“FINALLY, she’s back!”
Hindi pinansin ni Donita ang sarkastikong tono ni Irene. Alam niya kung ano ang pinaghihimutok nito. Hindi siya nakapunta sa kasal nito five years ago. Ng mga panahon kasing iyon ay nasa kasagsagan ang exams niya sa university na pinapasukan sa Canada. Sumabay pa ang pag-i-intern niya sa ospital na pinagtatrabahuhan ngayon.
“Irene!” Agad na niyakap niya ito. “I miss you!”
Sinadya niya ito nang araw na iyon sa VJ’s bar, ang business ng asawa nitong si Von, na ngayon ay restobar na. Nasabi nito minsan sa Skype na tinutulungan nito ang asawa sa pagma-manage ng bar.
“Bruha ka! Ang sarap mong sabunutan!” Niyakap din siya nito. “I miss you, too!”
“Mamaya mo na ako sabunutan. Gusto ko munang makita ang inaanak ko.”
Kahit nasa ibang bansa siya ay hindi naputol ang komunikasyon nila ng matalik na kaibigan. Masaya siya sa kinahinatnan ng love life nito. Nabigo man ito ng minsan, sinwerte naman ito sa sumunod na pag-ibig nito. Hindi katulad niya na parehong nabigo sa una at pangalawang pag-ibig niya.
“Kasama ng daddy niya sa pakikipag-usap sa supplier namin ng alak. Apat na taon palang ang inaanak mong iyon pero magiging manginginom na rin yata.”
Natawa siya. “Hindi ba pwedeng magiging businessman muna?”
Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng VJ’s restobar. Mas malaki na iyon ng di hamak kaysa sa naaalala niya noon. Two storey na iyon na may butas ang gitna kaya tanaw niya ang mga kumakain sa second floor. May nakasabit na ring chandelier sa kisame. Sa first floor ay mas lumawak ang stage kung saan nagpe-perform ang mga entertainers tuwing gabi.
“Asensado na ang bar na ito, ah,” komento niya.
“Yeah. Magaling akong negosyante, eh,” pagmamayabang nito.
“Hindi ba si Von?” biro niya rito.
“Ako ang boss ni Von.”
“Ah, okay.” Nakikinita na niya kung paano nito under-in ang asawa. She knew how bossy her best friend sometimes. Napapangiwi na lang siya.
Niyaya siya nito sa bakanteng mesa. Naupo rin ito sa kaibayo niyang upuan.
“Ikaw, kailan ka mag-aasawa?” bigla ay tanong nito.
Napataas ang dalawang kilay niya. “What?”
“Huwag mo akong ma-‘what’-‘what’ d’yan. Ever since you left, wala ka pang naikwentong bagong boyfriend mo. Huwag mong sabihing si Grendle pa rin?”
Hindi siya agad nakaimik. Pati ba naman ito, ipapaalala sa kanya ang lalaking iyon? Kaya siya pumuslit muna sa bahay nila ay dahil doon. Hindi naman siguro sinasadya ng mga kapamilya niya na paminsan-minsang idawit ang pangalan ng binata sa usapan?
Ayaw niyang isipin ng mga ito na si Grendle pa rin—kahit ganoon naman talaga ang sitwasyon niya. Ayaw niya lang na kaawaan siya ng mga ito. Besides, wala nang pag-asang maging sila ulit. Masyado nang malayo ang agwat nilang dalawa sa isa’t-isa.
Inalis niya ang anumang emosyon sa mukha at ipinakita rito na wala na sa kanya ang lahat.
“Matagal na kaming break. Kayo yata ang hindi pa nakaka-move on doon, eh.”
“Talaga ba? Eh, bakit wala ka pa ring boyfriend ngayon?”
Nagkunwari siyang tinitingnan ang chandelier. “Wala akong panahon. Masyado akong abala sa pag-aaral ko noon at ngayon ay sa trabaho naman.”
“Palusot mo,” ingos ni Irene.
“Totoo naman.”
“Sige nga, kung naka-move on ka na talaga. Pumunta ka rito sa Byernes ng gabi.”
