“T-tiya, bakit po ganito ang suot ko??” nag-aatubili niyang tanong sa Tiyahin niya nang pagsuotin siya nito ng sleeveless na hapit sa katawan niya at bahagyang kita pa ang cleavage niya. Sa baba naman ay skirt ang ipinasuot nito sa kanya na kalahati lang ng hita niya ang natatakpan.
Hindi siya kumportable sa suot niya dahil hindi siya nagsusuot ng mga ganoong klaseng damit para na rin maiwasang mabastos siya sa kanila.
“Leslie naman! Maynila ito! Ano ang gusto mo, magsuot ka ng jacket at pajama rito habang nagtatrabaho?? Ito ang usong suot dito kaya kailangan mong makibagay at makipagsabayan sa mga tao rito. Hindi ito probinsiya Leslie kaya ayusin mo yang ugali mo! Alisin mo ang hiya mo at wag na wag kang sisimangot kung gusto mong mas malaki ang kitain mo!” pinandilatan siya nito ng mga mata at muling naging mabagsik ang tono at mga tingin nito sa kanya.
“Ano po ba ang magiging trabaho ko, Tiya?”
“Malalaman mo na lang mamaya. Wag kang mag-alala. Simula ngayong gabi ay hindi na tayo magkukulang sa pera basta’t gagawin mo lang ng maayos ang trabaho mo.” Anito na nakangiti na ulit.
“Baka po kasi hindi ko kaya ang trabaho—”
“Simple lang naman ang gagawin mo. Tatayo ka lang na parang sales lady, ganoon lang!” anito at pinaupo siya hanggang sa nilagyan siya ng make-up.
Sabagay ay nagme-make up nga talaga ang mga saleslady. At kung minsan ay naka skirt lang din ang mga ito. Nasa Maynila nga pala siya, at sa Maynila ay walang umaga o gabi dahil halos hindi nawawalan ng tao sa labas at halos laging bukas ang mga establishimento.
“Ayos na yan! Tara na!” masigla na muli ang Tiya Minerva niya at inakay na siya nito palabas sa boarding house nila.
May dala itong maliit na bag at nasa loob niyon ang lumang cellphone niya.
“Tiya, wala po ba akong kailangang dalhin sa trabaho gaya ng biodata?” usisa niya rito nang nasa tabi na sila ng kalsada at nag-aabang ng sasakyan.
“Ang dami mong tanong Leslie. Wag ka nang mag-alala dahil kakilala ko ang Manager sa pagtatrabahuhan mo. Wala ka nang ibang dapat intindihin kundi ang trabaho mo.” Anito at muling ngumiti sa kanya.
May papadaan naman na taxi at nagulat siya nang pinara iyon ng Tiya niya. Alam niya kasing mahal ang bayad sa taxi kaya bakit iyon pa ang sasakyan nila?
Una siyang pinasakay ng Tiya niya at napasunod na lang siya.
Hindi niya mawari pero bigla siyang kinabahan sa dahilan na hindi niya maunawaan. At habang umaandar ng mabilis ang taxi ay lalong lumalakas ang t***k ng puso niya sa kaba.
Ano ba talaga ang magiging trabaho niya?? Saleslady nga ba talaga? Kung ganoon ay ano ang babantayan niya?
Natigil siya sa pag-iisip nang tumigil ang taxi sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanya ang hitsura kung anong klaseng establishimento iyon. Maraming magagarang sasakyan sa labas niyon at may malalaking lalaki sa tila entrance ng building na iyon. Tila nakakarinig din siya ng malakas na ingay na nagmumula sa loob na lalong nagpadagdag sa kabang nararamdaman niya. Higit sa lahat ay napansin niya ang ilang babae sa gilid ng kalsada na halos kapareho ng damit niya ang suot…
Ano ba ang lugar na iyon?? At ano ang gagawin nila doon? Hindi naman iyon mukhang tindahan o Mall…
Bumaba na ang Tiya niya at hinawakan nito ang braso niya saka siya hinila pababa. Nginisihan pa siya ng isang babaeng nadaanan nila na hindi niya alam kung bakit panay tayo lang sa gilid ng kalsada.
Pumasok na sila sa loob ng gusali habang hila-hila pa rin siya ng Tiya Minerva niya at ganoon na lang ang panghihilakbot na nadama niya nang malamang isa iyong night club. Isang lugar kung saan nagsasayaw ang mga babae na halos hubad na at pinagpipiyestahan ng mga kalalakihan na halos lumuwa na ang mga mata.
