Pagod kong sinandal ang ulo ko sa lilim ng puno. Ito ang madalas naming pwestuhan kapag nagpapahinga at nagkukwentuhan. Busy si Deborah sa meeting nila sa school’s publication at may iba ring pinagkakaabalahan sina Tina.
Iniisip ko kung saan ako kukuha ng pera. Halos hindi na nga ako bumili sa canteen ng pagkain at tinatabi ko na lang. Minsan, may kung ano-ano pang binabayaran kaya lalong nasho-short ang pera ko.
Naglilista ako ng mga utang ko. Para naman malaman ko kung gaano kalaking pera ba talaga ang kailangang mapunta sa palad ko nang makaahon naman sa putikan na ‘to.
Binilugan ko ang na-compute na utang. Lagpas twenty thousand. Utang pa ni Papa ang iba rito na pati kami ni Mama ay ginugulo sa bahay at sinisingil. Sobrang laki na ng twenty-thousand para sa ‘kin.
Buwan-buwan nadadagdagan ang ipon ko sa karampot kong kinikita sa mga extrang trabaho. Buwan-buwan din namang nababawasan. Baka mabaliw muna ako bago ko makumpleto ang mga ito.
Nahuli ako ni Tina na umiiyak isang beses. Sa kaniya ko lang nasabi ang problema. Hindi ko masabi kay Deborah dahil kilala ko iyon. Baka ilapit pa ako kay Senyora para matulungan. Ayaw ko namang mangyari ‘yon.
Hindi namin kami magkaibigan para doon.
Ang sabi ni Tina, sa kaniya na raw ako magsabi kapag kailangan ko lalo na kung emergency. Napanguso lang ako at hindi ko rin naman gagawin iyon.
“Aray!” Napahawak ako sa aking ulo nang natamaan ng bola.
Wala na ngang pera, pati ba naman utak mawawala rin!
Galit kong inangat ang aking tingin para hanapin ang may gawa niyon. Malapit lang ito sa soccer field at bola niyon ang tumama sa ulo ko!
“Sorry!” saad ng lalaking nag-jogging palapit.
Kunot na kunot ang noo ko at medyo nag-init ang ulo nang nakita si Sean. Pawisan at basa rin ang kaniyang buhok. Kanina pa sila naglalaro ng soccer kahit hindi naman sila player ng soccer team ng school. Hari-harian talaga, eh.
Napalapit ako sa grupo nila pero hindi naman kami laging nag-uusap. Kagrupo ni Sean sina Parker, Ford, at Cole, at close sila kay Deborah.
Kaya kaming kaibigan niya ay napalapit na rin. It started with our beach trips.
“Natamaan ka?” tanong ni Sean nang nahuli ang bola.
Tusukin ko kaya iyon ng ballpen?
“Magrereklamo ba ako kung hindi?” tanong ko at dini-dismiss ang presensya niya.
“Why are you alone, anyway?” tanong ni Sean at hindi na lang dinala ang bola paalis.
“Kasi wala sila?”
Nagpatuloy ako sa pagsusulat ngunit napaangat muli ang tingin dahil hindi siya umalis. Naabutan ko siyang seryoso at parang may iniisip. Nangunot ang noo ko at nasilaw nang kaunti sa pagtingala ko dahil sa tangkad niya.
“I heard from Tina that you need some money?”
Natigilan ako. What? Nadaldal ‘yon ni Tina? At teka, mali ‘yon, ah?
I don’t need some. I need a lot!
“Para saan ba?” tanong niyang muli noong hindi ako nagsalita.
“Wrong info, Sean. Saka huwag nga kayong magpapaniwala kay Tina!”
“Ano nga? You need it or not?”
Paki niya naman? Bibigyan niya ako ng pera? Baliw yata ‘to!
Gusto kong tumawa. As in. Sira ulong lalaki. Papautangin niya ako? Eh, hindi naman kami close!
“Hindi, ‘no. Joke lang ‘yon ni Tina.” Ngumisi ako para maniwala naman siya, pero hindi natinag ang seryoso niyang itsura.
He’s really handsome, pero ayaw ko sa mayayaman. Na-develop na yata ang iritasyon ko sa kanila dahil sa mga sinasabi sa akin ni Tita Glyssa.
“How much?” Tumaas ang mga kilay niyang nagtatanong. Umirap ako at napailing.
“Papautangin mo ako? Anong bayad niyan? s*x?” sabay tawa ko.
Lalong umarko ang kaniyang kilay. Wala naman akong pakialam kung ma-turn off siya sa ‘kin! Mabuti na rin para layuan niya ako. Ayaw kong mapalapit sa kaniya.
“I’m serious, Marshiela. How much do you need?” tanong niya.
“Wala nga. Hindi ko kailangan,” saad ko at tinupi na ang papel saka inipit sa aking daliri at libro. Dinampot ko na ang bag ko para umalis na.
“Hey!” tawag niya pa ngunit tumakbo na ako palayo.
Isa lang ang naiisip ko kapag nakikita ko siya. Run. I need to run away! Run as fast as I can.
Dahil alam ko, wala akong madudulot na maganda sa mga lalaking katulad niya.
Mayaman siya, mahirap lang ako. Pinaglumaan na ng panahon ang mga katagang iyan, pero para sa akin, ramdam na ramdam ko pa rin.
Hindi ako para sa katulad niya. Hindi rin para sa akin ang mga lalaking katulad ni Sean. He’s rich and he has everything in the world. While I could barely survive each day.
Sinusubukan ko na huwag siyang seryosohin. Inaasar ko na nga siya kung minsan para ma-turn off siya. Mabilis akong makapansin sa mga nagkakainteres sa akin, at minsan tumatak sa isipan ko ang mga sinasabi sa akin ni Tita Glyssa.
Mabenta raw ako sa mga lalaki. Malaki raw ang kikitain ko kung sila ang pagkainteresan ko. With all my physical assets, maiaahon ko raw ang buhay namin sa putikan.
I know that Sean is just like those men. He’s a playboy, too. Katawan lang ang habol niyan!
Baka nga inaalok niya pa akong pautangin para lang doon. Malay ko. May mga gumawa na sa akin niyon. Alok ng bed services para sa pera. Ang babastos pa nga, eh. Pero wala akong balak na pasukin ‘yon.
Kaya hindi ko pinagkakalat na mahirap lang kami dahil ganoon ang ginagawa ng ibang lalaki tuwing nalalaman nilang nangangailangan ako ng pera. Ang alam ng iba, may business kaming patahian. Hindi nila alam, naghihingalo na iyon.
Isang beses ay naglalakad ako pauwi para makatipid. Nadadaanan ko ang computer shop. Hindi pa ako nakakalagpas doon, natigilan na ako.
May lalaking naghihintay sa labas lang niyon sa gilid. Nakatayo at nakapatong ang kamay sa counter ng dating tindahan na ngayon ay closed store na.
Bumagal ang hakbang ko at hindi maiwasang magulat. Anong...
Bago pa ako makapag-isip pa, natagpuan na ako ng mga mata niya. Mukhang kanina pa siya naghihintay at patingin-tingin.
Napaayos siya ng tayo nang nakita ako. Hindi makapaniwalang nagbuga ako ng hangin.
Anak ng teteng ka, Sean! Anong ginagawa mo rito?!
Iniwas ko ang mga mata ko at nagpatuloy sa paglalakad na kunwari ay hindi ko siya napansin. Mabilis ang lakad ko para iwasan siya. Pero mabilis din siya at agad akong tinagpo sa gitna ng lakad ko.
“Hey.”
Huwag mo ‘yang pansinin, Marshiela! Uhaw na ‘yan sa s*x! Certified tigang! Mayaman naman siya, ah? Ba’t ‘di siya magpunta sa mamahaling mga club!
“Can we talk?” tanong niya.
Nagpatuloy ako. “Anong ginagawa mo rito? Adik ka rin sa Dota, ‘no?” kunwaring tawa ko habang kunwari ay nagmamadali.
Sinundan niya ako. “I was hoping to see you. Hindi ko alam kung saan ang bahay n’yo, kaya rito ako naghintay.”
“Anong gagawin mo sa bahay? Tatadyakan kita kapag nakita kita roon!” asik ko. Subukan niyang magpakita roon. Nagpatuloy ako habang hinabol niya pa rin.
“I’ve been standing here for three hours! Don’t be so harsh,” reklamo niya.
“Sino bang nagsabing tumayo ka riyan?”
“Uy, hijo! Sabi ko sayo dadaan din iyan!” sabi ng isang matanda na napapangiti habang nagwawalis sa tapat ng bahay.
Napasapo ako sa aking noo. Nagtatanong-tanong siya?
Napangisi si Sean nang nakitang natigilan ako. Tatlong oras? Anong pumasok sa utak niya at naghintay siya riyan nang tatlong oras?
Napasinghal ako at nagpatuloy sa paglalakad. “Umuwi ka na!”
“I waited, Marshiela. Tapos papauwiin mo ako?”
“Oo, kasi hindi ko kailangan ‘yang pera mo. Naku, Sean, hindi ako magaling sa s*x! Alis!” Tinaboy ko siya.
Bigo siya nang hapong iyon. Paulit-ulit niya ring sinabi na hindi naman ‘yon ang habol niya. Ano pala siya? Nagpa-five six? Sadyang may mabuting loob?
Wala nang ganoon! Alam ko na may kapalit ‘yon.
Napahinga ako nang malalim nang sumandal sa aking pinto pagkauwi. Siguro naman hindi niya na ako guguluhin pa! Harap-harapan ko nang sinabi.
Kapag nasa school, nakikita ko naman siya. Pero mas abala ako makipagtawanan kina Tina. Magaling lang talaga akong makisalamuha kaya hindi nila napapansin. Wala rin namang sinasabi si Sean at hindi niya rin naman ako ginugulo sa school.
Akala ko nga tinigilan niya na ako, pero isang araw na napalakad na naman ako, nandoon na naman siya sa labas ng computer shop at naghihintay.
Lagi niya ba itong ginagawa? Nagbabaka sakali na sa bawat araw na ‘yon ay dadaan ako? Hindi ba siya napapagod sa ginagawa niya?
Gulat akong napatingin sa kaniya at hindi ko na talaga napigilang magtaka. Hindi ako makapaniwala sa lalaking ‘to.
“Are you really not going to talk to me?” tanong niya.
“Umalis ka na. Ano bang ginagawa mo rito? Hindi ka taga-rito!” saad ko. Matalim ko siyang tiningnan nang nagtama ang mga mata namin. “Paano kung mapag-trip-an ka rito o manakawan? Naku naman, kargo pa ‘yan ng konsensya ko. Aba, marami akong problema, huwag mong dagdagan!”
Sa halip na ma-turn off na naman sa bibig ko, nangislap pa ang mga mata niya.
“Are you worried about me?”
Napasapo ako sa aking noo. May sira ang ulo nito. Dalawang ulo. Huwag niyang sabihing ako talaga ang gusto niyang maikama?
“May sakit daw ang mama mo,” saad ni Sean noong sumeryoso at sunod nang sunod. “Naghahanap ka raw ng trabaho roon sa...”
Napahinga ako nang malalim. Napaiwas ako ng tingin. Pati ‘yon nakarating sa kaniya? Ilan ba ang tenga niya?
I tried to apply in a resto bar as a waitress. Pinasok lang ako ng kakilala ko at sabi niya ay okay naman daw siya roon bilang waitress sa ilang buwang pagtatrabaho.
“I’ll lend you money, if you need it.”
“Hindi ko kailangan.” Napaseryoso na ako. Ito ‘yon, eh. Ang sinasabi ni Tita Glyssa. Na kahit mga lalaking katulad niya ay papatulan ako. Isa siya sa mga ‘yon.
“You need it,” saad niya at pursigido pa rin.
Nanghina ako. Ganoon na ba talaga ako kaawa-awa sa paningin niya?
“At anong kapalit, huh? Isang gabi? Dalawa? Tatlo? Ayaw ko, Sean!” giit ko. Oo, magkaibigan na kami. If he’s planning to make me his f**k buddy, I don’t want it and I will never want it!
“This is not like what you think, Mila. I’m serious.”
Mariin ko siyang tiningnan. Hindi na ako nakikipagbiruan.
“I am not a charity work, Sean.”
“I like you,” saad niya nang hinila ako.
Natigilan ako. Napailing ako sa kaniya ngunit nagpalipat-lipat ang tingin sa mga mata niya. Seryoso siya nang sinabi niya ‘yon at parang handang patunayan ang binitawan niyang salita.
“I won’t follow you like a dog if I don’t like you, Mila!” saad niya. Naghihintay na naman siya sa computer shop. Doon niya lang ako nakikita bukod sa eskwelahan.
Kapag dumadaan ako rito. Naging tambay na yata siya riyan dahil sa ginagawa niya.
“You don’t. Naaawa ka lang sa ‘kin. Hindi ko kailangan ng awa na ‘yan, Sean. Magkaibigan na tayo, huwag na nating guluhin ang bagay na ‘yon,” saad ko. “Tigilan mo ito, okay? Hindi ko kailangan ang tulong mo! Ginugulo mo lang ako.”
I am nothing but a poison, Sean. Hinding-hindi babagay ang mundo ko sa mundo mo.
We are so different. Bakit ba parang hindi niya nakikita iyon?
Ilang araw din siyang walang paramdam pagtapos niyon. Tahimik ako sa eskwelahan at nakonsensya rin sa mga salita ako. Pero tama lang ‘yon. Para matauhan naman siya.
Do I like him? Yes. Is it enough? No.
And never.
It’s a s*icide mission. Ang mahalin siya ay isang madugong sugal. Halos walang porsyento kung mananalo nga ba.
Ilang beses ko rin siyang tinulak palayo. Sinubukan ko na kapag nasa paligid siya ay gumagawa ako ng kalokohan. I sometimes flirt and kiss his other friends, para naman maisip niya kung anong nakain niya at minsan niya akong hinabol. Na hindi ako para sa seryosohan.
Pero hindi ‘yon natapos doon. Hindi siya tumigil.
He was persistent. Hindi man lantaran sa mga kaibigan namin, ginawa niya ang lahat para magtiwala man lang ako sa kaniya.
Isang araw pag-uwi ko, naabutan ko si Tita Glyssa sa bahay namin. Prenteng nasa sala at kumakain pa ng ice cream.
Nangunot ang noo ko at napatingin kay Mama na panay ang buntonghininga habang sumusulyap sa orasan.
“Ma?” tanong ko at nagtataka. Kakauwi ko lang galing sa sideline ko.
Nauna nang sumagot si Tita Glyssa. Malawak agad ang kaniyang ngiti at hindi ko mapigilang magtaka.
“Oh, Marshiela! Nakauwi ka na rin! Oh, heto, tinirhan kita ng ice cream!” saad ni Tita Glyssa at nagbigay pa ng espasyo sa upuan.
Napatingin ako kay Mama pero seryoso lang ito. Nagtataka ako kung bakit may ice cream doon at mga pagkain. Wala akong maalala na may pera kami para diyan.
“Napakagalante ng manliligaw mo! Gwapo pa! Ibang-iba talaga ang kamandag mo, pamangks!” tuwang sabi ni Tita Glyssa.
“M-Manliligaw?” gulong-gulo kong tanong.
Nilahad ni Tita Glyssa ang cash at nasa sobre. Natigilan ako nang nakita ang makapal na libo roon.
“Binigyan ka talaga ng thirty thousand?! Halatang mayaman at sobrang galante! Naku, kapag napangasawa mo ‘yon, baka magbuhay reyna ka na! Hindi ka na titira sa ganitong lugar,” saad ni Tita Glyssa at malawak ang kaniyang ngisi. “Alam mo na, pamangks?”
Umahon ang galit sa akin. Ngayon pa lang ay nagtaas-baba na ang aking dibdib sa naisip.
Nanginginig kong kinuha ang nakasobre habang walang tigil ang pagsasalita ni Tita Glyssa.
“Nakuha ko na ang limang libo. Sakto dahil may babayaran ang pinsan mong si Alyza sa eskwelahan. At bumili na rin ako ng kailangan sa bahay. Nakikilagay ka naman ng pagkain sa ref, ‘di ba?” sabi ni Tita. “Nagdagdag na rin ako ng dalawang libo para sa pinsan mo.”
Nanlamig ako. Ginalaw na nila itong pera?
Mabilis kong binilang iyon, at tama nga, nabawasan na ng pitong libo!
“Mag-usap tayo, Mila,” matigas na sabi ni Mama at tumayo na at nagtungo sa kusina.
“Hayaan mo na ang mama mo. Naninibago lang ‘yon. Oh, kumain ka na. Dapat bumili ka rin ng bagong damit para naman mas mukha kang presentable,” sabi ni Tita.
Nagalit si Mama ng hapong ‘yon. Tinatanong niya ako kung bakit ganoon kalaki ang perang binigay ng manliligaw ko. O manliligaw ko nga ba talaga. Pinalaki niya ako nang maayos. Mahirap lang kami pero hindi niya gusto na gawin ko iyon.
Tuwang-tuwa rin si Papa noong nalaman na nakatanggap ako ng ganoon kalaking pera. Wala na nga siyang pakialam kung paano ko nakuha.
Si Tita Glyssa naman ay sinabing huwag ko na raw pakawalan ang manliligaw ko. Nanghihingi si Papa ng pera, para daw sa patahian kahit alam ko namang hindi niya ‘yon gagamitin doon kundi sa mga bisyo niya. Babae, sugal, at alak.
Hindi ko binigay ang pera. Iniisip ko pa nga kung paano ko ibabalik ang kinuha ni Tita na pitong libo.
Galit na galit ako kay Sean. Bakit niya ginawa ‘yon? Hindi niya ba alam kung anong ginawa niya? Iniisip nila na binenta ko ang katawan ko kapalit ng lintek na perang ‘yon.
I am so poor that thirty thousand is like a hundred thousand to me!
Kung barya lang ‘yon sa kaniya, sa akin hindi! Kung akala niya, simpleng tulong lang ‘yon, sa amin, hindi! Sapat ‘yon para makapagtayo ako ng negosyo at magbaka sakaling swertehin at makalayas sa kahirapan!
Hinanap ko siya. Nalaman kong nasa isang bilyaran siya kasama ang mga kaibigan niya. Mabuti na lang dahil wala akong balak pumunta sa bahay niya kung saan man iyon.
“Mag-usap tayo,” malamig kong sinabi nang naabutan sila sa loob.
Natigilan si Sean. Kanina ay nagtatawanan lang sila pagpasok ko sa billiard hall. Ang lalaki pa ng ngisi nila na biglang naglaho nang nakita niya ang ekspresyon sa mukha ko. His eyes went to me and he stopped for a while.
Siniko siya ng mga kalaro. Tumayo rin siya nang maayos at binigay ang tako sa kasama.
I stormed out. Lumabas na rin siya at sumunod.