"Sabihin niyong wala dito si Paris, sabihin niyong may importanteng ginawa. Basta magdahilan kayo," mahinang bilin ni Grecian.
Kasalukuyang nasa likod siya ng pinto at nagtatago. Pero bago pa siya makapagtago ay naibilin na niya sa mga bata ang dapat na sabihin kapag may naghanap kay Paris. Hindi na alam ni Grecian kung ano pa ang dapat na sabihin sa dalawang bata para makapag dahilan ito kay Gilbert.
"Pasensya na kuya Gilbert, wala siya dito eh... May inasikaso siya sa bayan. Baka pumunta sa tindahan ni nanay Celia." Hindi naman makatingin ng diretso si Henry habang nagdadahilan.
"Totoo po kuya Gilbert, nagpaalam kasi 'yon kanina na aalis daw muna siya," dagdag naman ni Sarah.
Nakita ng dalawang bata ang lungkot sa mukha ni Gilbert.
"Gano'n ba? Sige balik nalang ako bukas... Pakisabi nalang na nagpunta ako dito," mahinang sabi nito.
Napansin naman iyon ni Grecian.
"Sige po kuya sasabihin po namin," tugon naman ni Henry.
Nang makaalis na ito ay siya namang paglitaw ni Grecian mula sa likod ng pinto. Napansin naman niya ang pananamlay ng dalawang bata. Kaya kinausap niya ito.
"May problema ba?" nag-aalalang tanong niya sa dalawa.
"Kuya Grecian, hindi po kasi naming ugali ang magsinungaling. Bakit ayaw niyo na pumasok si kuya Gilbert? Eh kaibigan naman siya ni kuya Paris?" May halong pagtatampo ang boses ni Sarah.
Tinitigan niya ang dalawa at saka napa-buntonghininga.
"Ginagawa natin 'to para mas mapadali ang pag galing ni kuya Paris niyo. Kahit na hindi ko gusto 'yang kaibigan ng kuya Paris niyo, kaibigan pa rin niya 'yon kaya may karapatan siyang dumalaw. Pero sa ngayon, mas kailangan na gumaling ng kuya Paris niyo at mas mabuting tayo na muna ang magpagaling sa kanya." Dahil sa paliwanag niya ay tumango naman ang mga ito.
"Pwede po ba kaming pumasok sa kwarto ni kuya Paris?" tanong ni Henry.
Hinawakan niya ito sa kamay.
"Sa ngayon Henry, hindi pwede... Baka mahawa kayo niyan. Bata pa kayo, kaya dapat ang ginagawa niyo, palakasin palagi ang resistensiya ninyo." Pagkatapos niyang magsalita ay nakangiti niyang ginulo ang buhok ng dalawang bata.
Nagpatuloy naman siya sa pagsasalita.
"Maglaro na muna kayo dito sa baba. Magluluto lang ako ng lugaw para sa kuya Paris niyo," sabi niya sa mga ito.
Ngiti ang itinugon ng dalawang bata sa sinabi ni Grecian.
Nagsimula na siyang kumilos. Agad niyang tinungo ang kusina at mabilis na naghanap ng mga gamit na kakailanganin niya.
Isinuot niya ang nakitang apron.
Mabuti na lamang at pinalaki siyang may alam sa ganoong bagay. Natutunan niya iyon sa kaniyang ina. Isang bagay na hindi niya makakalimutan mula dito. Ipinilig niya ang kaniyang ulo nang maalala niya ang kaniyang ina.
Ilang minuto ang lumipas at maluluto na rin ang ginawa niyang lugaw. Sinadya niyang lagyan ng kaunting Karot at hiwain iyon sa pinakamaliit na bahagi para mas madaling makain ni Paris ang ginawa niya.
Nagsimula siyang maghanap ng mangkok para mailagay ang kaniyang niluto.
Napapangiti naman siya sa naiisip na magugustuhan ni Paris ang ginawa niya. Nang makahanap siya ng lalagyan ay mabilis siyang kumuha ng lugaw at inilagay sa mangkok.
Tinanggal na niya ang sinuot niyang apron. Dahil mainit-init pa ang bagong niluto ay naghanap siya ng tray na pwedeng paglagyan at nang makahanap ay mabilis niyang inilagay ang mangkok sa ibabaw ng tray.
Ngayon lang ulit niya naranasan na magluto para sa ibang tao. Binilisan ni Grecian ang kilos at agad na dinala ang pagkain papunta sa kwarto ni Paris.
"Paris?" biglang sabi niya nang makapasok na siya sa loob ng kwarto. Wala siyang narinig na tugon mula dito. Napansin niyang naka-tagilid na ito. Pero halatang giniginaw pa rin ito.
"Paris, you have to eat," mahinahon niyang sabi dito. Hindi pa rin ito sumasagot. Nakatalikod ito sa kaniya.
"Paris, Please..." Sa pangatlong pagtawag niya dito ay gumalaw ang katawan nito.
Nilingon siya nito.
"Ang a-akala ko umalis kana... Pasensiya na sa mga nasabi ko. Tapos ngayon nag-abala ka pang alagaan ako, kaya ko naman–" pinigil niya ito sa pagsasalita.
Halatang nahihirapan ito dahil sa lagnat.
