Chapter 2 – Bagong Trabaho

1050 Words
“Tiya, bakit po tayo luluwas ng Maynila?” taka niyang usisa sa Tiya niya nang bigla siya nitong utusan na mag impake ng mga gamit nila. Graduate na siya sa 2-year vocational course na kinuha niya at may trabaho na rin siya sa isang factory kaya nagtataka siya kung bakit biglaan silang pupunta sa kamaynilaan. At halatang magtatagal sila roon dahil pinaiimpake na sa kanya ang lahat ng mga damit nila. “Wag ka nang masyadong maraming tanong, Leslie! Basta gawin mo na lang ang ipinagagawa ko!” anito habang inaayos rin ang ilang damit nito na may pagmamadali. “May trabaho po kasi ako sa factory at hindi po ako nakapagpaalam ng maayos—” “Kalimutan mo na ang trabahong iyon dahil mas malaki pa ang kikitain mo sa magiging trabaho mo sa Maynila.” Paasik nitong sabi sa kanya. “Anong trabaho po iyon, Tiya?” Medyo naexcite naman siya dahil makakarating na siya sa Maynila. Lagi niya kasing pinapangarap na makapunta roon lalo pag nanunuod siya ng TV at nakikita niya ang makulay na kamaynilaan lalo na pag gabi. Kung tutuusin ay hindi naman sila gaanong malayo sa Maynila. May mga malalaking kumpanya rin sa kanila at may mga malls ngunit walang matatayog na mga buildings. Mas mabuti pala kung lilipat na sila dahil paniguradong mas malaki ang kikitain niya sa Maynila. Kailangan niya rin kasing mag ipon para mas maging maayos na ang buhay niya—nila ng Tiya niya. Sayang nga lang din dahil may mga naging kaibigan na rin siya sa pinagtatrabahuhan niya at hindi siya nakapagresign ng maayos kaya hindi niya iyon pwedeng ilagay sa resumé niya. “Basta sumunod ka na lang.” ngumisi pa sa kanya ang Tiya niya na ikinataka niya. Matagal na panahon na kasi mula nang ngumiti ng totoo sa kanya ang Tiya niya at masasabi niyang kakaiba ang ngising iyon ng Tiya Minerva niya. Pero kung anuman ang ibig sabihin ng ngising iyon ay hindi na niya inisip. Ang mahalaga ay mas magkakaroon na ng posibilidad ang pagkakaroon nila ng mas maayos na buhay pag mas malaki na ang kinikita niya. Agad na nga silang lumuwas ng Maynila at hapon na sila dumating. Dumiretso sila sa isang boarding house na may kusina, banyo at isang kwarto. Nang maayos na niya ang mga gamit nila ay kataka-takang pinagpahinga siya ng Tiyahin niya. “Leslie, magpahinga ka na muna sa kwarto. Matulog ka kung gusto mo. Gigisingin na lang kita mamaya para kumain at may lakad tayo mamayang gabi.” Nakangiti pa sa kanya ang Tiya niya kaya lalo siyang nagtaka. Ngayon na lang ulit ito naging mabait sa kanya at pinagpapahinga pa siya kaya nakakapagtaka talaga. Pero marahil ay masaya lang ang Tiya niya dahil alam nitong malaki ang kikitain niya mamaya. Hindi niya alam at wala pa siyang ideya kung ano ang magiging trabaho niya pero alam niyang mas malaki talaga ang sasahurin niya dahil mas mahal ang sahod sa Manila kaysa sa mga probinsiya. “Sigurado po ba kayo, Tiya? Ikaw po ang magluluto?” maningning ang mga matang tanong niya rito. Hindi niya maitago ang saya niya dahil parang nakikini-kinita na niya na iyon na ang simula ng mas maayos na turing sa kanya ng Tiya niya. “Oo naman. Wala namang problema sa pagkain mamaya. Marami naman ang bilihan ng ulam diyan.” Anito habang ngiting-ngiti rin sa kanya. Bigla tuloy siyang napayakap sa Tiya niya ng mahigpit na ilang taon na niyang hindi nagagawa. Hinaplos pa ng Tiya Minerva niya ang mahabang buhok niya kaya lalo niyang isiniksik ang sarili niya rito. “Salamat po, Tiya. Mahal ko po kayo.” Aniya at saglit itong tiningala. “Oh, siya, magpahinga ka na dahil magsisimula ka na agad sa trabaho mamaya.” Anito sabay tulak sa kanya ng bahagya. “Opo.” Tatalikod na sana siya ngunit bigla nitong pinigilan ang isang braso niya. “Hindi ka pa naman nagkaboyfriend, ano?” tanong nito na nagpakunot sa noo niya. “Hindi pa po..” takang sagot niya. Wala naman kasi siyang oras magkaboyfriend. Busy siya lagi sa pag-aaral niya noon at sa ilang part time jobs niya habang nag-aaral siya. May ilang mga nanligaw rin sa kanya ngunit tahasan niyang binasted ang mga ito dahil kung minsan ay naaabala pa siya sa kakulitan ng ilang manliligaw niya. Wala siyang oras sa love. At hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balak makipagrelasyon hanggat hindi niya nabibigyan ng mas maayos na buhay ang Tiya niya. “Mabuti kung ganoon!” lalong sumigla ang Tiya niya kaya napakunot-noo ulit siya. Hindi naman niya pinag-iisipan ng masama ang Tiya niya ganunpaman ay nagtataka siya kung bakit ganoon ito kasaya. “Hadlang lang kasi ang pagboboyprend na iyan sa mga pangarap mo at sa pagyaman mo. Madalas sakit lang sa ulo ang pakikipagrelasyon na iyan.” Dagdag ng Tiya niya na umasim pa ang mukha. Mukhang may masamang nakaraan ang Tiya niya sa pakikipagrelasyon kaya nito iyon nasabi. Kailan man ay hindi nagkwento sa kanya ang Tiya niya tungkol sa buhay nito noong bata pa ito hanggang sa tumanda na ito. Pero kung sa pakikipagrelasyon lang din naman ay pareho ang opinyon nilang dalawa. Tumango siya rito at muling ngumiti. “Tama po kayo, Tiya. Kaya nga po ayaw ko pang mag-boyfriend.” Aniya. 21 years old na siya pero never niyang inisip ang pakikipagrelasyon. May naging crush naman siya noon ngunit agad niyang isinantabi ang atraksiyong nadarama niya dahil wala siyang oras magkaroon ng crush. Kung inspirasyon lang ang kailangan niya ay matagal na siyang inspired dahil bata pa lang siya ay may pangarap na siyang makaahon sa kahirapan. “Sige na magpahinga ka na para may lakas ka mamaya.” Pagtataboy na nito sa kanya na may masayang ngiti sa mga labi. Masayang-masaya talaga ang Tiya niya kaya masaya rin siya. Ngumiti na lang siya sa Tiya Minerva niya at tinungo na niya ang kwarto niya. Balang araw, mabibigyan niya ng mas maayos na buhay ang Tiya niya. Hindi na siya nito palaging sisigawan at magiging mabait na ito sa kanya ng tuluyan. Marahil ay kunsumido lang talaga ang Tiya niya dahil sa kahirapan kaya ito ganoon dati sa kanya. Pero simula mamayang gabi ay magbabago na iyon. Magiging masaya na sila sa wakas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD