Josie
"Si Jewel ba yun?" Sambit ni Josie sa kaniyang sarili; ang ate ni Jewel.
Nakasakay siya sa tricycle patungong bayan upang mag grocery.
Nakita niyang naka angkas si Jewel sa motor at naka angkla sa driver. Nakayakap ng mahigpit.
Nanlaki ang kaniyang mga mata at ang kaniyang dibdib ay tila kumabog nang mabilis. Agad na itong kinutuban. Nakilala niya ang kaniyang damit at ang pustura pati na din ang anggulo ng katawan ni Jewel.
Hindi nga ito nagkamali nang tumabi ang motorsiklong sinasakyan nila.
Pinahinto din ni Josie sa mamang driver ang tricycle sa di kalayuan.
Namilog at nanlaki ang mga mata ni Josie nang tumabi at huminto sila Jewel sa tapat ng isang motel. Masayang masaya ang dalawa at kitang kita ang lagkit nang tingin nila sa isat isa. Inakbayan siya ng lalaking kasama niya tsaka sila naglakad patungong motel.
Mabilis na bumaba si Josie mula sa tricycle at agad na tumakbo at hinabol sila Jewel bago pa naman sila makapasok.
"Jewel!" Malakas na sigaw nito na ikinagulat ni Jewel at ang kaniyang kasamang lalaki. Napalingon silang dalawa. Nanggagalaiti sa galit at nanlilisik ang mga mata ni Josie na nakatuon sa kaniyang kapatid.
"A-ate? A-anong ginagawa mo dito?" Kinakabahan at natatarantang tanong ni Jewel tsaka ito kumalas sa akbay ng lalaki. Nanlaki ang kaniyang mga mata at bahagyang nakabuka ang kaniyang labi. Halatang halata ang pamumula ng magkabilang pisngi nito.
Nanggagalaiti na sa galit si Josie at agad niya itong nilapitan. Nakakuyom ang kaniyang panga at handa nang dumapo ang kaniyang mga kamay upang saktan si Jewel.
"Malandi ka talagang babae ka!" Galit na galit na sambit ni Josie sabay hablot ng kaniyang buhok tsaka niya kinaladkad palabas ng motel.
"Ate! arayyyy!" Napasigaw sa sakit sa marahas na pagkasabunot ng buhok Jewel. Habang katawan nito'y tila nawawalan ng balanse sa pagkaka kaladkad sa kaniya ni Josie.
Tatangkain sanang umawat ng lalaki ngunit agad naman itong pinagsabihan ni Josie.
"Wag kang makialam!" Sigaw nito sa lalaki na kita sa kaniyang mukha ang takot at kaba.
"Ateee! Aray ko! Tama na!" Pagmamakaawang sambit ni Jewel habang umiiyak na kitang kita ang paghihirap sa ginagawang pananakit ni Josie.
"Hindi ka na nadala hayup ka!" Gigil pa din si Josie habang hawak hawak niya ang buhok ni Jewel na mahaba kasabay nang paghakbang nila palabas ng motel patungong kalsada. Ibinuhol niya sa kaniyang kamay nang napakahigpit kung saan hindi makakapanlaban o makakapiglas si Jewel.
"Demonyo ka!" Sambit pa nito habang tuloy pa din sa pag iyak si Jewel.
Nang tuluyan na silang makalabas sa motel ay agad niyang binitawan ang pagkakasabunot sa buhok ni Jewel. At kaniyang dalawang palad ay mabilis na dumapo sa mukha ni Jewel. Sunod sunod na matutunog na sampal ang umalingawngaw. "Angbababuy niyo! Hayop kayo!" Nanggagalaiti na sa galit at tinulak niya si Jewel hanggang sa napaupo ito sa semento. Tumalbog ang kaniyang puwet sa kaniyang marahas na pagbagsak at napasubsog ang kaniyang palad sa semento at nag iwan ng bahagyang gasgas.
"Walang hiya ka! Hindi ka na nadala! Hindi mo na inisip ang anak at asawa mo. Kahihiyan ang dulot mo sa pagpapakaputa mo Jewel!" Madiin na sambit nito sa kapatid kasabay ng pagduro nito sa kaniya. Pulang pula ang mukha ni Josie sa galit kasabay nang pagtulo ng luha nito. Mabilis ang kaniyang paghinga habang binibitawan niya ang mga salitang ito na punong puno ng galit.
Patuloy pa din sa pag iyak si Jewel. Gulong gulo ang buhok na nakaupo sa semento.
Unti unti na din ang paglapit ng mga taong usisera sa kanila na halos palibutan na nila ang magkapatid. Isang eskandalo na ang nangyayari. Parang shooting lang sa isang pelikula.
"Sakay sa tricycle!" bulyaw na utos ni Josie kay Jewel.
Hindi ito nakikinig at patuloy pa din siya sa pag hagulgol. Kaya agad na naman niyang hinablot ang buhok niya at sapilitan niya itong pinahakbang sa tricycle na sinakyan niya.
"Ayaw mong sumakay ah. Sige! Ayann! Malandi ka!" Tsaka niya kinaladkad patungo sa tricycle. Pinipilit niyang ipasok ngunit nagpupumiglas naman itong si Jewel at ayaw niyang sumakay. Nakakapit ang kaniyang dalawang kamay sa b****a na nangangahulugan na ayaw niyang sumakay.
Sa lakas at sa matinding galit ni Josie ay nasakay niya si Jewel sa loob ng tricycle.
"Ma! ibalik mo sa bahay" dali daling niyang utos sa driver tsaka niya pinaharurot ng takbo.
Pagdating nila sa bahay nila josie...
