Kaagad na pumasok ang isang sasakyang montero pagkabukas ng gate. Nang tumigil na ang sasakyan ay nagsalita ang nagmamaneho nito na walang iba kundi si Javier.
"Narito na tayo sa bahay, Criselda," saad ni Javier at nilingon pa si Criselda sa backseat.
Hindi naman umiimik ang katabi ni Javier na si Namkyun. Maya-maya pa ay kusa ng bumaba si Criselda na sinundan naman kaagad nina Javier at Namkyun. Inilibot ni Criselda ang paningin hanggang dumapo ang kaniyang mga mata sa isang may katandaang babaeng nakatayo sa pintuan at tila naghihintay talaga sa pagdating nila.
"Let's go inside," yakag ni Javier at pasimple pa itong tumango kay Namkyun.
Nakuha naman kaagad ni Namkyun ang ibig sabihin ni Javier. Kaagad siyang lumapit kay Criselda upang alalayan ito at sabayan sa pagpasok sa bahay nina Javier.
"Criselda, iha," naluluhang niyakap ng babae si Criselda.
Hindi naman kaagad nakahuma si Criselda. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Ayaw gumalaw ng mga kamay niya upang gantihan ng yakap ang babae. Pakiramdam niya ay kilala niya ang babae ngunit tila ba hindi ganoon kalapit ang loob niya rito.
"Mom, pumasok na ho muna tayong lahat sa loob. Baka gusto na rin munang magpahinga ni Criselda," untag naman ni Javier.
May kalituhan naman sa mukha ni Criselda sa naging pagtawag ni Javier sa babaeng yumakap sa kaniya. Napatingin siyang muli sa babae. Kung susuriin niyang mabuti, nasa mid-50's na ito. Napansin niya rin na tila maputla ang babae at may balot pa ang ulo nito.
"Maupo ka muna," nakangiting ani Javier kay Criselda.
Naupo naman si Criselda sa sofa'ng naroon at nakita niya ring naupo si Namkyun sa tabi niya.
"S-sino siya?" hindi na nakatiis na tanong ni Criselda at tumingin pa ito sa babae na pinatutungkulan, "a-akala ko ba..." kusa siyang napahinto at napalunok sa nais itanong.
Nahulaan naman ni Javier ang nais itanong ni Criselda.
"Siya ang mommy ko, Criselda. Hindi ko lang kaagad nabanggit sa 'yo pero magkapatid lang tayo sa ama," paliwanag ni Javier.
"Tawagin mo na lang din akong Mommy Sylvia, iha. Kapag bumalik naman ang ala-ala mo ay maaalala mo rin ako," makahulugang ani Sylvia.
Napatikhim naman si Javier. "Mabuti pa ay ihatid na muna kita sa kuwarto mo upang makapagpahinga ka."
"K-kung namatay ang mga magulang ko sa aksidente... Ibig sabihin, may sarili kaming bahay. Hindi kami rito nakatira," nag-angat ng tingin si Criselda kay Javier mula sa kaniyang pagkakaupo.
Maging si Namkyun na tahimik pa rin ay napatingin din kay Javier.
"Yes, of course! Pero sa ngayon—"
"Gusto kong sa amin ako umuwi," pagputol ni Criselda kay Javier.
Ilang sandaling katahimikan.
"Hindi ka namin mababantayan doon, Criselda. Wala kang ibang makakasama roon. At hindi ka naman namin puwedeng basta na lamang hayaang mag-isa lalo pa at may amnesia ka," ang malumanay na wika ni Javier.
"May amnesia lang ako... Pero kaya ko..." nag-iwas ng tingin na sagot ni Criselda.
Tinapunan ng tingin ni Javier si Namkyun na tila humihingi ng tulong dito.
"Hayaan mo sanang dumito ka muna sa amin. Tiyak na hindi rin gugustuhin ng tatay mo na mapag-isa ka sa probinsiya sa ganiyang kalagayan mo," si Sylvia ang nagsalita.
"S-sa probinsiya kami nakatira?" napakunot noong tanong ni Criselda.
Sabay na napatango sina Sylvia at Javier.
"P-pero... Paanong dito ako naospital? Saan ba kami naaksidente?" nagugulumihan pa ring tanong ni Criselda.
