KABANATA 1: PALOMA
"Kerida!"
"Kabit!"
"Kaladkarin!"
"Babaeng malandi!"
Sinabunutan si Paloma ng isang may-edad na babae. Naroon sila sa isang sosyal na restaurant. Napupuno ng sigaw ang bawat sulok.
"Walang hiya ka!"
Inigkas niya ang braso, at mula sa pagkakayuko ay hinawi ang mahabang buhok.
Pinagmamasdan niya ang ginang na hingal na hingal at pigil ng asawa.
Ngumisi siya. "Hoy, gurang!"
"Sumosobra ka na, ha?!"
"Anong sabi mo?!" hindi makapaniwalang tanong nito habang pulang-pula ang mukha.
Pinameywangan niya ito at saglit na ngumuya ng chewing gum. "Sabi ko," nilakasan niya at tinapat sa direksyon ng tenga nito.
"Sobra ka na! Ang dami mo nang nakukuhang buhok sa akin kakasabunot mo!"
"Deserve mo 'yan dahil malandi ka!"
Natawa siya ng pagak. "Ako? Malandi?"
"Bakit hindi mo tanungin sa asawa mo kung sinong unang lumapit sa aming dalawa?" kaswal niyang tanong.
Huminto ang matandang babae at nilingon ang asawang lalake na pigil-pigil ito sa dalawang braso.
Sinulyapan ng lalake si Paloma na patuloy sa pagnguya ng chewing gum bago tiningan ang asawa.
"O, 'di ba?"
"Hindi lang ako ang makasalanan dito," patuloy niya at kinuha ang bag na nasa silya.
"Walang hiya kang lalake ka!"
Napailing siya habang nakangiti nang panoorin ang ginang na hampasin ang ulo ng matandang lalakeng karelasyon niya.
"Binigay ko sa iyo ang lahat!"
"Tapos lolokohin mo ako!"
"Ipagpapalit mo ako sa isang-" nilinga siya ng babae, tiningan mula ulo hanggang paa. "Sa isang mababang uri ng babae!"
"Oppps, teka," ani Paloma at tinaas ang kamay. "Mababang uri?"
Nilapit niya ang mukha rito. "Bakit gaano ka ba kataas?"
Natahimik ang ginang. Siya naman ay ngumisi. "Alam mo, Mommy. Kahit gaano ako kababa sa tingin mo, ako pa rin ang pinili ng asawa mo nang ilang linggo."
"Bwisit kang babae ka-" matapang niyang pinigilan ang palapulsuhan nito.
Inokupahan niya ang espasyo sa pagitan nila ng mukha ng galit na galit na misis.
"Itali mo ang asawa mo sa leeg para hindi makawala. O kaya bulagin mo para hindi makakita ng ibang babae."
Tinaasan niya ito ng sulok ng labi bago binitawan at tinulak ang braso. Kaswal niyang pinagpag ang dalawang palad na para bang humawak ng maalikabok.
"O, siya, siya, maiwan ko na kayo. Bahala na kayong magrambulan diyan. Ayusin niyo ang away niyong mag-asawa. Baboosh!"
Nakangiti siyang kumaway sa dilat na dilat na ginang na hindi makapaniwala sa mga narinig sa kanya.
Tumalikod na siya at nang humakbang ay napatingin siya sa ilang naroon na hawak ang cellphone. Nakatapat iyon sa kanila at tila kinukuhaan sila ng video.
Lumapit siya roon, humarap sa kamera pagkaraan ay humalukipkip. "Siguraduhing mong maganda ako sa kuha mo," tiningan niya ang babaeng may hawak na cellphone.
Nakita niya ang kaba nito. Tinaasan niya ito ng kilay. "At kapag nag-viral, bigyan mo ako ng komisyon, maliwanag?"
Takot itong tumango. Muli siyang tumapat sa kamera at inayos ang buhok.
Tumuwid siya nang pagkakatayo at nilibot ang tingin sa paligid. Lahat ang mga ito ay may hawak na cellphone pagkatapos ay napailing.
Tuluyan siyang naglakad palabas ng mamahaling restaurant.
"Malandi ka!"
"Kabit!"
"Kerida!"
"Bruha!" narinig niyang sigaw nang nagwawalang ginang.
Nakarating si Paloma sa labas ng restaurant. Huminto siya sa tabi ng kalsada at sinilip ang laman ng bag.
Mula roon ay binilang niya ang libo ng pera habang ngumunguya ng chewing gum. "Kulang pang salon ang ibinigay sa akin ng matandang 'yon, hayy.."
Sinuklay niya gamit ang kamay ang buhok niyang buhol-buhol. "Sayang pagiging jumper ko sa kanya. Limang libo pa lang ang nahuthut ko," kausap niya sa sarili.
Tumataltak siya sunod-sunod at inayos ang pagkakasabit ng bag na galing pa sa ukay bago ipinagpatuloy ang paglalakad.
Habang sa Internet naman at sa buong siyudad ay kumakalat ang video ng isang babaeng nahuli ng asawa ng kasama ng asawa nito.
At siya ang tinatawag sa pangalang PALOMA- Ang Pambansang Kerida.
Hindi lang isang beses itong nahuli ng asawa ng kinakabitan.
Iyong iba ay hindi nakuhaan ng kamera, at hindi alam ng iba.
Sadyang ang mga mata lang ng mga misis na niloko ang nakakita.
"Paloma!"
"Trending ka naman."
Dire-diretso si Paloma sa inuupahang kwarto. Sinundan siya ng kaibigan na si Clarissa. "May buhok ka pa?"
Umiling siya at tinali ang tinutukoy nitong buhok. "Hindi ako naka-depensa, galing sa likuran ko ang asawa niya. Pagkatapos, hinagip agad ang buhok ko," kwento niya habang nakatalikod at nagpapalit ng damit.
Natahimik si Clarissa. Nang makapagbihis si Pamola ay nilingon niya ito. "O, bakit?"
"Paloma, hindi ka ba titigil ka ja-jumper mo?"
Natawa siya, pinulot ang pinagbihisan at dinala sa lababo. "Anong tanong 'yan, Clarissa?"
Sinundan siya nito, sumandal sa lababo at nilingon siya. "Wala lang, naisip ko na araw-araw ka ng laman ng social media, at ng buong siyudad."
"Lahat hinuhusgahan ka."
"Lahat inaalipusta ka."
Huminto siya sa pagkusot ng nilabhang damit. "Ano naman sa akin kung husgahan nila ako at alipustahin?"
"Alam mo, wala akong pake sa kanila. Kahit bumula ang bibig nila katsi-tsimis, wala akong pakialam."
"Pero ang dami kong naririnig tungkol sa iyo, at nababasa-"
"Naapektuhan ka?"
"Clarissa," lumapit siya rito at inakbayan.
"Nasa Maynila tayo, at 2026 na. Kapag nagpa-apekto sa sinasabi ng iba, talo ka."
Nilingon niya ito. "Tingnan mo ako, matapang pa sa tigre. Ang resulta, buhay na buhay pa!"
"Sa buhay, kapag hindi ka nakipagsapalaran, talo ka."
Bumitaw siya sa kaibigan. "Sige na, huwag ka nang magpatol sa mga basher na 'yan. Mag-aral ka para kapag naka-graduate ka may maayos kang trabaho."
Lumakad siya at humarap dito. "At hindi ka matulad sa akin na kailangang kumabit para lang magkapera."
Malungkot siyang pinagmamasdan ng kaibigan. Siya naman ay ngumiti at lumabas ng apartment.
Mula sa tenement ay nagsampay siya ng basang damit. Habang nakatingkayad ay rinig niya ang isang sipol.
"Paloma."
Lumingon siya at sa kabilang banda ng tenement ay may grupo ng lalake na pinanood siya.
"Magkano raw isang gabi mo?" tanong ni Buboy.
Ngumiti siya at pumewang. "Huwag mo nang tanungin, hindi mo afford."
"Ohh..," reaksyon ng mga kasama nitong lalake at nagtawanan.
Ipinagpatuloy niya ang pagsasampay. Nang matapos ay binitbit niya ang timba. "Isa pa, hindi ako papatol sa mahirap na katulad ko. Lalo sa manginginum na tulad mo."
Nag-apiran ang mga lalakeng kasama nito. "Kakabit ako sa mayayaman na kahit kasalan ko mababayaran nila!"
"Tse!" pahabol niya at nang tumalikod ay sinalimpad niya ang buhok.