“Magandang araw ho. Ako ho pala ang pinapunta ni Tyang Rosana na maglilinis ng bahay ni Kagawad ngayong araw,” saad niya pagkabukas ng isang lalaki sa bakal na gate ng bahay na pinuntahan.
“Pasok ho. Nandoon ho si kagawad sa may sala,” saad ng guard doon.
Nagtuloy-tuloy siya sa loob ng bakuran patungo sa loob ng konkretong bahay. Hindi naman kalakihan iyon pero dahil nag-iisa na lamang sa buhay si Kagawad na madalas ay busy rin sa trabaho ay once a week itong nagpapalinis ng buong bahay nito.
“Ikaw ba ang pinapunta ni Aling Rosanna?” saad nito matapos tumayo at itiklop ang gamit na laptop.
“Oho. Amanda nga po pala!” pagpapakilala niya sa sarili na inilahad pa ang kamay. Hindi niya alam na may kabataan pa rin pala ang lalaking iyon. Ang akala niya kasi ay may edad na.
Tumango lang ito pagkatapos makipagkamay sa babae. “Mabuti naman at dumating ka bago ako umalis,” saad nito. “Halika at i-tour lang kita ng mabilis sa bahay ko,” tumalikod ito at nagsimulang maglakad.
Sinundan niya naman ito kahit saan magpunta.
“Nabanggit ba ni Aling Rosanna na metikoloso ako lalo na sa banyo at kusina? Huwag kang mag-alala at sobra-sobra naman lagi ang pasahod ko,” anito habang ipinapakita sa babae ang parte ng bahay na kailangang linisan. “ Oo nga pala, umuuwi ako tuwing tanghali para magtanghalian but just in case na hindi ako makabalik, kunin mo na lang ang sweldo mo sa ibabaw ng ref. Kung may katanungan ka, lumapit ka lang kay Ben na nasa labas, siya ang security guard ko dito.”
“Sige po, Kagawad. Maraming salamat po,” wika niya sa kausap na lalaki.
Tumango lang ang lalaki at napagpasyahan nang umalis.
Sinimulan niya agad ang paglilinis ng bahay. Nag-start siya sa kusina nang makitang tambak ang hugasin. Samantalang paminsan-minsan ay tinitingnan ang oras sa telepono para paalalahanan ang asawa tungkol sa may sakit na anak. Kahit busy ay hindi niya maiwasang mag-isip kung naaalagaan ba nito ang anak lalo na at tulog pa ito nang iwan niya.
Pagkalipas ng apat na oras ay natapos siya sa paglilinis. Lagpas na ng 12 noon iyon. Medyo nakakaramdam na siya ng gutom pero kaya pa naman niya tiisin dahil patapos na rin naman siya sa ginagawa. Ilang sandali pa ang lumipas noong dumating na si Kagawad Eric.
“Oh, nandito ka pa pala?” bitbit ang dalawang malalaking papaer bag, nagulat ito ng madatnan ang babae sa sala.
“Paalis na po,” saad niya lang.
“Kumain ka na ba?” tanong pa nito na nagtuloy tuloy sa kusina. Ibinaba nito ang mga dalahin sa ibabaw ng lamesa.
Hindi naman siya nakaimik sa naging katanungan nito.
“Halika, kumain ka muna bago ka umuwi,” alok ng lalaki. Mula sa dala-dalang malalaking paper bag na mag lamang pagkain ay inilabas nito ang isang naka styrofoam na lunch box.
Galing ito ng meeting kung saan may inihandang tanghalian sa lahat ng mga naroroon. Dumaan rin ito sa paboritong restaurant na madalas nitong pagbilhan ng makakain dahil hindi ito nagluluto sa bahay.
“Salamat ho Kagawad. Pero pwede po bang dalhin ko na lang iyan pauwi?” sambit niya nang makaramdam ng hiya dito.
“Oo naman. Oh, dalawa na ang dalhin mo,” saad pa nito na ipinasok ang dalawang styrofoam sa loob ng plastic bag. Sinilip nito ang itaas ng ref kung nandoon pa ang sobre na naglalaman ng sahod ng babae at noong makita na naroroon pa ay ito na ang kumuha at nag-abot dito. “Salamat ha. Pagpasensyahan mo na at inabot ka ng ilang oras sa paglilinis ng bahay ko,” inilibot pa nito ang paningin sa paligid at masaya naman sa serbisyong ibinigay ng bagong tagalinis ng bahay.
“Wala ho iyon. Ginawa ko lang po ang trabaho ko,” wika niya naman na pagkaraan ng ilang sandali ay nagpaalam na rin.