"Helen?!" Sinadya ni Helen na ngitian si Grecian. Ngiti na alam niyang may kapalit na sakit.
Nasasabik siyang makita si Grecian. Kahit si Paris ay hinding-hindi siya mapipigilan. Kitang-kita niya kung saan nakaupo si Paris. Halos magngitngit na rin siya sa galit dahil katabi nito si Grecian.
Hindi pa siya nakakalapit ay nakita niya agad na mabilis na kumilos si Grecian para puntahan ang kinatatayuan niya. Sa ilang beses na paghahabol niya ay alam niyang galit ang kaniyang sasalubungin mula sa dati niybang nobyo.
"Wala ka ba talagang balak na tigilan ako?" Maririin ang bawat salitang kaniyang naririnig mula kay Grecian. Nasasaktan siya sa ginagawa nito. Naramdaman na rin niya ang mahigpit nitong paghawak sa kaniya.
"Letting you go isn't easy. Gagawin–"
"Gagawin mo ang lahat para sirain ang meron ako ngayon, gano'n ba?" Kung ito nga iniisip ni Grecian ay wala nang iba pang dapat na isipin si Helen kundi ang paniwalaan din ito.
"Hindi ko itutuloy kung babalik ka sa 'kin," deretso niyang pahayag dito. Napangisi siya nang sandali itong mapatingin sa kinaroroonan ni Paris. Napatingin din siya at kitang-kita niya ang matinding pag-aalala sa mukha nito.
"Nahihibang ka na, Helen. Ilnag beses ko nang sinabi sa 'yo na ayoko na!" Napalakas ang boses ni Grecian at maging dahilan iyon para maagaw nilang dalawa ang atensyon ng tao pati na rin ang mga bata sa loob ng bahay ampunan.
"Sigawan ba ang gusto mo?" nakangising tanong niya kay Grecian. Dahil sa sinabi niya ay biglang nabahala ang mukha nito. Alam niyang alam nito kung ano ang kaya niyang gawin kaya hindi na rin niya hinintay pa ang pagpigil nito.
"Helen, no. Let's talk," nangangambang pakiusap nito. Huli na para kay Grecian na sabihin iyon dahil agad siyang gumawa ng isang sigaw.
"Ipagpaumanhin niyong lahat pero ang kinikilala niyong si Paris Zamora, ay isang ahas! Mang-aagaw! Malandi! At higit sa lahat, isa siyang bakla!" Habang sinasabi niya ang lahat ng masasakit na salita ay sinasabayan niya iyon nang pagduro sa kinaroroonan ni Paris. Lahat ng iyon ay tumama kay Paris.
Ang lahat ng tao sa loob ng bahay ampunan pati na rin ang mga bata na kasalukuyang tinatakpan ang bawat bibig ay dismayado. Mas lalong nangibabaw ang tuwa sa kaniyang sarili nang mapagluho kung gaano naapektuhan si Paris sa kaniyang mga sinabi.
Ganiyan nga! Dapat ka lang talaga na masaktan! Hindi mapigilan ni Helen na masamain si Paris sa kaniyang isip.
"I told you to stop!" Nagalaw ang buong katawan ni Helen nang marahas siyang hatakin ni Grecian palabas ng bahay ampunan.
"Let go!" Ramdam niya ang sakit sa sobrang higpit ng pagkakahawak nito sa kaniya kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagdaing
"Hindi ka na nahiya!" Kung akala nito ay masisindak siya sa boses nito, isang malaking pagkakamali na ginawa pa nito iyon.
"Kayo ang dapat na mahiya, Grecian! Siya ang dapat na mahiya!" Hindi pa rin niya mapigilan ang galit at saka sila nagtagisan ng matatalim na tingin.
"Hindi kita mahal! Naiintindihan mo ba?! At wala na akong balak na makipagbalikan sa 'yo!" Sa ilang beses na sinabi iyon ni Grecian ay tila nasasanay na rin ang kaniyang tainga.
"Kahit na anong paraan gagawin ko para lang bumalik ka sa 'kin!"
"Get out!!!" Sa sobrang lakas ng boses nito ay halos mabingi na siya. Ngunit walang nang sasakit pa sa nararamdaman niya sa ngayon. Hindi niya alam kung bakit si Grecian pa ang pinatulan ni Paris gayung alam nito na boyfriend ni Helen si Grecian.
"No! I won't! Hindi ako aalis nang hindi ko nagagawa ang gusto kong mangyari!" Nagsimula siyang kumilos at saka agad na naglakad papasok sa bahay ampunan. Nakita niyang naroon pa rin si Paris sa kinauupuan nito. Sakto namang nagtama ang kanilang mga mata.
Traydor ka! Sigaw ng kaniyang isipan. Wala na siyang pakialam kung sino man ang makakakita sa gagawin niya. Desidido siyang gawin ang nararapat na kalagyan ni Paris.