“Bakit? Ano’ng meron?”
“May gig dito ang The Rebel Slam. Tsk. Siguradong full house na naman ang bar,” nakangising saad nito. “Kikita na naman kami ng limpak-limpak.”
Every part of her limbs didn’t want to go. Ipinasya niyang balewalain na lang din ang mga sinasabi nito katulad ng pamilya niya. Mabilis siyang nagtagpi ng alibi.
“May usapan kami nina Nanay na magse-celebrate no’n.”
“Kakalimutan ko ang atraso mo sa hindi mo pagpunta sa kasal ko at binyag ni Rivo.”
“Saka na lang—”
“So, in love ka pa nga rin kay Grendle?”
“Kung anu-ano’ng sinasabi mo. Pakainin mo muna ako.”
Tinaasan siya nito ng kilay. Gayunpaman ay inalis din sa kanya ang atensyon at tumawag ng tauhan nito para mag-order ng makakain niya. Pagkatapos ay bumaling ulit ito sa kanya.
“Sabagay, kahit naman ibugaw pa kita sa kanya ngayon, siguradong hindi ka na papatusin niyon. Mahihirapan kang mapaamo ulit ang isang iyon.”
Nagsalubong ang kilay niya. Tila ba isang suntok sa sikmura niya ang mga sinabi nito. “What do you mean?”
“Simula nang umalis ka, naging allergic na siya sa pangalan mo at sa kahit anong may kaugnayan sa iyo. Iyong mga babaeng ipinalit niya sa iyo? Naku, bes, wala kang panama. Top models, mga sikat na actress, celebrities, et cetera. Sumali ka muna sa Miss Universe bago ka niya pansinin ulit.”
Tila may tumamang palaso sa puso niya. Bull’s eye. Hindi niya magawang makapagkomento roon. She knew those stories. Sa tuwing nakikita niya ito sa iba’t ibang social medias at balita sa internet na may kasamang iba’t ibang naggagandahang babae ay nginangatngat ng insecurities at selos ang puso niya. Sabagay, sa guwapo nitong iyon, at sikat pa, mas bagay nga rito ang mga ganoong klase ng babae.
She sighed sadly. Hindi isang beses na pinagsisihan niya ang ginawa rito noon. Nagsisisi rin siya na ilang taon pa ang inabot bago siya makadama ng guilt sa pag-iwan dito at ma-realize na, despite the fact that she saw him kissing another girl, mahal niya pa rin ito. Now, wala na siyang babalikan dito.
Kung hindi lang sana siya nagpadala sa emosyon niya noon, sana ay…
Nag-angat siya ng paningin. Sinalubong siya ng matalas na mga mata ng matalik na kaibigan. Shoot! Nawala sa isip niya na nakatingin ito. She automatically wore her invisible mask again.
“What?” balewalang untag niya rito.
“Wala.”
Nagtaka siya kung bakit hindi na ito nagsalita pa tungkol doon. Pero tingin niya ay alam na niya. Irene knew her, as Donita to her bestfriend. Alam niyang nakuha na nito ang gusto nitong malaman mula sa kanya—ang totoong nararamdaman niya. But then, ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Pagbubutihin na lang niya ang pag-arte na wala na sa kanya ang lahat ng may kinalaman kay Grendle para mailigaw ito.
“Kumain ka na,” wika nito nang dumating ang in-order nito para sa kanya. “Five hundred fifty pesos lahat ng iyan.”
Napahinto siya sa pagdampot ng mga kubyertos. Eksaheradong tumingin siya sa dalawang putaheng ulam, isang cup ng kanin at pineapple juice. Pagkatapos ay dito.
“Kadadating ko lang, pinagkakakitaan mo na ako.”
Ngumisi ito. “Business is business.”
Napasimangot siya at tinitigan lang ng masama ang mga pagkain. Natawa naman ito.
“Biro lang. It’s on the house. Kuripot ka talaga kahit kailan.”
Sa sinabi nito ay napangiti na siya. Walang seremonyang nilantakan niya ang pagkain. Mabuti pa ang pagkain, hindi siya kinukwestyon sa nararamdaman niya. Libre pa.
