"Mabuti naman at hindi siya sumama sa 'tin... Mabuti na lang din na sobrang busy niyang tao..." Sinamaan ng tingin ni Paris si Grecian dahil sa sinabi nito pero parang hindi nito iyon napansin.
"Matagal ko nang napapansin na hindi maganda ang loob niyo sa isa't isa ni Gilbert... Anong problema niyo?" Dahil sa sinabi niya ay saglit siya nitong tiningnan at saka rin naman ibinalik ang atensyon sa pagmamaneho.
"I guess it's all about you," walang alinlangan nitong sagot sa kaniya kaya nagbigay iyon ng kalituhan.
"It's all about me??" muling tanong niya dito.
"Yeah," sagot naman nito kaagad.
"Bakit ako? Ba't nasali ako?" takang tanong niya dito.
"Hindi ka naman siguro manhid para hindi malaman na gusto ka ni Gilbert, 'di ba? And now we have this secret relationship, hindi ko magawang hindi magselos lalo na kapag lumalapit siya sa 'yo... Kahit nga noong nasa Batanes pa tayo..." Nakikinig lamang siya sa paliwanag ni Grecian at bawat salitang binibitiwan nito ay naiintindihan niya.
Pareho siyang may dapat na aminin sa dalawa. Dapat niyang sabihin kay Grecian na mayroon siyang pinagdadaanang problema sa muling pagbubukas ng kaso ng kaniyang mga magulang at dapa niya rin na aminin kay Gilbert na may namamagitan na sa kanila ni Grecian. Hindi alam ni Paris kung ano ang dapat na unahin at isipin.
"Lalim naman ng iniisip mo, babe..." Naagaw nito ang atensyon niya nang magsalita ito.
"Iniisip ko lang kung saan mo ako dadalhin," pagdadahilan niya kaya agad itong ngumiti.
"Sige sasabihin ko na," naka-ngiti nitong saad kaya nakinig naman siya.
"Okay, sige. Makikinig ako."
"Noong pumunta ka sa Batanes, 'di ba sinabi ko sa 'yo na nalaman ko kung nasa'n ka dahil nagtanong ako doon sa bahay ampunan?" Tumango naman siya sa sinabi ni Grecian at saka nagpatuloy naman ito sa pagpapaliwanag.
"Inimbitahan kasi ako ni mang Kulas na maging ninong ng kaniyang magiging anak. Ngayon 'yong araw na 'yon kaya naisipan ko na sabihin sa 'yo at sabay na lang tayong pumunta do'n." Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.
"Ibig sabihin, nag-usap kayo, babe?" muling tanong niya dito. Tumango naman ito sa tanong niya.
Ang alam lang ni Paris ay nakisuyo siya kay mang Kulas para ayusin ang kotse ni Grecian pero hindi niya alam na nakapag-usap pala ang dalawa at naimbitahan pa ito na maging ninong ng anak ni mang Kulas. Hindi rin naman napag-alaman ni Paris na buntis pala ang asawa nito.
"Nakakatuwa... This is actually my first time, babe..." Dahil sa sinabi ni Grecian ay napatawa siya.
"First time mong magnininong?" natatawa niyang tanong.
"Yup!" mabilis na tugon nito.
"Alam kong gagawin din akong ninong ni mang Kulas. Ako naman, siguro, lahat ng mga bata na naulila sa bahay ampunan na nabinyagan ay nagninong na ako kaya hindi na bago 'yon sa 'kin... Nakakatuwa lang na pati ikaw ay magnininong na rin." Namamangha siya sa kaniyang mga iniisip. Masaya siya na kasama si Grecian. Ngayon, kahit na anong mangyari ay alam niyang nasa tabi niya lagi ang kaniyang nobyo.
"Matagal na bang nakatira si mang Kulas at ang asawa niya sa bahay ampunan?" Napaisip agad si Paris sa tanong ni Grecian.
"Bago ko pa malaman ang lugar na 'yon ay naroon na sila. Si mang Kulas ay isang mekaniko at ang asawa naman niya ay naglalabada. Pinayagan sila na manirahan doon malapit sa bahay ampunan dahil na rin sa awa ng mga madre," paliwanag niya. Napatango-tango naman ito.
"I love you, Paris..." Napatitig si Paris sa labi ni Grecian habang sinabi nito iyon sa kaniya. Nabibigla siya kapag ganoon si Grecian. Pakiramdam niya ay libo-libong malalambot na unan ang kaniyang nararamdaman sa magkabila niyang pisngi kapaga naririnig na niya iyon mula dito.
"I love you more..." Kaya niyang higitan ang pagmamahal ni Grecian sa kaniya at alam nito iyon. Pero ang maramdaman na naman ang bugso ng kaniyang damdamin habang nasa biyahe sila ay ibang usapan na kaya literal niyang ipinilig ang kaniyang ulo at nagbabakasakali na matanggal ang kaniyang iniisip.
"Hey, are you alright?" takang tanong nito nang mapansin ang kaniyang ginawa.
"Aah... Yeah." Pinanatili na lamang niyang kalmado ang sarili.
****
"'andito na sila!" Malayo pa lang aya narinig na kaagad ni Grecian ang sigaw ng isa sa mga bata mula sa bahay ampunan.
Ang lahat ng bata ay nakatingin sa kanila. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang paningin si mang Kulas na ngayon ay palapit na sa kanila.
"Sobrang na-miss ko sila..." Narinig niyang nagsalita si Paris.
"Mukha nga," nakangiti niyang sabi. Napatingin naman sa kaniya si Paris.
"Thank you for bringing me here, babe..." mahinahon nitong sabi sa kaniya.
"Naku! Sir Grecian, mabuti naman at hindi mo nakalimutan itong binyag ng aking panganay..." Biglang nabaling ang kanilang atensyon nang makalapit at magsalita sa kanila si mang Kulas.
Awtomatikong lumapad ang ngiti ni Grecian nang makita si mang Kulas. Karga nito ang kaniyang inaanak. Sa sobrang kagalakan niya ay hindi na niya napigilan ang sarili na purihin ito.
"Ito na ba 'yon, mang Kulas?" mangha niyang tanong na sinundan naman kaagad ni mang Kulas ng pagtango. Kitang-kita ni Grecian na hindi mawala ang saya sa mukha ni mang Kulas.
"'ayan si ninong Grecian mo, Jared..." narinig niyang sambit ni mang Kulas sa pangalan ng sanggol kaya napagluho niyang lalaki ang anak nito.
"He's a boy?" tanong niya ulit.
"Oo," natutuwang tugon ni mang Kulas.
"Can I carry him?" Naramdaman naman ni mang Kulas ang pananabik ni Grecian na kargahin ang bata kaya binigay nito iyon sa kaniya. Hindi maipaliwanag ni Grecian ang kaniyang nararamdaman nang mahawakan na niya ang kaniyang inaanak. Biglang sumagi sa isipan niya si Paris kaya agad niyang hinanap ang presensya nito. Hindi na niya napansin ang paglayo ni Paris. Nakita na lamang niya itong kasama ang mga bata na kasalukuyang nakikipag laro.
Hindi lingid sa kaalaman ni Grecian na ang pagkakaroon ng anak ay isang biyaya. Kung makakasama niya si Paris sa buong buhay niya ay nakahanda siya na kumupkop ng isang sanggol kahit na hindi ito galing sa sarili niyang dugo. Ang mahalaga para kay Grecian ay ang maging maganda ang takbo ng relasyon nila ni Paris.
Bahagya niyang hinaplos ang mukha ng sanggol gamit ang kaniyang hintuturo. Talagang nakakapagbigay ng tuwa sa kaniya ang kaniyang inaanak.
"Jared... bagay sa kaniya ang pangalan, mang Kulas," nakangiti niyang sambit sa pangalan nito.
"Si misis ko ang nagbigay sa kaniya ng pangalan." Sa isip ni Grecian ay napaka-swerte ni mang Kulas. Kahit napaka-payak lang ng buhay nito ay busog na busog naman ito ng pagmamahal.
Muli niyang hinanap si Paris at sa wakas ay nakita na rin niya ito. Kasalukuyan na itong nakatingin sa kinaroroonan niya. Isang malapad na ngiti ang kaniyang ipinakita dito.
