sa mga nagawa ko noon. Salamat sa Diyos na napatawad mo na ako” habang nagyayakapan pa sila ng mahigpit sa labas ng ospital. Wala silang pakialam kung maraming taong tumitingin sa kanilang dalawa “Friends..?”
“Friends” ulit ni Jeff.
Ilang saglit ay umalis siya mula sa pagkayakap ni Riley. Hindi pala nila namalayan na wala na pala doon si Ben sa likuran ni Jeff.
***
Samantala. Umalis at dumerecho si Ben sa isang presinto na kung saan doon nakadestino si Alvin.
“Magandang hapon, Tsip” bati niya sa pulis na nandoon sa desk “Andiyan po ba si Alvin?”
“Sinong Alvin?”
“Yung pulis na pogi at medyo mahaba ang buhok??” paglalarawan niya kay Alvin “Tapos may nunal sa bandang kanang pisngi??”
“Ahh. Si Sir Francisco…” sambit ng pulis
“Ahh. Oo. Siya ata yun” sambit niya na parang hindi niya din alam kung siya talaga iyon.
“Ah. Doon siya sa kanyang opisina eh”
“Ganon ba?? Pwede ko po ba siya kausapin ngayon?”
“Bakit? May irereport ka ba?” tanong muli kay Ben “Kung may irereport ka, dito ka sa akin”
“Oo eh. Pero kailangan ko talaga na siya ang kausapin ko. Importante po talaga”
“Ahh. Ganon ba? Sige, susubukan ko kung pwede siya ngayon” sagot ng pulis na kausap niya “Ayaw kasi ni Sir ngayon ng istorbo eh”
“Sige, tsip. Salamat”
Kinuha ng pulis ang telepono sa kanyang mesa at may pinindot dito. Ilang minuto din ang usapan nila ng kanyang kausap sa kabilang linya at binaba niya ito pagkatapos.
“Sige, boss. Pwede ka nang pumasok sa office ni Sir”
“Sige salamat, tsip. Saan ba?”
“Dumerecho ka lang sa may kaliwa mo, tapos ang huling pinto sa kanan, iyan ang kanyang opisina”
Nagtungo kaagad si Ben sa direksyon na binigay ng pulis sa kanya kanina. Nang pagdating niya sa pinto ay kumatok siya ng tatlong beses bago pumasok.
Nadatnan niya si Alvin na nakaupo at parang tulala ito.
“Hello Alvin” bati ni Ben sa kanya.
Napalaki ang mga mata ni Alvin na pumasok na lalaki. Biglang uminit muli ang ulo nito. Tumayo siya at pinuntahan si Ben at sinuntok ng malakas sa pisngi.
“Ang kapal din ng mukha mo na magpakita dito” pangangalit ni Alvin sa kanya.
“Teka. Teka, Vin. Pwede ba? Relaks ka lang?”
“Paano ako magrerelaks kung nasa harapan ko ang taong naging kasama ni Jeff sa kama”
“O.A mo” sambit nito na tila siya pa ang galit “Matagal na yun. Pwede ba? Magmove-on ka na??”
“Kapal talaga ng mukha mo noh?? Bakit ka ba nandito??!”
“May ipapakita ako sa’yo”
“Ano??”
Kinuha niya ang kanyang telepono sa kanyang bulsa, may pinipindot at hinarap niya ang telepono sa mukha ni Alvin. “Ito…” nagulat at napalaki muli ang mga mata ni Alvin sa pinakita ni Ben sa kanyang telepono. Sina Jeff at Riley na mahigpit ang yakapan sa isa’t-isa.
Parang tinusok ng karayom ang kanyang puso sa nakita at nadagdagan pa ang sakit na nadarama niya.
“Kailan lang ‘to??” tanong niya kay Ben na parang nanginginig ang tono ng boses.
“Kanina lang” sagot ni Ben “Nagpapatawaran na silang dalawa. Yan nga oh. Sobrang higpit ng yakapan nila”
“E ‘to naman pala eh. Okay lang sa akin na ‘to” sambit niya “Ako nga nag-uutos sa kanya na magkasundo na sila. Walang malisya ito”
“Sigurado ka…?” balik ni Ben sa kanya “Parang hindi din eh. Tignan mo nga ulit” tinignan nga ulit ni Alvin ang litrato ng dalawa “Parang iba ang yakap nila. Parang magkakabalikan na sila eh. Sigurado ako na derecho agad sila sa hotel o sa motel yan”
Nanginginig na si Alvin sa mga sinasabi sa kanya ni Ben. Gusto niyang puntahan si Jeff at kausapin kung totoo nga ang sinasabi ng taong kasama niya.
Itutuloy…