“Hindi. Wala lang talaga akong dalang pera… Hmm, ang sarap nito, ah.” Sumubo ulit siya. “Pero mas masarap pa rin sa resto namin.”
“Bayaran mo iyang kinain mo.”
-
*
-
HINDI alam ni Donita kung paano siya napapayag ni Irene na pumunta sa bar ng mga ito ngayong Byernes ng gabi. Matapos siya nitong sumbatan at kunsensyahin ng katakut-takot ay natagpuan niya ang sariling umu-oo rito.
Ang balak niya ay hindi tumuloy ngayong gabi. Pero baka lalong hindi niya matanggal sa isipan ng matalik na kaibigan at ng kapatid niyang karay-karay niya roon na may nararamdaman pa siya sa bokalista ng The Rebel Slam. Kung maiipakita niya sa mga ito na wala na sa kanya ang lahat, titigilan na siya ng mga ito sa pag-ungkat sa nakaraan. Hindi niya gugustuhing sariwain ang nakaraan sa loob ng dalawang buwang pananatili niya sa bansa.
Kahit kasi alam niya sa sarili na hindi na iyon matatanggal sa isipan niya, ayaw niya pa ring ipaalam sa mga ito na apektado pa siya. Para saan pa? Kaaawaan lang siya ng mga ito. Kapag nalaman ito ni Grendle ay baka pagtawanan pa siya at ipamukha sa kanya kung ang pinakawalan niya noon. She was already humiliated and disgusted with herself and she didn’t want any of that from others.
Kaya naman, inihanda na niya ang sarili para sa gabing ito. Dinoble niya rin ang invisible na maskara niya para hindi makalabas ang anumang emosyon niya.
Makikita niya ulit si Grendle. Makikita niya ulit sa personal ang lalaking iniwan niya sampung taon na ang nakakaraan. Ang lalaking sobrang minahal niya noon.
Kaya ko ito. Kahit ngayon palang ay nanlalamig na ang mga kamay ko.
Pinisil-pisil niya ang lahat ng daliri niya. Pinagpapawisan siya kahit katapat ng table nila ang aircon.
Gusto niyang sampalin ang sarili niya ng ilang beses. Oo, natatakot siyang makita ito, pero kasabay niyon ang excitement na kahit ano’ng gawin niyang pag-alis sa sistema niya ay hindi mawala-wala. Hanggang ngayon ay hindi niya gustong aminin sa sarili na excited siyang makita ito.
Humigop siya ng hangin at ibinuga iyon. Bahagyang lumuwag ang dibdib niya. Iginala niya ang paningin sa restobar.
Tama si Irene sa sinabi nito. Punung-puno nga ang lugar. Kung hindi ito nagpa-reserve ng upuan para sa kanila ng kapatid niya, malamang na nakatayo rin sila tulad ng karamihan sa naroon.
“Whoah, ibang klase talaga kahit kailan ang kasikatan ng The Rebel Slam!” bulalas ni Donna habang inililibot din ang paningin sa paligid.
Hindi siya sumagot. Kinuha niya ang cocktail drink niya at sumimsim doon. Gumuhit sa lalamunan niya ang mapait ngunit manamis-namis na malamig na likidong iyon. Kahit na anong gawin niya, kinakabahan pa rin siya. This was the first time in nine years that she would see him again. She was scared of what she would feel.
Sumandal siya sa upuan. Ipinagpasalamat niyang sa isang sulok na malayo sa stage at may kadiliman sila binigyan ng mesa ni Irene. Dahil kung sa mismong harapan iyon ng stage ay baka layasan niya na ito.
Napansin niyang may kinawayan si Donna. Hindi niya mamukhaan ang magandang babaeng palapit sa kanila. Though, para bang pamilyar ito sa kanya.
“Donna,” bati nito sa kapatid niya bago bumaling sa kanya. “It’s nice to see you again, Ate Donita.”
“Ah, eh… kilala kita?” hindi mapigilang tanong niya.
Ngumiti ito sa kanya. “I can’t blame you for not recognizing me.”