"'Ayan, diyan ka matigas Paris. Kahit na alam mo nang kailangan mo na ng tulong ng ibang tao, pinagpipilitan mo pa rin na kaya mo. 'Andito naman na ako. 'Wag kang mag-alala ayos lang." Dahil sa sinabi niya, hindi na ito kumibo.
Nakita ni Grecian ang ngiti ni Paris matapos siyang magsalita.
"Salamat... Teka, ikaw ba ang nagluto niyan?" takang tanong nito at agad na napatingin sa hawak niya.
"Aah, Oo," nag-aalangang sagot niya dito.
"Sige nga tikman ko." Akmang kukunin nito ang dala ni Grecian nang magsalita naman agad siya.
"Hindi na ako magtataka na napaka independent mo, pero sana makita mo rin 'yong ibang tao na gusto kang pahalagahan..." Napahinto siya sa pagsasalita.
Tiningnan niya itong titig na titig sa kaniya. Nagsalita ulit siya.
"Ako na ang magsusubo sa 'yo at please 'wag na tayong magtalo kasi baka lumamig na 'tong niluto ko." Natawa siya sa sinabi niya.
Napangiti naman ito.
May bahagi sa isipan niya ang natuwa dahil naging dahilan din siya sa ngiti ni Paris.
Tumango na lang si Paris bilang tugon.
Nagsimula siyang subuan ito. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito. Pero sa unang subo palang niya ay bahagyang natigilan ito.
"Sigurado kang ikaw ang nagluto nito? Ang sarap..." Natawa siya sa sinabi nito.
"It's just a simple soup... yeah, I made it," tugon niya habang sinusubuan ito.
"Saan mo natutunan?" Kahit na hirap makapagsalita at masakit ang katawan ni Paris ay nagagawa nitong tanungin siya.
"My mom," nakangiting tugon niya. Tumango naman si Paris sa sinabi ni Grecian.
****
Hindi maiwasan ni Paris ang tumitig sa mukha ni Grecian. Hindi niya akalain na mag-aabala itong alagaan siya. Nakaramdam siya ng hiya dahil sa ginagawa nitong pag-aalaga sa kanya.
Ilang minuto na ang lumipas pero nanatili pa rin si Grecian sa tabi ni Paris.
"Grecian magpahinga ka na... Dumidilim na oh." Pinilit ni Paris ang magsalita kahit na apektado na ang lalamunan niya dahil sa lagnat.
Hindi rin siya makapaniwalang masarap itong magluto ng lugaw. Akala niya ay puro yabang lang ang alam nitong gawin sa buhay bukod sa pagiging isang sikat na modelo.
"No, I'll stay here beside you. Wala si tita Luming. Tatlong araw bago siya bumalik dito. Walang mag-aasikaso sa 'yo dito..." Kahit na hindi nito sabihin ay ramdam ni Paris ang pagod na boses nito.
"Saan daw siya pupunta?"
"Ang sabi ng mga bata sa kamag-anak daw." Napatango siya dito.
"Grecian sige na, magpahinga ka na," sabi niya dito at agad naman itong nagsalita.
"Ikaw ang magpahinga Paris. Kanina ka pa nagsasalita, hindi mo na pinikit 'yang mata mo," nag-aalalang sabi nito.
"Magiging maayos din ako. Malamig pero hindi naman ako makatulog." Hindi pa natatapos si Paris sa sasabihin nang bigla itong kumilos at mabilis na tumabi sa kaniya sa pagkakahiga.
"Talikod ka," agad na sabi nito. Gustong tumutol ng kaniyang utak pero hindi iyon ang gusto ng sistema sa kaniyang katawan. Dahil na rin sa pagod niyang katawan. Hindi alam ni Paris kung anong mayroon kay Grecian at agad siya nitong napapasunod sa kung ano ang gusto nito.
Tumalikod naman siya.
Nagulat siya sa sunod na ginawa nito. Isang mahigpit na yakap ang kaniyang naramdaman mula sa likod niya.
"Grecian anong ginagawa mo?" Kung wala lang siyang sakit, ay matagal na siyang napatayo sa gulat dahil sa ginawa nito.
"Para mainitan ka." Hindi siya nakaangal sa ginawa nito.
Naramdaman niya na lang ang sariling tinatanggap ang init ng katawan nito mula sa likod niya. Hindi lang iyon ang naramdaman niya kundi ang buong harap nito sa katawan.
Nailang siya sa naisip pero mas nailang siya nang mas idinikit pa nito ang katawan sa kaniya.
"Gre–" nabigla siya.
"Shhhh...'Wag ka nang magsalita. Matulog ka na." Hindi siya makagalaw sa ginagawa nito. Pero mas nagingibabaw ang kagustuhan ng kaniyang katawan na tanggapin ang init nito.
Natagpuan niya ang sarili na dinadama ang bawat pintig ng puso ng katabi. Naramdaman niyang natutulog na ito dahil sa init ng hininga nito mula sa bibig na tumatama sa batok niya.
Ba't 'di ko alam na mabait pala 'tong si Grecian? Masyado ba akong naging mapanghusga? Haaaaaayssst... May inis siyang naramdaman sa sarili sa mga naisip niya.