"Papunta kayo rito nang maaksidente kayo. Nandito na kayo sa Maynila nang bumangga sa inyo ang isang truck na nawalan ng preno. Dinala kayo sa pinakamalapit na ospital sa pinangyarihan ng aksidente. Nang malaman ko iyon, pinuntahan ko kaagad kayo mula sa terminal kung saan ko kayo hinihintay. Ako na rin ang nagpalipat sa 'yo sa ospital kung saan ako nagtatrabaho upang mas mabantayan din kita," mahabang paliwanag ni Javier.
"S-saan niyo sila ipinalibing?" may bikig sa lalamunang tanong ni Criselda.
Napabuga ng hangin si Javier bago sumagot, "Patawarin mo ako kung dito sa Maynila ko na sila ipinalibing. Hindi ko kasi alam kung kailan ka magigising kaya kinailangan na naming magdesisyon ni mommy," aniya.
"Nagkaroon ng maayos na burol ang mga magulang mo... Ama rin siya ni Javier kaya hindi namin sila puwedeng pabayaan na lamang. Kung gusto mo ay dadalawin natin sila sa sementeryo kung saan sila nakalibing. Pero huwag ka na sana munang bumalik sa probinsiya. Dumito ka muna sa amin habang hindi pa nagbabalik ang alaala mo," muling pakiusap ni Slyvia.
"I also want to look after you. That's why I'm staying here too. Please, let us take care of you," sa wakas ay nagsalita naman si Namkyun.
Umaliwalas naman ang mukha ni Javier sa ginawang iyon ni Namkyun.
Nagtatalo naman ang isip at kalooban ni Criselda ng mga sandaling iyon. Kung susuriin, mga taong parte ng buhay niya ang mga nasa harapan niya ngayon. At bilang wala na ang kaniyang mga magulang ay tama lang siguro na sila muna ang makasama niya sa kalagayan niyang iyon. Naaawa siya sa sarili niya dahil nga wala siyang maalala at nalulungkot siya nang sobra sa katotohanang namatay ang mga magulang niya ngunit hindi niya naman maalala ang mga ito.
"Gusto ko ng magpahinga muna," napahugot ng malalim na hininga si Criselda. Hindi man oo ang naging sagot niya sa mga ito ay malinaw naman na pumapayag na siyang manatili roon.
"Ako na ang maghahatid sa 'yo sa kuwarto mo iha," may tuwang wika ni Sylvia.
Habang nakatanaw naman si Dr. Javier sa mga ito ay hindi niya naiwasang mapaisip tungkol sa kaniyang ina. Noong kasi ay tutol ang mommy niya sa balak nilang pagpanggaping kasintahan ni Criselda si Namkyun lalo na at hindi maganda ang intensiyon nila. Ngunit napansin niya ngayon na mukhang magugustuhan na ng ina ang pananatili ni Criselda roon. Hindi niya naman masisisi ang kaniyang mommy lalo pa at araw-araw siyang wala roon at kung minsan pa ay hindi na nga siya nakakauwi dahil sa trabaho. Pero mula nga nang malaman niyang may leukemia ang mommy niya, pinipilit niyang makauwi nang maaga kahit papano.
"I need to stay here in Philippines. I can't go to other places without a friend," nakatayo na pala si Namkyun sa tabi ni Javier.
Alam ni Javier ang pinupunto ni Namkyun. Ayaw ng umalis ni Namkyun sa bansa nila o magpalipat-lipat pa ng lugar na pupuntahan lalo at wala naman talaga itong pera. Siya lang naman ang tumulong dito na makapunta rito sa Pilipinas. Kaya nga ang pagkakaroon ng Filipino citizenship ang isa nilang naisip gawin. Kita niya rin ang takot sa mga mata ni Namkyun. At hindi niya ito kayang hindi tulungan lalo pa at malaki ang utang na loob niya rito noong siya naman ang nasa bansa ng mga ito.
"Kung pagbubutihin mo ang pagiging boyfriend kay Criselda, maaaring matupad ang gusto mo," seryosong sabi ni Javier.
"What if her memories comes back?" nag-aalala pa ring tanong ni Namkyun.
Bumuntonghininga si Javier. "Make her fall in love, Namkyun," aniya na ikinanganga ni Namkyun.
Marahan pang tinapik ni Javier ang balikat ni Namkyun bago ito tumalikod.