13

1490 Words
“KUMUSTA kayo ni Gemma? Mukhang hindi na siya hinihiwalayan ng lalaking iyon, ah?” tanong sa kanya ni Rainier. “Manok yata iyon ng mama niya, eh,” sabad ni George. “Bad news,” sabi naman ni Jillian. “Galing pa lang ang mommy ko sa mama ni Gemma. Mukhang ipinagkasundo na siya sa Greg na iyon.” “Parang tatay na niya iyon!” bulalas naman ni Kaye. “Pare, paano na kayo?” bakas ang concern na tanong muli ni Rainier kay Hector. “Kayo ba kung mahal ninyo ang isang tao basta ninyo na lang hahayaang mawala sa inyo?” sabi niya. Nagkatinginan ang apat. “Mga bata pa tayo. Pero marami namang college sweethearts na nagkakatuluyan. Kami ni Kaye, we treat our relationship as long-term,” sabi ni George. “Aw, how sweet!” tatawa-tawang sabi ni Jillian. Tumabi ito kay Rainier at ito pa ang umakbay sa lalaki. “Basta kami nito, we’re enjoying while it lasts!” “Mga bata pa tayo para mag-seryoso,” nakangising sabi ni Rainier. “Nakaka-ospital ang sobrang serious.” “Sira-ulo!” nakairap na sabi dito ni Kaye. Napailing na lang si Hector. Nasa harapan niya ngayon ang halimbawa ng dalawang relasyon. Wala siyang kinakampihan sa dalawa. Hindi niya masisisi kung walang balak magseryoso sina Jillian at Rainier pero naiintindihan naman niya kung bakit iba ang pananaw nina George at Kaye. Hindi rin nalalayo sa pananaw niya. Seryoso ang pag-ibig. Hindi laro. Pinagmasdan niya ang mga kaibigan. At natanto niyang tama ang desisyon niyang sarilinin na lang niya ang plano nila ni Gemma. BUMUHOS ang malakas na ulan. Maalinsangan ng nagdaang mga araw at hindi naman panahon ng tag-ulan kaya nakakapanibago iyon. Hindi naniniwala si Hector sa pamahiin. At kung maniniwala man siya, gusto niyang isipin na biyaya ang hatid ng ulan at hindi malas. Sumilong siya sa maliit na bubong sa harap ng tindahang kinatatayuan niya. Doon niya hihintayin si Gemma. Doon ang usapan nila. Sinulyapan niya ang oras. Maaga pa naman. Sadya nga lang niyang inagahan ang punta doon dahil ayaw niyang mauna si Gemma. Baka kapag hindi siya nito nakita ay magbago ito ng isip at umalis. Wala siyang kaba na hindi siya sisiputin ni Gemma. Malinaw ang usapan nila. At malaki ang tiwala niya sa dalaga na kaya nitong panindigan ang salita nito. Dahil sa lakas ng ulan kaya nagkaroon ng mabigat na trapiko. Sumapit ang takdang oras ng usapan nila subalit wala pa si Gemma. Inisip ni Hector na na-traffic lang ito. Lumipas ang limang minuto. Sampu pagkatapos ay naging labinglima. May umaahong kaba sa dibdib ni Hector pero ayaw niyang pansinin iyon. Panay na ang sulyap niya sa relo. Mas nakatuon ang pansin niya sa panghahaba ng leeg upang matanaw si Gemma kesa sa pamimitig ng binti niya sa matagal nang pagkakatayo doon. Eksakto nang kalahating oras na lagpas sa usapan nila ay hindi pa rin niya natatanaw ang dalaga. Malakas na ang kaba ng dibdib niya. Hindi na niya kayang ignorahin pa ang tila tinatambol na dibdib niya. Then he had glimpse of her. Kahit sa malayong distansya ay makikilala niya si Gemma. Parang bulag naglaho ang kanyang kaba at napalitan iyon ng rumaragasang tuwa. Dumating si Gemma! Binalewala niya ang malalakas pang pagpatak ng ambon at nilapitan na ito. “Akala ko, hindi ka na darating,” sabi niya. “Nangako ako, Matt. Na-trapik lang ako.” Ilang sandali pa at lulan na sila ng taxi. Magkatabi sila at magkahawak ang mga kamay. Tikom ang bibig ni Gemma. At siya man ay isinantabi muna ang mga nais sana niyang sabihin. Sa mga sandaling iyon, sapat nang magkasama sila. Inabot sila ng isang oras bago sila huminto sa tapat ng bahay nila. “Baka hindi tayo tanggapin ng mama mo,” may pag-aalalang sabi ni Gemma habang binubuksan niya ang gate. May sarili siyang susi kaya hindi na niya kailangang tumawag pa. “Huwag mong isipin iyon. Ako’ng bahala.” Bantulot na bumungad si Gemma sa bahay. Tahimik na tahimik doon. Nahulaan niya agad na wala ang mama niya. Karaniwan nang lumalabas ito kapag umingit ang gate. “Pasensya ka na dito sa bahay, ha? Hindi ito kagaya ng bahay ninyo. Mansyon ang inyo, eh.” “Walang problema, Matt.” Napatda siya. Matt. Soon, she would find out who he really was. Pakiramdam niya ay iyon na ang pagkakataon upang ipagtapat niya kay