****
Kitang-kita ni Paris kung paano matuwa si Grecian habang karga nito ang anak ni mang Kulas. Kanina lamang ay kasabay niya itong lumabas ng kotse pero mabilis namang nakalapit si mang Kulas. Isang malapad na ngiti lang ang kaniyang ginawa kay mang Kulas bago niya bigyan ng oras si Grecian para makausap ito
Kasalukuyan niya itong tinititigan. Hindi niya alam pero may kung anong bahagi sa kaniyang utak ang gustong magtanong. Sa kabila ng saya nilang dalawa ni Grecian ay hindi niya alam kung hanggang saan ang pagmamahal nito para sa kaniya. Ngayon na abot kamay na niya ito ay malaya na niyang maibibigay kay Grecian ang buo niyang pagmamahal.
May kung anong takot sa sarili si Paris na baka isang araw paggising niya ay bigla na lang magsalita si Grecian tungkol sa pagpapamilya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin kung sa sandaling ganoon nga ang mangyari ay baka agad siyang lumuha. Hindi niya gusto ang maiwan. Hindi kung kailan na mahal na niya ito ng sobra.
Bahagyang gumalaw ang kaniyang katawan nang maramdaman ang isang bata.
"Lucy?" sambit niya sa pangalan nito. Kanina nang makita niya sina Henry, Sarah, Johny at Lucy ay hindi niya maipaliwanag ang saya. Miss na miss niya ang mga ito.
"Kuya, maglalaro lang po kami nila kuya Henry... Dito ka lang po ah?" Natawa siya sa paniniguro nito. Kumpara sa tatlo, si Lucy ang medyo malambing kung kaya't ayaw nitong mapalayo sa kaniya.
Bahagya niyang ginulo ang buhok nito at saka ngumiti. Dahil doon ay agad itong umalis na may saya sa mga mata. Nakita na lamang niya itong nakikipag laro sa mga bata kabilang na sina Henry, Sarah, at Johny na kasalukuyang naglalaro.
"I brought you these!" Nagulat siya nang bigkang sumulpot mula sa kaniyang likod si Grecian.
Natawa siya nang makita ang suot nitong party hat. Alam na niya ang sagot sa kaniyang mga katanungan. Sigurado siyang may ilan sa mga bata ang nagpa-suot niyon dito. Nailipat niya ang kaniyang paningin sa dala nitong pagkain.
"Ngayon mo lang ba nakita 'tong all in one paper plate?" natatawa niyang tanong dito. Natawa rin ito sa sinabi niya.
"I never seen this before but it's actually cute," nakangiting saad nito. Alam niyang sanay ito sa pagiging mayaman kaya ganoon na lamang ang kaniyang tuwa na may kung anong pagtataka sa mukha nito.
"Akin na 'yan, alam ko naman na nahihirapan ka na diyan." Kinuha agad ni Paris ang isang paper plate na puno ng iba't ibang klaseng pagkain. Natuwa siya nang ilagay sa kaniyang ulo ang isa pa nitong dalang party hat.
"Kulang na lang ay magbitbit tayo ng party bag. Parang first birthday lang ni baby Jared." Mas lalo siyang natawa sa sinabi nito.
"Oo nga." Ang ganoong pagdiriwang ay nakasanayan na niya pero ang marinig ang reaksyon ni Grecian ay mas lalo siyang napapamahal.
"AYIEEEEEEEEEE!!!" Pareho silang napalingon nang biglang maghiyawan ang mga bata sa kanilang dalawa. Kasalukuyan silang naglalakad para umupo malapit sa mesa pero laking gulat nila pareho nang gawin iyon ng mga bata. Nahiya siya dahil doon.
Nakita naman niyang todo ngiti si Grecian. Parang gustong-gusto pa nito ang ginawa ng mga bata.
Habang nakaupo ay palihim na naramdaman ni Paris ang paghawak ni Grecian sa kaniyang kamay. Pa-simple naman niyang ngintian si Grecian. Kailangan niyang pigilan ang kaniyang kilig dahil maraming tao at alam niyang anumang oras ay baka kantiyawin sila ng mga bata.
Isang nakakapagtakang pakiramdam mulabkay Grecian nang bigla itong bumitaw sa mahigpit na paghawak sa kaniyang kamay. Tiningnan niya itong maigi at nagtaka siya kung bakit natigil ito sa pagkain. Tila nakatitig lamang ito sa kung saan. Titingin pa lang siya kung saan nakatuon ang pansin nito nang bigla naman nitong sambitin ang pangalan na hindi niya inaasahan.
"Helen?!" biglang sabi ni Grecian.