"Helen ipasyal mo muna ang mga bata sa labas" utos ni Josie sa kanilang kasambahay. Nadatnan niya ang mga ito na nanonood ng tv sa sala kasama ang dalawa niyang anak.
Nalingon ni Helen na parang may kakaiba at bakit magulo ang buhok at puno ng pawis ang mukha ni Jewel at tila umiiyak. At si Josie naman ay halatang galit sapagkat nakakunot ang kaniyang noo. Kaya sa takot niya ay agad niyang inakay ang mga alaga niyang dalawang bata palabas ng bahay.
Maya maya ay.
"Upo!" Matapang at marahas na utos ni Josie kay Jewel.
"Umupo ka sabi!" Tsaka niya hinila at pilit na pinaupo si Jewel.
"Ano na naman ang pumasok sa kokote mo Jewel?" At nagsimula na siyang manermon. Ramdam na ramdam ang bigat at sama ng kaniyang loob sa kapatid habang kinakausap niya ito.
"Hindi ka na nahiya! Lumalandi ka at sa bayan pa. Hindi ka ba kinikilabutan sa mga pinaggagagawa mo? Paano kung anak mo ang nakakita sayo? Hayup ka!" Tuloy tuloy ang kaniyang panenermon. Nakatayo si Josie sa harapan niya at ang mga mata nito'y nagliliyab sa galit.
"Hayaan mo na ako ate! Hindi na ako masaya kay Christian" matapang na sagot ni Jewel sa kaniyang ate.
Lalong hindi na nakapagpigil si Josie sa narinig niya. Tila nagpantig ang tenga niya kaya kumuha siya ng hanger ng damit mula sa kusina tsaka niya pinaghahampas ang mga hita ni Jewel.
Para siyang isang batang pinaparusan ng ina.
Wala siyang pakialam kung madiin ang pagkahampas nito na halos patayin na niya ito sa labis na galit.
"Gaga ka! Hayup ka! Malandi ka!" Ito ang mga katagang paulit ulit niyang binabanggit habang hinahataw niya ng hanger si Jewel.
Napapasigaw na si Jewel sa sakit ng kaniyang palo at hinaharang ang kaniyang mga kamay. Labis na ang kirot na nararamdaman niya.
"Ate tama na!! Huhuhu!" Humahagulgol na sigaw ni Jewel.
"Hindi ka pa din nadadala! Hayup ka!" Patuloy pa din siya sa pamamalo hanggang sa mamula at mamaga na ang mga binti ni Jewel.
Totoong nagkakaproblema si Christian at Jewel dahil nga sa pagiging Long distance ng mga ito. Subalit hindi dapat ito ang lunas o solusyon lalo na at may dalawa pa silang anak.
Kung sa pinansyal na aspeto lang ay hindi naman sila nagkukulang dahil sapat ang pinapadala nito.
Sa katunayan ay naging marangya ang buhay ni Jewel mula nang napangasawa niya si Christian. Nabibili niya ang gusto niya. Luho dito, luho doon. Pasyal dito, pasyal dyan.
Hindi niya ito pinagtrabaho para matutukan niya ang kanilang mga anak ngunit iba ang inaatupag niya.
Sa totoo niyan ay may sarili din silang bahay at may dalawang sasakyan dahil de rangko ang kaniyang mister sa barko.
Kaya labis ang pagtataka ng kaniyang pamilya dahil nagawa pa nitong magloko ng paulit ulit.
At madami ding pagkakataon at pagpapatawad na binigay ni Christian.
Nakapagtapos naman si Jewel ng pag aaral ngunit tila hindi niya ito pinapairal.
Tuwing nasa laot itong si Christian ay tila ba pusang naglalambing ito sa kaniya.
Subalit tuwing dumadaong ito at nagbabaksyon ay panay ang away nila. Parang sinasadya ni Jewel.
Nang mapagod na si Josie sa papanakit kay Jewel -- "Lumayas ka! Wag na wag kang magpapakita sa mga anak mo hayup ka!" Ito ang kaniyang pahuling sabi tsaka siya naupo at pinipilit na kumalma. Hinahabol pa din niya ang kaniyang paghinga sa bigat ng kaniyang damdamin.
Pareho silang umiiyak..
Nang kumalma na ang pangyayari.
"Anong pumapasok sa isipan mo Jewel?. Akala ko nagbago ka na at naisip mo na ang mga anak mo. Bakit Jewel? Bakit?" Umiiyak na sambit ni Josie.
Humihikbi lang si Jewel. Sugatan ang kaniyang mga kamay at mga binti sa pamamalo ni Josie. At ang pagkirot nito ay tila abot hanggang sa buto...
Pangalawang pagkakataon na ito na mahuli nila si Jewel na may kabit. Una niyang naging kabit ay ang kaklase niya nung high school matapos nilang magkita sa kanilang school alumni.
Galit na galit ang pamilya ni Jewel lalong lalo na ang mga magulang nito.
And that was 2 years ago.
Kaya ang buong akala nila ay nagtanda at nagbago na itong si Jewel pagkatapos ng mga pangyayaring yon na muntik na din nilang ika-hiwalay ni Christian.
Sobra sobra ang pagpapasensyang hiningi nila kay Christian sa panahong yon.
Sa katunayan ay si Jewel pa nga ang malakas ang loob na nanghamon ng hiwalayan kahit siya pa ang nagloko. Ganun katigas ang kaniyang mukha.
Ngunit nalagpasan nila ito dahil nakuha sa maayos na pakiusap ng mga magulang nila Jewel at Josie.
At ngayon isa na namang dagok ang idinulot ni Jewel sa kaniyang pamilya....