“T-tiya, bakit po tayo nandito??” puno ng kabang tanong niya at pilit hinihila ang braso niya mula sa pagkakahawak nito. Ngunit lalo lamang dumiin ang hawak nito sa braso niya at halos kaladkarin na siya papasok sa isang pinto.
“May dadaanan lang tayo para kausapin.” Seryosong sabi nito na pilit binabalewala ang pagpupumiglas niya hanggang sa nagtagumpay itong mahila siya papasok sa isang pinto.
“Siya ba??” bigla siyang napalingon nang marinig ang isang boses ng babae nang nakapasok na sila ng Tiya niya sa isang kwarto.
Medyo malaki ang babae na kaedad lang yata ng Tiyahin niya. Naninigarilyo pa ito at puno ng kolorete ang mukha.
Pinasadahan siya nito ng mapanuring tingin mula ulo hanggang paa pabalik sa mukha niya pagkatapos ay lumapit ito sa kanya at hinawakan ang baba niya. Tila ineksamin pa nito ang mukha niya at tinitigan ang dibdib niya saka muling nagsalita.
“Maganda… perfect!” bulalas nito at bahagya nang lumayo sa kanya.
Lalo naman siyang kinabahan at tila nagririgodon na ang t***k ng puso niya sa sobrang kaba.
“Sabi ko naman sa iyo, hindi ako mapapahiya saiyo. Malinis pa yan. Sariwa.” Sabi naman ng Tiya niya sabay ngisi sa kausap nitong babae.
Biglang pinagpawisan ng malamig ang mga kamay niya at tila nanginginig na ang mga tuhod niya.
Ayaw niyang isipin ang posibilidad na ibinebenta siya ng tiyahin niya ngunit ano pa ba ang posibilidad na dapat isipin niya??
“Lina!! Kunin mo na ang isang ito at ihanda na para sa bidding mamaya!” sigaw ng babae at bigla namang may pumasok na isa pang babae at hinila na siya bigla.
“Tiya, sabi niyo po saleslady ang magiging trabaho ko! Tiya! Wag niyo po itong gawin, please Tiya! Nagmamakaawa po ako!” sigaw niya habang umiiyak na siya at hinihila ng tinawag na Lina palabas sa pinto.
Nagtawanan ang Tiya niya at ang babaeng kausap nito at nginisihan pa siya ng Tiya niya.
“Tanga! May saleslady bang ganyan ang suot? Mula ngayon tiba-tiba na ako sa’yo. Hindi na masasayang ang pagkupkop ko sa iyo dahil mapapakinabangan na kita ng maayos.” Humalakhak pa ito sa kanya pagkatapos ay may ibinulong ito sa babaeng katabi nito.
“Iyan ang bagay na trabaho sa iyo. Prostitute.” Patuyang sabi muli nito sa kanya at muli siyang tinawanan ng malakas.
Umiiyak na tuluyan na siyang hinila ng babaeng si Lina palabas sa pinto.
Hindi maaari! Hindi maaaring ganitong buhay ang sapitin niya! Nagpakapagod siya sa pag-aaral at pagkayod para makakain sila ng maayos ng Tiya Minerva niya tapos magiging prostitute lang siya?? Iningatan niya ang katawan niya tapos ay kung sinu-sinong lalaki lang ang gagamit sa katawan niya kapalit ng pera?? Hindi maaari!! Mas gugustuhin niya pang mamatay nang oras na iyon kaysa ang maging püta!
Kinaladkad siya ni Lina at nang nasa kalagitnaan sila ng maraming tao ay malakas niyang kinagat ang kamay nito kaya bigla siyang nabitawan nito at agad siyang tumakbo palayo habang nakayuko. Namataan niya kanina ang pinasukan nila ng Tiyahin niya kaya madali siyang pumaroon at paglingon niya ay nakita niyang palingun-lingon pa sa paligid si Lina.
Ilang hakbang na lang ay makakalabas na siya sa pinto at buti na lang ay may isang lalaki na lang ang naroroon bilang bantay.
“Sa labas ka?” tanong nito sa kanya at nginitian niya ito at tinanguan. Marahil ay itinatanong nito kung gagaya siya sa mga babaeng nadatnan nila sa gilid ng kalsada.
Malakas ang tugtog sa loob at marami ring tao na halos lahat ay kalalakihan. Narinig pa niya ang malakas na boses ni Lina na pinipigilan siyang lumabas ngunit tagumpay na siyang nakahakbang palabas sa pinto.
“Wag niyo siyang patakasin! T@ng ina! Habulin niyo siya kung ayaw niyong malintikan!” narinig niya pang sigaw nito.