"Tumigil ka." Mula sa kaniyang likuran ay narinig niya ang mariin na sabi ni Grecian kasabay ng mahigpit na paghawak nito sa kaniyang braso. Hindi siya magpapaawat. Marahas niyang tinanggal ang pagkakahawak ni Grecian at muling naglakad palapit kay Paris.
Naramdaman na lamang ni Helen na walang nang nagawa si Grecian kaya mabilis siya nitong sinundan.
Ngayon ay nakatayo na siya sa harapan ni Paris. Napangisi siya. Palagi niyang tinatanong ang sarili kung anong nakita ni Grecian kay Paris. Ang pag-amin ni Grecian sa publiko ay mas lalo lang nagbigay sa kaniya ng kalituhan. Hindi rin iyon mangyayari kung hindi dahil kay Paris. Para sa kaniya ay marami ang naging problema nang dahil dito.
"Hayop ka!" Kasabay ng kaniyang sigaw ay ang malakas na sampal niya kay Paris. Dahil sa tindi ng kaniyang pagkakasampal ay nakita niya ang paggalaw ng ulo nito. Unti-unti na rin niyang nakikita ang pamumula ng pisngi nito kung saan niya ito sinampal.
Wala itong sinabi. Ni hindi ito gumawa ng kahit na anong ingay. Nakayuko lamang ito kaya mas lalo siyang nanggigil.
"I said, stop! Umalis ka na!" Akmang dadapo ulit ang pangalawa niyang sampal kay Paris nang marahas siyang hawakan ni Grecian at saka itinulak. Naging dahilan iyon para mawalan siya ng balanse sa pagkakatayo. Bigla siyang natumba. Walang tao ang may balak na tulungan siyang maka-tayo. Napatingin siya sa paligid. Wala rin siyang pakialam. Kahit ilang sampal pa ay kaya niyang gawin dahil hindi kailanman mababawasan ang kaniyang galit sa dating kaibigan.
Nagulat siya nang biglang tumayo si Paris. Tila hindi nito pinansin ang pang-aalo ni Grecian at sa kaniya mismo lumapit para itayo siya ngunit dahil sa pagtataka ay marahas niya itong itinulak.
"Layuan mo ako!" sigaw niya dito. Nakita niya sa malapitan ang mukha ni Paris. Ganoon ang Paris na kaniyang nakilala noong una nilang pagkakaibigan. Umiiyak ito habang puno ng pag-aalala sa mga mata nito.
"Nakakagulo ka lang dito, Helen. Umalis ka na." Muli niyang narinig ang sinabi ni Grecian.
Sa ngayon ay ititigil na muna niya ang panggugulo. May nakalaang araw para gantihan ang dating kaibigan. Nagmamadali siyang tumayo at saka bahagyang inayos ang sarili. Puno ng galit ang kaniyang sarili habang palayo sa lugar.
****
Alam ni Paris na wala siyang laban kay Helen. Para sa kaniya ay kaibigan pa rin ito. Kung tutuusin ay mas may karapatan ito kumpara sa kaniya na sinubukan lamang niyang maramdaman at mahalin ng dating nobyo nito at iyon walang iba kundi ang taong nakayakap ngayon sa kaniya, si Grecian.
Lahat ng pananakit ng kaniyang kaibigan ay alam niyang nararapat lamang para sa kaniya. Nabuo ang isang malaking tanong sa kaniyang isipan. Bakit kailangan niyang tiisin ang lahat kung alam niyang siya ang nagiging hadlang ng pagmamahal ni Helen para kay Grecian.
Lumuluha siya habang pinagmamasdan ang mukha ni Grecian. Nakatayo sa kaniyang harapan ang lalaking patuloy siyang minamahal. Pero hanggang kailan ang pagmamahal nito kung alam niyang patuloy siyang may masasaktan? Kung patuloy niyang masasaktan ang damdamin ng kaniyang kaibigan na si Helen? Sumagi rin sa kaniyang isipan na hindi niya rin gustong masaktan si Grecian. Kasalukuyan na siyang naguguluhan sa lahat ng bagay na tumatama sa kaniyang isip.
"Evrything will be alright, babe... 'wag ka nang mag-alala." Mas naramdaman niya ang paghigpit ng yakap nito. Mas pinili niyang panandaliang kumawala sa yakap nito at marahan na hinawakan ang kamay nito.
"Gusto kitang makausap..." Kung ano man ang nararamdaman ni Paris ay alam niyang gusto na rin niyang maging malinaw ang lahat para kay Grecian at para na rin sa ikatatahimik ni Helen.
Hindi na niya hinintay ang pagsagot ni Grecian dahil mabilis niya itong nahatak palayo sa lugar na kinatatayuan nila. Nakita ni Paris ang pagka-gulat sa mukha ng mga bata kabilang na roon sina Lucy, Henry, Sarah, at Johny. Kahit si mang Kulas ay hindi pa rin makapaniwala.
Tinungo nila ang likod ng bahay ampunan at nang mapansin na payapa na ang paligid at saka lamang siya huminto.
"Babe... What is it?" panimula ni Grecian. Hindi niya gustong magtanong pero kusa siyang dinadala ng matinding emosyon.
"I'm not happy... I love you but Helen–" Magsisimula pa lang siya pero isang malakas na boses ang kaniyang hinarap kay Grecian.
"Helen! Helen! Helen! Why do you always consider her?! Alam kong magkaibigan kayo pero alam mo rin kung anong mga bagay ang ginawa niya para mawala siya sa isip ko, 'di ba?! She had s*x with different men! Hindi ko na siya mahal, tapos ang usapan!" Nanggigil ito habang pasigaw na nagpapaliwanag. Sa unang pagkakataon ay nasaksihan ni Paris kung paano magalit si Grecian. Galit ito sa kadahilanang mahal siya nito.
"Hindi mo ako naiintindihan! Oo nagmamahalan tayo! Mahal kita! Mahal mo ako! Pero ayokong maging makasarili! Maraming babae! Patuloy kong iniisip kung hanggang–" Bawat patak ng kaniyang luha ay parang unti-unting tinutunaw ang kaniyang buong pagkatao.
"Hanggang kailan kita mamahalin?! Ganiyan ba ka-babaw ang tingin mo sa 'kin?!" Halos hindi ito makapaniwala sa mga sinabi ni Paris.
"Hindi gano'n ang ibig kong sabihin! Mahal kita! Sobrang mahal kita na kahit na anong gawin ko, kahit sarili kong kaibigan ay hinayaan kong magalit sa 'kin kasi mahal kita! Noon pa lang mahal na kita! No'ng malaman kong mahal mo ako, sinabi ko sa sarili ko na baka naman pagbigyan ko ang sarili ko na mahalin ng isang tulad mo... Kaya 'wag mong isipin na gano'n ka-babaw ang tingin ko sa 'yo..." Patuloy pa rin sa pagpatak ang kaniyang mga luha.
"Paris... Mahal na mahal kita. Nasasaktan ka dahil kay Helen–" Nagsimula itong haplusin ang kaniyang pisngi pero mabilis siyang umiwas.
"Dadating ang panahon na gugustuhin mong magka-pamilya at hindi ko alam kung kaya ko 'yong maibigay ang lahat ng gusto mo–"
"Mahal kita! Kahit na anong meron at wala ka ay mahal kita, Paris. Pinili kong mahalin ka kasi 'yon ang nararamdaman ko..." Doon lang nasaksihan ni Paris kung paano mangilid ang mga luha sa mga mata ni Grecian. Ang makita niya itong nasasaktan ay parang may unti-unting tumatarak sa kaniyang puso.
"Sobra na akong naguguluhan..." Halos mapahawak pa si Paris sa kaniyang sintido habang umiiyak. Ilang segundo siyang walang narinig na sagot mula kay Grecian hanggang sa tingnan niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata at sa sandaling iyon ay saka lamang ito nagsalita.
"Do you want me out of your life, babe?" Halos manlumo siya nang makita itong umiiyak, nang marinig niya ang munting paghikbi nito. Hindi siya nakasagot sa unang tanong nito kaya sinundan pa nito ng pangalawa.
"Iiwan mo rin ba ako kagaya nang ginawa ng nanay ko?" Sa pangalawang tanong nito ay tuluyan siya nitong niyakap ng mahigpit na tila ba ayaw siya nitong pakawalan. Parang ayaw nitong may maramdaman na distansiya mula sa kanilang mga katawan.
"Ang isipin na iiwan mo ako ay parang hindi ko na kaya... Ang iwan pa kaya kita? Maraming tanong sa isip ko pero dito," tukoy ni Paris at saka marahan silang kumawala at nagkatitigan. itinuro ni Paris ang kaniyang dibdib at saka nagpatuloy sa pagsasalita habang umiiyak.
"Dito, maraming sagot na ikaw lang ang mahal ko... Na ikaw lang daw dapat ang paglaanan nito..." Pagkatapos niya iyong banggitin ay saka niya hinayaan ang sarili na yakapin ito nang mahigpit.
"Don't even think to leave me... I can't imagine myself being happy without you." Dahil sa sinabi nito ay kusang naglandas ang kaniyang palad sa likod nito. Hinaplos niya iyon nang puno ng pagmamahal.
"Hindi ko rin naman alam kung magiging masaya pa ako kung hindi rin lang ikaw ang makakasama ko sa huli," emosyonal na pahayag niya kay Grecian. Marami pa siyang dapat na ayusin at kailangan niyang magpakatatag kasama si Grecian.
"Mahal na mahal kita, Paris," saad nito. Ngayon nalaman ni Paris na kaakibat ng ganitong uri ng relasyon ay ang matinding pagsubok na kakaharapin. Ipinapanalangin na lamang niya na bigyan siya ng higit pang lakas para harapin ang panibagong pagsubok kasama si Grecian. Lalo pa at kailangan na rin niyang magsimulang kumilos para sa pagbubukas ng kaso ng kaniyang mga magulang.
"Mahal na mahal din kita, Grecian..." Nananatiling mahigpit ang kanilang mga yakap.