Gemma ang totoo sa pagkatao niya. Inaya niya ito sa kusina. “Kumain muna tayo. Tiyak na gutom ka rin. Ang aga ko kanina doon. Ayoko kasing paghintayin ka.” “Nasaan ang parents mo?” sa halip ay tanong nito. “Mamayang gabi pa ang dating ni Papa. Si Mama, malamang na may pinuntahang kliyente. Mahilig iyong mag-ahente.” Naghain siya. Masinop sa pamamahay ang mama niya kaya kahit anong oras ay mayroong nakahandang pagkain. Nagtimpla pa siya ng juice. “Kain muna tayo, Gem.” Kumain ang dalaga. Kagaya niya ay gutom din ito. Pero matapos ang ilang sunod-sunod na subo ay naging tamilmil ito. “Bakit?” pansin niya agad. Tumingin ito sa kanya. “Natatakot ako, Matt. Tiyak na maaalarma si Greg. Nagpaalam ako sa kanya na may special exam ako ngayon. Sabi ko, tatlong oras ang exam. Kapag natapos ang tatlong oras, hahanapin na ako noon.” Tumiim ang bagang niya. “Si Greg pa rin ba ang nasa isip mo? Ako na ang kasama mo, ah?” “Hindi naman sa ganoon. Tiyak na magsasabi agad si Greg sa mama ko. At doon ako natatakot. Tiyak na babawiin din ako sa iyo kahit na nagtanan pa tayo. Baka masundan tayo dito.” Ilang sandali siyang hindi kumibo. Nakatitig lang siya sa kawalan nang mahagip ng tingin niya ang sabitan ng mga susi. “Alam ko na,” sabi niya mayamaya at ilang sandali pa ay palabas na silang muli ng bahay. NAGPUNTA sila sa bahay ni Tito Deo. Pinsan iyon ng mama niya at ilang bloke lang ang layo sa bahay nila. Walang tao doon dahil kaalis lang nito noong isang araw. Foreman iyon sa isang construction company at kadalasang sa malalayo ang tanggap na trabaho. Dalawang beses sa isang buwan ang karaniwang uwi nito, minsan nga ay hindi pa kaya iniiwan sa kanila ang susi ng bahay. Sinisilip na lang nila iyon habang wala ito. “Kanino bahay iyan?” tanong ni Gemma nang papasok sila doon. “Sa pinsan ng mama ko. Wala siya dito, nasa trabaho niya. Hindi pa uuwi iyon.” “Wala ba siyang kasama diyan?” Umiling siya. “Matandang binata si Tito Deo.” Isinara niya ang pinto at nilagpasan nila ang sala nang makapasok sila. “Pasensya ka na kung medyo maalikabok. Mamaya, magpapalis ako. Hindi tayo magbubukas ng bintana, ha? Para kunwari wala pa ring tao dito. Diyan ka muna. Uunahin kong ayusin ang kuwarto.” Dalawa ang kuwarto ng bahay. Ang binuksan niya ay yaong hindi ginagamit ni Deo. Malinis din naman iyon. Kailangan lang ng kaunting walis at paspas. Ganoon nga ang ginawa niya bago binuksan ang cabinet at kumuha doon ng kobre-kama at punda. Maayos na ang silid nang imbitahan niya doon si Gemma. Hindi agad pumasok si Gemma. Nakatingin ito sa kanya na tila nagtatanong kung tama o mali ang gagawing pagpasok doon. Bahagya niya itong hinila at nagpatangay naman ito. Sa loob ng kuwartong iyon ay para silang ibinukod mula sa mundong ginagalawan nila. Hindi rin niya binuksan ang bintana doon. Maliwanag pa naman kaya hindi rin kailangang magbukas ng ilaw. Ayaw niyang isipin ang pagsapit ng gabi. Ang mahalaga ay ang sandaling ito na magkasama sila ni Gemma. Tinabihan niya si Gemma na nakaupo sa paanan ng kama. Magkasalikop ang mga pala nito at nakayuko. “Natatakot ka pa rin ba?” masuyong tanong niya dito. Iyak ang isinagot ni Gemma. At siya naman ang nakadama ng takot. Kung sasabihin ni Gemma na gusto na nitong umuwi sa mga oras na iyon ay hindi niya alam kung ano ang isasagot niya. Ang gusto lang niya ay ipaglaban ang pag-ibig nila. Ayaw niyang magkahiwalay sila kaya inaya niya itong magtanan na sila. “Ikaw ang pinili ko, Matt,” mayamaya ay sabi ni Gemma, umiiyak pa rin. “Ito na ang pinakamalaking desisyon ko sa buhay ko. Natatakot ako pero ginawa ko. Matt, kaya ba nating panindigan ito?” puno ng luha ang mga matang nag-angat ito ng tingin sa kanya. Sinapo niya ang pisngi nityo at pinahid ng kanyang mga daliri ang luha. “Papanindigan natin, Gem. Alam kong kailangan nating magsakripisyo nang kaunti pero hindi tayo susuko.” Ginawaran niya ito ng halik sa mga labi. “Maraming salamat, Gem. Ako ang pinili mo.” “I love you,” pasigok na sabi ni Gemma. “Mahal din kita, Gem. Mahal na mahal na mahal.” He kissed her again. At sa pagkakataong iyon ay hindi agad na lumayo ang kanyang mga labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD